HINDI patatahimikin ni Ali ang buhay ni Jasmine. Sa una pa lamang, dapat ay alam na niya iyon. Halata niya ang determinasyon ni Ali. Hindi ito susuko. Pero para kay Jasmine, hindi na naman talaga kailangan na mag-effort ng lalaki. Sa pagkakita pa lamang niya rito muli, gumulo na ang buhay niya.
Madali lamang bumalik ang damdamin. Nakakapa na niya iyon kahit mahigit isang linggo pa lamang naman simula nang bigyan niya ng pagkakataon si Ali. Mali iyon. Ang totoo, isa sa mga dahilan kung bakit niya binigyan ng pagkakataon si Ali ay para palayuin ito. Binibigyan niya ito ng maraming dahilan para tigilan na siya. Pero kahit gamitin niya pa ang Diyos, mas malaki ang determinasyon ni Ali. Pinapatunayan nito na totoong may nararamdaman pa rin ito sa kanya.
Naniniwala si Jasmine na magaling siyang guro. Pero kung talagang magaling siya, bakit hindi niya maggawang turuan ang sarili na huwag maapektuhan sa ginagawa ni Ali? Bakit hindi niya maggawang turuan ang sarili ng tama?
Ganoon pa man, nagtitiwala si Jasmine na may hangganan rin ang kabaliwan ni Ali. Pahihirapan niya ito. Gagawin niya ang lahat para sumuko ito.
Ngayong araw ay pumayag siya na lumabas muli sila ni Ali. Susubukan niya ang pasensya at lakas nito. Dinala niya ito sa Divisoria. Sa halip na sumimangot dahil sa dami ng tao, ang laki pa ng ngiti ni Ali.
“A whole new world again?”
Ngumisi si Jasmine. “Say that again later,”
“I will always enjoy everything when I am with you, Jasmine. Mahirapan, mainitan o mapagod man ako, masaya ako kasi kasama kita.”
Pinigilan ni Jasmine na huwag magpaapekto sa mabubulaklak na salita. Pero gaano man niya pilitin, lumikot pa rin ang taksil niyang puso.
Hinawakan ni Ali ang kamay ni Jasmine. Napasinghap siya. Tumingala siya rito para pagalitan ito. Pero nang ngumiti ito ay naumid bigla ang dila niya. Nangibabaw ang sarap na nararamdaman niya sa hawak nito. Hinila na siya ni Ali ay parang wala pa rin siya sa tamang isip.
Hindi dapat in-enjoy ni Jasmine ang lahat. Pero mali rin siguro siya. Pinahihirapan niya si Ali pero mas pinahihirapan niya ang sarili niya. Pinipigilan niya ang nararamdaman niya. Tinitiis niya na maging masaya.
Hah! Bahala na nga. Nasa isip-isip ni Jasmine. Hindi na muna niya pinigilan si Ali sa ginagawa nito. She tried to please herself with the warm of his hands. Baka kapag nagtagal, magsawa rin siya. Kapag nagkaroon na siya ng dose ng kaunting saya, baka tumigil na siya sa kanyang kahibangan.
Pero naging mabilis lang ba ang saya kaya nairita si Jasmine? Siksikan sa Divisoria kaya nabitawan rin ni Ali ang kamay niya kaagad. Hindi sila puwedeng magtabi habang naglalakad na para bang nasa parke. Pero ginamit na lang ni Jasmine ang inis para gawin ang tama. Nagsimula siyang mamili. Sinagot ni Ali ang lahat ng bibilhin niya, mula sa gastos pati sa pagbubuhat. Namili siya ng mabibigat na bagay. Kurtina, bedsheet at kung anu-ano pang pang-display. Walang reklamo si Ali. Mukhang masayang-masaya pa ito kahit may kamahalan rin ang mga binibili niya.
Lumalala ang inis ni Jasmine. Hindi talaga effective ang lahat. Alam niya na may mali rin naman siya. Kilala niya si Ali. Gusto nitong makita ang mundo ng mga simpleng tao---ang mundo na malayo sa mundo nito. Pero naisip ni Jasmine na kung sa mayayaman na mall niya dalhin si Ali ay baka maging kontrobersya iyon. Kilalang tao si Ali sa mayayaman kaya may pag-asa na makikilala ito roon. Hindi kagaya ng Divisoria na malayong pumunta ang mga kalahi nito. Isa pa, mas mapapahirapan niya si Ali kung sa Divisoria sila pupunta. Walang push cart sa Divisoria hindi kagaya sa mall para mapagaan ang dalahin. Kung uupa naman sila ng kargador, delikado rin. Hindi nila kilala ang mga tao. Paano kung masasamang loo bang makilala nila?
“Another batch?” tanong ni Ali nang dalhin muna nito sa kotse ang pinamili. Mukhang game na game pa ito.
Gustong mapapadyak ni Jasmine. Ano pa ba ang magagawa niya para tigilan siya ng lalaking ito? Nawawalan na siya ng ideya.
Pero ang tanong, gusto rin ba niyang sumuko ito? Hahayaan ba niyang mawala muli ang kasiyahan na kay Ali lang niya nararamdaman?
Mali ang lahat. Bukod sa huli ng dumating si Ali sa buhay niya, isinara na niya ang pinto para rito. Mali ang mahalin ito. Nadala na siya. Hindi na niya hahayaan na apakan ang pagkatao niya dahil lang sa ipinanganak siyang mahirap. Ipinanganak siya sa magulang na hindi naman niya gusto.
Huminga nang malalim si Jasmine. “Kumain na lang tayo.”
Nagliwanag ang mukha ni Ali. May sinabi itong restaurant na nadaanan daw nila kanina. Mukhang masarap raw doon. Pinagbigyan niya ito sa gusto. Si Ali ang nanguna sa paglalakad dahil ito ang may alam ng nadaanan lang na restaurant.
“Wait lang,” tumigil si Ali sa paglalakad. Kumunot ang noo niya nang makitang sa harap sila ng antique store nakatigil. Sumilip si Ali roon. Dahil na-curious, tinignan rin ni Jasmine ang sinisilip ni Ali.
Naging malakas ang kabog ng puso ni Jasmine. Pamilyar sa kanya ang gamit na tinitignan nito. “That’s your golden lamp!”
Kumunot ang noo ni Ali. Tumingin ito sa kanya. “That’s not.”
Dinuro ni Jasmine ang lampara. “Iyan `yun! See? I’m not the one who stole that damn lamp of yours!”
Halos sumigaw si Jasmine. Kamukha iyon ng lampara na inakusa ng pamilya nito na ninakaw niya mula sa mga ito. Ngayong nakita na iyon, baka malinis na ang pangalan niya. Hindi na siya puwedeng i-blackmail ni Ali. Hindi totoo ang lahat ng akusa sa kanya.
Umiling si Ali. “Calm down, Jasmine. Hindi nga `yan iyon.”
“I don’t have it. I never have it,” depensa ni Jasmine sa sarili. Naiiyak na siya. Sa pagbanggit sa lampara ay pagbabalik ng masasakit na pakiramdam sa kanya. Pinapaalala noon ang masakit na nakaraan.
Niyakap ni Ali ang nag-uumpisang manginig na katawan ni Jasmine. “I believe you…”
Nanlalaking tumingala si Jasmine kay Ali. Totoo ba ang naririnig niya? Ano ang nagpabago sa isip nito? Bakit naniniwala na ito sa kanya ngayon?
Parang napaka-imposibleng nagkaroon lamang ito ng realization. May iba pang dahilan bukod roon. Gusto niyang malaman. Pero sa lahat, iisa lang ang nangingibabaw na pakiramdam kay Jasmine. Panghihinayang.
Bakit ngayon mo lang sinabi ang mga salitang ito, Ali?
“IPINAPATAWAG ka ni Sir Ali sa kuwarto niya. May mali ka raw na naggawa sa pinapalinis niya sa `yo kagabi!”
Sa galit na utos ng Tiyahin ay tila nagalit rin ang puso ni Jasmine. Lumakas ang tibok ng puso niya pero hindi sa kaba. Nanabik siya. Pero kagaya ng inaaral niya simula nang maging opisyal ang relasyon nila ni Ali, pinigilan niya ang kiligin. Hindi dapat malaman ng Tiyahin na may iba talagang dahilan kaya siya pinapapunta ni Ali sa kuwarto nito.
Yumuko si Jasmine. “Sorry po. Pupunta na po ako roon para ayusin ang gulo.”
“Dapat lang! Nakakahiya ka, Jasmine! Si Sir Ali pa naman ang nag-sponsor sa pagpapa-aral sa `yo tapos ganyan lang ang ipapalit mo?”
Hindi nagsalita si Jasmine. Nang humupa ang galit ng Tiyahin, umalis na siya sa maid’s quarter na kaiba pang building mula sa mansion. Umakyat siya sa second floor kung nasaan ang kuwarto ni Ali.
Nang pagbuksan siya ni Ali, isinarado kaagad nito ang pinto. Inilagay nito ang kamay sa baywang niya. Sa gulat niya ay bigla rin siya nitong binuhat.
Napatili sandali si Jasmine. Tinakpan niya kaagad ang bunganga sa pagkapula. “Oh no---“
Tumawa si Ali. Kinindatan rin siya nito. “`Wag kang mag-alala. Sound proof ang kuwarto ko.”
“Ibaba mo ako, Ali. Natatakot ako---“
“Why so? Hindi naman kita ilalaglag. And if you ever, I will always catch you when you fall…”
Inihiga siya ni Ali sa kama. Humiga rin ito sa tabi niya. Niyakap siya nito.
“Ali…” Nakaramdam ng panginginig si Jasmine. Gusto niya ang nararamdaman sa hawak ni Ali. Pero naalala niya ang nangyari kagabi kung saan inihiga at niyakap rin siya nito sa kama.
Last night, Jasmine was asked to clean Ali’s room. Nabasag daw ng lalaki ang malaking frame sa kuwarto nito. Pero sa halip ay niloloko lamang pala siya ni Ali. Pinapunta siya nito roon para mahalikan nito. A kissed that made them both breathless and in fire. Muntik na silang makalimot kagabi.
Hinalikan ni Ali ang ulo ni Jasmine. “I just want you to be here. I feel sad.”
“Dahil sa nangyari kagabi?” nakagat ni Jasmine ang ibabang labi. “I’m sorry about it. Pero naiintindihan mo naman `di ba? Hindi sa dahil wala akong tiwala ako. I-its---“
“It’s improper. Naiintindihan ko. Ako ang dapat mag-sorry kagabi. Muntik na rin akong makalimot. But I feel bad today. I feel like I need to be with someone. I want it to be you.”
“May problema ba?”
Hindi sumagot si Ali. Tumayo ito ng kama. Mula sa cabinet na nasa loob rin ng kuwarto nito ay may kinuha ito. Dinala nito iyon sa kama at ipinahawak sa kanya.
Nanlaki ang mata ni Jasmine. “I-it’s a golden lamp.”
Ngumiti si Ali. “Pero wala `yang genie. Hindi ka puwedeng mag-wish…”
Hinaplos ni Jasmine ang lampara. Napakakinis at may kabigatan rin iyon. Sa unang tingin pa lamang ay mahahalata ng mamahalin iyon.
“Anong rason kung bakit mo ipinakita ito sa akin? Parang ang mahal-mahal nito. Hindi ka ba natatakot?”
Kumunot ang noo ni Ali. “Bakit ako matatakot?”
Nakagat ni Jasmine ang ibabang labi. Hindi siya sanay na pakitaan ng mamahalin na bagay. Takot ang mga taong nakakilala nang tunay na siya na gawin iyon. Naniniwala ang mga ito na kagaya rin siya ng ama. Magnanakaw siya. Kung ano raw ang puno, siya ang bunga. Kinasawaan niya ang kataga na iyon sa paglaki niya.
“Well, go on.” Nasabi na lang ni Jasmine. Alam ni Ali ang nakaraan niya pero hindi iyon nakaapekto sa pagtingin nito sa kanya. Pinagkakatiwalaan siya nito. Napakasuwerte niya sa lalaki.
“This lamp has a very big significant to me.”
“Dahil mahal ito?”
“Well, it cost thousands of money. Binili pa ito ni Daddy sa isang mamahaling antique shop sa Saudi Arabia. Ibinigay niya ito sa akin bilang pag-alala sa fairy tale na ipinangalan sa akin. Rapunzel, my sister, saw this. She loved it. She played with it.”
“Seryoso ka ba? Hinayaan mo na gawing laruan ng bata ang ganitong kamahal na bagay?”
“Wala iyon sa akin. Ang mahalaga, mapasaya ko si Rapunzel. Our family loves fairy tales. Lalo na si Mommy. Habang pinagbubuntis niya si Rapunzel, ang pelikula ang palaging pinapanood niya. Kaya kahit may lahing Arabo si Daddy at Half-British naman si Mommy, ipinangalan niya si Rapunzel sa pelikula.”
“And just like in the story, ninakaw rin siya.”
Tumango si Aladdin. “It might be a bad coincidence. Nagkatotoo ang nangyari sa fairy tale. I got bad feelings about fairy tale then…until I met you, my jasmine.”
Namula si Jasmine. “Corny,”
“Ours is a beautiful fairy tale. Unlike my sister---“
“May happy ending rin si Rapunzel. Makikita niyo rin sila muli.”
“It’s been years…” bumuntong hininga si Ali. Hinawakan nito muli ang golden lamp. “Importante ang lampara na ito sa akin hindi dahil sa mahal ito. It always reminds me of her.”
“You really love your sister…”
“Of course. Madalas ay nahihiling ko na sana ay ito rin ang golden lamp na nakuha ni Aladdin. Sana ay puwede rin ako na makapag-wish. Sana ay may Genie. I want to see her back. I want our family to be complete again. Nalulungkot ako lalo na at malapit na naman ang anibersaryo ng araw ng pagkawala niya…”
Umiyak si Ali kay Jasmine ng gabi na iyon. Naawa siya sa lalaki. Naramdaman niya ang sakit na nararamdaman nito. Halos mapaiyak na rin siya. Pero bago niya mapagawa ay pinaalis na siya ni Ali. Baka mahalata na raw sila ng mga tao sa mansion. Tumatagal na siya sa loob ng kuwarto.
Bago bumalik si Jasmine sa maid’s quarter ay dumaan muna siya sa kulungan ni Rajah. Napuntahan na naman niya ito kanina dahil pinakain niya. Pero routine na rin niya na bago matulog ay binibisita ang alaga.
Nang makitang wala si Rajah sa kulungan nito ay nakaramdam ng takot si Jasmine. Bukas ang kulungan ni Rajah. May kumuha sa pusa niya o nagpakawala. Sigurado siya na isinara niya iyon kanina.
Hinanap ni Jasmine si Rajah sa paligid at sa buong mansion. Pero kahit tinulungan na siya ng ilang kasambahay, wala ng Rajah sila muling nakita…
“GUSTO mo rin ba na maggaya sa pusa mo?”
Nanginig si Jasmine nang pagkatapos ng tatlong araw pagkatapos ng pagkawala ni Rajah ay nakuha niya ang sulat na iyon sa loob ng bag niya. Ibig sabihin ng lahat, plinano ang pagkawala ng pusa niya. May nagligaw o ang masama, pumatay rito. Magiging ganoon rin ba ang kapalaran niya? Pero bakit? Anong naggawa niyang masama para parusahan siya ng ganoon?
Wala ng nakakita pa kay Rajah. Nalaman rin ni Ali ang tungkol sa nangyari pero kahit ito ay walang naggawa sa pagkawala ng pinakamamahal niyang pusa. Wala rin sila na maituro na suspek. Pero ang tanging sigurado, nakatira lang rin iyon sa bahay. At kung sino man ang nagpadala ng sulat ngayon kay Jasmine, nakatira rin iyon sa mansion ng mga Fehr. Kakalinis lang niya ng bag niya kahapon. Wala iyon roon.
Sa pagkakaalam ni Jasmine ay wala siyang kagalit sa mansion. Ginagawa niya nang maayos ang trabaho niya sa kabila ng pag-aaral niya. Mabait rin naman sa kanya ang mga tao roon. Tanging ang tiyahin lang niya ang madalas na pinapagalitan siya. Pero hindi naiisip ni Jasmine na magagawang palayasin ng Tiyahin ang kanyang pusa. Tinanggap na nito si Rajah. Ngayon pa ba samantalang noon pa naman ito umaayaw? At ang tungkol sa sulat ngayon, hindi naman siguro sapat ang inis ito sa kanya para palayasin o may gawin na masama rin sa kanya.
Iisa lang ang alam ni Jasmine na naggawa niyang mali. Iyon ay ang makipaglapit at mahalin si Ali. Sikreto ang relasyon nila dahil na rin sa pakiusap niya. Bata pa siya. Mali pa para makipag-relasyon siya. Ano ang iisipin ng mga nakakilala sa kanya? Ng tiyahin niya? Lumalandi siya sa panahon na dapat ay nag-aaral pa siya. Isa pa, natatakot siya sa magulang ni Ali. Paano kapag nalaman ng mga ito ang lahat?
Bihira lang makita ni Jasmine ang mag-asawa para makilala ang mga ito. Wala naman daw dapat ipag-alala si Jasmine ayon kay Ali. Sagot siya nito sa magulang nito. Pero iba pa rin ang pakiramdam ni Jasmine. Napakalayo ng agwat nila ni Ali. Parang kagaya lang rin sila ng mga nasa teleserye na napapanood. Natatakot siyang na kapag nabunyag ang lahat, paglalayuin rin sila. Wala pa siyang nararating para ipagmalaki siya ni Ali. Ni ito pa nga ang nagpapa-aral sa kanya. Darating rin ang tamang panahon para sa kanila. Pumayag naman si Ali sa gusto niya.
So far, maayos naman ang relasyon nila ni Ali sa ganoon. Pero mali pa rin. Sa mga nangyayari ngayon, napapagtanto na niya ang ginagawa.
Mali na makipagrelasyon si Jasmine kay Ali. Pero sadyang masarap talaga ang bawal…
Pumasok si Jasmine ng klase sa kabila ng natanggap. Pinilit niyang huwag alalahanin ang natanggap na sulat. Nang pauwi na siya, nakita niya ang sasakyan ni Ali. Sinundo siya nito. Mahahalatang tumakas na naman ito sa body guards nito. Mag-isa lamang ito.
“Hey, you look sad.” Hinaplos ni Ali ang mukha niya. “May problema ba sa school?”
Umiling si Jasmine.
“Masama ba ang pakiramdam mo?”
Umiling muli si Jasmine. Paano ba niya aaminin rito ang lahat? Ayaw niyang mag-alala ito.
“Must be just a bad mood. Let’s have an ice cream.”
Umiling si Jasmine. “Gusto ko ng umuwi,”
Napakurap si Ali. “I escape the body guards, Jasmine. It’s been a hard work. Baka naman puwede mo akong pagbigyan---“
Ipinikit ni Jasmine ang mata. “Napapagod na ako.”
“N-napapagod? Saan?”
Nang imulat ni Jasmine ang mata, titig na titig si Ali sa kanya. Nasasaktan si Jasmine nang makitang may lungkot roon. May takot rin. Pero kailangan na subukan ni Jasmine. Habang maaga pa. Habang hindi pa ganoon kalalim ang lahat.
Ano ba kasi ang nasa isip niya at hinayaan niya ang sarili na maging maligaya kasama si Ali? Napakalayo ng mundo nila.“A-ano sa tingin mo kung maghiwalay tayo?”
Nanlaki ang mata ni Ali. “Sabihin mong niloloko mo lang ako!”
“Ali, mali ang relasyon natin.”
“Paanong mali? Nagmamahalan tayo! Kapag nagmamahalan ang dalawang tao, tama iyon!” galit na si Ali. “Ilang beses ko bang sasabihin na balewala sa akin kung ano ka? Wala akong pakialam kung mahirap ka at mayaman ako. Wala akong pakialam sa pinagmulan mo. Gusto kita. Mahal kita. All of our differences should be damned!”
Yumuko si Jasmine. “I-uwi mo na lang ako…”
Sinunod ni Ali si Jasmine. Pero ramdam niyang galit ito. Iyon ang unang beses na nakita niyang galit si Ali. Nasaktan niya ito. Nasasaktan rin naman siya. Pero sa tingin niya ay kailangan niya ng gawin ang tama.
Sa ginawa ni Jasmine ay pinalayo nga niya si Ali sa buhay niya. Lumipas ang tatlong araw na hindi ito nagpakita sa kanya, tumawag o nagtext man lang. Doon niya napagtanto na mas mali kung papaalisin niya si Ali sa buhay niya. Mahal niya ito. Ipaglalaban niya dapat ang nararamdaman niya rito. Mahirap para sa kanya ang paglayo nito.
Pero bago pa maggawa ni Jasmine ang pakikipag-ayos kay Ali ay inunahan na siya ng masamang balita. Pag-uwi niya galing sa klase ay may gulo sa mansion. Itinuturo si Jasmine bilang may gawa ng lahat ng iyon. Sa unang pagkakataon rin, naggawa niyang makaharap ang magulang ni Ali. Madalas kasi ay natatanaw niya lamang ito. Naroroon rin ang si Ali. Nakapalibot ang mga kasambahay sa maid’s quarter.
“You’re really leaving,” wika ni Ali. Nakatingin ito sa maleta na nakalagay sa kama niya. Nakabukas iyon. Sa loob ng nakabukas na maleta ay makikita ang gintong lampara na ipinakita sa kanya ni Ali. Nakita niyang may mga tao na kumukuha pa ng larawan sa tagpo.
“A-ano?!” nanlalaki ang mata ni Jasmine nang makita ang kaguluhan. Nakilala niya ang ilang nakalagay sa maleta. Mga gamit niya iyon. Gulong-gulo si Jasmine.
“She’s leaving with the golden lamp! She stole your golden lamp!” nahihindik na wika ni Mrs. Fehr. Sinasabunutan pa nito ang kulay gintong buhok nito sa pagkainis.
“N-no…” Hindi alam ni Jasmine kung paano napunta ang lampara sa gamit niya. Ni kung paano napunta sa maleta ang mga gamit niya.
“Jasmine, paano mo naggawa ito sa akin?” madilim na madilim ang mukha ni Ali. “Binalak mo na maghiwalay tayo. Pagkatapos ngayon ay ninakawan mo ako? At ang pinakamahalagang gamit pa para sa akin ang kinuha mo…”
“Hindi ko ginawa ito, Ali! Pinahahalagahan kita. Alam mo iyon. Hindi ko magagawa ito sa `yo!”
Hinawakan ni Mrs. Fehr ang balikat ng anak. “Ano ba kasing naisip mo at nagtiwala ka sa mga kasambahay? Alam mo ang nangyari sa kapatid mo! At ang babaeng ito...kaka-paimbestiga ko lang sa kanya. Her father is a thief! There’s a huge possibility that she really stole this precious lamp of yours!”
Napasinghap ang lahat sa rebelasyon ng ina ni Ali. Tumingin si Jasmine sa lahat. Lahat ay nahihindik na nakatingin sa kanya o kung hindi man, nag-uumpisa na pag-usapan siya. Unti-unting natunaw si Jasmine sa hiya kahit hindi naman dapat. Wala siyang ginagawang masama.
Tumalikod si Ali. Sa kabila ng lahat, hinabol niya ito.. Hinawakan niya ang balikat nito. “This is just a set-up, Ali! Hindi ko magagawa ito sa `yo. Alam mo na mahal kita at---“
“Y-you wanted to leave me, Jasmine. Sa tingin mo ba ay paniniwalaan ko ang statement mo?”
“Mali ako para maisip na makipaghiwalay sa `yo. Hindi ko pala kaya. Mas sasaktan ko ang sarili ko kapag pinalayo kita sa buhay ko. Napagtanto ko na ito ngayon.”
“I don’t know what to believe, Jasmine. Nasasaktan rin ako. Sinaktan mo ako.”
“Believe in me, Ali.”
Hindi nagsalita si Ali. Nadurog ang puso ni Jasmine. Sumunod si Mr. and Mrs. Fehr sa anak. Hinawakan ni Mrs. Fehr ang balikat ng anak, tila inaalo ito.
Kasabay ng pagtulo ng luha ay napaluhod rin si Jasmine. Napahiya siya sa lahat. Inakusahan siya sa isang bagay na hindi niya ginawa o naisip man lang. Bakit naman siya aalis ng mansion? Ni hindi niya nga alam kung saan siya maaaring pulutin. Pinapahalagahan rin niya si Ali para pagnakawan niya ito. Alam rin niya kung gaano kahalaga kay Ali ang gamit na iyon. Hindi lang dahil sa halaga ng gamit sa pera. Iyon ang natitirang alaala ni Ali sa nawawalang kapatid nito.
Pagbalik ni Jasmine ng maid’s quarter ay sinampal siya ng Tiyahin. Pulang-pula ang mukha nito. Pati ito ay napahiya sa nakitang pangyayari.
“Nakakahiya kang bata ka! Wala kang utang na loob! Si Sir Ali na nga ang nagpumilit na nagpa-aral sa `yo, ganito pa ang igaganti mo? Napakawalang hiya mo! Mana ka nga sa ama mo! Lumayas ka na sa bahay na ito! Isang malaking pagkakamali talaga na pinili pa kitang tanggapin!”
Masakit ang mga natanggap na salita ni Jasmine mula sa tiyahin. Masakit rin ang mapanghusgang tingin na ibinigay sa kanya ng kasambahay. Pero lahat ng iyon ay walang-wala sa sakit na nararamdaman niya sa nangyari sa kanila ni Ali.
Hindi siya pinaniwalaan ng lalaking sinabing mahal na mahal siya…