MUNTIK nang mabasag ang eardrums ni Quinn nang magtitili ang ina niyang si Flerida pagkapakilala niya kay Chance. Ihinatid siya ng binata sa bahay nila matapos manggaling sa publication.
Pinisil-pisil ngn ina niya ang pisngi ni Chance. “Ang guwapo mo talaga, hijo. Ang laki-laki na talaga ng ipinagbago mo. Hindi na gaanong siopao ang pisngi mo kaya wala na akong gaanong napisil. Ano bang diet ang ginawa mo? Liposuction? Diet pills?”
“Ma, ano naman po iyang tinatanong ninyo kay Chance. Nakakahiya!” saway ng dalaga sa ina. Pati ba naman iyon ay kailangan pang itanong sa binata. Baka ma-offend si Chance.
“Nag-football lang po ako, Tita. Awtomatiko na pong kumonti ang pagkain ko,” paliwanag ni Chance. “Noong nasa Pilipinas po kasi wala akong hilig mag-exercise”
“Ahhhh! Ganoon naman pala.”
“Ano ba ang score sa inyo ng anak ko? Boyfriend? Manliligaw?” tanong ng tatay ni Quinn.
“Papa, magkaibigan lang po kami,” depensa agad niya.
“Okay naman manligaw basta dito sa bahay. At magtapos muna kayo ng pag-aaral. Alam mo naman siguro na gusto namin na maging Miss Universe muna ang anak namin bago iyan magka-boyfriend,” ngingiti-ngiti pang sabi ng ama niya at tumango-tango naman ang ina.
“Nakakahiya po iyan,” usal niya at di makatingin nang diretso kay Chance.
Niyaya niya ang binata sa garden. Papalubog pa lang araw noon kaya naman malamig na ang panahon. Doon na rin nai-serve ang merienda nila.
“Pasensiya ka na kay Mama at Papa. Ngayon lang ako nagsama ng lalaki dito sa bahay bukod kina Harry at Sosimo. Darna pa iyong isa,” sabi niya at inilagay ang cinnamon roll sa platito.
“Walang nakakaakyat ng ligaw sa iyo?”
Umiling siya. “Di nga sila makalapit sa akin.”
“Masyado mo yatang tinatakot ang mga lalaki. Nai-intimidate siguro. Hindi ka talaga maliligawan.”
Sumimsim si Quinn ng juice. “Chance, natatakot ka ba sa akin?”
Nakangiti nitong hinaplos ang pisngi niya. “No. Hindi ako takot sa iyo. You are too beautiful. Kawawa naman ang lalaking tumanggi sa iyo dahil di ka niya na-appreciate.”
“Nagsisisi ka ba na nawala ako sa iyo?”
Mataman siya nitong pinagmasdan. “Yes. I don’t want to lose you again.”
Iyon naman pala! DI ito intimidated sa kanya. Naa-appreciate din nito ang kagandahan niya. Ayaw din nitong mawala siya dito. Bakit di pa rin siya nito nililigawan hanggang ngayon? Mamatay-matay na siya sa kilig tuwing kasama ito. Madalas siya nitong tinutukso pero hindi pa rin nito sinasabi ang mahiwagang salita!
Nasira ang mood niya nang marinig ang matinis na tili ni Cindy. “Quinn! Quinn, I got a good news for you!” At nakita niyang papalapit ito sa kanila na akala mo ay nasa fashion show.
Naka-black halter dress ito na bagamat mahaba ay hanggang baywang naman ang slit. Nakasuot ito ng stiletto pumps na animo ay rarampa sa runway kahit ang hula niya ay galing lang naman ito sa bahay. Naka-pony sa itaas ang kinulot nitong buhok at kuntodo din ang make up. Matanda lang ng anim na buwan si Cindy pero parang sampung taon na ang itinanda nito dahil sa isinalpak na make up sa pagmumukha nito. Habang si Quinn naman ay mas sanay sa natural look. Konting powder at lip gloss lang ay masaya na siya.
“Hello, cousin! Hindi nabanggit ni Tita Flerida na may bisita ka.” Matamis ang ngiti nito nang balingan si Chance at inalok ang kamay. “Hi! I am Cindy Arboleda.”
Kinamayan ito ni Chance. “Hello, Cindy!”
Humagikgik si Cindy na parang kinikilig. “Sa klase ng titig mo sa akin, siguro nakikilala mo ako. Sumali ako sa Miss World Philippines last year. Madalas akong sumali sa pageants.”
“No. Hindi kita napanood sa Miss World Philippines, but congratulations. I am Chance. Naging magkaklase tayo noong high school.”
Namaywang si Cindy at itinapik ang well-manicured na kuko sa baba. “Chance, Chance, Chance. Isang Chance lang ang naging classmate ko noon at imposibleng ikaw iyon. He was fat and gruesome!”
Mariing pumikit si Quinn. Lumalabas na naman ang pagkataklesa nito. Wala itong kamalay-malay na ang nilalait nito ay nasa harapan na nito. Siya tuloy ang nahihiya para kay Chance.
“Yes. I was fat and gruesome,” sang-ayon ng lalaki sa kaswal na boses. Di niya alam kung anong tumatakbo sa utak nito. He must be hurt. Or maybe amused. Kung anuman tumatakbo sa utak ng binata, nakakahiya na naging pinsan niya si Cindy.
Natutop ni Cindy ang labi at halos lumuwa ang mata habang nakatitig kay Chance. “No! That’s a lie! Ikaw ba talaga si Chance? Chance Anonuevo?” Sinipat-sipat nito ang mukha ng lalaki. “Sino ang doctor mo? Kanino ka nagpa-surgery? Gosh!”
“Nag-exercise lang siya at nag-diet,” matabang nas abi ni Quinn. Naniniwala kasi ang pinsan niya na ang isang tao ay lalo lang gaganda sa plastic surgery at iba pang procedures lalo na kung dating di kagandahan o kaguwapuhan ito.
“Great!” Umupo ito sa tabi ni Chance. “So are you a model now?”
“Writer na siya. He writes poems,” paliwanag ni Quinn. “A very popular one at that. He is King.”
“You have personality. Writing poems is boring!” Iniikot ni Cindy ang mata. “Anyway, I still find you interesting. Bakit hindi tayo lumabas minsan? Hindi naman kasi sinabi ni Quinn na nasa Pilipinas ka. Nagpahanda sana ako ng bonggang welcome party.”
Gusto nang magkumbulsiyon sa inis si Quinn nang tiningnan ni Cindy si Chance sa mapupungay na mata. Inaakit nito si Chance. Eeeeewww!
“Cindy, hindi ba may audition ka pa ngayon? Go! Baka makuha mo na ang commercial para sa funeral parlor,” nakangiti niyang sabi.
Nakita niya ang bahagyang pagtalim ng mga mata ng pinsan pero pilit itong ngumiti para kay Chance. “Huwag mong pansinin ang pinsan ko. She is such a joker. Actually, nandito ako para yayain kang sumali sa Beauty with a Purpose Pageant.”
“That is perfect for Quinn,” komento ni Chance. “I am sure with her advocacy, she will definitely get the title.”
“Pwede naman siyang maging runner-up ko.” At humagikgik si Cindy. “Pinaghandaan ko talaga ang pageant na ito. Ako ang top student sa Beauty Queen Academy.”
“So, saang college nag-aaral?” tanong ni Chance. “I mean, anng course mo.”
“I am having lesson as a queen. Hindi ko na kailangang pumasok sa university. Makakasagabal lang iyon sa role ko bilang susunod na Miss Universe ng bansa. Ito lang namang si Quinn ang nagtitiyaga pa rin sa college hanggang ngayon.”
Great! Really great! At parang kasalanan pa niya ngayon na nagpatuloy siya ng pag-aaral at hindi nag-focus sa pag-target sa korona ng kung anu-anong beauty pageants. Hindi nito naisip na maraming beauty queen ang professionals at degree holders. Ang iba pa nga ay double degree pa at may mga honor.
Hindi naman lahat ng beauty pageant contestants ay doon na lang ang pwedeng ikutan ng buhay. Kahit ang beauty queens ay natatapos din ang pag-reign. Hindi naman ito beauty queen forever. Kaya nga di niya priority ang pagiging beauty queen. Kapag lang napipilit ng nanay niya. Mas mahalaga sa kanya na makatapos ng pag-aaral at magkaroon ng mas stable na propesyon. Di naman niya minamaliit ang pinsan kung gusto nito na maging beauty queen at pumasok sa showbiz. Kahit naman dito ito mag-aral ay heredera naman ito. Hindi siya ganoon. Para sa magulang niya, dapat lahat ay paghirapan at huwag maging kampante sa kung ano ang meron ka.
“Chance, it’s so nice to see you again. I am really delighted. Too bad I have to go.” Biglang kintalan ni Cindy ng halik ang labi ni Chance. “Let’s catch up next time.”
“S-Sure,” anang si Chance na parang nakalutang. Hindi niya alma kung nagulat ito o nag-e-enjoy.
“Bye, Chance! Ciao, cuz!” anito sa kanya at saka umiimbay pa ang balakang na nagkalad palayo.