Chapter MFC 31

Naningkit ang mata ni Quinn. Parang gusto niyang hablutin ang buhok ni Cindy. Nakakainis! Matapos ang pambabastos na ginawa nito kay Chance noon, nagagawa pa nitong halikan ngayon na parang close na close ang mga ito.

Mabilis na kinuskos ng tissue ang labi ng binata. “May dumi ka sa labi.”

Pinigilan ni Chance ang kamay niya. “Quinn, bakit parang galit na galit ka sa labi ko? Parang magdudugo na sa kuskos mo.”

“May bacteria. Baka malason ka.”

Kung pwede lang na pamumugin niya si Chance ng anti-bacterial soap ay ginawa na niya. Walang karapatan ang bruhang si Cindy na halikan ito sa labi. Wala itong karapatan!

“Quinn, parang nagseselos ka,” anitong may nanunuksong ngiti sa labi.

“Bakit naman ako magseselos? Nahalikan na rin kita, no?” Natigilan siya nang maanalisa ang nasabi niya. “Well, I mean… iyong halik ko sa iyo wala naman kasi iyon…” Di na niya alam kung paano magpapalusot dito.

“Ahhhh! Wala lang iyon,” sabi ng binata. Kung alam lang nito na puro malisya siya sa halik na iyon. “So is your cousin still single?”

Naalarma siya. Heto na, nagtatanong na siya tungkol kay Cindy. May malisya kaya ang tanong nito.

“No. She’s in a relationship. Let me inform you that she and Turvey are still together. At buburahin ni Turvey ang labi mo ng bonggang-bongga oras na malaman niyang hinalikan ka ni Cindy. Kaya huwag mo nang pag-interesan ang pinsan ko,” babala niya dito.

Pinisil nito ang baba niya. “Ang dami mo namang sinasabi. Nagtatanong lang naman ako. Di ibig sabihin liligawan ko.”

“Gusto ko lang na maging malinaw. Kasi ayoko ng gulo, Chance. Kapag may kinalaman kay Cindy, responsibilidad kita kay Tita Vera.”

Si Cindy ang sumira sa pagkakaibigan nila ni Chance noon. Ayaw na niyang maulit pa iyon. Kung si Cindy pa rin ang gusto ng lalaki, baka mapilitan na naman siyang umiwas dito. Tapos na ang pagiging masokista dati. Bahala na ito sa buhay nito.

Tipid itong ngumiti. “Natuto na ako ng leksiyon ko. Hindi ako gagawa ng mga bagay na pwede kong ikasira ng pagkakaibigan natin o pwede mong ikagalit sa akin. Kaya ayokong si Cindy lang ang pag-aawayan nating dalawa. And it was just a simple kiss.”

Itinaas niya ang baba. “Mabuti nang malinaw.”

“Bakit hindi ka sumali sa pageant? Sa pagtulong na ginagawa mo sa mga taong nabu-bully, sigurado ako na malaki ang maitutulong mo sa iba,” sabi nito. “Beauty with a Purpose. Malapit na bakasyon ninyo. Wala ka namang summer class.”

Umiling siya. “Hindi na. Okay na ako na may purpose ako sa mundo. Marami akong suggested activities sa iba para mas matuto silang makisalamuha sa iba. Saka di ba dapat iniisip mo kung saang university ka papasok at ang susunod mong libro?” tanong niya.

“Gusto kong pumasok sa Golden East University.”

Umawang ang labi niya. “S-Sa school ko?”

Tumango ito. “I heard you have a good Creative Writing program. I want to give it a try.”

“Seryoso? Hindi ka na babalik sa Italy?”

Umiling ang binata. “Hindi na. Nag-decide na rin ang parents ko na i-convert ancestral house namin as restaurant and bed and breakfast. Mas masaya naman kasi sa Pilipinas.”

“That is great.” Magkakasama na sila sa isang paaralan gaya ng dati. Lagi na silang magkikita. “Kaso mukhang mahihirapan ako dahil dudumugin ka ng mga fans mo. Baka mamaya makalimutan mo na ako. Who you na ako sa iyo.”

Umiling ito at inakbayan siya. “Ikaw pa ba ang mawawala sa buhay ko pagkatapos kong paghirapan na mabawi ka? Mawala man mga fans ko, basta nasa tabi lang kita.”

“Good answer,” aniya at humilig sa balikat nito. Sana ay lagi na lang silang ganito. Excited na siya sa mga magagandang bagay na naghihintay para sa kanila ni Chance.

“NAKAKAINIS ka talaga! Hindi mo man lang sinabi na nasa Pilipinas na pala si Chance at isang magaling na writer. Napahiya tuloy ako sa kanya noong nakaraan,” nanghahaba ang ngusong sabi ni Cindy nang komprontahin si Quinn tungkol sa binata. Natutulog pa siya nang pasukin nito sa kuwarto nang umagang iyon.

Kinusot niya ang mata. “Ginising mo ako para lang diyan?” tanong niya at bumangon.

Pumunta siya sa banyo para maghilamos at mag-toothbrush kung hindi ay baka mahampas niya ng unan ang perfectly made up nitong mukha. Puyat siya dahil alas onse pa sila nagcha-chat ni Chance sa Messenger. Sobrang saya niya bago matulog tapos ay ang bruha pa niyang pinsan ang bubungad sa kanya.

Sinundan pa din siya nito hanggang sa pinto ng banyo. “Nakakahiya naman kasi ang ginawa mo sa akin. Pinsan mo ako and you forgot to tell me about this? Gosh! And i said things I didn’t mean.”

You mean those words, biatch! You are just sorry you got caught. Hindi ko na kasalanan kung iyon talaga ang tunay mong kulay.

“It was a horrible experience. Hindi ko naman alam na guwapo na pala siya ngayon at isa pang sikat na writer. Bakit ba di ko alam na isa pala siyang sikat na writer?”

“Dahil di ka naman mahilig magbasa ng literary books at wala kang interes sa literary,” nausal lang niya at nagsepilyo. Mas gusto nito ang fashion magazines at mga showbiz news.

“Basta. Nakakatampo ka talaga. I should know these things. We are cousins.”

“Hindi ko naman alam na interesado ka kay Chance. Baka nakakalimutan mo na ang pang-aalipusta ninyo ng mga kaibigan mo sa kanya dati. Sinampal mo pa nga siya dahil sabi mo di siya importante,” aniyang di mapigilang magngitngit. “O baka naman nagka-amnesia ka na?” Saka siya nagmumog.

“Ano ka ba? Move on na. Bata pa tayo no’n. And besides, I already apologized to Chance and he had forgiven me.”

“Ano?” bulalas niya at binuksan ang pinto ng banyo kahit na may bula pa ng toothpaste ang gilid ng labi niya. “Kailan kayo nag-usap?”

“Kagabi sa Messenger. Nag-message ako sa kanya.”

“Anong oras?” tanong niya.

“Uhmmm... Around eleven-thirty? Sabi niya past is past. Guwapo na siya, mabait pa. Kaya naman willing akong bumawi sa kanya at naghanda ako ng get together for him this Saturday.”

“Get together? Basta ka na lang nag-decide nang hindi man lang sinasabi sa akin?” tanong niya.

“Bakit naman kita tatanungin? Sekretarya ka ba niya?”

“No. Pero may lakad kami nang Sabado.”

May writing workshop siya di lang para sa mga biktima ng bullying kundi pati na rin sa mga batang palaboy at ulila. Gusto nila na matutong mag-express ang mga ito. May art workshop na ang center pero wala pang writing workshop para sa mga ito. In-sponsor-an iyon ng Hearts Publishing.

Plano niya na mag-food trip sila ni Chance sa Mercato Centrale sa BGC at maglakad-lakad. Gusto daw nitong mamasyal doon. Siyempre excited siya dahil silang dalawa lang ang magkakasama. Parang date na nila. Kaya nga good mood siya bago matuloy. Tapos ay nasira ang pangangarap niya ng echusera niyang pinsan.

“Hindi naman siguro kayo magdamag doon. Siguro before six ng gabi tapos na kayo sabi ni Chance. Iyan ha? Kahit medyo di naman sosyal na sosyal ang bar nila Harry, doon na lang daw ang get together para naman kumita ang bar ng friend ninyo. Pero kung ayaw mong sumama, okay lang naman sa akin. Ako na lang ang mag-aalaga kay Chance. I think he will like that.”

“No. I will be there,” usal niya at mariing naglapat ang mga labi.

“Okay. See you, cuz,” anito at iniwan siya sa kuwarto niya.

Nawala na ang magandang mood niya. Ganoon-ganoon na lang kung i-cancel ni Chance ang usapan nila. Di man lang nagsabi sa kanya. Mas inuna pa nito ang bruhang pinsan niya.

Bumalik siya sa higaan pero di na siya makatulog. Mabigat na ang dibdib niya. Parang di siya makahinga. Hindi niya alam kung tatawagan niya si Chance o hindi. Kokomprontahin ba niya ito? Sasabihin ba niya dito na nagtatampo siya o kikimkimin na lang niya. Paano kung tanungin nito kung nagseselos siya?

Dumapa siya at isinubsob ang mukha sa unan. “Nakakainis! Heto na naman tayo, Puso! Ang hirap kapag nagmamahal! Nagiging komplikado ang mga simpleng bagay. Anong gagawin ko?”

Bakit kasi umentra-entra na na naman ang pinsan niya sa equation? Lagi na lang nalilintikan ang samahan nila ni Chance kapag nasa eksena ito. Pakiramdam niya ay nababalewala na naman siya.

Nagulantang siya nang biglang tumugtog ang ringtone na Domino sa cellphone niya. May nag-text sa kanya. Malakas ang kabog ng dibdib niya dahil iyon ang designated ringtone niya para sa text message na galing kay Chance.

“Oh, no! Nag-text na siya.”

Dahan-dahan pa niyang tiningnan ang cellphone na nakalapag sa kama. Pinindot niya iyon at di dinampot. Malakas ang kabog ng dibdb niya nang sipatin ang mensahe.

“R u awake?”

Sasagutin ko ba ito o hindi? Kunwari ba tulog pa ako? Sa huli ay di rin siya nakatiis at nag-reply dito.

“Yeah.”

“Wil kol u. Ok lng?”

Nanginginig niyang hinawakan ang cellphone sa nanginginig na mga kamay.

“K.” At hindi halos humihinga habang hinihintay ang tawag nito.

Muntik na niyang mabitawan ang cellphone nang mag-ring iyon. Anong sasabihin dito? “Hello.”

“Nagising ba kita?” tanong nito.

“N-No.I am good. Bakit ka nga pala napatawag?”

“Nakausap ko kasi si Cindy kagabi. Sabi niya naghanda daw siya ng get together this Saturday. I-celebrate daw ang pagbabalik ko ng Pilipinas kasama ang old classmates natin. Okay lang ba sa iyo na i-cancel ang pagpunta natin sa Mercato?”

“Ikaw. Bahala ka.” Mukhang nakapag-decide na ito. Bakit kailangan pa nitong tanungin sa kanya kung okay lang? Wala naman na siyang magagawa doon.

“Sinabi ko kasi kay Cindy na kapag di ka pumayag, hindi rin ako sasama. Ikaw ang magde-decide.”

“Talaga?” bulalas niya.

“Of course. Tayong dalawa ang unang magkausap. Di ko naman pwedeng balewalain ang usapan natin. So, do you want to go.”

Naggiyagis ang ngipin ni Quinn. May pagkatuso talaga ang pinsan niya. Di nito sinabi ang usapan nito at ni Chance. Wala naman siyang magagawa dahil nakatango na siya.

“Sige. Ituloy na ang welcome party. Pwede naman tayong pumunta sa Mercato sa ibang araw. Saka maganda na rin siguro na makita ka rin ng iba nating kaklase. Sigurado ako na iba sa kanila ay mga fans mo.”

“Yes! Thank you, Quinn. You are the best.”

Kahit paano ay may ngiti sa labi ng dalaga nang matapos ang pag-uusap nila ni Chance. Mahalaga pa rin siya para sa binata. Sana ay manatiling ganoon ang estado niya sa puso nito.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.