Chapter ELYEN GIRL CHAPTER 6

“ABA HIJO, hindi ka lang pala magandang lalaki. Masarap ka rin palang magluto. You’re just like my husband.”

“You’re right, honey. Naaalala ko ang sarili ko sa batang `to. Siguradong responsableng binata itong si Khaki.”

“Oh, stop it, you lovely couple. Nahihirapan na ho akong maging humble niyan,” halatang nagbibirong wika ni Khaki. Pero halata rin na tuwang-tuwa ang mokong sa mga naririnig nito.

Kumunot ang noo ni Luka sa takbo ng usapan ni Khaki at ng mga magulang niya habang nanananghalian sila. Kung magkuwentuhan ang mga ito ay animo’y matagal ng magkakakilala ang mga ito gayong ngayon lang nagkaharap-harap ang tatlo.

Alas-onse ng umaga sila dumating sa bahay ng mga magulang niya. Tinulungan ni Khaki na magluto ang ina niya. Dahil madalas ay hindi niya kinakain ang mga iniluluto para sa kanya ng binata, ngayon lang niya nalamang masarap nga talaga itong magluto.

“Luka, what’s wrong? Bakit hindi mo ginagalaw `yang pagkain mo?” nag-aalalang tanong ni Khaki.

Nilingon niya ito para sana tapunan ito ng masamang tingin. Subalit naantala ang plano niyang `yon nang makita ang mga mata nito. He was genuinely worried about her. Natutuwa siya sa pag-aalala nito sa kanya.

Yumuko siya sa kanyang plato. “Wala naman. `Wag mo na lang akong intindihin.”

“That’s impossible. Hindi mo ba nagustuhan ang niluto ko? May gusto ka bang kainin?” sunud-sunod na nag-aalalang tanong ni Khaki.

Nilingon niya uli ito. “I’m fine. Really.”

Nangislap ang mga mata nito – tanda na may gagawin na naman itong kalokohan. “Do you want me to feed you, baby?” Tinapat nito sa bibig niya ang isang kutsara ng kanin na may himay ng karne sa ibabaw. “Say “ah”, elye – Luka.”

Pinaningkitan niya ito ng mga mata. “Khaki.”

Nagpaawa ito ng mga mukha sa kanya, pagkatapos ay pasimpleng inginuso ang kanyang mga magulang. Nang lingunin niya ang mga ito, nakita niya ang pagkasabik at labis na kasiyahan sa mukha ng ama’t ina niya. Ilang taon na niyang pinag-aalala ang mga ito kaya naisip niyang sa pagkakataong iyon ay dapat siyang bumawi sa mga ito.

Bumuntong-hininga siya bago sinubo ang pagkain na inaalok ni Khaki sa kanya. Pero pasimple niyang sinipa ang binti nito sa ilalim ng mesa na ikinasinghap nito.

Pilit na ngumiti si Khaki habang pinandidilatan siya ng mga mata. Binigla na naman siya nito nang pisilin nito ang magkabila niyang pisngi. “Ang sweet mo talaga, Luka,” may bahid ng sarkasmo sa malambing nitong boses.

“Ano ba!” reklamo niya habang pilit inaalis ang mga kamay nito sa kanyang mga pisngi.

Kung tutuusin ay mukhang pinanggigigilan lang siya nito, gaya ng ginagawa ng magkakaibigan sa isa’t isa. Ngunit iba ang sinasabi ng mga mata nito. His eyes were dark, sultry and filled with mixed passion and… desire.

She suddenly felt warm inside. Inaakit siya ng walanghiyang lalaki!

At nagpapaakit ka naman!

Gayunman, hindi niya magawang kondenahin ang sarili dahil sigurado siyang kahit sinong babae ay maaakit sa binibigay nitong tingin sa kanya.

So, inaamin mo ngang naaakit ka sa kiting-kiti na `yan?

Naramdaman niya ang pag-iinit ng kanyang magkabilang pisngi dahil sa mga naiisip niya. Nag-iwas siya ng tingin kay Khaki nang pakawalan na nito ang mga pisngi niyang namumula na siguro dahil sa ginawa nito. No’n naman niya napansin ang mga magulang niya na bagama’t mababakas ang kaligayahan sa mukha ng mga ito ay naroon pa rin ang luha sa gilid ng mga mata ng mga ito.

“Mom, Dad, what’s wrong?” nag-aalalang tanong niya sa mga ito.

“Masaya lang kami ng daddy mo, anak,” nakangiting wika ng kanyang ina. “Ngayon ka lang uli naming nakitang masaya.”

Natigilan siya. Siya, masaya?

“Mukhang mabuti ang naidulot ng pagkakaibigan niyo ni Khaki,” masayang wika ng kanyang ama, pagkatapos ay binalingan si Khaki. “Hijo, please take care of my daughter.”

Nakangiting tumango naman ang kanyang ina bilang pagsang-ayon sa kanyang ama.

“Ako na hong bahala kay Luka, Mommy at Daddy,” matatag na sagot naman ni Khaki na mukhang mas lalong ikinatuwa ng mga magulang niya.

Kunot-noong nilingon niya si Khaki. “What did you just call my parents? Ang kapal talaga ng mukha mo.” Huli na para mabawi niya ang mga sinabi niya. Sanay siyang sinusungitan si Khaki at bine-verbal abuse kapag silang dalawa lang, pero nakakahiya pa rin sa mga magulang niya ang inasal niya lalo’t gustung-gusto pa naman ng mga ito ang binata.

Nakalabing hinarap ni Khaki ang mga magulang niya. “Mommy, Daddy, inaaway po ako ni Luka,” pagpapaawa pa nito.

Katulad ng inaasahan, pinagsabihan siya ng mga magulang niya. Napayuko na lang siya.

“Lambingan lang ho namin ni Luka `yon. `Wag ho kayong mag-alala. Nag-improve na ho ang social skills nitong anak niyo. I promise you, I won’t let her go back to the darkness she once dwelled in.”

Nagugulahan siya sa nangyayari. Bakit naman siya inihahabilin ng mga magulang niya kay Khaki? At ang walanghiyang lalaki, feel na feel naman!

Magpo-protesta sana siya pero nang makita niya ang kasiyahan sa mukha ng kanyang ama’t ina ay natigilan siya. Hinayaan na lang tuloy niya ang mga ito. Tutal ay totoo rin namang naging magandang impluwensiya sa kanya ang kiti-kiti na `to.

Pabirong siniko siya ni Khaki no’ng hindi na nakatingin ang mga magulang niya. Pagkatapos ay yumuko ito sa tapat ng tainga niya at bumulong. “Ui, aalagaan kita, ha?” malambing na wika nito.

Napalingon siya rito dala ng gulat. Hindi ito nakatingin sa kanya subalit nakita niya ang pigil na pagngiti nito habang nakikinig sa kuwentuhan ng mga magulang niya. Pero alam niyang wala naman talaga na sa mga ito ang atensyon niya dahil nahuhuli niya itong panaka-nakang sumusulyap sa kanya.

Sa sobrang lakas ng tibok ng kanyang puso, wala na siyang ibang naririnig kundi iyon at ang paulit-ulit na sinabi ni Khaki. Aalagaan daw siya nito? At tila determinado talaga itong gawin `yon. Pero ang pinakamalaking tanong sa lahat ay…

Bakit natutuwa at umaasa ako sa sinabi niyang `yon?

Napatayo siya bigla. Nagtatakang tumingala sa kanya si Khaki at ang mga magulang niya. Tumikhim siya. “Kukunin ko lang `yong fruit salad sa kusina,” aniya saka mabilis na umalis para hindi na magtanong ang kahit sino sa mga ito.

Subalit nang nasa kusina na siya ay nagulat siya nang biglang sumulpot si Khaki sa kanyang likuran. Mukhang sinundan siya nito.

“Tulungan na kita,” alok agad ni Khaki nang makita nitong bitbit niya ang may kalakihang bowl ng fruit salad. Kinuha nito iyon mula sa kanya.

Humalukipkip siya. “Khaki, ano `to? Alam kong sinabi mo lang kina Mommy at Daddy ang lahat ng sinabi mo kanina out of courtesy, pero please lang. Stop giving them false hopes.”

“What do you mean I’m giving them false hopes?”

“`Yong sinabi mong aalagaan mo ko.”

“O? Anong masama ro’n eh talaga namang balak kitang alagaan? Kung hindi ako seryoso ro’n, sana matagal na kitang nilayasan sa tuwing sinasaktan mo ko.”

Nabigla siya. “A-ano? B-bakit mo naman ako kailangang alagaan? Hindi ako imabalido!”

Binaba nito sa mesa ang bowl saka namaywang. “Gagawin ko `yon dahil gusto ko. At hindi mo ko mapipigilang gawin `yon.”

“At bakit mo naman gagawin `yon?”

Matamang pinagmasdan siya nito. Lahat ng pagbibiro, pagkapilyo at kakulitan na madalas ay makikita sa mga mata nito ay biglang naglaho. Napalitan iyon ng sinseredad at... pagmamahal?

“Khaki,” banta niya. Hindi niya kasi gusto ang tinging binibigay nito sa kanya. Lalo siya niyong pinapakaba at pinapasabik.

Natawa ito, pero hindi iyong sing buhay tulad noon. Umiling-iling din ito. “Sige na nga, aamin na ko.” Tumingin ito sa kanya. Malapad ang ngiti nito bagama’t may naaaninag siyang pangamba sa mga mata nito. “Crush lang sana kita, eh. Kaso ngumiti ka. Ayan tuloy… mahal na kita.”

She froze. Para siyang pinasabugan ng mga paputok sa kanyang magkabilang tainga. Idagdag pa ang pagwawala ng kanyang puso. But before she could even think about how to respond to his abrupt confession, her cell phone rang. Sinagot niya iyon.

“Hello? O, Mayang, bakit?” Biglang nanlamig ang buong katawan niya habang pinapakinggan ang sinasabi ng kanyang katulong sa kabilang linya. Nang matapos ang tawag ay dumulas sa kamay niya ang kanyang cell phone.

Agad na lumapit sa kanya si Khaki. “What’s wrong, Luka?”

“N-nasusunog ang studio ko, Khaki.” Nanginginig ang mga kamay niya nang hawakan niya ang braso nito. “Puwede mo ba `kong ihatid sa bahay?” pakiusap niya rito.

Bumakas ang pag-aalala sa mga mata nito. Hinawakan nito ang nanginginig na kamay niya at iginiya siya palabas ng kusina. Hindi na sila nakapagpaalam ng maayos sa mga magulang niya; pinasunod na lamang nila ang mga ito sa bahay niya.

Hindi binitawan ni Khaki ang kamay niya. Kahit paano ay naibsan ang nararamdaman niya. His warm hand gave her an undeniable feeling of security and protection. She knew she would always be safe with him. Kahit paano ay nakalma ang kalooban niya dahil buong biyahe ay halos hindi nito binibitawan ang kanyang kamay.

KASALUKUYANG inaapula ng mga bombero ang apoy sa studio ni Luka nang dumating sila ni Khaki roon. Mabuti na lang at mukhang hindi na madadamay ang kanyang bahay.

“Señorita, hindi namin alam kung ano ang nangyari. Basta may narinig na lang kaming malakas na putok mula sa studio n’yo, hanggang sa bigla na lang lumaki ang apoy,” mangiyak-ngiyak na kuwento sa kanya ni Aling Nena. Mababakas sa mukha nito at ni Mayang ang matinding takot.

There was only one thing on her mind. “Daniel...” mahinang usal niya. “Daniel!” Mabilis na tumakbo siya patungo sa studio niya.

“Luka, come back here!” narinig niyang sigaw ni Khaki sa kanya.

Habang abala ang mga bombero sa pag-apula sa apoy ay nasalisihan niya ang mga ito. Naapula na ang apoy sa pinto kaya madali siyang nakapasok sa kanyang studio. Nanuot agad sa kanyang ilong ang makapal na itim na usok. Halos hindi siya makahinga. Inihit siya ng ubo kasabay ng paghapdi ng kanyang mga mata. Mainit din ang singaw sa paligid.

But she didn’t care. Ang nasa isip lang niya nang mga sandaling iyon ay ang paintings niya. Kailangan niyang maisalba ang mga iyon. Pero natigilan siya nang makitang natutupok na ang mga iyon. Wala na siyang maisasalba kahit isa. Wala na ang mga iginuhit niyang alaala ng lalaking minahal niya nang lubos.

Naalala niya ang itinanong niya kay Daniel noong umagang umalis siya para magtungo sa bahay ng mga magulang niya.

“Daniel, am I supposed to let go of you and our memories now?”

“Daniel, is this your answer?” sigaw niya sa nanginginig na boses. “Gusto mo bang tuluyan na kitang kalimutan at pakawalan ang mga alaala natin?”

Malayang naglandas ang mga luha niya sa kanyang mga pisngi habang inililibot ang paningin sa paligid. Nanginig ang mga tuhod niya. Nahihirapan na siyang huminga. Dala ba iyon ng makapal na usok o dahil sa bigat na nararamdaman niya sa kanyang dibdib? Mamamatay ba siya sa loob ng studio na iyon kasama ang mga alaala ni Daniel?

Pero bago siya tuluyang mawalan ng malay ay narinig niya ang malakas at nag-aalalang boses ni Khaki.

“Luka!”

`Guess not.

Was it relief that flooded her system upon hearing his voice?

NAKAUPO si Khaki sa visitor’s chair sa labas ng emergency room kung saan naroon si Luka at ginagamot dahil sa pagka-suffocate nito sa usok nang pasukin nito ang studio nito na nasusunog. Lumabas sa imbestigasyon ng mga pulis at bombero na ang naiwang scented candle ni Luka sa loob ng studio ang sanhi ng sunog. Dahil pundi ang ilaw do’n, kandila ang ginamit ng dalaga subalit naiwan naman nito iyon nang umalis sila kanina papunta sa bahay ng mga magulang nito. Dumikit ang kurtina sa apoy at mabilis iyong kumalat dahil sa mga paintings do’n na ginamitan ng langis at pintura.

Dahil sa nangyari, isang masakit na ala-ala ang bumalik sa isip niya.

Namatay ang kanyang ama at kapatid sa sunog. Nasaksihan niya kung paano tinupok ng apoy ang bahay nila kung saan naroon ang kanyang daddy at ate.

Wala siyang nagawa para iligtas ang mga ito sa sobrang takot. Batang-bata pa kasi siya noon. Nagka-trauma siya dahil doon. Nagkaroon siya ng malaking takot sa apoy. Iyon ang rason kaya hindi niya gusto ng paputok.

Kung hindi lang sa matinding pag-aalala niya kay Luka na sumugod papasok sa studio, hindi siguro niya magagawang sundan ito para iligtas.

Mas matindi pa kaysa sa phobia niya sa apoy ang takot niya na mawala sa kanya si Luka. Kaya hindi na siya nag-isip, sinuong niya ang nasusunog na studio para iligtas ito. He wanted to save her, no matter what. He wanted to see her smile and to hear her laugh again. There was no fucking way he would let her die.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.