DAHAN-DAHANG iminulat ni Luka ang kanyang mga mata. Bahagya pa siyang napapikit nang tumama sa kanyang mga mata ang liwanag ng mga ilaw. She groaned.
“Luka, anak, how are you feeling?”
Nang tuluyan na niyang maidilat ang mga mata ay bumungad sa kanya ang nag-aalalang mukha ng kanyang mga magulang. Sinubukan niyang bumangon. Tinulungan siya ng kanyang ama na umupo nang maayos sa kama.
“Kumusta na ang pakiramdam mo, Luka? May masakit ba sa `yo?” tanong ng mommy niya.
“I’m fine, Mom.” Inilibot niya ang paningin sa paligid. She was in the hospital.
Isa-isang bumalik sa kanyang alaala ang mga nangyari. Mula sa pagkasunog ng kanyang studio hanggang sa pagliligtas sa kanya ni Khaki.
Napasinghap siya. “Si Khaki? Nasaan ho si Khaki?”
“Nasa labas siya ng kuwarto,” sagot ng kanyang ama.
Nakahinga siya nang maluwag dahil ligtas ito.
“Do you want to see him?” tanong ng kanyang mommy.
Nag-angat siya ng tingin sa kanyang ina. “Po?”
Ngumiti ito at hinaplos ang kanyang mukha. “Mula kasi nang isugod ka rito sa ospital, hindi na mapakali ang batang iyon. Sa katunayan nga, kalalabas lang niya rito para kulitin uli ang mga doktor kung bakit hindi ka pa nagigising. Talagang nag-aalala sa `yo nang husto ang batang iyon.”
Lumobo ang puso niya sa narinig. “Hindi po. Sadyang pakialamero lang talaga ang lalaking iyon,” nakangiting sabi niya.
Nanlaki ang mga mata ng mommy niya. “Oh, goodness! You’re smiling, hija!”
Natigilan siya. Nang tingnan niya ang kanyang ama ay halatang tuwang-tuwa ito.
“O, siya. Ngayong nakikita naming maayos na ang kalagayan mo, aalis na muna kami ng daddy mo. Iiwan ka muna namin kay Khaki,” anang mommy niya.
“Babalik kami mayamaya, anak,” sabi naman ng daddy niya.
Tumango na lang siya. “Salamat po sa pagdalaw, Mommy, Daddy.”
Pagkatapos siyang halikan ng kanyang mga magulang sa noo ay umalis na ang mga ito.
Naiwan siyang nag-iisip. Nasunog ang kanyang studio. Natupok ng apoy ang pinakaiingatan niyang paintings ng mukha ni Daniel. Nang mamatay ito, pakiramdam niya ay hindi na niya kayang gumuhit ng ibang bagay maliban sa nakangiti nitong mukha. Hindi niya akalaing magiging abo lang ang lahat ng iyon sa isang iglap.
Pero naisip din niyang hindi kaya iyon ang sagot ni Daniel sa kanya nang itanong niya rito kung dapat na ba niya itong palayain? Senyales ba iyon na dapat na siyang bumitiw sa mga alaala nila?
Sa gitna ng pag-aalala niya sa namatay na kasintahan, sumalit sa alaala niya ang imahe ni Khaki.
“Luka.”
Napalingon siya sa pinanggalingan ng pamilyar na boses. Bumilis ang tibok ng puso niya nang makitang nakasandal sa hamba ng pinto si Khaki habang nakahalukipkip. He was unusually serious.
“Kumusta na ang pakiramdam mo?” tanong nito.
“I’m fine. And thank you sa pagliligtas mo sa akin.”
Isang tipid na ngiti lang ang ibinigay nito sa kanya. Pagkatapos ay hindi na ito muling umimik pa.
Nailang siya sa katahimikang namayani sa pagitan nila. Nakasanayan na niya ang kadaldalan nito kaya ngayong wala itong imik, parang hindi siya mapalagay.
Bumuntong-hininga siya. “This morning, before I left my studio, I asked Daniel if I was supposed to let go of our memories. Kaya ngayon, iniisip ko tuloy kung ang pagkasunog ba ng studio ko ang sagot niya sa tanong ko.”
Hindi niya alam kung bakit niya sinasabi iyon kay Khaki. Maybe she wanted someone to listen to her. Or maybe she just really wanted to hear his voice.
“Luka, what happened to Daniel? How did he... die?”
“He died in a car accident three years ago. Araw ng kasal namin noon. I was so devastated. Siya lang ang lalaking minahal ko at inakala kong habang-buhay kaming magkakasama. Kaya nga hindi ko matanggap nang mawala siya sa akin.”
“So... can I say something?”
“Go ahead.”
“You’ve been grieving for three years now. Don’t you think it’s time to let go now and move on with your life? Why is it so hard for you to let go? I mean, naiintindihan ko ang nararamdaman mo ngayon dahil minsan ko na ring naranasan iyan. But when I look at you, it’s as if... you’re desperately holding onto your memories of him.”
She let a ghost of a smile escape her lips. Nakita na naman nito ang isang bagay na pilit niyang itinatago sa lahat.
“Daniel was an orphan. Nang magkakilala kami sa college, isa siyang scholar at self-supporting student. Nang maging kami, alam kong naging dependent siya sa `kin kaya ginawa ko ang lahat para hindi niya maramdaman uli ang pag-iisa.
“One day, he told me he was afraid of being alone again. Ang sabi niya, noong bata raw siya, madalas niyang itanong sa sarili niya kung may makakaalala sa kanya kapag namatay siya. Ayaw raw niyang mamatay nang walang nakakaalam na minsan ay may isang ‘Daniel Fernandez’ na nabuhay sa mundo. Kaya nang mamatay siya, ipinangako ko sa kanya na hinding-hindi ko siya kakalimutan.” Nanakit ang lalamunan niya sa pagpipigil umiyak.
“Iyon ba ang dahilan kung bakit nakatali ka sa mga alaala niya?”
“Natatakot ako na dumating ang araw na hindi ko na maalala ang mukha niya. Na makalimutan ko na ang mga alaalang pinagsaluhan namin.” Hindi na niya napigilan ang pag-iyak. “Nangako ako sa kanya...” Niyakap niya ang kanyang mga tuhod at sumubsob doon.
“Luka...”
Naramdaman niya ang pag-upo ni Khaki sa kanyang tabi. His strong arms were wrapped around her. Masuyong hinahaplos-haplos nito ang kanyang buhok. Parang may mainit na bagay ang bumalot sa kanyang puso sa ginawa nito. Kumalma uli ang buong sistema niya. Parang ipinaghehele siya sa mga bisig nito.
Alam niyang may iba pa silang dapat pag-usapan ni Khaki – ang pagtatapat nito ng pag-ibig sa kanya. Pero sa ngayon, gusto niya munang kalimutan ang ipinagtapat sa kanya ni Khaki dahil ayaw niyang sirain niyon ang mga sandaling iyon. What important to her was she found peace in his arms.
“Luka, alam ko kung gaano kahalaga para sa `yo ang pangakong iyon, pero hindi mo naman kailangang ikulong ang sarili mo sa ibang mundo at itaboy palayo sa iyo ang lahat ng tao sa paligid mo para lang tuparin ang pangako mo kay Daniel. He’ll always be in your heart the way my family is still in mine. Even if you give yourself a chance to be happy again, it doesn’t mean that you’ll going to forget him.
“Whenever I smile and laugh, I think of my family. Even when I cry, I still think of them. Because I know that somewhere out there, they’re watching over me. Alam kong hindi nila gugustuhing mabuhay ako nang malungkot nang dahil sa pagkawala nila. Sigurado akong ganoon din si Daniel. Saan man siya naroroon, gusto niyang maging masaya ka.”
She smiled. Tama si Khaki na hindi naman mawawala ang alaala ni Daniel dahil mananatili iyon sa puso niya kahit ano ang mangyari. At gugustuhin din ni Daniel na maging masaya siya.
Marahil natatakot din siya na kapag nagkaroon siya ng panibagong masasayang alaala sa kanyang isip, maaaring mapalitan ng mga iyon ang mga alaalang pinagsaluhan nila ni Daniel. But then, she knew it wasn’t right to think that way. Noong nabubuhay pa si Daniel, wala itong ibang hinangad kundi ang kaligayahan niya.
Salamat kay Khaki, ang kauna-unahang taong nakabasa sa tunay niyang nararamdaman. Kung paano nito nagawa iyon, hindi niya alam. It was as if she was an open book to him. Bawat sabihin nito ay tumitimo sa puso niya.
“You’re a strong woman, Luka. You should continue to live, getting hurt is part of life. You just have to get used to it. Nariyan naman ang mga nagmamahal sa `yo para suportahan ka.”
She cried. His words touched her heart once again.
Only his voice reached her because he was the only one who found the way to her heart.
Daniel, I accept your answer. Thank you. You’ll always be in my heart. You know that, right?
MASAYA SI KHAKI habang pinagmamasdan si Luka. Kasalukuyan itong pumipirma ng mga comic books kasama ang iba pang artist na katulad nito sa isang mall bilang bahagi ng book signing event ng Crackers Comics na pag-aari nito. Naroon din ang mga magulang ng dalaga bilang suporta.
Dumako ang tingin niya sa bungkos ng pulang mga rosas na dala niya. Binili na niya ang mga iyon sa pagkakataong iyon pero siya pa rin ang personal na pumili sa bawat rosas. Napangiti siya nang maramdaman siyang mga “panggulo” sa tiyan niya. Kinikilig siya.
Tinakpan niya ng mga rosas ang mukha niya upang hindi siya makita ni Luka habang naglalakad siya palapit dito. Dalawang binatilyo na lang ang nasa harap niya na nagpapapirma sa dalaga. Pero ang totoo niyan, gusto niyang takpan ang pagba-blush niya.
Ngayong inamin na rin niya kay Luka na mahal niya ito, hindi na niya iyon magawang itago iyon. At lalong hindi niya mapigilan ang paggawa ng mga bagay na magpapakita at magpapatunay ng pagmamahal na `yon. He was so in love with her. Nagpapasalamat siya na mukhang boto naman sa kanya ang mga magulang nito.
“Khaki, anong kalokohan na naman `yan?” Narinig niyang tila iritadong tanong ni Luka.
Binaba niya ang mga bulaklak. Hindi niya napigilan ang paglapad ng ngiti niya nang makita ang mukha nito. Ang ganda talaga nito kahit naka-orange wig ito. “Hello, Luka! Nandito ako para magpa-autograph sa’yo.”
She rolled her eyes. Tinanggap nito ang mga bulaklak at pinatong iyon sa mesa nito. “So, nasaan na `yong papapirmahan mo sa’kin?”
Natigilan siya. No’n lang niya naisip na hindi pa pala siya nakakabili ng comic books nito! Mas inuna pa kasi niya ang pagpapa-pogi, at naubos din ang oras niya kakapili ng bulaklak para rito. Naroon kasi siya para manligaw at magpa-cute.
Tumikhim siya. “Bibili ako –” Hindi na niya naituloy ang sinasabi niya nang itaas ni Luka ang kamay nito.
“Umalis ka na d’yan. Marami pang nakapila sa likod mo,” anito sa malamig na tinig.
Sinasabi na nga ba niya’t iiwasan na naman siya nito. Pagkatapos kasi ng eksena nila sa ospital, napansin niyang tila iniiwasan na siya nito. Marahil ay may kinalaman iyon sa pagtatapat niya rito ng pag-ibig. Nasusubok talaga ang kadakilaan niya pagdating dito.
“Eh di dito na lang sa shirt ko. Puti naman ito.” Itim kasi ang coat niya kaya `yong V-neck shirt na lang sa ilalim niyon ang in-offer niya.
Bumuntong-hininga si Luka saka tumayo. Pagkatapos ay pinirmahan nito ang shirt niya sa bandang dibdib.
Napahalakhak siya. “Oh, Luka. That tickles!” aniya sa pagitan ng pagtawa. Nakikiliti naman kasi talaga siya sa stroke ng sulat nito. Narinig niyang nagtawanan ang mga nakarinig sa kanya. Kinagat niya ang ibabang labi niya para pigilan ang pagtawa niya ng malakas. Pero panaka-naka ay may kumakawala pa ring ngisi sa mga labi niya.
Kumunot ang noo ni Luka nang matapos itong pumirma. “That’s a silly face.”
Napangiti siya. Kahit kasi sinusungitan siya nito, nakikita naman niyang kumikislap ang mga mata nito na tila ba naaaliw ito sa kanya. “This is my second favorite face.”
Tumaas ang kilay nito. “What’s your first then?”
He broke into a wide smile. “Yours.”
Napasinghap si Luka. Binuka nito ang bibig nito pero agad din iyong sinara. Pagkatapos ay namula ang buong mukha nito.
So cute!
Akmang pipisilin niya ang pisngi nito nang may kung sinong tumawag sa kanya. Nang lumingon siya sa pinanggalingan ng boses, isang mariin na halik ang sumalubong sa kanyang mga labi.
“Khaki, I missed you!”
Napakurap siya habang pinagmamasdan ang dalaga na nakayakap na sa baywang niya ngayon. “Monica? Paano mo nalamang nandito ako?”
Lumabi ito. “Pinsan ko ang event organizer nitong book signing na `to. Sinabi niya sa’kin na nakita ka raw niya rito kaya pinuntahan kita. Kailan ka pa nahilig sa comics?”
Kinakabahang sinulyapan niya si Luka. Mukhang nabigla ito sa nakita nitong paghalik ni Monica sa kanya. Nang tila makabawi ay tinapunan siya nito ng masamang tingin. “Luka, magpapaliwanag ako.”
“Hindi ko hinihingi ang paliwanag mo. Ang gusto ko, umalis na kayo rito. Nakakaistorbo kayo sa pila,” ani Luka sa malamig na boses.
“Pero –”
“Kung makapagsungit ka, akala mo naman kung sino kang sikat. Hello? Bagsak na kaya ang industriya ng comics,” nang-iinsultong wika ni Monica habang nakataas ang kilay kay Luka.
“Monica,” saway niya rito. Nang magpatuloy pa rin ito sa pagsasalita ng masama kay Luka na halatang napipikon na ay hinila na niya ito palayo ng event. “Monica, you shouldn’t have talked to Luka that way,” naiinis na wika niya rito habang naglalakad sila palabas ng mall.
“Bakit? `Yong weirdo ba na `yon ang pinalit mo sa’kin?” galit na tanong nito.
Argh. This is hard. “Monica, hindi naman totoong naging tayo. You knew right from the start that I only agreed to be your pretend boyfriend so you wouldn’t be embarrassed by our friends. It’s been two weeks since then. Okay na iyon. Hindi na sila magtatanong kung sasabihin mong naghiwalay na tayo.” Alang-alang sa pagkakaibigan nila, hindi niya iyon natanggi sa mga kaibigan nila para protektahan ang pride nito.
“Khaki, do you have a girlfriend now?” tanong ni Monica mayamaya. He saw a devious glint in her eyes. “Ang usapan natin, ‘maghihiwalay’ lang tayo kapag may bago ka nang girlfriend. Remember?”
He wanted to strangle this woman. Malakas ang loob nitong magsalita nang ganoon dahil alam nitong hindi niya makakayang ipahiya ito sa mga kaibigan nila.
“Khaki, alam mo namang nasa US pa lang tayo, gusto na kita. Ano ba’ng mali sa `kin at hindi mo `ko magustuhan?” dagdag nito.
Monica was pretty and she obviously came from a wealthy family. Pero habang nakatingin siya rito, biglang lumitaw sa imahe niya ang mukha ni Luka.
Yeah. Luka and her wigs.
Ito lang yata ang babaeng kilala niya na maganda pa rin kahit may suot na makulay na wig.
Luka phone home! Luka phone home! I already miss you.
“Khaki,” untag sa kanya ni Monica.
Tiningnan niya ito. “Monica, I do have a girlfriend now.”
Tumaas ang isang kilay nito. “Really now? Well, if that’s the case, why don’t you bring her to my party? Kapag nadala mo siya roon, doon pa lang ako maniniwala sa iyo. And, Khaki, hangga’t hindi mo naipapakita sa aking may girlfriend ka na talaga, hinding-hindi ako hihiwalay sa `yo.”
Witch!
“BUHAY na buhay pa rin talaga ang industriya ng comics sa bansa natin.”
“At dahil iyon sa pagsisikap ng anak natin. I’m so proud of you, Luka.”
Nginitian ni Luka nang matipid ang kanyang mga magulang na masayang-masaya sa katatapos lang na comics convention ng kanyang Crackers Comics. Dinayo ng comics enthusiasts ang event na iyon. Panay papuri ang natanggap niya at ng mga talented artist na kasama niya roon. Binigyan daw nila ng bagong bihis ang Pinoy comic books. Pinakapinuri ang bagong drawing style na ipinamalas ng kanyang mga artist na patuloy raw sa pag-e-evolve.
“Magagaling at masisipag lang po talaga ang mga kasama kong artists ng Crackers Comics kaya naging successful kami kahit tatlong taon pa lang kami,” sabi niya sa mga magulang niya.
Kasalukuyan silang naglalakad papasok sa paborito nilang restaurant nang makasalubong nila si Khaki na kalalabas lang doon. May kasama itong babae na nakakapit sa braso nito. Obviously ay girlfriend nito iyon dahil nakita niyang hinalikan niyon ang binata kanina.
Hindi niya alam kung bakit parang may matulis na bagay na tumusok sa kanyang puso.
“Luka!” bati ni Khaki sa kanya. Halatang nagulat ito nang makita siya. Pagkatapos ay binati rin nito ang mga magulang niya.
Halata ang pagkadismaya sa mukha ng mga magulang niya, subalit binigyan pa rin ng mga ito ng ngiti si Khaki.
“Let’s go, Mom, Dad.” Nauna na siyang pumasok sa loob.
“I didn’t know he already has a girlfriend,” naiiling na komento ng kanyang ama. Ang ina naman niya ay nanatiling nakasimangot.
Nagkibit-balikat siya. “Hindi naman kami ni Khaki, Dad.”
Bigla na lang sumama ang pakiramdam niya dahil sa natuklasan niyang may nobya na pala si Khaki. Halos hindi niya magalaw ang pagkain niya.
Ang kiti-kiti na `yon. Ang kapal ng mukhang sabihing mahal ako. `Tapos, may girlfriend na pala!
Ginagawa rin kaya nito sa nobya nito ang mga ginagawa nito para sa kanya? Ipinaglilinis ng bintana? Ipinipitas ng bulaklak kahit walang dahilan? Pinapangiti at pinapatawa?
Hindi niya gusto ang nararamdaman pero pakiramdam niya, napagtaksilan siya. Ayaw niya ng may kahati kay Khaki kahit hindi pa siya sigurado kung anong lagay nito sa puso niya.
“Anak, what’s the problem?” untag sa kanya ng mommy niya.
Tiningnan niya ito. “Bakit po?”
“You look like you want to stab someone with your steak knife,” komento ng kanyang ama.
Awtomatikong nabitawan niya ang steak knife. Sumimsim siya ng wine bago sumagot. “N-napagod lang po siguro ako,” pagsisinungaling niya.
Tumango lang ang mga magulang niya. Alam niyang hindi naniniwala ang mga ito pero hinayaan na lang siya.
May sasabihin sana siya nang may mahagip siya ng tingin. Khaki was outside the glass window in front of her. Pasimple siyang napahawak sa kanyang dibdib nang tila tumalon ang puso niya pagkakita rito.
Relax, Luka. Si Khaki lang `yan.
May kung anong isinesenyas ang binata. Marahas nitong ipinipilig ang ulo habang pinag-eekis ang mga braso.
Pasimple niyang sinulyapan ang mga magulang niya na abala sa pagkukuwentuhan. Then she mouthed “what?” to Khaki.
Tila sumuko na ito sa pagsenyas nang marahil mapansin na hindi niya iyon naiintindihan. Ibinuka na lang nito ang bibig and mouthed something.
“She’s not my girlfriend” ang mga salitang nabasa niya sa bibig nito. Lihim siyang nakahinga nang maluwag dahil sa sinabi nito at tila gumaan din ang pakiramdam niya na kanina lang ay parang nalugi sa pansitan. Hindi naman pala siya nito ‘pinagtataksilan’.
Nang tingnan uli niya si Khaki, nakita niyang bumuga ito ng hangin sa glass wall at nagsulat doon. This time, tama na ang pagkakasulat nito para mabasa niya nang maayos.
Cute.
Napangiti siya. And it wasn’t a good sign.