Chapter BLOW ME A KISS, BABY CHAPTER 4

“HINDI ko nagustuhan ang ginawa mo kay Radcliffe kanina,” sermon ni Jolly kay Bee pagpasok pa lang niya ng bahay.

Nagpaawa ng mukha si Bee sa best friend niya. “I know. Pinagsisisihan ko na `yon, Jolly.”

Akmang may sasabihin pa si Jolly, pero nang mapatitig ito sa mukha niya ay nanlaki ang mga mata nito. Lumapit ito sa kanya at kinulong ang mukha niya sa mga kamay nito. “You cried, Bee? Magang-maga ang eyes mo!”

Tumango si Bee. “Nag-usap na kami ni Radcliffe. Nasabi ko na sa kanya lahat ng hinanakit ko. At nakapag-sorry na rin ako sa kanya.”

Inakay siya ni Jolly paupo ng sofa. “Best friend...”

Yumakap si Bee kay Jolly para maglambing. “I know, naging unfair ako kay Radcliffe. Natakot lang naman ako na baka mawala na ang lahat kay Ryford pagbalik niya. Ang banda, ang mga kapatid niya...”

Bumuntong-hininga si Jolly, saka marahang sinuklay ang buhok niya gamit ang mga daliri nito. “Bee, mahal mo ba si Ryford?”

“Hindi ko alam,” matapat na sagot ni Bee. “Pero ang alam ko, siya ang hero ko. Siya `yong taong nag-convince sa’kin na ituloy ang pangarap kong maging reporter, kaysa sumunod sa yapak ng parents ko na parehong doktor. Kung hindi dahil sa kanya, baka naging miserable na ang buhay ko, at malamang, hindi rin ako masaya ngayon.”

“I understand, best friend,” malumanay na sabi ni Jolly. “Alam ko rin na magkaibigan kayo ni Ryford. Sa kanya na umikot ang mundo mo simula noong high school tayo, kaya nang nawala siya, para kang batang naligaw. Pero Bee, baka may reason kung bakit nangyari `to. Baka kailangan mo nang matutunang mabuhay nang hindi nakadepende kay Ryford.”

Akala ni Bee noon, walang masama kung umikot man ang mundo niya kay Ryford. Malaki ang tiwala niya sa binata dahil ito ang tumulak sa kanya na gawin ang pinakamalaki at pinakatamang desisyon na nagawa niya sa buhay niya. Dahil do’n, inisip na niyang kailangan niyang ikunsulta ang lahat ng gagawin niyang desisyon kay Ryford, dahil naniniwala siyang mas alam nito kung ano ang makakabuti para sa kanya.

And when Ryford suddenly disappeared, she got lost.

Tama nga siguro si Jolly. Kailangan nang matuto ni Bee na magtiwala sa kanyang sarili, lalo ngayong wala na si Ryford para umalalay sa kanya.

KANINANG umaga pa masama ang pakiramdam ni Bee. Pero sumama pa rin siya sa photoshoot ni Radcliffe dahil gusto niyang humingi ng paumanhin kina Rykard at Rydell. Tiyak naman kasi na sasamahan ng dalawa ang pinsan ng mga ito.

At hindi nga nagkamali si Bee. Mayamaya lang ay dumating sa set si Jolly, nakalambitin sa braso nina Rykard at Rydell. Pagkatapos ma-i-“deliver” ni Jolly ang McDonough Brothers sa kanya, umalis na ang best friend niya.

“Don’t you dare cry on us,” banta ni Rykard nang tingnan niya ito gamit ang puppy dog eyes niya. “Magwo-walk out ako.”

“I’m sorry,” sinserong paghingi ng tawad ni Bee.

Ngumit si Rydell, at tinapik-tapik ang kanyang ulo. “It’s okay, Bee. Naipaliwanag na sa’min ni Radcliffe ang lahat.”

Namaywang si Rykard, saka bumuga ng hangin. “Seriously? No one can ever take our brother’s place, Bee. Hindi si Radcliffe, hindi kahit sino.”

Tumango si Bee, nagpapaawa pa rin ng mukha. “Kaya nga po sorry na.”

Bumuga ng hangin si Rykard. “Basta ba naliwanagan ka na.”

Nagpalipat-lipat ng tingin si Bee kina Rykard at Rydell. “Pero Rykard, Rydell. Hindi niyo ba talaga puwedeng sabihin sa’kin kung ano’ng nangyari kay Ryford? Wala ba kayong tiwala sa’kin?”

“Hindi sa gano’n, Bee,” kontra ni Rydell. “It’s just that, it’s a family matter. Pero babalik din si Ryford, that we promise you.”

Walang nagawa si Bee kundi ang tumango. Naiintindihan naman niya kung confidential ang pag-alis ni Ryford sa Rai’s. Maghihintay na lang siya sa pagbabalik ng kaibigan. “Okay.”

“Bee, okay na ang baby mo!” excited na sigaw ni Jolly mayamaya.

Nilingon ni Bee si Jolly para sana pagalitan ito, pero natigilan siya nang makita kung sino ang kasama ng kaibigan – si Radcliffe.

Natulala si Bee sa kaguwapuhan ni Radcliffe. He wore a red shirt under a black leather jacket, fitted pants, and ankle boots. Spiky din ang buhok nito na bumagay dito, lalo itong nagmukhang rock star.

Ngumiti si Radcliffe nang makita si Bee. “Hi, baby!”

Nag-init ang mukha ni Bee at alam niyang hindi lang iyon dahil sa hindi talaga normal ang temperatura niya. Nakaramdam siya ng hiya lalo’t tinukso sila ng mga nakarinig kay Radcliffe. Ang nakakapagtaka lang, hindi na siya naiinis ngayon.

Lumapit si Radcliffe kay Bee. “Do I look good, Bee?”

Humalukipkip si Bee. Magaang na ang loob niya kay Radcliffe matapos nilang makapag-usap ng maayos, pero mas komportable pa rin siyang tinataray-tarayan ang lalaki. “Wala namang masyadong nagbago, pero puwede na rin.”

“Puwede na? Seriously, Bee? He looks hot kaya!”

Nagulat si Bee nang marinig ang matinis na boses na iyon. Nalingunan niya ang kapapasok lang ng studio na si Barbie. At gaya ng pangalan nito, mukha talagang barbie doll ang dalaga. She was blonde, tall, voluptuous, and very beautiful. Para talaga itong manyika sa suot na malaking pink ribbon sa ulo, at pink tube top and pink tutu skirt na ipinares sa pink stilletos.

Naglakad si Barbie palapit kina Bee, pero kay Radcliffe lang nakatingin ang dalaga. At hindi nito itinago ang paghanga sa mga mata.

“Radcliffe McDonald,” nakangiting sabi ni Barbie nang makalapit kay Radcliffe, pagkatapos ay nilahad ang kamay sa binata. “I’m Barbie Mendiola. Ako `yong madalas tumatawag sa’yo to convince you to become our magazine’s new cover boy. I’m glad you finally gave in.”

Tumaas ang kilay ni Bee. Kung gano’n pala, simula nang dumating sa Pilipinas si Radcliffe ay nakakausap na ni Barbie ang binata.

Nakangiting tinanggap ni Radcliffe ang pakikipagkamay ni Barbie. “Finally, Barbie. I thought you’re never gonna show yourself to me.”

Barbie’s smile became seductive. Imbis na bitawan ang kamay ni Radclifee ay lalo lang nitong nilapit ang sarili sa binata. “I just wanna keep you guessing on how I look in person. It seems like I didn’t disappoint you.”

Naikuyom ni Bee ang mga kamay sa labis na iritasyon. Kung makapanglandi si Barbie, akala mo ay hindi ito disi-otso anyos lang! At itong si Radcliffe naman, masyadong mapagpatol!

“You remind me of Princess Bubblegum from Adventure Time,” nakangiting sabi ni Radcliffe, walang bahid ng sarkasmo o pang-iinsulto. “Para kang nagko-cosplay. Cool!”

Bigla-bigla ay nawala ang inis ni Bee. Pinigilan niya ang matawa ng malakas, gaya ng lahat ng nakarinig sa sinabi ni Radcliffe.

Halatang nainsulto si Barbie sa off-hand comment ni Radcliffe, pero nang makabawi ay ngumisi ito. “I like hard-to-get guys, Radcliffe.”

At ikinagulat ng lahat ang sunod na nangyari – hinalikan ni Barbie sa mga labi si Radcliffe!

HINDI naging maayos ang photoshoot dahil kay Barbie Mendiola. Matapos halikan ni Barbie si Radcliffe, biglang kinaladkad ni Rydell si Barbie palabas ng set na lalong ikinagulat ng mga naroon.

Lalo na si Bee. No’n lang niya nakita ang tahimik at kalmadong si Rydell na magalit ng gano’n. Naalala pa niya ang palitan ng maaanghang na salita nina Barbie at Rydell.

“What are you, a kissing machine? You just can’t go around kissing boys as you like, Barbie,” galit na sabi ni Rydell.

“May I remind you that I am no longer your student, kaya wala kang karapatang pangaralan ako, Sir McDonough,” mapait na sagot naman ni Barbie.

“Huwag mong sagarin ang pasensiya ko, Barbie.”

“I really can’t stand you, Rydell,” tila napapagod na sagot ni Barbie, saka namaywang. “At ano bang ikinagagalit mo? Hindi ba’t ikaw naman ang nagsabi sa’kin na i-enjoy ko ang kabataan ko? Na marami pa kong makikilalang ibang lalaki? That’s exactly what I’m doing right now. Enjoying my youth, dating different guys.”

“I never said you should kiss every guy you meet!” galit na sigaw ni Rydell, saka hinawakan sa pupulsuhan si Barbie at hinila palabas ng studio.

Pagkatapos ng eksena nina Rydell at Barbie ay nag-resume na ang photoshoot. Si Jolly ang photographer na kumuha ng mga litrato kay Radcliffe na sa buong durasyon ay ni hindi magawang tumingin kay Bee. At nang matapos naman ang photoshoot, bigla na lang nawala si Radcliffe.

Hindi naman nakaalis kaagad si Bee dahil repsonsibilidad niyang siguruhing maayos na mapa-pack up ang photoshoot. Hindi kasi nagpakita si Puma do’n, kahit sinabi nitong tutulong ito sa photoshoot.

“Best friend, natulala ka d’yan?”

Napakurap-kurap si Bee nang makita si Jolly sa kanyang harapan. “O, Jolly...”

“Okay ka lang? Pack up na ang shooting, `di ba?”

Tumango siya, wala pa rin sa sarili. “Oo, nagliligpit na lang ako.”

Gumuhit ang pag-aalala sa mukha ni Jolly. Hinawakan siya nito sa braso. Nanlaki ang mga mata nito. “Oh, God! You’re burning hot, Bee! Umuwi na nga tayo ng makapagpahinga ka. Malakas pa naman ang ulan sa labas. Naku, hindi ka dapat mabasa ng ulan! Buti na lang at dala ko ang kotse ko.”

“Okay lang ako, Jolly, `wag kang mag-panic. Alam mo namang tantiyado ko ang katawan ko,” pag-a-assure niya sa kaibigan, kahit ang totoo ay kanina pa parang binibiyak ang ulo niya.

Tumango si Jolly, mukhang distracted. Napansin din niyang natahimik ito, pagkatapos ay napabuntong-hininga. Alam ni Bee kung bakit nagkakagano’n ang kaibigan.

“May something pa rin ba sina Rydell at Barbie?” maingat na tanong ni Bee kay Jolly.

Kahit kaibigan ni Bee sina Rykard at Rydell, hindi naman siya gano’n kalapit sa dalawa para panghimasukan ang love life ng mga ito. Si Jolly ang naging close kina Rykard at Rydell dahil lagi niya itong sinasama sa mga gig ng Rai’s, pero madalas niyang naiiwan kapag nagsosolo na sila ni Ryford.

Ngumiti si Jolly. “Mukhang meron pa yata.”

Nalungkot si Bee para kay Jolly. Alam naman kasi niyang may feelings ang best friend niya para kay Rydell. “Jolly...”

“It’s okay, Bee,” sabi ni Jolly. “It’s okay.”

“Hey, batchoy, kanina pa kita hinahanap.”

Sabay na napalingon sina Bee at Jolly kay Rykard na kunot-noong nakatingin kay Jolly.

“Bakit?” nagtatakang tanong ni Jolly kay Rykard.

Hinawakan ni Rykard si Jolly sa pupulsuhan. “Papakainin kita ng totoong pagkain. Panay Jollibee na `yang nasa katawan mo kaya ka tumataba, eh.”

Napakurap-kurap si Jolly. “Pero hindi ko puwedeng iwan si Bee di –”

“It’s okay. May nag-aalaga na d’yan, sa’yo wala,” sabi ni Rykard, saka kinaladkad si Jolly palabas ng studio sa kabila ng protesta ng kaibigan niya.

Naguluhan si Bee sa bilis ng mga pangyayari. At nang lumingon siya sa paligid, nagulantang siya nang makitang mag-isa na lang siya sa studio. “Hala. Nasaan na ang mga tao rito?”

Katahimikan ang sumagot kay Bee. Hanggang mayamaya ay narinig niya ang marahang pagbukas at pagsara ng pintuan. Nang pumihit siya paharap, nagulat pa siya nang makita si Radcliffe, nakangiti habang palapit sa kanya. Nakatago ang mga kamay nito sa likuran. Halata namang mga bulaklak ang itinatago nito.

Bumuntong-hininga si Bee, nakahinga ng maluwag na hindi pala siya naiwang mag-isa ro’n. Humalukipkip siya at tinaasan ng kilay si Radcliffe. “Akala ko ba hindi ka manliligaw? Bakit may pa-surprise-surprise ka pang nalalaman ngayon?”

Nakangiti pa rin si Radcliffe hanggang sa huminto ito sa harap niya, pero napansin niyang walang kislap ang mga mata nito. “Hindi ko gustong mangyari `yon, pero pakiramdam ko, nag-cheat ako sa’yo dahil sa kiss na `yon.” Tumabingi ang ngiti nito, na para bang ayaw nang maalala ang nangyari. “I’m sorry. Mag-iingat na ko sa susunod para hindi na `yon maulit.”

“Hindi mo naman kailangang magpaliwanag, Radcliffe.”

Bumuntong-hininga si Radcliffe. “I know. But after pledging my devotion to you, it doesn’t feel right to have been kissed by another girl. Sa harapan mo pa.”

Hindi alam ni Bee ang dapat na maramdaman.

Dapat ay mainis siya dahil sa pangungulit ni Radcliffe, pero hindi naman pinaparamdam ng binata na kailangan niyang tugunin ang damdamin nito kaya nagpapasalamat siya rito. Isa pa, natutuwa na siya sa mga effort nito, lalo’t parati nitong pinaparamdam sa kanya na espesyal siya para rito.

“Alam kong mahirap paniwalaan dahil ngayon lang tayo nagkakilala. But I’m really attracted to you, Bee,” seryosong sabi ni Radcliffe. “And I’m also serious when I said I want us to be exclusively dating.”

Naging seryoso na rin si Bee. Hindi niya kayang bale-walain ang damdamin ni Radcliffe ngayong nakikita niya kung gaano ito kasinsero sa mga sinasabi nito. “Maybe I don’t hate you anymore, Radcliffe. Pero hindi ko pa masasabi ngayon kung gusto kita ng higit pa sa kaibigan.”

“Are you in love with someone else? With Ryford, perhaps?” tila kabadong tanong ni Radcliffe.

“Ryford is very special to me,” matapat na sabi ni Bee. “Mataas ang paghanga ko sa kanya. Hindi man ako in love sa kanya, still, he has a special place in my heart. Idol ko siya, eh.”

Tumango-tango si Radcliffe, saka nagpakawala ng malalim na hininga. “Hindi pala small fry ang karibal ko. Kailangan kong husayan ang panliligaw.”

Natawa ng mahina si Bee. “Akala ko ba, hindi ka nanliligaw?”

Nagkibit-balikat si Radcliffe. “Sa bansang pinanggalingan ko, hindi uso ang panliligaw. If I like a girl, I simply ask her out. But you’re special, Bee. Kaya kahit hindi ako marunong manligaw, susubukan ko pa rin. At sisimulan ko `yon sa pagbibigay sa’yo ng mga ito...”

Ang akala ni Bee ay mga bulaklak ang itinatago ni Radcliffe sa likuran nito, kaya laking gulat niya nang makita na hindi mga rosas ang nakalagay sa bouquet kundi mga large fries ng Jollibee!

Naitakip ni Bee ang mga kamay sa bibig nang mapasinghap siya, pagkatapos ay hindi niya napigilang matawa. Aaminin niya, kinilig siya sa sorpresa na iyon ni Radcliffe. “Radcliffe... this is... sweet.”

Kumislap ang mga mata ni Radcliffe. “Nakita ko lang ang style na `to sa pag-i-scroll ko sa Facebook, at naisip kong magugustuhan mo `to. Mukhang hindi nga ako nagkamali.”

Mabilis na tumango si Bee, wala siyang makitang dahilan para i-deny pa `yon. “Sobra.” Hindi na niya napigilang lumapit kay Radcliffe at yakapin ito sa baywang. “Thank you, Radcliffe. Pinasaya mo ko.”

“Ah, ang sarap naman ng thank-you gift ng baby ko,” natatawang sabi ni Radcliffe. Maingat na binaba nito ang “bouquet of fries” sa mesa bago gumanti ng yakap sa kanya. “Ibig bang sabihin nito, may pag-asa ako sa’yo?”

Tumingala si Bee kay Radcliffe. She felt so hot, and her body felt heavy. Pakiramdam niya ay hindi na niya hawak ang sarili niya dahil hindi na niya nakontrol ang mga sunod niyang sinabi. “A-aside from Ryford, I never really liked any other guy. Kaya hindi ko pa maintindihan kung bakit... kung bakit gusto ko ang lahat ng `to. Ang mga pambobola mo, `yong bouquet of fries, at itong yakap mo. I really don’t understand what I feel for you...”

Ngumiti si Radcliffe, saka masuyong hinaplos ang pisngi ni Bee. “It’s okay, baby. We’ll figure it out.”

Ipinikit ni Bee ang mga mata dahil sa comfort na hatid ng mga sinabi ni Radcliffe. Isinubsob niya ang mukha sa dibdib ng binata, at sinamyo ang amoy nito na nagugustuhan na niya.

We’ll figure it out.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.