HINIHINGAL si Bee nang lumapat ang likod niya sa malambot niyang kama. Nanlalamig siya, lalo pa at nabasa siya ng ulan nang buhatin siya ni Radcliffe mula sa kotse nito, patakbo sa bahay ni Jolly. Tinakluban naman siya ng binata ng jacket, pero nabasa pa rin siya.
Napabahin si Bee.
“Dang, I’m sorry, baby,” bulong ni Radcliffe habang pinupunasan ng tuwalya ang mukha niya. “I’m so stupid para hindi maglagay ng payong sa kotse ko. Nabasa ka tuloy. Baka lalong tumaas ang lagnat mo. Should I bring you to the hospital?”
Natawa ng mahina si Bee. “Huwag ka ngang mag-panic, Radcliffe.” Bumangon siya. Inalalayan naman siya ng binata. “Magbibihis lang ako...”
Gumuhit ang pag-aalala sa mukha ni Radcliffe. “Kaya mo ba?”
Tumango siya. “Tantiyado ko ang katawan ko, Radcliffe.”
Tinulungan ni Radcliffe si Bee na tumayo at magtungo sa cabinet niya. Tumalikod ang binata nang kumuha na siya ng panloob sa drawer. Inalalayan din siya nito sa pagpasok sa adjacent bathroom ng kuwarto niya.
Mabigat ang katawan ni Bee kaya naging mabagal ang pagpupunas at pagbibihis niya. Paglabas niya ng banyo ay naabutan niya si Radcliffe na may kausap sa cell phone.
“You’re stranded? Fine, fine. You take care of Jolly. Ako namang bahala kay Bee,” sabi ni Radcliffe, saka pinutol ang tawag.
“Stranded sila Jolly?”
Mabilis na nilapitan ni Radcliffe si Bee, at inalalayan sa paghiga sa kama. Inayos nito ang comforter hanggang sa dibdib niya. Pagkatapos ay umupo ang binata sa gilid ng kama.
“Nando’n sila Jolly sa bahay ng parents nina Rykard,” sagot ni Radcliffe sa tanong niya kanina. “Baha na kasi ang mga kalsada, kaya hindi na niya mahahatid si Jolly dito. Do’n na magpapalipas ng gabi ang best friend mo.”
Nag-alala si Bee para kay Jolly. Lagi kasing binu-bully ni Rykard si Jolly. “Safe ba ang best friend ko sa pinsan mo?”
Natawa ng mahina si Radcliffe. “Walang masamang gagawin si Rykard kay Jolly. Saka nando’n sina Tito at Tita.”
Bumuga ng hangin si Bee. Pagkatapos ay tumingin siya sa labas ng bintana. Malakas pa rin ang ulan, gano’n din ang hangin. She threw Radcliffe an apologetic look. “Sorry, Radcliffe. Mukhang ma-i-stranded ka rin dito. Baha na kanina sa kalsadang nadaanan natin. Mas safe siguro kung dito ka muna hanggang tumila ang ulan.”
Ngumiti si Radcliffe, saka masuyong hinaplos ang pisngi niya. “Hindi naman talaga kita maiiwan ng ganitong may sakit ka, may ulan man o wala.”
“Talaga?” parang batang paniniguro niya.
Tumango si Radcliffe. “Wait up. May stock ba kayo ng grocery? I’ll cook dinner for you.”
“Meron sa ref. Saka sa cupboard. Ikaw na ang bahala.”
Tumayo si Radcliffe. “Magpahinga ka lang. Magluluto lang ako.”
Pero bago siya iniwan ni Radcliffe ay naglagay muna ito ng basang bimpo sa noo niya para daw bumaba ang lagnat niya.
Nahihimbing na ang tulog ni Bee nang bumalik sa kuwarto si Radcliffe, may dalang tray kung saan nakalagay ang dinner niya. Nagluto ang binata ng sopas. May kanin din at fried chicken, pero `yong sopas lang ang nakain niya.
“Ayoko na,” paungol na reklamo ni Bee mayamaya.
“Isang subo na lang, baby,” malumanay na pamimilit ni Radcliffe.
Dahil sa nakikita ni Bee na pagtitiyaga ni Radcliffe, hindi na niya pinahirapan ang binata. Inubos na rin niya ang sopas sa mangkok. Pagkatapos ay pinainom naman siya nito ng gamot bago siya hinayaang matulog.
Hindi alam ni Bee kung gaano katagal siyang nakatulog nang bigla siyang nilamok. At kahit nilalamig siya kanina, nakaramdam siya ng panlalagkit.
“Radcliffe... ang init at ang lamok...” reklamo ni Bee na hindi maimulat ang mga mata dala ng antok.
“Baby, wait up. Nawalan kasi ng kuryente dahil siguro sa lakas ng ulan. Saan nakalagay ang mga kandila at pamaypay niyo?”
Itinuro ni Bee kay Radcliffe kung saan nakalagay ang mga hinahanap nito. Pagbalik ng binata sa kuwarto, may sindi na ang kandilang ipinatong nito sa night table. Pagkatapos ay umupo ito sa tabi niya at pinaypayan siya.
“Feeling better?” masuyong tanong ni Radcliffe, ang mga labi nito ay nasa sentido niya.
Tumango si Bee. Parang bata na nakahanap siya ng comfort sa presensiya ni Radcliffe kaya yumakap siya sa baywang nito at inunan ang dibdib nito. Hindi naman ito nagreklamo, at sa halip ay pinalupot pa ang isang braso sa baywang niya at kinabig siya palapit dito.
Nahihimbing naman ng tulog si Bee, pero sa tuwing nararamdaman niyang humihinto sa pagpaypay si Radcliffe ay nagigising siya dahil nilalamok siya.
“Radcliffe...” ungot ni Bee nang maramdamang huminto sa pagpaypay ang binata. Nang tumingala siya rito, nakita niyang nakatulog na pala ito. Ilang oras na rin naman itong nagbabantay sa kanya. He looked tired. Hinaplos niya ang pisngi nito. “Radcliffe?”
Nagising si Radcliffe. Mabilis itong kumilos at pinaypayan uli siya. “Sorry, sorry. Matulog ka na uli, Bee.”
Sumiksik si Bee sa katawan ni Radcliffe. Hinalikan niya ito sa pisngi bago siya bumalik sa pagtulog. “Thank you, Radcliffe.”
“No problem, baby.”
Hindi alam ni Bee kung tama bang hayaan niyang mapalapit ang sarili kay Radcliffe. Ang sigurado lang niya, isa ang gabing iyon sa mga pinakapaborito niyang gabi sa buhay niya kahit may sakit siya at umuulan pa ng malakas.
Binabantayan kasi siya ni Radcliffe.
MAAYOS na ang pakiramdam ni Bee nang magising kinaumagahan. Dahan-dahan siyang bumangon upang hindi magising si Radcliffe.
Naawa siya sa posisyon ng binata. Nakaupo ito, at hawak pa rin ang pamaypay. Mag-uumaga na nang bumalik ang kuryente, at no’n lang siya nahimbing ng tulog at malamang, no’n lang din nakapagpahinga si Radcliffe. Ginigising niya kasi ito sa tuwing nilalamok at naiinitan siya.
Napabuntong-hininga si Bee. Alam niyang nagiging demanding siya kapag may sakit siya. But she didn’t expect that Radcliffe would put up with her. Napakapasensiyoso nito at matiyaga pa. Parati pang nakangiti.
Ngayon lang may nag-alaga kay Bee bukod sa kanyang pamilya at mga kaibigan. Mabait sa kanya si Ryford, pero ni minsan ay hindi nagsakripisyo ang binata para sa kapakanan niya, at madalas ay nilalayasan lang siya nito kapag tinotopak siya.
Kahit kailan, hindi nag-stay si Ryford para alagaan siya kapag may sakit siya. Duda rin siya kung papayag ang binata na paypayan siya buong magdamag. Lalong hindi niya nakikita na ipagluluto siya nito.
Alam ni Bee na espesyal si Ryford sa kanya, pero kapag tinatanong siya ng mga kaibigan niya kung mahal niya si Ryford, hindi siya sigurado sa sagot niya. Ngayon ay malinaw na sa kanya kung bakit.
No’ng umpisa pa lang, tinanggap na ni Bee na kahit malapit sa puso niya si Ryford, alam niyang hindi ito ang lalaki na gusto niyang mahalin dahil hindi niya nakikita at nararamdamang kaya rin siya nitong mahalin. At nakakatawa man isipin, pero dahil sa pagka-idol niya kay Ryford, naisip niyang hindi bagay ang isang hamak na fan lang na tulad niya para maging girlfriend nito, kaya nakuntento na rin siya sa pagiging magkaibigan nila.
Mula noon hanggang ngayon, matinding paghanga lang ang nararamdaman niya para kay Ryford. Dahil si Ryford ang unang hero at idol niya, ayaw niya na magbago ang posisyon nito sa buhay niya. She was afraid that if she got a little closer to him, she would find out that he was a different person from what she thought he was. Kaya nakuntento na siya sa kung anong meron sila. Sa pagkakaibigan nilang may distansiya sa pagitan.
She would always be a fan, and Ryford would always be her idol.
Pero ano naman ang nararamdaman niya para kay Radcliffe?
Inis na inis si Bee kay Radcliffe noong una dahil ito ang sinisisi niya sa pagkawala ni Ryford sa Rai’s. Pero nang makilala na niya si Radcliffe, mabilis na nagbago ang damdamin niya. Hindi naman mahirap magustuhan si Radcliffe dahil mabait ito at malambing pa.
Ang tanong lang, gaano na ba kagusto ni Bee si Radcliffe? Platonic pa ba `yon? O may kaunti nang malisya?
“How much longer should I pretend to be asleep?”
Napangiti si Bee nang gumuhit ang magandang ngiti sa mga labi ni Radcliffe kahit nanatili itong nakapikit. “Gaano katagal mo na kong pinagti-trip-an?”
Nagmulat na si Radcliffe. Tumutok agad sa mukha niya ang kumikislap nitong mga mata. “Hindi kita pinagti-trip-an, Bee. I just love it when you look at me thinking that I don’t notice.”
Hindi napigilan ni Bee ang sarili na haplusin ang pisngi ni Radcliffe, at marahang iparaan ang daliri sa ilalim ng mata ng binata. “Ang lalim ng eyebags mo. Sorry kung pinahirapan kita kagabi. At thank you sa pagbabantay sa’kin.”
Hinawakan ni Radcliffe ang kamay niya, at hinalikan ang palad niya. “Hindi mo kailangan mag-sorry at mag-thank you. Gusto ko namang inaalagaan ka.”
At gusto rin ni Bee na magpaalaga. Ngayon lang siya nakaramdam ng gano’n ka-espesyal na pagtrato mula sa lalaking madalas ay tinatarayan pa niya.
Bee was a fangirl – Ryford’s fangirl to be exact. Niluklok niya sa pedestal ang idolo niya, na normal lang sa mga tagahanga na tulad niya. Misyon nila ang iparamdam sa iniidolo nila na ito ang pinaka-espesyal na tao sa buong mundo.
Pero ng mga sandaling iyon, babaeng-babae ang pakiramdam ni Bee. Siya ang nasa pedestal. Siya ang pinaka-espesyal na babae sa buong mundo. At lahat ng iyon ay dahil sa pag-aasikaso, pag-aalaga at pagpapahalaga sa kanya ng iisang tao lang.
Si Radcliffe.
Hindi naman siguro kasalanan na mula sa “hate” ay mabilis na mapapalitan ng “adoration” ang nararamdaman ni Bee para kay Radcliffe.
Napabuntong-hininga si Bee. “Nakakahiya `to...”
Bahagyang kumunot ang noo ni Radcliffe. “Ang alin?”
“Just now, I was thinking that I like being taken care of you.” Nag-init ang mga pisngi ni Bee. “At wala akong ideya kung bakit ko sinabi `yon sa’yo.”
Ngumiti ng pilyo si Radcliffe. “Uuuy, may space na ko sa puso niya.”
Binawi ni Bee ang kamay niya mula kay Radcliffe. Niyakap niya ang mga binti niya at pinatong ang baba sa mga tuhod. “Hindi pa ko sigurado, pero gusto kong nand’yan ka lang sa tabi ko at inaalagaan ako. Pero hindi ba’t ang selfish no’n?”
Matagal bago sumagot si Radcliffe. “Bee, let’s try dating each other. Gusto kong bigyan mo ko ng chance na ipakilala sa’yo ang sarili ko. Kapag hindi mo pa rin ako nagustuhan, well, we can just stop seeing each other. Or better yet, hindi na kita kukulitin.”
Hindi naman bago kay Bee ang konsepto ng pakikipag-date, pero ngayon lang niya iyon naikonsedera. Ngayon lang din naman siya nagkagusto ng gano’n sa isang lalaki. Wala rin naman nang pumipigil sa kanya para makipag-date kay Radcliffe ngayong tinanggap na niya sa sarili na gusto niya ang binata.
Binalingan ni Bee si Radcliffe. “Kapag hindi pa rin nag-work, puwede naman tayong umayaw, `di ba?”
May kung anong emosyon na dumaan sa mga mata ni Radcliffe na mabilis ding nawala. Nagkibit-balikat ito. “Yes, we can always stop if things don’t work out. That’s one of the perks of dating – less drama.”
It was a good arrangement. Walang commitment, pero may pribilehiyo silang makasama ang isa’t isa na parang magkasintahan. At kung hindi pa rin sila magiging okay pagkatapos ng ilang date, puwede silang umayaw ng hindi nakokonsensiya dahil sa umpisa pa lang, alam na nila kung ano ang pinapasok nila.
Natagpuan ni Bee ang sarili na tumatango-tango. “Okay. Makikipag-date ako sa’yo.”
Ngumiti si Radcliffe, pero mabilis nitong kinagat ang ibabang labi na tila nagpipigil sumigaw. “Dang, Bee. You’re really gonna give me a heart attack.”
Inihilamos niya ang kamay niya sa mukha ni Radcliffe. He looked like a starstruck teenage boy which made him look funny. “Matulog ka muna habang nagluluto ako ng breakfast.”
Hinuli ni Radcliffe ang kamay niya, may pilyong ngiti pa rin sa mga labi. “Matutulog lang ako if you promise you’ll still be dating me after I wake up. Na hindi panaginip ang agreement natin na `to.”
Ipinaikot ni Bee ang mga mata at itinaas ang kanang kamay na parang nanunumpa. “I promise.”
Hinila siya ni Radcliffe at niyakap, pagkatapos ay sinama siya nito sa paghiga. “Huwag ka nang magluto. Yakapin mo na lang ako.”
Bumuntong-hininga si Bee, saka yumakap sa baywang ni Radcliffe. “May patutunguhan kaya `to?”
“We’ll figure it out, baby,” Radcliffe murmured, before he drifted to sleep.
NAGULAT si Bee nang pagtuntong ng alas-tres ng hapon ay may delivery galing sa Jollibee. Sa dami niyon ay naging sapat iyon para sa lahat ng mga kaopisina niya sa editorial department ng Baby Pink.
Nang makita niya ang “bouquet of fries”, nalaman na niya agad kung kanino galing ang mga iyon kahit hindi pa niya nabasa ang note.
Napangiti si Bee habang iiling-iling. “Ang cheesy talaga ng lalaking `yon.”
“Si Radcliffe pala ha?”
Napasinghap si Bee nang marinig na nagsalita si Jolly sa kanyang likuran. Pumihit siya paharap sa kaibigan na ngumangata ng fries. “Ginulat mo naman ako. Nandito ka pa pala, akala ko umuwi ka na.”
Nasa opisina si Jolly dahil ipinakita nito kay Miss Tan at sa mga editor ang mga kuha nitong litrato na gagamitin para sa ilang article na ilalabas para sa ginagawa nilang anniversary issue ng Baby Pink.
“Nakaamoy kasi ako ng food,” biro ni Jolly, saka nginuso ang hawak niyang note. “Si Radcliffe ang nagpa-deliver ng lahat ng ito dito sa office?”
Hindi napigilan ni Bee ang mapangiti. “Oo. Si Radcliffe nga.”
Inulan ng tukso si Bee ng mga kaopisina niya, sa pangunguna na rin ni Jolly. Hinila tuloy niya sa pantry ang best friend niya para makapagsarilinan sila.
“Best friend, ang saya-saya mo ngayon,” puna ni Jolly. “Mukhang inaalagaan ka ng mabuti ni Radcliffe, ha? To think na two weeks pa lang kayong nagde-date. Mahal mo na ba siya?”
Napabuntong-hininga si Bee. “Parang masyado pang maaga para masabi kong mahal ko si Radcliffe, Jolly. Matagal na panahong si Ryford lang ang nagustuhan ko, kaya hindi ko pa matukoy kung anong klase ng “pagkagusto” ba ang feelings ko para kay Radcliffe.”
Umiling si Jolly. “Best friend, ibang-iba ang Bee noon sa Bee ngayon.”
“What do you mean?” kunot-noong tanong ni Bee.
“`Yong Bee na fangirl ni Ryford, kontento na sumusuporta lang sa sulok. Alam kong gusto mo si Ryford, pero ni minsan, hindi ka gumawa ng paraan para tumawid sa linya ng pagkakaibigan niyo. No’ng una hindi ko maintindihan kung bakit, pero ngayon alam ko na.” Hinawakan ni Jolly ang kamay niya at ngumiti. “Gusto mo si Ryford kasi nga idol mo siya at perfect ang tingin mo sa kanya. Pero kontento ka nang pinapanood lang siya sa malayo dahil ayaw mong masira ang perfect image niya na minahal mo sa isipan mo.”
Napangiti si Bee. Iyon din naman ang na-realize niya bago siya pumayag makipag-date kay Radcliffe, pero mas naliwanagan siya sa mga sinabi ni Jolly ngayon. In love siya sa perfect idol image ni Ryford na binuo niya sa isipan niya. Kaya kahit alam niyang posible, hindi na niya tinangkang tumawid sa pagkakaibigan nila ng binata dahil alam niyang kapag nakilala na niya ito bilang ordinaryong tao at hindi bilang idol, mababawasan ang pagmamahal niya rito.
Because in the first place, it wasn’t really love. It was only pure admiration.
“Pero kay Radcliffe, naglakas-loob kang lumapit sa kanya,” nakangiting pagpapatuloy ni Jolly. “Pinili mong makilala siya kahit alam mong puwedeng magbago ang damdamin mo sa kanya kapag may nakita kang ugali niya na hindi mo gusto. Ibig sabihin lang, gusto mo talaga siya at naniniwala kang mas matimbang `yon sa kahit anong kapintasan niya.”
Nag-init ang mga pisngi ni Bee. Kapag si Jolly talaga ang kaharap niya, parang open-book siya kung basahin nito. Alam ng best friend niya na isa sa mga fear niya ay ang kilalanin ng husto ang taong nagugustuhan niya dahil alam niyang may makikita siyang kapintasan nito na puwedeng ayawan niya.
Pero dahil gustung-gusto ni Bee si Radcliffe, pikit-matang tinawid niya ang distansiya sa pagitan nila.
Inginuso ni Jolly ang hawak niyang Jolly hotdog. “Saka remember `yong ginawa mong sign? Na kung sino ang unang guy na mag-aaya sa’yo na mag-date sa Jollibee, siya ang soulmate mo? Hindi ba’t si Radcliffe na `yon?”
Napangiti si Bee. No’ng una ay ibinaon niya sa limot na natupad ang sign kay Radcliffe dahil inis na inis pa siya sa binata. Pero ngayong naalala niya uli `yon, hindi niya mapigilang matuwa at kiligin. Kaya lang, hindi pa siya sigurado kung anong ibig sabihin ng mga nararamdaman niya.
“We’ll figure it out.”
Iyon ang pangako ni Radcliffe na pinanghahawakan ni Bee. Kung ano man ang feelings niya para sa binata, they would figure it out. Together.