Chapter SAVING GRACE: Chapter 30

LATER, nalaman ko na nakipagkita rin pala si James kay Joy. Mas matagal daw nag-usap ang dalawa kaysa sa naging pag-uusap ni Martin at ng babae. Tinanong daw niya si James kung ano ang mga napag-usapan nila pero as expected hindi nagsalita ang kapatid niya. Mukhang ayos naman daw yata ang naging takbo ng usapan kasi nakangiti naman daw si Joy at kumaway pa sa kanila bago sila umalis. Iyon lang, si James naman daw ang tahimik buong biyahe nila pabalik na para bang may malalim siyang iniisip.

Pagkatapos ng araw na sumulpot si Martin sa apartment ko at nagtalik kami sa kusina, hindi na nabanggit pa si Joy sa mga usapan namin.

Isang linggo ang lumipas. Marami-rami ring nangyari sa buhay ko. Umuwi si Angel kasama si Jack Lopez at biglang sinabi sa akin na engaged na raw sila at magsasama na sa bahay ng lalaki. Kaya ngayon mag-isa na lang uli ako sa apartment ko pero araw-araw pa rin kami nag-uusap sa cellphone ng bestfriend ko. Nagrereview na rin ako ngayon para prepared ako sa pagbabalik ko sa university sa susunod na pasukan.

Si Martin naman, binigyan na raw ng clearance ng psychiatrist niya para puwede na siya uli tumanggap ng pasyente. Masaya ako para sa kaniya kasi mas gusto niya talaga maging doktor kesa maging professor. Hindi pa nga lang siya puwede tumanggap ng maraming pasyente kasi may commitment siya sa university at kailangan niya tapusin ang teaching loads niya para sa current semester.

Ngayong araw nasa ospital siya at nagdesisyon akong pasyalan siya roon. Gusto kong makita kung anong hitsura ni Martin kapag naka ‘doctor mode’ siya. Bandang lunch time ako nagpunta para ayain siya kumain sa labas. Hindi na ako nagtanong sa reception desk kasi sinabi naman sa akin ni Martin kung anong floor at anong wing naroon ang department niya. Tiningnan ko na lang isa-isa ang nameplate sa mga pinto hanggang makita ko ang silid na may pangalan niya. Huminto ako, napatitig sa nameplate at nakangiting hinaplos ‘yon. May pasyente kaya siya sa loob? Dapat bang kumatok ako o maghintay na lang muna sa labas?

Bigla akong may narinig na yabag at kaluskos mula sa loob ng silid. Umatras ako at gumilid. Bumukas ang pinto at lumabas ang isang babae na matagal lang nanatiling nakatayo roon, malayo ang tingin. Nang mapansin niyang nakatayo ako roon lumingon siya sa akin. Kumabog ang dibdib ko nang makita ko ang mga mata niya. Katulad na katulad ‘yon ng mga mata ko kapag nakatingin ako sa salamin noong teenager ako. Kumirot ang puso ko at nanlamig ako sa isiping napagdaanan din niya ang napagdaanan ko kaya ganoon ang hitsura niya ngayon. “Are you okay?” natanong ko.

Tumango siya pero hindi nagbago ang facial expression. “Kung pasyente ka rin ni doc puwede ka na pumasok,” mahinang sabi niya saka naglakad palayo. Bumuntong hininga ako. Pagkatapos lumapit na uli ako sa pinto at hindi kumakatok na binuksan ‘yon.

Nakita ko agad si Martin. Nakasandal siya sa swivel chair niya at nakatitig sa kisame. He looks worried. Huminga ako ng malalim at pumasok sa loob. Pagkasara ko ng pinto sa likuran ko saka lang siya kumurap at tumingin sa akin. Nanlaki ang mga mata niya at mabilis na tumayo. Pagkatapos umaliwalas ang mukha niya at malawak na ngumiti. “Grace!”

Napangiti rin ako at may init na humaplos sa dibdib ko nang humakbang siya para lumapit sa akin. Nakaka-touch na para bang nakalimutan niya bigla ang kung anong pinoproblema niya nang makita ako. Ibinuka niya ang mga braso at automatic akong pumaloob sa mga ‘yon. Nagyakap kami. Bumuntong hininga ako nang masinghot ko ang mabango at pamilyar niyang amoy. Pagkatapos tiningala ko siya. “Surprise?” nakangiting tanong ko.

Humigpit ang yakap niya sa akin. “Yes.” Yumuko siya at mariin akong hinalikan sa mga labi. “You are a wonderful surprise,” bulong niya.

Bumilis ang tibok ng puso ko at humigpit din ang yakap ko sa kaniya. Kasi parang hindi lang ang biglang pagsulpot ko sa opisina niya ang tinutukoy niya. “Have lunch with me?” tanong ko.

“Of course.” Kumalas siya sa pagkakayakap sa akin at bumalik sa lamesa niya. Habang inaayos niya ang mga nakapatong na papel doon nagkaroon ako ng chance na pasadahan siya ng tingin. Gray polo na naka-tuck in sa itim na slacks ang suot niya sa ilalim ng white doctor’s coat. Pero hindi ‘yon ang dahilan kaya mas guwapo siya ngayon kaysa sa maraming pagkakataon na nakita ko siya sa iba’t ibang outfit. It was the relaxed and comfortable aura surrounding him, making it obvious that this is where he really belongs.

Nang maayos niya ang lamesa hinubad niya ang white coat niya at isinampay sa sandalan ng swivel chair. Ibinulsa niya ang wallet, cellphone at susi ng kotse at lumapit uli sa akin. “Let’s go.”

Habang naglalakad kami sa hallway may mga nurse at hospital staff kaming nakakasalubong. Binabati nila si Martin at tango lang ang sagot niya, ni hindi ngumingiti. Pero mukhang sanay na ang mga tao sa ospital na ‘yon kasi mukhang kinikilig pa nga ang mga nurse sa attitude niya. Nang mga doktor naman ang nakasalubong namin, bumati at curious akong tiningnan, lalong nagmukhang anti-social si Martin kahit sumasagot naman ng pagbati. Ang nakakaloka, lumapat ang palad niya sa lowerback ko at idinikit ako sa katawan niya. It was a very possessive thing to do. Akala ko noon hindi ako ang tipong kikiligin sa possesiveness ng isang lalaki. Pero heto ako ngayon, kinikilig at hindi mapigilan ang ngisi hanggang makalabas kami ng ospital.

DINALA ako ni Martin sa isang fine dining restaurant ilang minuto lang ang layo sa ospital. By reservation ang pagpunta roon pero kilala ng may-ari ang magkapatid na Salgado kaya nakakuha agad kami ng table for two. Maganda ang ambiance ng restaurant at masarap din ang pagkain.

Kinumusta niya ang pag-re-review ko at sinabing kung kailangan ko raw ng tutor, willing siyang turuan ako. “I’m always free at night,” pakindat na sabi pa niya.

“Sure, professor. You can tutor me every night,” sagot ko sabay kindat din. Natawa siya. Tumawa rin ako. It was one of the best lunch date I’ve ever had. Pagkatapos namin kumain at magkuwentuhan sinabi sa akin ni Martin na may pasyente raw siya ng alas dos ng hapon kaya kailangan niya bumalik sa ospital.

Ayoko pang mawalay sa kaniya kaya sumama ako uli pabalik. Tumatanggi siya kasi hassle raw sa akin. Umiling ako at kumapit sa braso niya. “Ihahatid lang kita hanggang sa opisina mo tapos aalis na ako. Promise. I just want to be with you a little longer.”

Tinitigan niya ako, hinawakan sa batok at pinagdikit ang mga noo namin. “Paano ako tatanggi kung ganiyan ang sinasabi mo?”

Matamis ko siyang nginitian. “Kaya nga huwag ka na tumanggi.” Nakalapit na kami sa kotse ko at mabilis na pumasok sa loob, sa harap ng driver’s seat. Binuhay ko ang makina bago pa man siya makaupo sa tabi ko. Pinaandar ko ang kotse pero mabagal lang kasi ayokong makarating kami agad sa ospital. Kaso kahit usad pagong ang andar namin, twenty minutes lang ang inabot ng biyahe. Sumimangot ako pagkahinto ko sa parking space.

Natawa si Martin at magaan na pinisil ang pisngi ko. “Grace, baby, sa tuwing akala ko nakita ko na ang lahat sa’yo bigla kang may inilalabas na bago. I thought you’re already perfect with all your charm, sexiness and intelligence. But now you even have a cute side? Be careful. Baka hindi na talaga kita pakawalan.”

Kumabog ang dibdib ko at napatitig ako sa mukha niya. Kahit pabiro ang tono niya at nakangiti siya, nakikita ko sa mga mata niya na seryoso at sinero siya. May bumara sa lalamunan ko at hindi ko napigilan tawirin ang pagitan ng mga labi namin. Mariin ko siyang hinalikan bago ako bumulong, “Ikaw ang mag-ingat. Baka ikaw ang hindi ko pakawalan kahit ayaw mo na sa akin.”

“Kahit kailan hindi kita aayawan, Grace.”

Ngumiti ako pero may pait at takot akong nakapa sa dibdib ko. Kasi may parte ng isip at puso ko ang hindi naniniwala sa sinabi niya. Hindi pa niya alam ang lahat ng tungkol sa akin kaya wala pang bigat ang deklarasyon niyang ‘yon.

Mayamaya bumaba na kami sa kotse at magkahawak ang kamay na naglakad papasok sa ospital. Nasa lobby na kami nang may mahagip ako ng tingin sa direksiyon kung nasaan ang mga elevator. Lumingon ako at ang una kong nakita ay apat na maskuladong lalaki na halatang mga bodyguard. Nakaharang sila sa isang elevator kaya walang ibang makalapit doon. May dalawang tao sa loob ng barrier na likha nila, isang may-edad na lalaki at may-edad na babae lumabas sa nakabukas na pinto ng elevator.

Napahinto ako sa paglalakad at nanlamig ang buong katawan ko nang medyo tumagilid ang dalawang bodyguard dahilan kaya malinaw ko nang nakita ang mukha nila. Gusto kong tumalikod at magtago pero hindi ako makagalaw. Ni hindi nga ako makahinga.

“Grace? What’s wrong?” nag-aalalang tanong ni Martin na napahinto rin sa paglalakad. Pero hindi ko magawang tingalain siya kasi nakatitig pa rin ako sa pareha na naglalakad na ngayon palapit sa kinatatayuan namin.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.