HUMINGA AKO ng malalim, humigpit ang kapit ko sa braso niya at nagawa rin magsalita, “Let’s go.”
Kaso kung kailan nagawa ko na humakbang saka naman napatingin sa akin ang mga taong balak kong iwasan. They instantly recognized me. Alam ko kasi nanlaki ang mga mata nila at namutla.
“Grace? Kilala mo ba sila?” mahinang bulong sa akin ni Martin.
Humigpit ang kapit ko sa braso niya at marahang tumango. “My parents. Let’s go.” Humakbang na ako at pinihit na si Martin patalikod sa mga magulang ko nang biglang magsalita ang tatay ko.
“Go on. Act like you didn’t see us. Kung nahihiya kang makita kami mas ikinakahiya ka namin. Akala mo ba hindi nakakarating sa akin kung ano ang ginagawa mo sa buhay mo?”
Mariing tumikom ang bibig ko at matalim na tiningnan ang tatay ko. “I bet you don’t really care what I do with my life so why are you talking to me now? Nakakahiya ako? Ha! Mas nahihiya akong naging magulang ko kayo.” Namula sa galit ang mukha ng tatay ko. Nagpatuloy ako sa pagsasalita kasi sisiguruhin ko na ngayon ang huling beses na makakausap ko sila. “Huwag kayo mag-alala kasi wala akong balak bumalik sa buhay niyo. I stopped being your daughter that moment when I was fourteen. Sa sandaling ‘yon, pinili niyong itapon ang pagiging ama niyo sa akin. You made your choice and it wasn’t me.”
“Hanggang ngayon ‘yan pa rin ang nasa utak mo? Hindi mo makakalimutan ‘yan kahit maraming taon na ang lumipas at patuloy na sisirain ang buhay mo? You’re being stupid, Grace. Forget it and move on!”
“Never!” sigaw ko na rin. Bumitaw ako kay Martin at pumihit paharap sa mga magulang ko. Humakbang ako palapit pero bigla rin huminto kasi hindi ko alam kung anong magagawa ko kapag nakalapit ako sa kanila. Tumataas-baba ang dibdib ko kasi marahas na ang paghinga ko sa sobrang emosyong lumukob sa akin. Mariin kong kinuyom ang mga kamao ko at puno ng galit at hinanakit na tinitigan ang mga magulang ko. “Hinding hindi ako makakalimot kahit gaano katindi ko subukan. How do you expect me to do that? Paano niyo naiisip na posible sa akin ang umaktong walang nangyari na katulad ng ginagawa niyo? How can I move on when my whole family betrayed my trust and love? I was just fourteen back then!” nanginig ang boses ko at napunta sa sarili ko ang galit na nararamdaman ko. Kasi ayokong magpakita ng kahinaan sa harap nila pero heto ako ngayon, parang maiiyak na.
Huminga ako ng malalim para kontrolin ang emosyon ko. Namumula ang mukha nila, ang tatay ko mukhang galit at ang nanay ko naman yumuko na parang napapahiya. Nang magsalita ako uli malamig na ang boses ko. “Ang sabi mo nakakarating sa inyo kung anong ginagawa ko sa buhay ko. Well, it must be embarrassing and degrading for someone like you but this is how I survived all these years. At kung kukuwestyunin niyo kung bakit ako naging ganito, malalaman niyo ang sagot kung babalikan niyo ang mga naging desisyon niyo noon. You made me like this.”
“You! Hindi kita anak!” sigaw ng tatay ko at humakbang palapit sa akin, nakaangat ang kamay na parang gusto akong pisikal na saktan. Hindi ako umatras at itinaas ko pa ang noo ko.
Pero hindi natuloy ang balak niyang gawin kasi mabilis na kumapit sa braso niya ang nanay ko at hinila siya paatras. “Stop it. Pinagtitinginan na tayo ng mga tao.” Sabay pa nilang iginala ang tingin sa paligid at nagmukhang maamong tupa.
Mapait akong natawa, malakas at halos histerikal. Nanlalaki ang mga mata nila habang nakatingin sa akin at ang mga bodyguard nila parang hindi alam ang gagawin. Umiling ako at nang tumigil ako sa pagtawa ay malamig ko silang tinapunan ng tingin. “Mula noon hanggang ngayon, mas mahalaga pa rin sa inyo ang iisipin ng ibang tao. Mas importante sa inyo na malinis ang public image niyo kaysa sa akin.”
“Grace, anak – ”
“Hindi niyo ako anak,” putol ko sa sasabihin ng nanay ko. Bumakas ang sakit at guilt sa mukha niya. Parang nilamutak ang puso ko pero binalewala ko ‘yon. “Kung anak niyo ako dapat pinagtanggol niyo ako noon. Kung anak niyo ako, ako sana ang kinampihan at pinaniwalaan niyo. Ako sana ang naging priority niyo kaysa sa public image niyo.” Sinulyapan ko ang tatay ko at mapait akong ngumiti. “Pero sabi niyo nga, matagal na nangyari. Nakakatulog man kayo ng maayos sa gabi pagkatapos ng lahat pero ako hindi. You were part of the reason why I got broken and I will never be the same again. Walang kapatawaran ang ginawa niyo sa akin.”
“You!” gigil na sabi ng tatay ko pero hindi matuloy ang sasabihin at mariing humawak sa dibdib na para bang kung hindi niya ‘yon gagawin ay baka pisikal niya talaga akong masaktan.
Tinalikuran ko na sila kasi gusto ko nang umalis doon. Saka ko lang narealize na nakatayo pa rin malapit sa akin si Martin. Nakatitig siya sa akin pero hindi ko matingnan ang mukha niya. Hanggang baba lang niya ang kaya kong tingnan. “Sorry. Nakagawa pa kami ng eksena rito. Aalis na ako. See you later,” mahinang sabi ko sa kaniya.
Humakbang na ako palayo. Nakalabas na ako ng ospital nang biglang may humawak sa braso ko. Alam ko kung sino bago pa ako lumingon. Si Martin. “Where are you going?” habol ang hininga na tanong niya. Hindi ako sumagot. “Look at me, Grace.”
Napilitan tuloy akong tingnan ang mukha niya. May bumara sa lalamunan ko at uminit ang mga mata ko nang magtama ang mga mata namin. “Sorry. I-I’m so embarrassed right now, Martin. Next time na tayo mag-usap okay?” garalgal na sabi ko.
Pero imbes na bitawan niya ako dumulat pa ang kamay niya mula sa braso ko at pababa sa kamay ko. Pinaglingkis niya ang mga daliri namin. “Come with me.” Hinila niya ako palayo at pabuntong hiningang hinayaan ko siyang dalhin ako sa kung saan. Wala akong lakas makipagtalo.
Sa kotse niya kami nagpunta. Pinasakay niya ako sa passenger’s seat. Nang umupo siya sa likod ng manibela hindi niya agad binuhay ang makina. Dinukot niya muna ang cellphone, may tinawagan na pasyente niya yata kasi tungkol sa pagre-reschedule ng appointment ang sinasabi niya.
“Hindi mo kailangan baguhin ang schedule mo ngayon para sa akin.”
Sinulyapan ako ni Martin. “I know.” Pinaandar na niya ang kotse at nasa kalsada na kami nang magsalita siya uli. “I have a feeling that I should not leave you alone right now. So I won’t.”
Mariin kong kinagat ang ibabang labi ko at mahigpit na humalukipkip. Tumingin ako sa labas ng bintana at mapait na ngumiti. “Ayokong makita mo ‘yon sa totoo lang. My relationship with my parents is a very ugly part of my life. I’m sure disappointed ka sa akin at nabawasan ng ilang percent ang pagkagusto mo sa akin pagkatapos mo akong makitang ganoon makipag-usap sa kanila.”
Hindi sumagot si Martin. Lalo akong nakaramdam ng pait at kinailangan ko pumikit ng mariin para kontrolin ang mga emosyong naglalaban sa dibdib ko. Pero napadilat ako uli nang huminto ang sasakyan. Nasa gilid na kami ng kalsada. Nilingon ko siya. Hinubad niya ang seatbelt niya at pagkatapos ay seatbelt ko naman ang kinalag niya.
“Anong ginagawa mo?” gulat na tanong ko.
Hinawakan niya ako sa braso at hinila hanggang masubsob ako sa dibdib niya. Pagkatapos niyakap niya ako ng mahigpit at hinalikan ang buhok ko. “Grace, hindi darating ang sandali na mababawasan ang pagkagusto ko sa’yo. Habang dumarami ang alam ko tungkol sa’yo lalo kang gumaganda sa paningin ko.”
Namasa ang mga mata ko. “Hindi ako maganda. Hindi man kita sa panlabas na anyo ko pero sa loob ko pangit ako. I’m broken and I’m terribly scarred.”
“I’m not talking about your physical appearance, silly.” Naramdaman kong ngumiti siya kasi nakadikit ang bibig niya sa gilid ng ulo ko. “The beauty that I see whenever I look at you is glowing from within. Even your scars are beautiful. Hindi nababawasan ang feelings ko sa’yo, Grace. Lalo pa nga tumitindi. So relax.”
Suminghot ako at yumakap din sa kaniya. Pinipigilan ko umiyak pero may pumatak pa ring luha sa gilid ng mga mata ko.
“Hindi kita pipilitin sabihin sa akin ang kuwento kung bakit ganoon ang naging pag-uusap niyo ng parents mo kanina. Pero siyempre, bilang isang lalaking pinapahalagahan ka, gusto kong malaman. I want you to open your heart to me, Grace. But I want you to do it at your own pace.”
Humigpit ang yakap ko sa kaniya. May takot at alinlangan ako pero narealize ko na kung hindi ko bubuksan ang puso ko kay Martin, kanino ko pa ‘yon puwedeng gawin? Huminga ako ng malalim. “Sasabihin ko sa’yo,” bulong ko sa dibdib niya.
“What?”
Mukhang hindi niya ako narinig. Umayos ako ng upo at pinagpantay ang mga mukha namin. Our eyes met. “Sasabihin ko sa’yo ang nangyari sa nakaraan ko. Wala na akong itatago pa sa’yo. Gusto kong makilala mo talaga ako. And then…” May bumara sa lalamunan ko at parang nilalamutak ang puso ko. “Then you decide if you still want to be with me. Kung hindi na, maiintindihan kita.”
Tumango siya at nagkaroon ng determinasyon at pag-unawa sa mga mata. “Tell me.”
Huminga ako ng malalim at tumango rin. Wala na ‘tong atrasan pa.