TATLONG araw pagbalik ni Sasha sa Maynila galing sa kampanya nila sa Visayas nakatanggap siya ng tawag mula sa abogado nilang mag-ama na si tito Robert. Kinabahan siya nang makita ang pangalan nito sa screen ng cellphone niya kasi ang una niyang naisip na dahilan kaya ito tumatawag ay ang kanyang ina.
Kaya nakahinga siya ng maluwag nang hindi naman pala si Vivian Dela Torre ang issue kaya napatawag si tito Robert. “Next week na ang annual charity event na palagi natin pinupuntahan simula pa nang mga bata pa kayo ni Hosea. Art auction ang balak gawin ng organizers ngayon. Lahat ng kikitain mapupunta sa school on wheels project ng isang NGO. Makakapunta ka ba?”
“Of course, tito,” mabilis na sagot ni Sasha. Nakalakihan na niya ang charity event na iyon. It was actually one of her favorites. Mas nilu-look forward pa niya iyon kaysa sa pasko. “Friday po iyon, tama? Pina-clear ko na ang schedule ko sa araw na iyon. Don’t worry.”
“Okay. Tumawag si Hosea para sabihin sa akin na pupunta rin daw siya at… at may kasama siya. Do you know something about it, Sasha?”
Ah. Iyon ang totoong rason kaya tumawag si tito Robert. Napangiti siya. “Sinabi na niya sa inyo?”
Bumuntong hininga ang tatay ni Hosea, mukhang hindi masaya. “Yes. We will meet her next week. Sa charity event. Is she a good woman, Sasha?”
Pabuntong hiningang napangiti siya nang marinig ang worry sa boses ng matandang abogado. “Tito, of course she is. Alam ni Hosea kung paano pumili ng mabuting babae na siguradong magugustuhan din ninyo.”
“I don’t think so. Kung totoo iyan ikaw dapat ang pinili niya noon pa.”
Natigilan si Sasha at sandaling hindi alam kung ano ang magiging reaksiyon sa lungkot at panghihinayang na narinig niya sa boses ni tito Robert. Sa huli touched na ngumiti siya. “Love niyo talaga ako ni tita ‘no? Gusto niyo ako maging manugang?” biro niya. “Don’t worry tito, magiging mabuting manugang din sa inyo ang girlfriend ni Hosea. I met her already and she’s a good woman.”
“At ikaw? Are you okay? Are you really happy about this, Sasha?” worried pa rin na tanong ni tito Robert.
Bigla narealize niya na alam ng matandang abogado na may feelings siya para kay Hosea mula pa noong mga bata pa sila. At kaya parang hindi ito masaya na ikakasal na sa iba ang anak ay dahil inaalala siya nito. May init na humaplos sa puso ni Sasha kasi narealize niya na hindi man niya nakuha ang pagmamahal sa sariling ina at kahit na maraming pagkukulang ang kanyang ama, masuwerte siyang nagkaroon ng pangalawang mga magulang sa katauhan ng parents ni Hosea.
“I’m really okay tito. Thank you po sa concern pero masaya talaga ako para kay Hosea at sa girlfriend niya. See you po next week.” Pagkatapos magpaalam din sa kaniya si tito Robert tinapos na niya ang tawag. Sandaling napatitig si Sasha sa cellphone niya nang may maisip. Huminga siya ng malalim at nagpadala ng maiksing message kay James.
Is it okay to call you now?
Baka kasi nasa gitna ito ng meeting o kung ano pa mang trabaho. Ayaw niya makaistorbo –
Biglang tumunog ang cellphone niya dahil sa incoming all mula kay James. Magkahalong pagkagulat at tuwa ang naramdaman niya nang sagutin ang tawag. “Hi.”
“Sasha, what do you want to talk about? Is everything okay?” tanong ni James. Hindi siya agad nakasagot kasi napansin niya agad na maingay sa kung saan man naroon ang binata. Maraming nagsasalita, may parang nagmamartilyo at may kung anu-anong tunog na naririnig niya dati kapag may nangyayaring renovation sa bahay kung saan siya lumaki.
“I’m sorry naistorbo kita. Hindi naman masyadong importante. Itatanong ko lang kung may libreng oras ka Friday next week,” apologetic na sagot ni Sasha. Mabilis na pinaliwanag niya ang tungkol sa charity event. “Pero kung busy ka, okay lang. I understand.”
“I’ll go with you,” walang pagdadalawang isip na sagot ni James.
Natigilan si Sasha at nanlaki ang mga mata. “Really?”
“Yeah. Libre ako ng Friday next week.” Pagkasabi nito niyon may narinig siyang mga boses mula sa linya ng binata.
“Direk! Dumating na po ang supply para sa set design.”
“Direk, may meeting ka sa modeling agency in ten minutes.”
“Sige na bumalik ka na sa trabaho mo. See you next week.”
“I’ll call you again later,” sabi ni James sa kaniya bago natapos ang tawag.
Nakagat ni Sasha ang ibabang labi habang nakatitig sa screen ng cellphone niya. Sobrang busy ito pero tinawagan siya agad dahil nag text siya. Hindi rin ito nagdalawang isip na pumayag na samahan siya next week sa charity event. Unti-unti napangisi siya at muntik pa mapahagikhik. Ito ba ang tinatawag ng iba na kilig? Kinikilig siya? Hindi niya inaasahan na posible pala niya maramdaman iyon para kay James Salgado.
DAHIL sa busy schedule ni Sasha parang ang bilis lang lumipas ng mga araw. Narealize na lang niya Friday na at kailangan na niya magpunta sa charity event. Alam niya na sobrang busy rin ni James kasi pagkatapos ng araw na ayain niya ito sumama sa event dalawang beses na lang uli sila nakapag-usap. Palagi pa ilang minuto lang sila nakapag-usap. Iyong una kasi may tawag ng tawag sa binata na mukhang tauhan nito. At iyong kagabi naman nang tumawag siya para i-confirm ang tungkol sa event ngayong araw naputol din agad kasi kinatok siya ng campaign manager nila.
Pagkatapos tuloy magbihis ni Sasha at maglagay ng light make-up sa mukha patingin-tingin na siya sa wristwatch niya, excited na makita uli si James. Sa venue na sila magkikita kasi napagkasunduan nilang mas makabubuting pareho silang may sariling sasakyan. May meeting pa kasi ito pagdating ng gabi habang siya naman may meeting de avance rin na pupuntahan pagkatapos ng charity event.
Nasa parking lot na sa labas ng venue si James nang dumating si Sasha. Nakatayo ito sa gilid ng kotse nito, guwapong guwapo sa suot na semi-formal outfit. Maayos na nakapusod ang hanggang batok nitong buhok at halatang bagong ahit. He was so beautiful he took her breath away the moment she saw him. Lalo na nang makita na rin siya nito at ngumiti nang magtama ang kanilang mga paningin.
Napahinga ng malalim si Sasha at binilisan ang paglapit sa binata na humakbang na rin pasalubong sa kaniya. Hindi sila agad nagsalita nang magkaharap at pinagmasdan lang ang isa’t isa. Mayamaya umangat ang mga kilay ni James at namaywang. “You look… proper today.”
Tumaas din ang kilay ni Sasha at ngumiti. “Well, I usually look like this.”
Maayos na nakapusod ang mahaba niyang buhok, wala ni isang hiblang nakawala. Hindi pormal ang event kaya nagsuot siya nang simpleng cream colored flared dress na hanggang itaas ng tuhod ang haba at may maiksing manggas.
“That’s two sizes too big for you, though,” komento ni James na hinawakan pa ang isang manggas niya.
Totoo na mas maluwag ang dress na iyon sa totoong sukat niya kaya hindi na e-emphasize ang hubog ng katawan niya. “Kailangan ko ito gawin para hindi ako makakuha ng unncessesary attention. I am running for public office and I don’t need people slut shaming me if I wear something that will show my amazing figure,” pabirong sabi niya.
Akala niya ngingiti at gaganti ng biro si James. Pero kumunot ang noo ng binata at halata ang inis sa tono nang magsalita, “Even if you wear nothing no one should slut shame you. Wear something that you like wearing. Wear something that makes you feel good about yourself.”
Napatitig si Sasha sa mukha ng binata. “Sinasabi mo ba iyan kasi sa mundo ka ng fashion nagtatrabaho?”
“Of course not. Sinasabi ko ito kasi hindi mo dapat hinahayaang malimitahan at madiktahan ka ng ibang tao. Kung pati ang pagpili ng isusuot mo nakadepende sa kung ano ang iisipin nila, paano ka magiging malayang i-express ang sarili mo?”
May init na humaplos sa puso ni Sasha at hindi napigilan mapangiti. Sa sobrang tuwa niya sa mga sinabi nito kumapit siya sa braso nito at mahigpit iyong niyakap. “Thank you. Tara na nga at pumasok sa loob. Malapit na magsimula ang event.” Pagkatapos hawak pa rin ang braso nitong hinila na niya ito papunta sa venue.