NAKITA agad ni Sasha sina tito Robert pagpasok nila sa venue kahit pa marami nang tao ang naroon. Kasama nito ang asawa at ibang mga may-edad ding couples na kaibigan din ng yumao niyang ama. Napangiti siya agad at isa-isang binati at bineso ang mga ito. Hindi siya malapit sa mga kaedad niya pero malambot ang puso niya sa mga nakatatanda. Siguro kasi nagkaisip at lumaki siyang kasama palagi ang mga ito sa events na gaya ngayon. Alam din niya na tunay ang saya ng mga ito kapag nakikita at nakakausap siya. Lalo na sa araw na iyon nang ipakilala niya si James bilang kaibigan niya. Nagtama ang mga paningin nila ni tito Robert na halatang nabigla noong una bago napalitan ng relief at kalaunan kasiyahan ang mukha.
Tahimik lang sa tabi niya si James at may tipid na ngiti sa mga labi. Nagsasalita lang ito at tumatango-tango kapag kinakausap ng mga matatanda. Nang may isang may-edad na babae ang magaan na tinapik ang braso nito napansin ni Sasha na kahit hindi nagbago ang facial expression nito naramdaman niyang na-tense ang katawan nito.
“Excuse us, kukuha lang po kami ng drinks,” paalam ni Sasha sa mga nakatatanda. Hinawakan niya ang braso nito at nginitian nang magtama ang mga paningin nila. “Nauuhaw ako.”
Tumango si James, nilingon ang mga nakatatandang alerto at mataman silang inoobserbahan at polite na ngumiti. Pagkatapos naglakad na sila palayo sa mga ito. Nakakuha na sila ng tig isang baso ng red wine nang magsalita ang binata. “Thank you.”
Napatingala siya rito at muntik na matunaw ang puso niya nang makita ang sincerity sa mga mata nito. Napahinga siya ng malalim at nginitian ito. “You’re welcome.”
Sandaling nagkatitigan sila. Gusto ni Sasha ang pakiramdam na nagkaintindihan na sila kahit na walang nagsasalita sa kanila. Na alam nitong alam niyang hindi pa rin ito komportable sa mga babae in general, lalo na sa mga mas matanda rito. Na kahit hindi niya sabihin ng malakas na okay lang kahit hindi ito agad tuluyang gumaling sa trauma ng nakaraan nito, alam niyang alam nito na iyon ang gusto niyang iparating dito.
Mayamaya umakyat na ang host sa stage para sabihing magsisimula na ang art auction in twenty minutes. Saka lang narealize ni Sasha na wala pa si Hosea at ang fiancee nito. Hindi sila nakapag-usap ng kaibigan sa nakaraang isang linggo at wala rin naman nabanggit si tito Robert na male-late ang mga ito.
“Sino ang hinahanap mo?” tanong ni James.
“Si Hosea,” wala sa loob na sagot niya, iginagala pa rin ang tingin sa paligid lalo na sa entrada. “He should be here. Mga bata pa kami palagi na kami present sa event ng foundation na ito.”
Mahabang sandali bago niya napansin na hindi na nagsasalita si James. Bumalik ang tingin niya rito at natigilan nang makitang titig na titig ito sa kaniya at nakakunot ang noo.
“Bakit nakasimangot ka?”
“You still like that guy, huh.”
Gulat na umawang ang bibig ni Sasha nang marealize na si Hosea ang dahilan kaya biglang nagbago ang mood nito. “Kung hindi lang kita kilala, iisipin ko na nagseselos ka.”
Napakurap si James at napaatras na para bang sinuntok ito sa sikmura. Sumikdo tuloy ang puso niya kasi narealize niyang tama siya ng hinala. Si James Salgado, marunong pala magselos. Mapapangiti na sana siya kung hindi lang niya nakita ang pagkalito at pagkataranta sa mga mata nito. Narealize niya na pati ang emotion na iyon bago para rito. Na katulad niya, nakakaramdam ang binata ng mga bagay na hindi pa nito nararamdaman dati. Alam niya na nakakaoverwhelm iyon kaya hindi na lang siya nagkomento. Sa halip bumuntong hininga siya at tipid itong nginitian.
“Lilinawin ko sa ‘yo in case hindi mo pa rin gets. Wala na akong unrequited love para kay Hosea. I honestly don’t even think I was in love with him in the first place.”
Tumaas ang mga kilay ni James. “You were devastated the night we met at the hotel. Dahil sabi mo sinabi niya sa iyo na mag-aasawa na siya at ayaw mo makilala ang fiancee niya.”
Bumuntong hininga uli si Sasha. “Alam ko. Pero narealize ko na possessive lang ako sa kaniya na wala sa lugar. Kasi alam ko na kapag nakakilala na siya ng babaeng mahal niya talaga hindi na siya sa akin. I was being selfish and unfair. Nang ipakilala niya sa akin ang fiancee niya at makita ko kung paano nila tingnan at kausapin ang isa’t isa, may narealize ako. I was not in love with him. Nasanay lang ako na palagi siyang nasa tabi ko mula pa noong mga bata pa kami. He was my comfort zone. Sa loob ko naniniwala ako na kami ang magkakatuluyan dati. Na kahit may iba siyang dine-date na mga babae, natitiis ko makita kasi alam ko na kami rin sa huli.
“Hindi ko napapansin na habang tumatanda kami mas nagiging possessive ako. Na ang pagiging arogante ko na magkakatuluyan pa rin kami, naging pagrerebelde na. Kaya kapag nagkakaroon siya ng girlfriend, humahanap din ako ng boyfriend. Everytime I imagine him sleeping with some woman I end up having a one night stand. I became self-destructive and awfully twisted. Nawala lang ang bad habit ko na iyon noong…”
“Noong?” tanong ni James nang bigla siya napahinto sa pagsasalita. Uminit ang mukha ni Sasha kasi feeling niya sumosobra na yata ang kadaldalan niya. “Sasha, continue,” udyok pa rin nito, naging matiim ang titig sa mukha niya.
Huminga siya ng malalim at sinalubong ng tingin ang mga mata nito. “Noong nagkita tayo two years ago,” mahinang sagot niya. “After that two encounter with you I haven’t been with a man again. Bukod sa naging busy na ako sa party list, sa foundations at sa mga negosyong iniwan ni papa, nawala ang interes ko sa one night stand. Hanggang magkita uli tayo almost two months ago.”
Hindi nakapagsalita si James, para bang pinoproseso pa ang inamin niya habang titig na titig sa mukha niya. Tipid na nginitian na lang niya ito at may sasabihin pa sana pero napansin niyang may bagong dating sa venue. Napalingon siya at lumawak ang ngiti nang makita ang matalik na kaibigang si Hosea, hawak ang kamay ng fiancee nito.
“Nandito na sila,” sabi niya kay James na hinawakan ang braso nito. “Let’s go. Hindi ko kayo napakilala ng maayos sa isa’t isa noon. I really want the two of you to get along with each other.” Hinila niya ang binata na naramdaman niyang na-tense at natahimik. Malamang dahil disoriented pa rin ito na nakakaramdam ito ng selos kay Hosea. Kailangan niya ito ire-assure na wala itong dapat ipag-alala.
Ilang hakbang na lang ang layo nila nang mapalingon sa kanila si Hosea. Ngumiti ito nang magtama ang kanilang mga mata pero agad ding tumaas ang mga kilay at nawala ang ngiti nang makita ang lalaking kasama niya. Hindi pa niya nasabi na dine-date niya si James kaya alam niyang nagulat ang bestfriend niya. Alam din niya na kahit isang beses lang nakita ng personal ni Hosea ang binata ay hindi maganda ang opinyon nito tungkol kay James. Pero gagawan niya iyon ng paraan.
“Sasha. Hindi ko alam na may kasama kang pupunta ngayon,” bati ng kaibigan niya nang makalapit na sila.
Ngumiti siya at bumeso muna kay Hosea bago nagsalita, “Nakalimutan ko sabihin sa iyo. Gusto kong pormal kayong magkakilala. Hosea, I would like you to meet James Salgado. James, siya ang kababata at bestfriend ko, si Hosea Garcia.”
Pagkatapos nilingon niya ang fiancee nito para batiin sana at ngitian din. Pero napansin niyang wala sa kaniya ang atensiyon ng babae. Nakatingala ito kay James at bakas sa mukha ang pagkabigla.
Natigilan si Sasha at nagtatakang napalingon din kay James. Parang nilamutak ang sikmura niya nang makitang titig na titig din ito sa babae at may rekognisyon sa kislap ng mga mata. They know each other?
Tumikhim siya, pilit pinalis ang discomfort na unti-unti niyang nararamdaman, hinawakan sa braso si James bago nilingon uli ang babae at ipinagpatuloy ang pagpapakiala niya. “And the woman beside Hosea is his fiancee. She is Joy Madrid.”