Chapter ROYAL ENGAGEMENT CHAPTER 11

MAG-I-STRESS eating si Cassy dahil well, na-i-stress siya kaya nga lumabas siya ng Polaris Academy para sa comfort food niya– street food, siyempre. “Manong, fifteen pesos nga pong mais. `Wag niyo na pong lagyan ng margarine. Salamat po.”

“Roarke and Cassy, I want you to pretend to be siblings.”

Saktong isusubo pa lang niya ang plastic spoon na puno ng maliliit na nilagang piraso ng mais nang bigla niyang maalala ang ‘request’ sa kanila ni Madam Serranilla kahapon.

“What for, Mommy?” kunot-noong tanong ni Roarke.

“To buy us some time,” sagot naman ni Madam Serranilla sa kalmadong boses. Para bang nabuo na nito ang plano sa isipan at confident ito na aayon ang lahat sa gusto nitong mangyari. “Tumawag sa’kin si Prince Reynold kagabi lang. Ibinalita niya sa’kin na na-propose na raw niya kay King Royale na bawiin ang pagiging prinsipe ni Brooklyn. Maraming royals at nobles ang sumuporta raw sa kanya kaya sa tingin daw niya, mapapabilis ang proseso.” Saglit itong huminto na para bang pinag-aralan ang reaksyon nila. Nang makita siguro ng ginang na wala naman silang reklamo so far, nagpatuloy ito. “Hindi sigurado si Brooklyn kung sino ang prinsesa at puwede nating samantalahin ang pagkakataong ito. Kung bibigyan natin ng special treatment si Cassy, iisipin niya na si Cassy nga ang prinsesa.”

Sasabihin sana ni Cassy na ‘good idea’ `yon pero inunahan siya ng prinsipe sa pagsasalita.

“I don’t like the sound of it,” kontra ng binata sa boses na may konting inis. “Kung gagawin natin `yan, si Cassy naman ang magiging target ni Prince Brooklyn. That prince is dangerous. Hindi ba tayo puwedeng mag-isip ng paraan na parehong magiging safe sina Cassy at Princess Cassiopeia?”

Biglang naging seryoso si Madam Serranilla. Base sa nabuong tuwid na linya ng magkadikit nitong mga labi, halatang hindi ito masaya sa mga sinabi ng anak. Sa unang pagkakataon, nakaramdam siya ng totoong takot sa ginang.

“Okay ako sa plano na `yon,” deklara niya dahilan para mapatingin sa kanya ang mag-ina. Parehong seryoso ang mga ito kaya parehong nakaka-intimidate. Pero nilakasan niya ang loob niya at nagpatuloy siya sa sinasabi habang nagpapalipat-lipat ng tingin sa dalawa. “I think I can do that. Magpapanggap ako bilang Princess Cassiopeia hanggang sa mabawi na ang title ni Brooklyn. Kapag nangyari `yon, hindi na niya mapipilit na magpakasal sa kanya ang prinsesa, `di ba?”

“That’s correct,” tumatango-tangong sagot ng ginang. “Huwag kang mag-alala, Cassy. Habang nagpapanggap ka bilang ang anak ko, bibigyan kita ng security team para masiguro ang safety mo.”

“That’s still dangerous,” kontra pa rin ng prinsipe, saka ito tumingin sa kanya. Kitang-kita niya ang pag-aalala sa mukha nito. “Cassy, you don’t have to do this. Gagawa ako ng paraan para masigurong pareho kayong magiging safe ng kakambal ko from Prince Brooklyn.”

“Gusto ko `tong gawin para makatulong sa inyo ni Blossom,” gentle na katwiran naman niya para makumbinsi ito na pumayag na sa desisyon niya. Pinisil pa niya ang tuhod nito para kalmahin ito. “Let me help you, Roarke. Saka hindi naman ako natatakot kasi alam kong hindi mo ko pababayaan.”

Roarke finally smiled. `Yong ngiti na para bang sinasabi na masaya ito na sa wakas, dumedepende na siya rito. “Fine, I’ll let you do that. Pero kailangan mong sumunod sa mga bilin ko. Kapag sinuway mo ko kahit isang beses lang, ititigil na natin `to.”

Tumango lang siya, saka siya lumingon kay Madam Serranilla para sana sabihin dito na ituloy nila ang plano nito. Pero natigilan siya nang makita niya kung paano siya tingnan ng ginang habang pinapanood nito ang pag-uusap nila ng anak nito.

Margarette Serranilla’s ‘mask’ seemed to fall off when she gave a look of disapproval.

“Masarap ba `yan?”

Napapiksi si Cassy sa gulat nang marinig ang nagsalita sa tabi niya. Kung hindi lang niya naamoy ang sobrang pamilyar na mabangong men’s perfume na `yon, baka lumipad na ang kamao niya. “Bakit ka ba nanggugulat d’yan, ha?”

Ngumisi si Roarke, nakayuko pa rin habang sinisilip ang mukha niya. Hindi niya nakikita ang mga mata nito dahil sa dark aviators nito kung saan nakikita niya ang reflection niya. Pero ramdam naman niyang nakatitig ito sa kanya. Hindi naman ito yuyuko ng gano’n kung hindi.

Wala tuloy siyang choice kundi ang titigan din ang prinsipe. Ngayon niya lang uli ito nakitang kaswal ang damit– manipis na beige long-sleeved shirt na nakarolyo sa mga siko, slim pants, at athletic shoes. Unang beses naman niya itong nakitang nakasuot ng bullcap na nakabaligtad at nasa likuran ang visor. Infairness, nagmukha itong cool.

“Para saan `yan?” tanong niya, sabay nguso sa cap nito. Pagkatapos, tinuro naman niya ang dark sunglasses nito. “Saka palubog na ang araw, naka-shades ka pa?”

Dumeretso na ito ng tayo pero ramdam niyang hindi nito inaalis ang tingin sa kanya. “Ayoko lang makaagaw ng pansin ang buhok at mga mata ko. Anyway, dito ka ba madalas magpunta kapag umaalis ka ng academy?”

Tumango siya. “Paano mo nalaman na nandito ako?”

“Nagpunta ako sa Aurora kanina pero ang sabi ni Blossom, lumabas ka raw para mag-foodtrip. Sinabi niya na dito ka daw madalas pumunta kapag nag-fu-foodtrip ka raw. Kaya sinundan kita. Nag-Uber ako since hindi ko naman alam ang daan kahit pa sinabi ni Blossom ang street na `to.”

Tumingin siya sa paligid. “Hindi mo kasama ang Knight mo?”

“Tinakasan ko si Creed pero may tracking device na nakakabit sa phone kaya mayamaya lang, nandito na `yon.” Hinawakan nito ang kamay niya at hinila siya papunta sa kung saan. “May nakita akong fishball na niluluto pa. `Tapos nakita ko rin `yong ilang students na tinutusok ng stick ang fishball. Gano’n ba `yong sinasabi mong tamang paraan ng pagkain niyon?”

“Oo.”

“Nice,” halatang excited na sabi ng prinsipe. “Gusto kong subukan `yon.”

Napatingin lang siya sa magkahawak nilang mga kamay.

“You should ask Nikita to be your date at the party, son. You and the Polaris Princess will surely look great together. You’d be a picture-perfect couple.”

Nalaglag ang puso ni Cassy nang marinig niya ang mga sinabing `yon ni Madam Serrenilla no’ng early dinner nila. Na-realize kasi niya ang ibig sabihin ng ‘disapproving look’ na ibinigay nito sa kanya ng gabing `yon– si Nikita Lao ang gusto nito para kay Roarke at hindi siya.

Naiintindihan naman niya dahil wala mang ‘royal blood,’ prinsesa pa ring maituturing si Nikita. Maganda, matalino, mayaman. Ito nga talaga ang ‘Polaris’ Princess.’

Nadurog na naman ang confidence niya kaya unti-unti niyang binawi ang kamay niya mula sa prinsipe. Binitawan naman siya nito at huminto ito sa paglalakad. No’n niya lang na-realize na nasa tapat na sila ng isang fishball stand na walang ibang customer. Halata ang excitement sa mukha nito kaya siguro hindi nito napansin ang pagbitiw niya rito. O ang bigla niyang pananahimik.

“Naaalala ko pa `yong tinuro mo sa’kin,” nagmamalaking sabi ni Roarke, pagkatapos ay kumuha ito ng plastic cup at barbecue stick. “Watch me.”

Pinanood naman ni Cassy ang prinsipe habang kinakain na niya ang nilagang mais niya dahil wala naman siyang ibang gagawin. Sa kabila ng panlulumong nararamdaman niya, hindi niya maiwasang maaliw nang makita kung ga’no kaseryoso ang binata habang nakatingin sa kawali.

Para itong hunter na malapit nang mahuli ang prey nito.

Mayamaya nga lang, kumilos na ang prinsipe para tusukin ng stick na hawak nito ang fishball na nakalublob sa kumukulong mantika. Pero hindi pa man din dumidikit ang nakakatusok na dulo ng stick ay napasigaw na ang binata at mabilis na binawi ang kamay nito habang nagtatatalon. Nagsalita rin ito ng sunod-sunod na French na sigurados siyang curse words kahit hindi niya naiintindihan.

Si Manong na nagtitinda ng fishball, natawa habang iiling-iling. Naaartehan siguro ito sa prinsipe pero hindi lang makapag-react dahil mukhang intimidating ang binata.

“Natalsikan ka ba ng mantika?” natatawang tanong ni Cassy. “Masakit?”

“Masakit!” sagot ng prinsipe, saka ito humarap sa kanya para bigyan siya ng matalim na tingin. “Nasaktan na nga ako, pinagtatawanan mo pa ko.”

“Ang OA mo kasi.” Inubos niya ang mais niya, saka niya `yon tinapon sa plastic bag ng basura na nakasabit sa gilid ng cart. “Ako na nga.” Inagaw niya sa prinsipe ang plastic cup at stick. Sa mabilis na pagkilos lang, nalagyan niya ng sampung piraso ng fishball ang cup. Ilang beses din siyang natalsikan ng mantika no’ng hinalo ni Manong ang mga piniprito nito sa kawali. Nang matapos siya, inabot niya `yon sa binata, saka niya nginuso ang mga garapon. “Ikaw na ang mamili ng sauce.”

“Ano ang recommendation mo?”

“Paghaluin mo `yong matamis na sauce, saka `yong suka.”

Tumango lang ang prinsipe at binukan ang mga garapon na sinabi niya para lagyan ng sawsawan ang fishball nito. Pagkatapos, nagbayad ito kay Manong bago siya inayang lumipat ng ibang kainan.

“Kumain tayo ng safe,” sabi ng prinsipe habang in-e-enjoy ang fishball nito. Mukhang may plano itong samahan siya sa food trip. “`Yong walang tumatalsik na mantika.”

“Gusto mo ng BJ?”

Biglang nasamid ang prinsipe at binigyan siya ng hindi makapaniwalang tingin. “B-BJ?”

“Slang `yon for buko juice,” sagot niya, nagpipigil matawa dahil alam niya ang iniisip nito. Naisip niyang asarin ang binata kaya binigyan niya ito ng nagdududang tingin. “Ano bang iniisip mo?”

Namula ang mukha ng prinsipe.

Ah, royal or not, boys will be boys.

“Wala, ha,” defensive na kaila nito mayamaya, saka ito nag-iwas ng tingin. “Wala akong iniisip.”

“Pervert,” biro niya rito, saka niya binunggo ang balikat nito bago siya naglakad ng mabilis papunta sa buko juice stall na nakita niya.

“Hey, I’m not,” reklamo naman ng prinsipe habang sumasabay ng lakad sa kanya.

Natawa lang siya habang iiling-iling. Nang makarating sa buko juice cart, bumili siya ng dalawang ‘BJ’ na naka-plastic para madaling hawakan. Siya na ang nagbayad dahil hindi makadukot ng pera ang binata. Pareho kasi nitong hawak ang cup ng fishball at buko juice.

“Ako naman ang magbabayad sa sunod nating kakainin,” sabi ng prinsipe pagkatapos nitong itapon sa basurahan ang wala nang lamang plastic cup, saka ito humigop ng buko juice. “Matabang. Akala ko, matamis ang buko juice.”

Natawa siya. “Mahal kasi ang asukal. Anyway, let’s go. May nakita na kong bagong kainan na gusto kong i-try mo.”

“Lead the way, lady.”

She did. Dinala niya ang prinsipe sa isang carenderia at sinabi niyang hintayin siya nito at o-order lang siya ng pagkain. Tumango lang ito at parang batang naghintay nga sa kanya sa mesa nila.

Minabuti na rin niyang ‘itago’ ang lalaki dahil napansin niyang takaw-atensiyon ito. Hindi lang ang mga babae ang patingin-tingin dito. Nag-alala siya na baka may masamang mangyari dito dahil hindi naman niya masasabing safe ang kalsadang `yon na puno ng mga tao dahil maraming nagtitinda ng street food at bangketa do’n. Ayaw niyang maging judgmental pero ‘pugad’ din `yon ng masasamang-loob. Worse, baka may makakilala rito at pagkaguluhan ito.

“Um-order ako ng spicy pancit canton with egg,” sabi ni Cassy pagbalik niya ng mesa, saka siya umupo sa katapat na silya ng kinauupuan ng prinsipe. Hindi pa niya dala ang pagkain dahil niluluto pa `yon. “Sana okay lang sa’yo ang maanghang.”

“No problem,” sagot ni Roarke, medyo nakakunot ang noo. “What’s pancit canton?”

“`Yon ang pambansang merienda ng mga Filipino kaya dapat mong matikman `yon bago ka bumalik ng Elestia…”

Bumalik ng Elestia.

Bigla siyang natigilan at napansin niyang napasimangot ang prinsipe.

Bakit ba niya binanggit ang tungkol sa isa pa nilang problema? Pero higit sa lahat, bakit ba kung anu-ano ang pinoproblema niya samantalang wala pa naman silang official relationship ng lalaki?

“Matagal pa `yon kaya `wag muna nating pag-usapan,” pagbabago ni Roarke ng topic. “Anyway, bakit parang nagtatampo ka sa’kin?”

Kumunot ang noo niya sa pagtataka. “Pa’no mo naman nasabing nagtatampo ako?”

“Halata naman, eh. Bigla ka na lang kasing natatahimik.” Nangalumbaba ito at binigyan siya ng seryosong tingin. “Cassy, may problema ba tayo?”

Life saver ang pagdating ni Manang na dala na ang pagkain nila. Dalawang plato `yon ng pancit canton na may nilagang itlog. Um-order din siya ng canned softdrinks.

“Parang ramen,” sabi ni Roarke, halatang na-distract na. Kinuha nito ang tinidor at sinimulan nang kumain. Kung kainin nito ang pancit canton, akala mo ay ramen `yon. “Mm.”

Napangiti si Cassy. Nakakatuwa kasing makita ang prinsipe na nag-e-enjoy sa mga pinapakain niya rito. Nahawa siya sa gana nito kaya sinimulan na rin niyang kainin ang pancit canton niya.

“Cassy,” mayamaya ay sabi ng prinsipe nang nakalahati na nito ang pancit canton nito. “I’m not bringing Nikita Lao to the party as my date.”

Muntik na siyang mabulunan dahil sa pag-e-explain ng binata kahit wala naman siyang hinihinging paliwanag. Tinungga niya ang canned softdrinks at tinigilan lang niya `yon nang mabusog na siya. Nilapag niya ang lata sa mesa at tiningnan ang prinsipe na seryoso pa rin at mukhang tinatantiya ang reaksyon niya. Sana lang ay hindi nito mapansin na namumula ang mga pisngi niya. “Hindi ko naman tinatanong, ha?”

“Gusto ko lang malaman mo,” katwiran nito.

“Kung hindi si Nikita… sino ang magiging date mo?”

“I would ask you if not for Mom’s plan,” frustrated na sagot nito. “Anyway, hindi ko naman kailangan ng date. Mag-isa akong pupunta sa party. Nando’n ka naman, eh. Itatakas na lang kita para maisayaw kita ng malayo sa paningin ni Prince Brooklyn.”

That was nice to hear. Na-assure siya kahit wala naman siyang karapatang makaramdam ng gano’n. Ano ba sila ng prinsipe? Natatakot siyang itanong. Natatakot siya sa magiging sagot. Natatakot siya sa susunod na mangyayari kapag sumagot ito. Ang komplikado ng sitwasyon nila.

Napabuntong-hininga si Cassy. “Kumain na lang tayo.”

HINDI alam ni Blossom kung bakit nagdesisyon siyang magpunta sa party na `yon– to be precise, welcome party `yon para kay Brooklyn. Lahat ng ka-batch nila sa Polaris Academy, invited din. Salamat sa ‘update’ ni Yuki sa kanya, nalaman niyang pupunta rin si Koji.

Koji.

Bumuntong-hininga siya at tumingin sa isa sa tatlong gold-gilded mirror na nakapaligid sa kanya habang nakaupo siya sa isa sa dalawang velvet couches sa back room na `yon ng Grand Ballroom kung saan magaganap ang party mamaya. Maaga silang dumating ni Nikita para mag-ayos pero nang marinig ng best friend niya mula sa mommy niya na dumating na si Roarke, iniwan siya nito para raw ‘mag-curtsy’ muna sa prinsipe. Ewan ba niya kung bakit pinipilit pa rin nito ang sarili sa kakambal niya na alam naman nilang lahat na si Cassy ang gusto. Ang mommy naman kasi niya, kunsintidor.

But I should worry more about myself.

Tinitigan niya ang sariling reflection.

She wore a silky dark blue tube dress which she paired with a silver chain necklace that gave her a chic vibe. Naka-slick back pa ang buhok niya kaya lalo siyang nagmukhang mature. Siguro nga, masasabing maganda siya pero sa totoo lang, hindi `yon ang nararamdaman niya.

If she was gorgeous, why didn’t Koji want her?

Naputol ang pagmumuni-muni niya nang may kumatok. Nang papasukin niya ito, nagulat pa siya nang pumasok si Brooklyn. Nakabantay naman si Xia sa labas ng kuwarto pero sinabihan niya ito na `wag tratuhing ‘threat’ ang prinsipe dahil lalo lang itong magdududa.

On another note, the prince looked dashing in his navy blue designer suit.

But why the same shade of color?

Tumayo si Blossom nang maglakad ang prinsipe palapit sa kanya habang tinitingnan siya mula ulo hanggang paa. Base sa pagngiti nito, mukhang nagustuhan naman nito ang nakita. “Prince Brooklyn.”

Huminto si Brooklyn sa harapan niya at nakangiting nag-angat ng tingin sa mukha niya. “My princess, you look so lovely.”

“Thank you,” magalang na sagot niya. “And you look debonair, Prince Brooklyn.”

“I can’t help but think we look perfect together, Blossom Serranilla.”

Bumuntong-hininga siya habang iiling-iling. Kinausap na niya ito gamit ang French. “Bakit ka nandito, Mahal na Prinsipe?”

“Gusto lang kitang makita.”

“Seryoso ako.”

“Seryoso rin ako, Blossom,” natatawang sagot ng prinsipe. “Alam mo ba na ang pinakamalaking dahilan ko sa pagpapa-organize ng party na `to ay para makita kitang naka-doll up? Ngayong nakuha ko na ang gusto ko, masasabi kong sulit na ang magiging pakikisalamuha ko sa mga commoner dito.”

“Kasama ako sa mga commoner na sinasabi mo, Kamahalan.”

“Hindi ako naniniwalang commoner ka, Blossom,” seryosong sabi nito. “Malakas ang pakiramdam ko na ikaw talaga si Princess Cassiopeia.”

“Prince Brooklyn, paulit-ulit lang tayo. Kung ito lang ang sasabihin mo, puwede bang iwan mo na lang muna ako? Kailangan ko pang mag-retouch.”

“Aalis din naman agad ako. May gusto lang akong i-offer na deal sa’yo.”

Kumunot ang noo ni Blossom sa pagtataka. Sa totoo lang, kahit may pakiramdam siya na hindi siya dapat magpahulog sa ‘trap’ ng prinsipe, mas nangibabaw pa rin ang curiosity niya. “Anong deal?”

Ngumisi si Brooklyn. “Gusto mong malaman kung bakit hinahanap ko ang prinsesa, `di ba?”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.