Chapter ROYAL ENGAGEMENT CHAPTER 10

NA-I-STRESS na si Cassy sa weird na pagtrato sa kanya ng schoolmates niya.

Mabait at sweet sa kanya ang mga nakakasalubong niya habang naglalakad siya sa hallway palabas ng building dahil tapos na ang klase niya. Nakakapagtaka dahil karamihan sa mga ito, hindi niya kilala. Mas malala pa ito kaysa noong nagbanta si Roarke na huwag siyang sasaktan o i-bu-bully.

“Hi, C! Wanna hang-out after class?”

Sino kayo?!

“Mag-shopping kami sa Hongkong this weekend. Join ka, C?”

Wala pa kong passport! At sino kayo?!

“C, our restaurant will open another branch this week. Okay lang ba if mag-ribbon cutting– hey!”

Tumakbo siya ng mabilis.

‘C?’ Kailan pa siya naging si C? Nakakaloka! Saka bakit inaaya siya ng mga schoolmate niya kung saan-saan? Ayaw niya ng ganitong atensiyon. Well, she didn’t like any kind of attention from strangers.

Dahil ba `to sa rumor na posibleng ako si Princess Cassiopeia?

Wow. Nitong nakaraan lang, na-bu-bully siya dahil mahirap siya. Pero dahil sa isang tsismis lang, biglang babait sa kanya ang mga schoolmate niya? Ang plastik naman yata no’n. Buti na lang, may true friends na siyang nahanap bago pa mangyari ang lahat ng `yon.

“Binibining Cassy!”

Hindi na siya nagulat nang sumabay sa lakad niya si Roarke. Habol nito ang hininga nito dahil siguro sa pagtakbo makalapit lang sa kanya. “Ginoong Roarke.”

“Dederetso ka na ba sa Aurora?”

“Balak ko sanang mag-food trip muna sa labas ng academy. Bakit?”

“Let’s go out. On a date. `Yong may malisya.”

Nag-init ang mga pisngi niya at binigyan niya ng matalim na tingin ang prinsipe na ngumisi lang. Pinitik niya ito sa noo ng dalawang beses na ikinareklamo nito. “Ikaw talaga… ang landi mo na, ha?”

“Landi?” Nanlaki ang mga mata nito sa gulat. “Bad word `yon, `di ba?”

“Hindi, ah,” kaila naman niya. “Medyo lang.”

Pumalataktak ito. “Anyway, hindi naman tayong dalawa lang ang lalabas. Sinabihan ko si Blossom at Koji na hintayin tayo sa North Star Café. Pero hindi nila alam na invited ang isa’t isa. Magiging surprise double date `yon. Hindi ko naman puwedeng iwan mag-isa si Blossom dito pero gusto rin kitang makasama sa labas ng school so `yon ang naisip kong paraan.” Yumuko ito para magpantay ang eye-level nila. Nakangisi ang loko. “Disappointed ka ba na hindi mo ko masosolo?”

Lalo yatang nag-init ang mga pisngi niya. Hindi niya tuloy napigilang i-headbutt ang prinsipe. Mahina lang naman `yon kaya nagulat siya nang sumigaw ito habang nakahawak sa noo nito. Pumalataktak naman siya habang iiling-iling. “Ang OA lang?”

Binigyan siya nito ng matalim na tingin. “Ang tigas kaya ng bungo mo!”

Nakangiting hinimas niya ang noo. “Hidden weapon ko `to.”

“Halikan ko `yong hidden weapon mong `yan, eh,” bubulong-bulong na paghihinanakit nito.

“Anong sabi mo?”

Akmang sasagot si Roarke pero lumagpas ang tingin nito sa kanya at bigla itong natigilan. Para itong nanigas sa kinatatayuan. Nakakita ba ito ng multo?

“Roarke, son.”

Son?!

Bago pa maisip ni Cassy ang ginagawa, pumihit na siya paharap sa pinanggalingan ng boses. May sleek black luxury car ang nakaparada sa harap nila. Nakababa ang bintana sa backseat kaya nakita niya ang sophisticated at mukhang intimidating na ginang. Nakita na niya ito sa news at magazines.

Madam Serranilla?!

“Mommy,” sabi ng prinsipe sa gulat na boses. “Why are you here?”

“I need to talk to you, son,” seryosong sagot ni Madam Serranilla, pagkatapos ay binalingan nito si Cassy na ikinagulat niya. “Miss Hart, do you mind joining us for merienda?”

“N-not at all, Ma’am,” magalang at awtomatikong sagot niya dahil may pakiramdam siyang hindi siya puwedeng tumanggi dito.

Ngumiti lang si Madam Serranilla– ngiting cold. Pagkatapos ay binalingan nito si Roarke. “Use your car. Nasabi ko na kay Creed kung saang restaurant tayo magkikita.”

“Yes, Mommy,” sagot ni Roarke. “See you later.”

Tumango lang ang ginang, pagkatapos ay umangat na ang tinted na salamin. Ilang segundo lang, nawala na sa paningin nila ang sasakyan.

“Anong nangyayari, Roarke?” nagtatakang tanong ni Cassy. “Bakit tayo sinundo ng mommy mo?”

“Hindi ko rin alam,” frustrated na sagot ni Roarke, saka nito tiningnan ang black Rolls Royce nito na papalapit sa kanila. “I guess we’ll find out later.” Binalingan siya nito, may pag-aalala sa mukha. “Okay lang ba talaga sa’yo? Puwede akong gumawa ng excuse kay Mommy kung bakit hindi kita naisama sa hotel.”

“Okay lang ako,” giit niya. “Curious din akong malaman ang sasabihin ni Madam Serranilla.”

“You sure?”

“Hundred percent.”

“Okay,” sabi ng prinsipe, saka ito lumapit sa kotse nito. Sinenyasan nito si Creed na `wag nang bumaba ng driver’s side at sumunod naman ang Knight. Pagkatapos, binuksan ng prinsipe ang pinto ng backseat para sa kanya. “Hop in, Cassy.”

Tumango lang siya, saka siya pumasok ng sasakyan at umupo sa komportableng backseat. Mayamaya lang, nasa tabi na niya ang prinsipe at nasa biyahe na sila.

“Sabihin mo sina Blossom at Koji na hindi na tayo makakapunta,” sabi niya sa binata nang maalala ang sinabi nitong supposedly ay double date nila. “Baka isipin ng dalawang `yon, bigla na lang tayong nang-di-ditch ng lakad. Or worse, baka isipin nilang nagsolo na tayo.”

“Hmm… hayaan na lang natin silang magkita at mag-date.”

“Huh?”

“Kailangang mag-usap nina Blossom at Koji,” paliwanag ng prinsipe. “Napansin mo naman siguro na simula no’ng nahuli natin silang nag-aaway sa harap ng cafeteria eh pareho na silang naging moody at mahirap kausapin. Hindi sila babalik sa dati hangga’t hindi sila nagiging okay.”

Tumango-tango siya bilang pagsang-ayon. “May point ka.”

Ilang minuto pa ang lumipas, dumating na sila sa restaurant.

Gaya kanina, naging gentleman si Roarke nang pagbuksan siya nito ng pinto at paunahin sa pagpasok ng restaurant. Napansin din yata nito na kabado siya kaya magaang na ipinatong nito ang kamay sa likod niya habang inaalalayan siya papunta sa naka-reserve nang mesa para sa kanila.

Dumoble agad ang kaba ni Cassy nang makita niyang naghihintay na si Madam Serranilla sa kanila. `Yong merienda na sinasabi nito, naging early dinner dahil sa in-order nitong full meal. Magaang lang ang usapan mula sa appetizer at entrée dahil nangamusta lang ang ginang tungkol sa school at tinanong din siya nito tungkol sa performance ng prinsipe sa academy. Siyempre, sinabi niyang maayos naman ang pakikisama ng binata sa lahat ng Polarian mula sa faculty staff hanggang sa mga estudyante. Muntik na niyang sabihin ang tungkol sa pagsira ng anak nito sa caste system ng Polaris Academy pero mabuti na lang, napigilan niya ang sarili.

In fairness naman, eventually ay nakapag-relax din siya dahil kahit nakaka-intimidate tingnan si Madam Serranilla, polite naman ito sa pakikipag-usap at attentive din sa mga sinasabi niya.

“Prince Brooklyn went to my office this morning,” deklara ni Madam Serranilla pagkatapos ihain ng mga server ang mga dessert nila sa mesa.

Biglang sinara ni Cassy ang bibig niya at maingat na binaba sa mesa ang kutsarita.

“He did?” kunot-noong tanong ni Roarke sa mommy nito. Gaya niya, mukhang nawalan na rin ito ng interes sa makukulay na dessert sa harapan nila. Hindi niya ito masisi dahil nakakawala naman talaga ng gana ang psycho prince. “Ano naman ang reason niya para puntahan ka, Mommy?”

“Gusto niyang mag-organize ako ng welcome party para sa kanya.” Ngumiti ng cold ang ginang habang umiiling-iling. “Gusto raw niyang makilala ang mga taong nakapaligid sa mga Serranilla.”

“Hindi ako naniniwalang `yon lang ang reason niya,” mariing sabi naman ng prinsipe. Mukhang nasira na ang mood nito pagkarinig pa lang sa pangalan ni Brooklyn. “He hates mingling with non-royalties. Mommy, siguradong may iba pang reason kung bakit gusto niyang gawin mo `yon.”

“I know, son,” pagsang-ayon naman ng ginang. “The prince probably thinks that your sister will show up at the party.” Sa pagkagulat niya, binalingan siya ni Madam Serranilla. “Cassy, if you were Prince Brooklyn, ano ang magiging purpose mo sa welcome party na `yon?”

“Hahanapin ko ho ang prinsesa,” mabilis na sagot ni Cassy dahil `yon ang unang pumasok sa isipan niya. “Kung ako ho si Prince Brooklyn, sasamantalahin ko ang chance na `yon para makilala ang mga taong nakapaligid sa mga Serranilla dahil posibleng may malaman ako tungkol sa pamilya niyo na puwede kong i-link sa new identity ni Princess Cassiopeia.”

Tumango-tango ang ginang at bahagyang ngumiti. Mukha namang na-satisfy ito sa sagot niya. “That’s exactly what I’ve been thinking, Cassy. Iniisip ni Prince Brooklyn na posibleng ikaw ang anak ko. Pero alam mo na kung sino ang totoong Princess Cassiopeia, hindi ba?”

“Yes po,” sagot niya, saka niya pasimpleng tiningnan ang prinsipe.

“I had to tell Mom,” apologetic na sabi ni Roarke habang nakatingin sa kanya. “Plano ko sanang sabihin sa’yo mamaya, pero nangyari nga `to.”

“Okay lang,” mabilis na sabi naman niya, saka niya muling nilingon si Madam Serranilla. “Huwag ho kayong mag-alala. Hindi ko ho ipagsasabi sa kahit sino ang tungkol sa sekreto niyo.”

“Thank you, Cassy,” nakangiting sabi ng ginang, saka nito muling binalingan ang anak. “Roarke, I will do as I was told by Prince Brooklyn.” Nagpalipat-lipat si Madam Serranilla ng tingin sa kanilang dalawa. “I have a request to make to the two of you.”

“What is it, Mom?”

“Ano ho `yon, Ma’am?”

Nagkatinginan sila ng prinsipe dahil sa sabay nilang pagsasalita. Ewan ba niya kung bakit pero bigla rin silang napangiti sa isa’t isa. Ah, may good rapport na sila.

Tumikhim naman si Madam Serranilla dahilan para mapatingin uli sila rito. “Roarke and Cassy, I want you to pretend to be siblings.”

“YES, MOMMY,” sagot ni Brooklyn sa kanyang ina na kausap niya gamit ang phone habang nasa backseat siya ng Lexus niya. He switched to French when he spoke again. “Sinundo nga ni Margarette Serranilla sina Prince Roarke at Cassy Hart sa school kanina. Nitong umaga lang, nagpunta ako sa opisina niya para i-request sa kanya ang pag-o-organize ng welcome party para sa’kin.”

“Sino sa tingin mo ang totoong Princess Cassiopeia kina Cassy Hart at Blossom Serranilla?” tanong ng mommy niya sa French. “Kung ako ang tatanungin, mas nakakapagduda ang background ni Blossom Serranilla dahil sa pagdating niya sa Serranilla household bilang anak daw sa ibang babae ni Martin Serranilla. Pero ayon sa imbestigasyon natin, wala namang naging affair si Martin Serranilla sa ibang babae no’ng panahong ipinagbubuntis ni Mira Serranilla si Chase Serranilla. Kung magka-edad sina Chase at Blossom, dapat ay sabay ding nagbuntis ang kanilang mga ina.”

Tumango-tango siya bilang pagsang-ayon kahit hindi siya nakikita ng kanyang ina. “Hindi rin puwedeng ikonekta kay Cassy Hart ang pagiging prinsesa dahil simula pagkabata, nasa pangangalaga na siya ng adoptive parents niya. Maliban na lang kung manipulado ni Margarette Serranilla ang mga information na nakuha natin tungkol kay Cassy. Makapangyarihan at influential ang mga Serranilla sa bansang ito kaya hindi natin puwedeng bale-walain ang posibilidad na baka bahagi lang ito ng plano ni Margarette Serranilla para itago mula sa’tin si Princess Cassiopeia.”

“May punto ka, anak. Pero may nakahanda ka naman nang plano para ang mga Serranilla na mismo ang maglabas sa prinsesa, hindi ba?”

Ngumisi siya. “Oo naman, Mommy. Kumusta si Prince Reynold d’yan sa Elestia?”

“Si Prince Reynold at ang mga pinsan nila na galit kay Romano, ipinarating na kay King Royale ang kagustuhan nilang bawiin ang titulo mo bilang prinsipe.”

Nawala ang ngisi niya nang magtagis ang mga bagang niya. “Kumilos na pala ang matandang prinsipe na `yon, ha?”

“Kaya bilisan mo rin ang pagkilos d’yan sa Pilipinas. Kailangang maikasal na kayo ni Princess Cassiopeia bago pa i-approve ni King Royale ang pag-dethrone sa’yo bilang prinsipe, Brooklyn. Para kahit alisin nila ang privilege mo bilang adoptive son ni Romano ay magkaro’n ka naman ng panibagong titulo bilang asawa ng prinsesa. Magiging prinsipe ka uli kapag nangyari `yon.”

Aaminin niya na masakit sa man pride niya na magiging prinsipe lang siya kung ikakasal sa isang totoong prinsesa na gaya ni Cassiopeia. Pero para sa ambisyon ng kanyang ina, kaya niyang lunukin ang pride niya. Isa pa, hindi lang naman ang titulo ang habol niya.

Kung si Blossom Serranilla nga ang prinsesa, gagawin talaga niya ang lahat para maikasal sila.

Speaking of which…

“I’m hanging up, Mom,” magalang na sabi ni Brooklyn nang i-park na ni Knuckles ang kotse sa tapat ng North Star Café. “Talk to you again later. Bye.”

Pagkatapos makipag-usap sa kanyang ina ay sinabihan niya si Knuckles na tatawagan na lang niya ito kapag magpapasundo na siya. Hindi niya gusto na binabantayan siya kaya pinaalis niya ang Knight niya at ‘inutusang’ maghanap ng best restaurant kung saan niya puwedeng dalhin si Blossom Serranilla kapag pumayag na itong makipag-date sa kanya.

Pagpasok pa lang niya ng café, nakita agad niya ang prinsesa niya. Kahit maraming mga customer sa shop, nangingibabaw pa rin ang ganda nito kahit naka-school uniform pa ito at nakaupo lang habang may kung anong sinusulat sa papel. Hindi siya exaggerated sa tuwing sasabihin niyang nagliliwanag ang dalaga dahil sa kagandahan nito. Heck, her glowing white skin was blinding enough.

“Hi, my princess,” nakangising bati ni Brooklyn kay Blossom na nakapuwesto sa table for four sa sulok ng coffee shop. May kung anong sinusulat ang dalaga sa isang yellow pad bago ito kunot-noong nag-angat ng tingin sa kanya para bigyan siya ng iritadong tingin. Kinausap niya ito sa French para walang makaintindi sa kanila. Medyo malapit kasi ang ibang mesa sa kanila. “Oo, sinundan na naman kita. Oo, malapit mo na kong maging stalker. At hindi. Hindi ako aalis kahit simangutan mo ko d’yan.”

Bumuga ng hangin si Blossom bago bumalik sa pagsusulat sa yellow pad. French din ang ginamit nito sa pagsagot sa kanya. “Mag-stay ka kung gusto mong mag-stay dito basta `wag mong i-invade ang personal space ko.”

Of course he ignored the warning. Umupo siya sa silya sa tabi ng prinsesa niya. Ipinatong pa niya ang mga braso sa mesa at dumukwang siya para silipin ang sinusulat nito. Siyempre, nagkadikit ang mga balikat at mga braso nila dahil sa ginawa niya.

Ang lambot at ang bango talaga ng babaeng `to.

“Prince Brooklyn,” frustrated na saway nito sa kanya, saka siya nilingon para bigyan ng nagbabantang tingin. “Kasasabi ko lang na `wag mong i-invade ang personal space ko, `di ba?”

“Tinitingnan ko lang naman kung ano ang pinagkakaabalahan mo,” katwiran niya, saka niya sinilip ang sinusulat ng dalaga sa yellow paper. Kaya niyang basahin ang mga salita pero hindi naman niya `yon maintindihan dahil Filipino words `yon. Napasimangot tuloy siya, saka siya nag-angat ng tingin dito. Nagulat siya nang makitang nakatingin pa rin sa kanya ang prinsesa niya at dahil sa posisyon nito, nagkalapit ang mga mukha nila. Kitang-kita tuloy niya ang almost perfect features nito at ang kawalan nito ng pores sa sobrang kinis. “Wow. Mas maganda ka kapag ganito kalapit.”

Halatang hindi na-impress ang dalaga sa sinabi niya dahil nanatili itong seryoso. O baka naman sanay na ito sa gano’ng papuri dahil sigurado siyang hindi siya ang unang tao na nagsabi dito kung gaano ito kaganda. “Prince Brooklyn,” istriktong pagtawag nito sa kanya, pagkatapos ay tinuro nito ang dulo ng ballpen na hawak nito sa katapat nitong silya. “Lumipat ka ng puwesto kung ayaw mong umalis ako. Kung hindi ka marunong rumespeto sa sinasabi ng ibang tao, tuturuan kita. Sinabi kong ayokong ini-invade ang personal space ko ng mga taong hindi ko naman ka-close kaya kailangan mo `yong respetuhin. Kung naiintindihan mo ko, alam mo na kung ano ang gagawin.”

He heard people say that the British accent sounded the best and the sexiest, and he kind of agreed since he had met a fair share of British royals who captured his full attention by simply talking with their damned accent. Pero ngayon, habang nakikinig siya sa mahabang sermon ni Blossom, nagbago na ang opinyon niya. Ang sexy ng French accent ng prinsesa niya! Hindi tuloy niya napigilang mapangisi na lalong nagpasimangot dito.

“Seryoso ako, Prince Brooklyn,” giit nito, nakakunot ang noo. Tinapik-tapik pa nito ang ballpen nito sa mesa. “Lumipat ka ng puwesto.”

“Hindi ako sumusunod sa utos ng iba.”

“Hindi kita inuutusan. Tinuturuan kitang respetuhin ako at ang mga sinasabi ko. Kung hindi mo kayang gawin `yon, hindi ka deserving umupo man lang sa tabi ko.”

Ah, spoken like a true princess.

Ang pinakaayaw ni Brooklyn sa lahat ay ang inuutusan siya o sinasabihan kung ano ang gagawin ng ibang tao. Ang kanyang ina lang ang puwedeng gumawa no’n. Pero ng mga sandaling `yon, wala siyang naramdamang pagtutol sa gusto ng prinsesa na gawin niya. Ni hindi nga siya naiinis sa pagsusungit nito sa kanya dahil naaaliw siya sa iba’t ibang facial expressions ng dalaga.

Hindi rin niya alam kung ano ang nangyari sa kanya pero namalayan na lang niyang tumayo siya at lumipat sa silya sa tapat ng prinsesa.

Blossom seemed satisfied because her face softened up a bit. “Good.”

May sasabihin sana si Brooklyn pero natigilan siya nang lumapit ang server at tinanong kung handa na raw ba silang um-order.

“Yes,” sagot ng dalaga nang hindi na tumitingin sa laminated menu sa mesa. “One frappuccino for me.” Nilingon siya nito. “How about you? What would you like to have?”

“You,” seryosong sagot niya.

“Ah, I recommend their frappuccino. But if you like strong coffee, go for their Caffè Americano or espresso. Both will wake you up with a punch.”

Napangiti siya. Ang akala siguro nito sa pagsagot niya ng ‘you’ ay sinasabi niya lang na mag-recommend ito sa kanya. Nakakaaliw ang pagiging clueless nito kaya pinalagpas na lang niya. Hinarap niya ang male server na naghihintay sa sagot niya. “It’s espresso for me.”

“Okay, sir,” sagot nito, saka ito muling tumingin sa dalaga at napansin niyang iba ang tingin nito sa prinsesa niya. “Anything else, ma’am?”

“Croissants, please,” sagot naman ng dalaga, saka siya nito muling tiningnan. “I suggest you try their croissants. They’re as good as the ones found in bakeshops in France.”

Narinig naman niya ang mga sinabi ng dalaga pero hindi niya maalis ang matalim na tingin sa male server na balak yatang tunawin sa tingin ang prinsesa niya. “Hey, commoner.”

Tiningnan siya ng server, nakakunot ang noo. “Yes, sir?”

“Stop staring at my princess,” banta niya rito sa mapanganib na boses. “If you don’t, I’ll make you blind and I’m serious.”

Biglang namutla ang server.

“Prince Brooklyn,” saway sa kanya ng dalaga bago nito binalingan ang server. “You can go. `Yon na ang order namin. Pasensiya ka na rin sa kasama ko.”

Tumango lang ang server, saka ito nagmamadaling umalis.

Sumandal siya at humalukipkip habang nakatingin sa prinsesa niya na matalim ang tingin sa kanya. Nag-switch uli siya sa French dahil gusto uli niyang marinig ang pagsasalita nito sa French. “Bakit ganyan ka makatingin? Pinagtanggol lang kita. Iba ang tingin sa’yo ng lokong `yon, eh.”

“Hindi mo ko pinagtanggol. Gano’n ka rin kasi tumingin sa’kin kaya naiinis ka. May kasabihan dito sa Pilipinas na sobrang bagay sa’yo. Galit daw ang magnanakaw sa kapwa niya magnanakaw.”

Napangisi siya. “Ako lang ang puwedeng tumitig sa’yo.”

Bumuga lang ito ng hangin habang iiling-iling, pagkatapos ay pinagpatuloy nito ang pagsusulat sa yellow paper. “Huwag mo muna kong kausapin. Malapit na kong matapos sa ginagawa ko.”

Kokontra sana siya pero kinagat niya ang dila nang maalala ang sinabi ng dalaga na kailangan niyang respetuhin ang mga sinasabi nito. Kaya tumahimik na lang siya at nangalumbaba. Masarap namang titig ang mukha nito kaya `yon na lang ang pinagkaabalahan niya.

How could her face look like a beautiful art?

Biglang nangati ang kamay niya kaya hindi niya napigilang kunin ang pulang ballpen sa mesa, pagkatapos ay nag-drawing siya sa edge ng yellow paper na sinusulatan ng prinsesa niya. Gumuhit siya ng caricature version ng dalaga. Siyempre, hindi niyon ma-ja-justify ang kagandahan ng subject lalo na’t kulang na siya sa practice. Pero masasabi naman niyang ‘cute’ ang mini masterpiece niya.

Huminto sa pagsusulat si Blossom at napansin niyang napatitig ito sa doole niya bago ito nag-angat ng tingin sa kanya. Medyo nakangiti ito at may paghanga sa mga mata nito. “Ang cute ng drawing mo, Prince Brooklyn.”

“Cute ang subject, eh,” nakangising sagot niya.

“Magaling ka rin sigurong mag-paint o mag-sketch gamit ang ibang medium. Dapat siguro, mag-major ka sa Arts.”

Nawala ang ngisi niya nang maalala niya na ang gusto niyang major ang dahilan kung bakit siya nasampal ng mommy niya noon. “Hobby lang `to na hindi dapat seryosohin o gawing career,” sabi niya, kino-quote ang parating pinapasok ng kanyang ina sa isipan niya. “Nagustuhan mo ba?”

Tumango ito. “Oo, nagustuhan ko ang doodle mo.”

“Gusto rin kita.”

“Gusto mo lang ako kasi maganda ako. I don’t get swayed by shallow feelings.”

Napasimangot siya dahil tutol siya sa mga sinabi nito. “Lagi ko ngang sinasabi na maganda ka kasi `yon naman talaga ang unang papasok sa isip ng kahit sinong makakakita sa’yo. Pero hindi lang `yon ang dahilan kung bakit gusto kita.”

Kumunot ang noo nito. Sana hindi lang niya ilusyon ang nakikita niyang interes sa mga mata nito. “May iba pang dahilan?”

Tumango siya. “Hindi ka natatakot sa’kin at hindi mo rin ako tinitingnan na parang halimaw.”

Napakurap-kurap ito na parang nagtaka sa mga sinabi niya. “Pero hindi ka naman halimaw.” Tinuro nito ang mukha niya. “Kumpleto naman ang parts ng mukha at katawan mo kaya masasabi ko namang tao ka at hindi halimaw.”

“Alam mong hindi `yan ang ibig kong sabihin.”

Nagkibit-balikat si Blossom, pagkatapos ay nagpatuloy na ito sa pagsusulat. “Alam kong marami kang flaws. Major flaws, actually. Pikon ka, may tendency na maging violent, bastos, sobrang yabang, at bully. But it’s not like you’re beyond salvation. You listened to me just a few moments ago and that makes me think you can still be fixed. So don’t give up on yourself or claim that you’re a monster. Masyado nang maraming halimaw sa mundong `to kaya `wag mo nang dagdagan. Maayos mo pa naman ang mga hindi mo okay na traits kung gugustuhin mo.”

Brooklyn was suddenly overwhelmed by a burst of heavy emotions in his chest. Blossom was probably the second person who showed him genuine kindness. The young Princess Cassiopeia was the first one. But both of them managed to make him feel like… like there was nothing wrong with him.

Mahal niya ang mommy niya pero aaminin niya na madalas, nasasakal na siya sa mga expectation nito. Parati kasi nitong pinaparamdam na may kulang sa kanya dahil hindi siya pinanganak na prinsipe na para bang kasalanan niya `yon. Katulad ng mga tao sa Elestia na maliit ang tingin sa kanya at lalo lang `yong naging malala nang maging kriminal ang stepfather niya.

But because of what his princess said, he momentarily forgot that he was probably one of the most hated person in the world. And that he could also be accepted and loved– despite being monstrous.

“Blossom…”

“Blossom.”

Kumunot ang noo ni Brooklyn nang marinig ang boses na sumabay sa pagtawag niya sa prinsesa niya. Nag-angat siya ng tingin kay Koji Takishima na nakatayo sa gilid nila at nakatingin kay Blossom.

“Oh, you’re here,” parang nagulat na sabi ni Blossom, nakatingala kay Koji habang nakakunot ang noo. “Don’t tell me… pinapunta ka rin ni Prince Roarke dito?”

Tumango ang lalaki, blangko pa rin ang mukha. “Pero nagtext sa’kin si Cassy. Hindi na raw sila makakapunta ni Roarke dito. Gusto mo bang bumalik na sa academy? Sabay na tayo.”

“Hindi ka ba magkakape muna?”

Napansin niyang sinulyapan siya ni Koji bago ito muling humarap kay Blossom at sumagot. “Ayoko siyang makasabay.”

Napasimangot siya. Filipino na ang usapan ng dalawa kaya wala na siyang maintindihan. Pinagsisisihan na niya ang pag-skip sa Filipino class niya. Tiningnan niya ang prinsesa niya at nagsalita siya ng French para makaganti kay Koji na nararamdaman niyang sinadya ang pag-ta-Tagalog para hindi niya maintindihan ang usapan ng mga ito. “May problema ba?”

Binalingan naman siya ng dalaga. “Hindi na raw makakapunta sina Prince Roarke at Cassy. Tinatanong ni Koji kung gusto niyang sabay na kaming bumalik sa academy.”

“Pero magkakape pa tayo.”

“Oo. Pero si Koji–”

“Ayoko siyang isabay sa pagkakape natin kung `yon ang i-sa-suggest mo,” putol niya sa mga sinasabi nito. “Bumalik na lang tayo sa academy kesa mag-thirdwheel pa ang lalaking `yan sa coffee date natin.”

“Hindi `to coffee date,” giit naman ng dalaga, pagkatapos ay nilingon nito si Koji. “Ipapa-to go ko lang ang mga in-order ko, then let’s go back to the academy.”

“Tayo na lang ang magsabay.”

“Sabay na tayo.”

Tiningnan ni Brooklyn ng matalim si Koji na masama rin ang tingin sa kanya. Hindi niya naintindihan ang sinabi nito pero sigurado siyang pareho sila ng intensiyon.

“I have my own ride,” deklara ni Blossom, saka ito tumayo at nagpalipat-lipat ng tingin sa kanilang dalawa. “If you want, you two can go back together.”

“No way!”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.