NAKAPIKIT pa ang mga mata ni Sahara pero mababanaag sa mga labi niya ang matamis na ngiti. Malamig ang simoy ng hangin na nagmumula sa bintana ng kubo at para kay Sahara ay isa iyong napagandang umaga.
“Good morning, Ace…” mahina niyang sabi sabay yakap sa kanyang katabi. Pero napadilat siya nang wala siyang makapa roon. Pumikit siya at muling dumilat para i-adjust ang mga mata sa liwanag ng silid. Tiningnan niya ang orasan sa dingding na gawa sa sawali at nagulat pa nang makitang alas-nuebe na ng umaga. Bukod sa magulong kama at kurtina’ng nililipad ng malakas na hangin ay tanging damit na lamang niya na nakakalat sa sahig ang naroon.
Wala na si Ace sa kanyang tabi na para bang walang nangyari.
Panaginip lang ba ang lahat?
Hindi, dahil napansin niya ang isang maliit na piraso ng papel sa ibabaw ng maliit na mesa’ng kahoy sa tabi ng kama. Nakapatong roon ang kanyang cellphone at isang kumikislap na singsing na pamilyar sa kanya. Napatingin siya sa kanyang kaliwang kamay at noon lamang napansin na wala roon ang engagement ring mula kay Armando. Dahan-dahan niyang kinuha ang singsing pero sa halip na isuot sa daliri ay sa loob ng drawer niya iyon inilagay. Sunod niyang kinuha ang papel at nakangiting binasa ang nakasulat dahil alam niya kung sino ang sumulat niyon.
I win.
Hindi namalayan ni Sahara na tumulo na ang luha niya. Ilang minuto rin niyang tinitigan ang kapiraso ng papel na iyon na para bang kahit ano’ng oras ay maaari nitong sagutin ang mga tanong na gumugulo sa kanyang isip.
Hindi panaginip ang nangyari kagabi. Isa pala iyong bangungot.
Ginamit lang siya ni Ace, niloko at pinaglaruan. Hindi niya inaasahan na magagawa iyon ng binata sa kanya dahil sa tinagal-tagal na kakilala niya ito ay alam niyang isa itong mabuting tao. Iyon pala ay kabaligtaran nito ang lahat.
Huminga siya nang malalim at pinahiran ang mga luha sa pisngi. Napakarami na niyang pinagdaanan at naisip niya na kung ano man ang nangyari kagabi ay isang napakaliit na bagay kumpara sa lahat ng problema niya sa buhay. Tumayo siya at kinuha sa cabinet ang itim na roba at isinuot iyon. Kailangan na niyang maghanda sa pagbalik sa Maynila para harapin ang totoo’ng buhay.
Sa lahat ng nangyari ay marami pa ring dapat ipagpasalamat si Sahara – ang kanyang napakamabait at maunawaing mapapangasawa, ang kanyang maganda at marangyang buhay at ang muli niyang pagbalik sa pagiging modelo. At kung may isang bagay siyang higit na ipinagpapasalat, iyon ay ang unti-unting pagganda ng kalusugan ng kanyang ina.
Mula sa halos kalahating taong pananatili sa ICU ay nailipat na ito sa isang pribadong silid, sa tulong ni Armando. Sabi pa ng doktor nito ay malaki na ang posibilidad na manumbalik ang lakas nito at kakayanang makapagsalita. At wala siyang dapat pasalamatan sa lahat kundi si Armando. Halos isang buwan na rin siyang nakabalik sa trabaho bilang modelo at sa totoo lang ay halos nalimutan na niya ang pakiramdam niyon. Sa simula ay para siyang baguhan na nangangapa sa sa pag-pose sa harap ng camera at paglalakad sa catwalk pero habang tumatagal ay nakakasanayan na niya itong muli.
Sabi ni Armando sa kanya, gawin raw niya ang kahit na anong gusto niyang gawin – magmodelo, kumanta at kahit nga magtayo ng kahit na ano’ng negosyo ay susuportahan nito. Pero ang sabi naman niya, wala na naman siyang iba pang gustong gawin kundi ang maging isang mabuting kasintahan rito, at mabuting asawa sa hinaharap.
Totoo naman iyon. Dahil totoo’ng mahal na niya si Armando. ‘Yung pagmamahal na kusa, ‘yung walang alinlangan. Huwag lang muling lilitaw si Ace sa buhay niya dahil kung hindi, tiyak na magugulo na naman ang mundo niya. Pero sa tingin ni Sahara, magkita man silang muli, mag-iiba na siguro ang tingin niya rito. Hindi biro ang ginawa nitong pagpapaikot at paglalaro sa kanyang damdamin. Oo nga’t mayroon pa rin siyang nararamdaman dito at hindi naman niya iyon maaaring maikaila, hindi pa rin niya maiaalis na maghinanakit rito.
Hindi biro ang pinagdaanan nilang dalawa at kung may isang lalaki na pinag-alayan niya ng tunay na pag-ibig, si Ace iyon kaya nakapanghihinayang na nauwi lang sa lahat sa wala. Umasa pa naman siya na maaayos nila ang anumang gusot na kinasangkutan nila lalo pa’t anak ito ng kanyang mapapangasawa pero dahil sa nangyari sa Batangas, sa tingin niya ay hindi na iyon mangyayari pa.
~~
MULA sa photoshoot ay dumaan muna si Sahara sa Mandy’s para mag-take out ng paboritong steak ni Armando bago umuwi sa unit. Alas siyete pa lamang noon ng gabi at sigurado siyang wala pa si Armando pagdating niya. Gusto niyang ipaghanda ito ng espesyal na hapunan para sa gabing iyon dahil hindi na sila halos nagkikita sa bahay mula nang magsimula siya sa pagmomodelo.
Nariyang gigising siya sa umaga nang nakapasok na ito sa opisina at uuwi siya sa gabi nang tulog na ito. Bihira na lang rin silang magkasabay sa pagkain at sa tuwing nagkikita sila sa bahay ay madalas pa silang kapwa nagmamadali. Kaya minsan, parang gusto na niyang tumigil na lang uli sa pagtatrabaho at ituon ang buong atensiyon kay Armando. Pero nang minsang mabanggit niya iyon sa nobyo, sumalungat ito.
“Hindi mo dapat pinapaikot ang mundo mo sa akin lang. You’ve got your own life, Sahara and even if we get married, I want you to have your separate life from ours. Sinabi ko na sa iyo noon, hindi ba? Ayokong ikulong ka rito sa bahay dahil ayokong dumating ‘yung oras na isumbat mo sa ‘kin ‘yung mga bagay hindi ko naibigay lalung-lalo na ang kalayaan mo.”
Kaya naman mas lalo niyang napatunayan na tama ang naging desisyon niya na tanggapin ang alok na kasal ni Armando dahil alam niyang wala na siyang makikilala’ng lalaki na katulad nito.
“Ano’ng meron, Manang V?” takang tanong ni Sahara nang madatnan niyang punung-puno ng kung anu-ano’ng putahe ang hapag-kainan. Dahan-dahan niyang inilapag sa mesa ang dalang paper bag na naglalaman ng take-out habang pinapanood ang mabilis na galaw ni Manang V na nag-aayos ng mga kubyertos.
“Hindi ba nabanggit sa iyo ni Armando?” nakangiti nitong tanong. Sa halip na ordinaryong uniporme’ng puti na parati nitong suot ay mukhang bagung-bago ang bestida nito na kulay asul na may disenyong maliliit na bulaklak ang manggas at laylayan.
“Alin po ang hindi nabanggit?” balik niyang tanong.
“We’re having a pool party, honey.”
Nagulat pa si Sahara sa biglang paglitaw ni Armando sa tabi niya at lalo pa nang mapansin ang suot nitong itim na sando at boardshorts na para bang handang-handa na itong lumangoy. Hinalikan siya nito sa labi at saka siya inakbayan.
“Sorry, nawala sa isip ko na tawagan ka.”
“Pool party? Para saan?” Lalo lamang yata siyang naguluhan sa nangyayari. Lumabas na si Manang V hawak ang isang tray na may lamang pinggan at kubyertos at dinala iyon sa pool area.
“Birthday ni Jace. Since ngayon na lang uli siya magse-celebrate ng birthday dito sa Manila, naisip ko na i-surprise siya. Tinanong ko siya kung saan niya gustong mag-birthday at ang sabi niya, kahit simpleng dinner lang raw dito sa bahay, okay na. So I thought having a pool party would be great, don’t you think?”
Bigla ang naging pagbilis ng tibok ng puso ni Sahara nang marinig ang pangalan ni Ace. Pagkaraan ng mahigit isang buwan ay muli niyang makikita ang binata, pagkaraan ng pangyayaring gusto na niyang kalimutan.
“I’m sorry honey for the really short notice. Nawala talaga sa isip ko.”
Ngumiti na lang siya at tumango. “Okay lang, wala namang problema sa ‘kin, hon. Nanghihinayang lang kasi ako sa binili kong steak from Mandy’s since ang dami na palang food tonight.”
Nagliwanag ang mukha ni Armando nang mapansin ang paper bag na pasalubong niya. “Wow, you brought my favorite!” masaya nitong sabi na parang isang batang pinasalubungan ng isang malaking cotton candy. “I missed this!” natatawa nitong tanong sabay bukas ng mainit-init pang foil nito. “Thanks, honey,” anito matapos siyang halikan sa pisngi. “By the way, Jace will arrive any minute so might as well change into your swimsuit, okay?”
As if she has any other choice. Tumango na lang si Sahara habang inaayos ni Armando ang mga pagkain sa mesa. Ilang minuto siyang nanatiling nakatayo sa harap ng mesa at nakamasid sa mga nakahain roon. Gusto niyang magsisi na hindi niya sinipot ang go-see para sa isang beer commercial at umuwi nang maaga para sorpresahin si Armando dahil siya lang pala ang masosorpresa sa huli.
Kung umalis na lang kaya siya ngayong gabi nang bigla?
Tama, sasabihin niya kay Armando na may natanggap siyang importante’ng tawag mula sa agent niya at kailangan niyang bumalik sa location para sa biglaang photoshoot. Dali-dali niyang binitbit ang mamahaling tote bag at sisimulan na sanang kausapin ang nobyo nang biglang iniluwa ng pinto ng elevator ang isang tao na ayaw na sana niyang makita kahit kailan.
Kinailangan pa siyang kalabitin ni Armando para lamang makabalik sa reyalidad. Kung siya ang tatanungin, mas gugustuhin na lang sana niyang matulog na lang sa kuwarto kaysa sa makihalubilo sa mga bisita nila nang gabi’ng iyon.