Natigilan sa paglapit ang lalaki sa kanya nang may tumapik sa balikat nito. “Pwede bang tumabi ka, pare? Uupo na kasi ako.”
Napatayo siya sa kinauupuan nang makita si Silang. “Good thing you came on time!” tuwang-tuwa niyang sabi. Niyakap niya ito nang mahigpit. “Akala ko hindi ka na makakarating.”
Naluha siya nang maramdaman ang init ng katawan nito. Kanina lang ay naghalo ang takot niya sa hindi nito pagdating at sa panggugulo ng lalaki. Mabilis nitong inilayo ang katawan sa kanya at tinitigan siya. Hindi ito makapagsalita. Marahil dahil sa pagkagulat na makita siya doon.
Sinipat ito ng lalaki mula ulo hanggang paa saka umingos. “Akala ko naman kung sino ang ipinagmamalaki mong boyfriend. Mas guwapo naman ako diyan,” bubulong-bulong nitong sabi at pumunta sa bandang likuran upang humanap pa ng bakanteng upuan.
“Maupo na kayo para makaalis na tayo!” utos ng konduktor.
Mabilis siyang umupo sa tabi ng bintana. Hindi naman maipinta ang mukha ni Silang habang inaayos ang bag at umupo sa tabi niya. Parang hindi ito natutuwa na makita siya doon. “Anong ginagawa mo dito?” pabulong nitong tanong sa kanya nang magsimula nang umandar ang sasakyan.
Binuksan niya ang caramel popcorn na baon at sumubo. “Magbibiyahe. Gusto mo ng popcorn?” alok niya.
Hindi nito pinansin ang alok niya. “Sinusundan mo ba ako?”
“Of course not,” puno ng kainosentehan niyang sagot.
“Bakit kung makaasta ka kanina parang alam mo na darating ako?” akusasyon nito. “Parang alam mo na tayong dalawa ang magkatabi.”
Itinuon niya ang tingin sa bintana at ipinagpatuloy ang pagkain ng popcorn. Ito ang tipo ng tao na hindi basta-basta napapaikot. Baka mabasa nito ang totoong nasa isip niya. Mapupurnada ang plano niya.
“Hindi ko alam na ito rin pala ang biyahe mo. Nagbabaka-sakali lang ako na dumating ang totoong nagpa-reserve sa upuan sa tabi ko para hindi ko makatabi iyong mamang iyon. Nagkataon lang na ikaw ang katabi ko.”
Mula sa bintana ng sasakyan ay naaninag niya itong nakatingin sa kanya. “Saan ka ba pupunta?” tanong nito. Kinuha niya ang ticket sa bodybag at ibinigay dito. “Banaue?” basa nito sa destinasyon na nakalagay sa tiket niya. “Bakit mag-isa ka lang pupunta doon? Bakit hindi mo kasama ang boyfriend mo?”
Malungkot siyang ngumiti nang sinulyapan ito. “Nasa Singapore siya. May business meeting siya kasama ang babae niya.”
“Naghiwalay na ba kayo?” tanong nito nang maibigay sa konduktor ang tiket nila upang ma-check.
“Hindi pa. Kaya nga ako pupunta sa Banaue para mag-isip.”
“Bakit naman sa Banaue pa?”
Nahimigan niya ang iritasyon sa boses nito. Kung may tao itong ayaw maka-sama ay siya iyon. Tingin yata nito ay may topak siya. “I had never been there.”
“Bakit nag-bus ka?” tanong pa rin nito.
“Wala na ba akong karapatang mag-bus?” ganting-tanong niya.
“May kaya ka naman. Sana nagpahatid ka sa driver mo.”
“I want to go there alone. Hindi ako makakapag-isip kung may kasama ako,” paliwanag niya at ibinalik sa bag ang popcorn. Wala na siyang ganang kumain.
“Hindi mabuti para sa isang babaeng tulad mo ang nagbibiyaheng mag-isa. Katulad na lang kanina. Kung wala ako, baka napahamak ka na,” sermon nito.
Lihim siyang napangiti. Hindi ito galit sa kanya kundi concern. Sanay siyang pinoprotektahan ng mga bodyguard. Ngayon lang may nagprotekta sa kanya na hindi kailangang bayaran. Kahit si Aldrich ay hindi iyon nagawa para sa kanya.
“Ikaw, saan ka pupunta?” tanong naman niya.
“Uuwi sa tribo namin sa Gangan.”
Bahagya siyang pumaling upang mas ganap na makita ang mukha nito. “May development na ba sa paghahanap mo?”
Ngayon niya naipagdasal na sana ay totoo nga ang akusasyon nito tungkol sa pagtatago ng mga Dominicano sa mga ninuno nito. Na sana ay wala pa rin itong nate-trace para hindi masira ang mga balak niya.
“Wala pa rin. Kaya nga ako babalik sa Gangan para ibalita sa katribo ko. Ipa-follow up ko na lang siguro pagbalik ko sa Maynila,” may panlulumo nitong sabi. Hindi madali ang ginagawa nitong paghahanap. Daig pa nito ang naghahanap ng karayom sa tumpok ng dayami.
Pilit siyang ngumiti. “Don’t worry. Mahahanap mo rin sila.” Nang wala siyang narinig mula dito ay nagpatuloy siya sa pagsasalita. “ Salamat nga pala. Kung wala ka, baka tumabi nga sa akin ang mama,” pasasalamat niya.
Subalit hindi pa rin ito sumagot. Nang sulyapan niya ito ay nakapikit na ito at mahimbing na natutulog. Saka namatay ang mga ilaw ng bus. Hudyat iyon ng mas mahabang biyahe at nagsisimula na ring mahimbing ang iba pang mga pasahero.
May ngiti sa labi niyang ipinikit ang mga mata. Gumuhit sa isip niya ang yakap sa kanya nito kanina. She had never felt safe in her life. Komportable siyang matulog kahit na saan pa sila dalhin ng bus na iyon. Hangga’t nasa tabi niya ito, alam niyang hindi siya mapapahamak.
NAALIMPUNGATAN si Aiesha nang maramdaman ang paghinto ng bus. Ilang oras na silang bumibiyahe na sinabayan niya ng tulog. Hinawi niya ang kurtina at napansing bahagya nang maliwanag sa labas. Nag-stop over ang bus nila sa isang restaurant habang nagpapa-gasolina. Nagbabaan na ang ibang mga pasahero para kumain sa restaurant o gumamit ng CR.
Nilingon niya si Silang na mahimbing na natutulog. Gusto sana niya itong gisingin para yayaing magkape o kumain pero natigilan siya nang makita ang itim sa ilalim ng mga mata nito. Mukhang kaunti lang ang tulog nito. Napagod ito sa paghahanap sa mga mummies at iyon lang ang tsansa nito para makapagpahinga.
Inilabas niya ang coffee canister upang lagyan ng mainit na tubig. May baon siyang instant gourmet coffee na naging gawi na niya kapag bumibiyahe. Ibibili na lang niya ito ng sandwich para pwede pa rin itong kumain kahit hindi bumaba ng sasakyan. Pagbaba niya ay bahagya siyang nag-inat. Nasa Nueva Ecija na sila at nasa kalagitnaan pa lang sila ng biyahe ayon sa napagtanungan niya.
Matapos bumili ng dalawang tuna sandwich sa restaurant at magpa-refill ng mainit na tubig para sa kape ay naglakad na siya pabalik sa bus. Subalit palabas ng restaurant ay hinarangan na siya ng lalaking nanggulo sa kanya kagabi.
Nakangisi ito habang nakatingin sa kanya. “Miss Maganda, mukhang mag-isa ka? Iniwan mo ba ang boyfriend mo dahil naisip mo na mas guwapo ako sa kanya?”
Pilit siyang umiwas dito. Wala siyang panahong makipag-usap sa taong hindi marunong magsepilyo. Kapag nagpilit ito ay baka mapatulan pa niya ito.
Hinaklit nito ang kamay at hinila siya pabalik. “Teka, kinakausap pa kita. Ayoko sa lahat iyong binabastos ako.”
Pumiksi siya. “Bitiwan mo nga ako!” aniya at humakbang paurong upang magkaroon ng distansiya sa pagitan nila. “Ikaw nga itong bastos. Ayaw kitang kausap, nangungulit ka pa. Baka ibuhos ko pa ito sa iyo kapag napeste ako sa iyo,” banta niya. Wala siyang pakialam kung malapnos man ang balat nito. Ang mahalaga ay maipagtanggol niya ang sarili.
“Maangas ka. Wala naman ang boyfriend mo dito para ipagtanggol ka. Ano ba ang nakita mo doon? Hamak na mas guwapo naman ako. Sa akin ka na lang sumama at tiyak kong masisiyahan ka,” anito at dahan-dahang lumapit sa kanya.