Muntik mapatili si Aiesha nang may humawak sa mga balikat niya mula sa likuran. “May problema ba dito?” tanong ni Silang na may-ari pala ng kamay.
Pinakawalan ang pinipigil na hininga at mabilis na nagpunta sa likuran nito upang magtago. “Iyan kasing mama, ayaw akong tantanan,” sumbong niya.
“Kahit magsumbong ka pa sa boyfriend mo, wala rin siyang magagawa. Alam mo bang si Jackie Chan pa nagturo sa aking mag-karate?” maangas na sabi ng lalaki at pumorma bilang paghahanda sa laban.
“Bumalik ka na sa loob ng bus. Lumayo ka na dito,” utos ni Silang habang hindi inaalis ang tingin sa lalaki na nakahandang sumugod.
“Talaga bang lalabanan mo ang kawayang iyan? Isang ihip lang yata ng hangin tutumba na iyan. Sumama ka nang bumalik sa bus,” sabi niya at hindi inalis ang pagkakahawak sa braso nito.
Nagulat siya nang patakbong sumugod ang lalaki habang nakaamba ang kamao. Mabilis iyong nailagan ni Silang. Hangin lang ang tinamaan ng lalaki dahil nakailag si Silang. Nang sumugod pang muli ang lalaki ay simpleng ihinarang lang ni Silang ang paa at tinisod ang lalaki. Hindi niya mapigilang matawa nang umurangod ito sa semento.
Mabilis na bumangon ang lalaki at tiningnan nang masama si Silang. Mas matindi pa ang galit nito kaysa noong una. Nagpakawala ito ng suntok. Ngunit mas alerto si Silang. Hinawakan nito ang kamay ng lalaki at saka pinilipit hanggang sa mapaluhod sa sobrang sakit ang lalaki.
Mabilis siyang lumapit sa mga ito upang tiyakin na hindi nasaktan si Silang. Nang lapitan niya ay ni hindi man lang ito pinagpawisan. Subalit bakas ang galit sa guwapo nitong mukha. “Hindi mo ba narinig ang sinabi niya kanina? Ayaw niya sa iyo. Pero binastos mo pa rin siya,” mariing sabi ni Silang.
“Aray, Manong!” aringking ng lalaki. “Maawa na po kayo sa akin. Hindi ko naman po gustong galitin kayo. Nagagandahan lang ako sa girlfriend ninyo.”
“Kung nagagandahan ka, hindi mo na kailangang bastusin.” Lumingon ito sa kanya at muling ibinalik ang tingin sa lalaki. “Mag-sorry ka sa kanya.”
Halos ingudngod ng lalaki ang mukha sa lupa sa pagmamakaawa sa kanya. “Sorry, Miss. Hindi na ako uulit.”
“Magpasalamat ka dahil si Silang ang nakaharap mo at hindi ako. Kundi, kanina ko pa nilapnos ang balat mo. At sa susunod na magpapa-cute ka, mag-toothbrush ka muna.”
Nagmamadali itong tumayo nang bitiwan ni Silang. “Sorry sa inyong dalawa,” sabi nito at tumakbo pabalik sa bus. Mukhang nasindak na ito kay Silang at hindi na uulit pa sa panggugulo.
“Hindi ka ba niya sinaktan?” tanong agad nito at hinawakan siya sa balikat upang pagmasdan kung may sugat siya o galos.
Umiling siya. “Okay lang ako. Hindi ko alam na marunong kang lumaban.”
Dahil si Aldrich ay walang alam na kahit ano sa self defense. Sabi nito, may bodyguard naman ito kapag lumalabas sila kaya iyon na ang poprotekta sa kanila. Ngayon niya naisip na mas kahanga-hanga ang lalaki na marunong lumaban. Iyong kaya siyang ipagtanggol. Makukumbinsi kaya niya si Aldrich na mag-aral ng martial arts para ito na ang magtanggol sa kanya kapag kinakailangan?
“Sa tribo namin, bata pa lang ay tinuturuan na kaming lumaban.” Nakakunot ang noo siya nitong tiningnan. “Bakit hindi mo ako ginising kanina? Alam mo naman na may bastos na nangungulit sa iyo.”
“Mahimbing kasi ang tulog mo. Ayokong maka-istorbo. Bumili lang naman ako ng sandwich para sa ating dalawa,” aniya at inabot ang isang plastic ng tuna sandwich dito. “Baka kasi nagugutom ka na.”
“Salamat,” sabi nito at naglakad pabalik sa bus.
“Ako nga ang dapat mag-thank you sa iyo. Kagabi mo pa ako tinutulungan.”
Kinuha nito ang mga hawak niya at ang isang kamay naman nito ay gagap ang kamay niya. Ganoon ang itsura nila hanggang makasakay ng bus. Parang natatakot itong mawala siya. “Basta huwag kang aalis sa tabi ko.”
“Concern ka dahil baka may mambastos sa akin?”
“Concern ako sa mga mambabastos sa iyo. Baka ano pa ang magawa mo sa kanila sa pagtatanggol mo sa sarili mo. Mas malaki ang damage na kaya mong gawin sa kanila kaysa sa akin.”
Tumawa siya. Ayaw rin naman niyang mag-isa. Mas gusto niyang ito ang magtatanggol sa kanya. Mas ligtas pa ang pakiramdam niya. Sa tingin niya ay wala na siyang magiging problema pa basta ito ang kasama niya.
EXCITED na bumaba ng bus si Aiesha at nilanghap ang preskong hangin. Mula sa di kalayuan ay natanaw niya ang mga rice terraces. Iyon ang unang pagkakataon niyang nakita ang luntiang palayan na parang hagdan patungo sa langit. Nagsisisi siya kung bakit noon lang pumunta doon. Kapag kasi may bakasyon ang pamilya ay niya laging sa ibang bansa agad ang naiisip nilang puntahan.
“Ang swerte mo naman. Palagi kang nakakapunta dito,” sabi niya nang bumaba rin sa bus si Silang kasunod niya.
“May rice terraces din sa tribo namin pero hindi kasing sikat dito. Ang importante, ninuno namin ang gumawa at doon kami kumukuha ng ikabubuhay namin. Kaya nga ingat na ingat kami sa rice terraces namin.”
Tiningala niya ito.Hindi nakaligtas sa mata niya ang matinding pagpapahalaga nito sa lupa. “Mabuti pa kayo may rice terraces. Lahat na yata kayang bilhin ng Papa ko. We own an island. We have a yatch and helicopter. We can even buy a castle. Pero kahit kailan hindi pa siya nagplanong bumili ng rice terraces.”
“Kung magbebenta kami ng lupa, doon din sa katribo namin dahil alam naming pahahalagahan nila ang lupa ng katulad ng pagpapahalaga namin,” paliwanag nito.
Pinagsalikop niya ang mga palad at iniunat paitaas ang mga kamay. “Maganda siguro sa lugar ninyo. Malayo pa ba iyon mula dito?”
“Mga tatlong oras pang biyahe. Ikaw, saang hotel ka tutuloy?” Kinuha nito ang malaking mountaineering backpack mula sa likuran niya. “Ihahatid na kita para makapagpahinga ka. May hotel dito na makikita mo ang terraces mula sa kuwarto mo. Mamaya, pwede kang magpahatid sa tricycle. May malapit na rice terraces dito na dinadayo talaga ng mga turista. Kung may iba ka pang gustong itanong, dumaan ka na lang sa tourist information center.”
“Sino ba ang may sabi na tutuloy ako sa hotel?” aniya at nagsimulang maglakad-lakad.
“Saan ka tutuloy? May kakilala ka ba dito?” tanong nito habang sumusunod sa paglakad niya.
Ngumiti siya. “Wala akong kakilala dito maliban sa iyo.”
“Kung ganoon, saan ka tutuloy? Hindi ba dito ka lang sa Banaue?”
Hindi pa rin nawawala ang ngiti niya nang umiling. “Hindi na. Nagbago na ang isip ko dahil sasama ako sa iyo.”
Bakas ang matinding pagkabigla sa mukha nito. “Ano? Hindi pwede.”
“Ayoko namang maiwan dito,” aniya at iginala ang mga mata sa paligid. “Baka mamaya may mangulit na naman sa akin. Wala ka na para ipagtanggol ako. Hindi ba sabi mo, ikaw ang bahalang magtanggol sa akin?”
Na-trauma siya sa mamang hindi natu-toothbrush. Ngayong alam niyang kaya siyang protektahan ni Silang, bakit pa siya lalayo dito. Isa pa, iyon naman talaga ang bahagi ng plano niya. Ang hindi mahiwalay dito.
“Kanina iyon. Hanggang dito lang kita pwedeng samahan. Saka mababait na ang mga tao dito. Isolated case lang iyong kanina.”
Yumakap siya sa braso nito na parang batang natatakot mawala. “Pero estranghero pa rin ako dito. At hindi na ako komportable nang wala ka.”
Bumuntong-hininga ito. “Hindi sabi pwede,” mariin nitong sabi. “Hindi ka magiging komportable sa amin. Walang aircon, walang kama, walang gourmet food at hindi elegante ang mga banyo. Tribo ang lugar namin.”
“Naranasan ko nang mag-camping. Hindi na bago sa akin kahit sa lupa mo pa ako patulugin. Hindi ako aangal. Promise,” aniya at itinaas ang kanang kamay.
Nakahanda na sa bag niya ang lahat ng kakailanganin niya. Mula sa flashlight, lighter at posporo kung walang kuryente. Nagdala na rin siya ng discman para aliwin ang sarili sakaling mainip siya. At de latang pagkain para hindi maging problema ang pagkain. May hangganan ang pang-aabala niya.
“Hindi mo kasi ako naiintindihan. Hindi ka pwedeng sumama sa akin.”
Hinaplos niya ang noo para ipakitang nakukulitan na siya sa pagtanggi nito. “Lalong ayokong mag-isa. At ayokong bumalik sa amin dahil hindi pa ako tapos mag-isip. Sige ka. Kapag pinabayaan mo ako at napahamak ako, kargo de konsensiya mo pa ako,” pananakot niya. “Tiyak ko sa iyong magagalit sa iyo ang mga ninuno mo.”
“Gangan! Gangan! Lalakad na! Last trip na ito!” sigaw ng barker ng jeep.
“Dito ka na lang sa hotel na ito mag-check in. Aalis na ang jeep na sasakyan ko. Kailangan ko nang makarating sa amin bago maggabi,” anitong may piping pakiusap sa mga mata.
“Alam ko. Kaya ano pa ang itinatayo natin dito? Sumakay na tayo ng jeep bago pa tayo maiwan,” sabi niya at naglakad patungo sa jeep.
Nawalan ito ng pagpipilian kundi sumunod sa kanya. “May bakante pa ba sa loob?” tanong ni Silang sa barker.
“Wala na, Manong. Siksikan na nga sila dahil huling biyahe na.”
Hindi nito itinago ang tagumpay sa mga mata nang lingunin siya. “Narinig mo si Manong. Puno na sa loob. Hindi ka na pwedeng sumama.” Tuwang-tuwa marahil ito dahil makakatakas na sa kakulitan niya.
Luminga siya sa paligid. “Saan ka naman sasakay?” Mukhang marami na ring nakasabit at wala na itong kalalagyan pa.
“Doon sa topload, Miss,” sabi ng barker at itinuro ang bubong ng jeep.
Sa kauna-unahang pagkakataon ay ngumiti ito. “Sinabi ko sa iyong hindi pwede, hindi ba? Siguro magpapaiwan ka na dito. Mag-enjoy ka sa bakasyon mo.”
“Mag-e-enjoy talaga ako.” Kinuha niya ang bag niya kay Silang at inabot sa barker. “Pakiakyat na po sa taas, Manong. Gusto ko na rin pong makaalis.”
Nawala ang ngiti nito nang magsimula na siyang umakyat sa hagdan patungo sa bubong. “Aakyat ka diyan?” bulalas nito. “Hindi mo kaya. Tatlong oras mahigit ang biyahe natin. Puro bangin ang dadaanan natin. Huwag ka ngang baliw. Baka mamaya magpababa ka kapag gitna na ng biyahe.”
Nakangiti lang niya itong sinulyapan. “Kahit ano pang pande-detract ang gawin mo, sasama pa rin ako sa iyo. You can’t get rid of me that easily. Kahit na ihagis mo pa ako sa bangin.”
“Bahala ka,” usal nito at sumunod na umakyat sa kanya.
Noong una ay kinakabahan siya pagsalampak sa bubong bus. Puno ng bagahe doon at may kapwa pasahero din na nakabantay sa mga bagahe. Nang magsimulang umandar ang jeep ay naramdaman niya ang malamig na hanging tumatama sa kanyang pisngi. Tinangay ng hangin kahit ang nakapusod niyang buhok. Unti-unting nawala ang kaba niya na napalitan ng matinding excitement.
“Wow! Ang ganda!” aniya at itinuro ang hagdan-hagdang palayan na nadadaanan nila sa di kalayuan. Walang takot niyang inilabas ang cellphone at ihinanda ang camera upang kunan ng larawan ang tanawin.
Halos puro ganoon ang dinadaanan nila. Mga luntiang palayan, kabundukan at nagtataasang mga pine trees. “Whoo!” sigaw niya nang bangin na ang dinadaanan nila at halos puro damuhan na lang ang nakikita niya.
“Hindi ka ba natatakot?” tanong nito.
“I’m not a bit scared. I am actually thrilled. Ngayon ko lang ito na-experience. Nakasakay na ako sa top deck ng bus sa Hong Kong but it wasn’t like this. This is a different kind of adventure!” Ngumiti siya at kumaway sa mga taong may sunong na sako ng gulay sa ulo na naglalakad sa nadaanan nila. “Hello! Hello!” sigaw niya.
“Huwag ka ngang maingay,” pabulong nitong saway sa kanya. “Nakakahiya sa mga tao ang ginagawa mo. Pinagtitinginan ka nila.”
Nawala ang ngiti niya at nilingon ang mga kasakay nila. Nakatingin nga ang mga ito sa kanya at pawang nakangiti.
“Pinagtatawanan ka nila. Huwag mo naman akong ilagay sa kahihiyan.”
Ibinuka niya ang mga kamay at sinalubong ang malamig na hangin. “I don’t care. Basta gagawin ko ang gusto ko. This is wild!” usal niya at itinaas ang mga kamay upang abutin ang pababang ulap mula sa kabundukan.
“Ikaw ang wild,” anito at umiwas ng tingin sa kanya.
Iningusan niya ito. “Killjoy!”