Nanlalambot na umupo sa paanan ng kama si Aiesha. Paos na ang boses niya sa kasisigaw at namumugto na ang luha niya sa kaiiyak pero hindi pa rin siya pinakakawalan. Nasa isang resthouse siya di kalayuan sa bayan ng Gangan. Doon siya idinala ng mga armadong lalaking kumuha sa kanya. Wala siyang pakialam kung magarang silid man ang kinalalagyan niya, may makabagong kagamitan at malambot na kama. Ang tanging gusto niya ay lumabas at makita si Silang.
Hindi siya makaramdam ng takot. Alam niyang hindi siya sasaktan ng mga ito. Mas nag-aalala siya kay Silang. Hindi maalis sa isip niya kung paano ito sinaktan ng mga kalalakihan.Hindi niya mapapatawad ang sarili dahil siya ang may kasalanan.
Umangat ang tingin niya nang bumukas ang pinto. Napatayo siya nang pumasok si Aldrich. Niyakap siya nito. “Aiesha, anong ginawa nila sa iyo? Hindi ka ba sinaktan ng mga taong bundok na iyon? Natakot ako nang mabasa ko ang sulat nila. Akala ko mawawala ka sa akin.”
Hindi niya sinagot ang yakap nito. Wala siyang nararamdamang saya na makita o mayakap ito. Dahil ang tanging nararamdaman niya ay galit. Galit para dito at para sa kanyang sarili. “Bakit mo ginawa iyon? Pinasugod mo ang mga tauhan mo sa tribo para lang saktan si Silang?” aniya sa kontroladong boses. Pinipigil lang niyang lumabas ang galit dahil baka masaktan niya ito.
Tumiim ang anyo nito nang pagmasdan ang mukha niya. “Kulang pa ang ginawa ko sa kanya dahil sa pag-kidnap niya sa iyo.”
“Nasaan ang mummies?” tanong niya.
Bumakas ang pagkalito sa mukha nito. “Anong mummies?”
“Ang mummies ng mga taga-Gangan ang kapalit para makuha mo ako sa kanila. Ibinigay mo na ba sa kanila?”
Ngumiti ito nang sarkastiko. “What do you take me for? I am not stupid. Sa tingin mo ba malalaglag ako sa ganoong klase ng patibong? That was a cheap trap and I won’t fall for it. Dapat lang sa kanya ang mabulok sa kulungan o ma-lethal injection. Titiyakin kong mapaparusahan siya.”
“Saan mo idinala si Silang?”
Hinaplos nito ang pisngi niya. “Nasa kulungan na siya. Hindi ka na niya masasaktan.”
Itinulak niya ito palayo. “Pero inosente siya. Wala siyang kasalanan.”
Nagningas sa galit ang mga mata nito. “He kidnapped you in exchange of those mummies. Nagpadala siya ng sulat na kasama ang engagement ring mo. Kung hindi ka niya kinidnap, paanong nangyaring napunta ka sa Gangan?”
Lakas-loob niyang sinalubong ang mga mata nito. “Kusa akong sumama sa kanya. O mas tamang sabihing pilit kong sumama sa kanya.”
“Dahil ba sa sobrang simpatya kaya pumayag ka sa plano nila?”
“Wala silang plano. Ako ang nagplano ng lahat. I kidnapped myself.”
Dumagundong ang boses nito sa paligid ng silid. “What the hell!” Hinaklit nito nang mariin ang balikat niya hanggang halos bumaon na ang daliri nito sa balat niya. “Ano bang kalokohan ang sinasabi mo?”
Hindi niya ininda ang sakit dahil kulang pa iyon sa lahat ng ginawa niya. “I staged everything. Ako ang gumawa ng sulat at nagpadala sa iyo. Walang alam ang tribo nila Silang sa plano ko. Ginamit ko lang sila.”
Padarag siya nitong binitiwan. “Bakit mo ginawa iyon?”
“Dahil gusto kong patunayan kung mahal mo rin ako.”
Subalit wala ring kwenta ang pagpapakahirap at pagsasakripisyo niya. Pumalpak ang plano niya. Wala siyang nakuhang magandang resulta maliban sa sama ng loob. At ang lahat ng pagkakamali niya ay parang boomerang na bumabalik sa kanya. Parang multo na humahabol sa kanya.
“Pinagdududahan mo ba ang pagmamahal ko sa iyo? Ginawa ko ang lahat ng ito dahil mahal kita.”
Kinuyom niya ang palad at hindi kumibo. Hindi rin niya tiningnan ang mga mata nito dahil baka madaya lang siya ng mga mata niya. Siya nga kaya ang mahal nito o ang katayuan niya sa lipunan at pera ng pamilya niya?
Matiim ang anyo niya nang pagmasdan ito. “Mahal mo ba talaga ako?”
Hinalikan nito ang likod ng palad niya at ginagap. “Kahit ano gagawin ko para patunayan ko lang sa iyo na mahal kita.”
“Pakawalan mo si Silang.”
Natigagal ito at binitiwan ang kamay niya. “No!” sigaw nito at sinipa ang paa ng kama. “You don’t know how many strings I pulled to get that bastard to jail? Ginamit ko pa ang impluwensiya ko para hindi ito mag-leak sa media. Mapapahiya ako kapag inurong ko ang kaso.”
Inaasahan na niyang iiwasan nitong makaabot sa kaalaman ng media ang nangyari sa kanya. Isa iyong malaking gulo. Kaya nga inaasahan niya ay didirekta ito sa tribo para makipag-negosasyon. Subalit nagkamali siya.
“Kung ganoon, bakit hindi mo idinaan sa maayos na proseso ng lahat? You pulled some strings anyway, bakit hindi mo pa idinirekta sa mga pulis?”
“Ayaw pumayag ng pulis at militar na basta ka na lang kunin dahil kailangang kausapin muna namin ang mga pinuno ng tribo. Hindi daw sila nakikialam sa batas ng mga tribo. Kaya napilitan akong kunin ka sa pamamagitan ng mga tauhan ko. Naipakulong ko lang siya dahil napatunayan kong nasa poder ka niya.”
“Kung tutuusin, mas nakakahiya ang labas mo. Wala kang sapat na ebidensiya maliban sa sulat na nakuha mo. Sinaktan siya ng mga bodyguard mo at tinutukan pa siya baril. Paano kung ikaw ang idemanda nila?”
Akala niya ay idadaan nito sa batas ang lahat. Iyon ang pagkakakilala niya dito. Pero sa nakita niya, naisip niya kung ito pa nga ang lalaking gusto niyang pakasalan. Ang dahilan kung bakit may nasasaktang inosente. Ngayon mas tumibay ang hinala niya na may itinatago ito.
Huminga ito nang malalim at matalim siyang tiningnan. “Bakit kinakampihan mo siya? Ni hindi mo binigyan ng konsiderasyon ang hirap na ginawa ko para sagipin ka. Ako ang boyfriend mo pero siya ang ipinagtatanggol mo!”
“Inosente siya!” ganting-sigaw niya. “Kung tutuusin, ako ang may kasalanan ng lahat. At kung kailangan kong sabihin ang totoo at humarap kahit sa media, sasabihin ko kahit ako pa ang makulong. Walang rason para I-detain ang isang taong walang kasalanan.”
Ihilamos nito ang palad sa mukha. “I’m sorry, Aeisha. Hindi ko pwedeng isuko ang pride ko. Ikaw ang gumawa ng gulo, pangatawanan mo na.”
Naningkit ang mga mata niya. Akala siguro nito ay pababayaan niyang makulong si Silang para sagipin ito sa kahihiyan. “Sige, ituloy mo ang kaso. Magkita na lang tayo sa magkabilang kampo ng korte. And the media will surely have a field day. Tingnan natin kung sino sa ating dalawa ang mapapahiya.”