Chapter STFW 28

HUMAHANGOS na pumasok ng presinto si Aiesha. Matinding pananakot ang ginawa niya para lang mapahinuhod si Aldrich na pakawalan si Silang. Nagtalo pa sila dahil ayaw nitong payagan siya na makita si Silang. Subalit hindi siya papayag na hindi makita ang kalagayan nito. Nag-aalala siya.

Ayon kay Aldrich, naroon na ang abogado nito para pormal na iurong ang kaso. Galit pa rin ito sa kanya kaya hindi na ito sumama sa presinto. Hinding-hindi daw ito hihingi ng tawad sa mga taga-Gangan lalo na kay Silang.

“Inang Negay!” bulalas niya nang makita ang pamilya ni Silang sa harap ng police desk. Hinihintay marahil ng mga ito ang paglabas ni Silang.

“Aiesha!” mangiyak-ngiyak na sabi ni Negay at niyakap siya. “Ang anak ko.”

“Bakit nila inaakusahang kidnapper ang kuya ko?” naghihinanakit na sabi ni Salinga. Bagamat bakas ang luha sa mga mata ay hindi ito nagpakita ng kahinaan. “Hindi ba inosente naman siya? Magkaibigan kayo kaya ka sumama sa kanya.”

Niyakap din niya ang kaibigan. “Huwag na kayong mag-alala. Ilalabas na po siya. Hindi po ako papayag na magtagal pa siyang makulong dito.”

“Sana nga ay maayos na ang gulong ito,” anang ama ni Silang na si Kabuguias. Blangko ang ekspresyon nito subalit alam niyang nag-aalala rin ito sa anak. “Malinis ang pangalan ng tribo namin. Wala kaming masamang intensiyon sa kapwa namin. Alam mo iyon, hindi ba?”

“Opo, Lakay Kabuguias,” mahina niyang usal. “Humihingi po ako ng paumanhin sa nangyari. Hindi ko po gustong masaktan siya.”

“Ano pa ang magagawa ng paumanhin mo?” sigaw ni Inana. Nanlilisik ang mga mata nito sa matinding galit sa kanya. “Dahil sa iyo, nasaktan si Silang. Ikaw ang nagdala ng salot sa amin. Hindi ka dapat patawarin!”

“Tama na, Inana!” sigaw ni Silang na kalalabas lang ng kulungan.

“Silang!” sigaw niya at mabilis na tumakbo palapit dito. “Mabuti at pinakawalan ka nila. Dapat dalhin ka na sa ospital. Kailangang magamot ka.”

Hinaplos niya ang pisngi nito na may maiitim na pasa. May putok din ito sa noo at pasa sa iba pang bahagi ng katawan. Muling nangilid ang luha niya. Siya ang dahilan ng mga pasang iyon. Gusto niyang yakapin ito nang mahigpit dahil gusto niyang tiyakin na ligtas ito. Umagos ang luha sa mata niya nang maalala kung paano ito pinagtulung-tulungan ng mga tauhan ni Aldrich. Kung nag-isip lang sana siya, hindi ito dapat na nasaktan. Sana ay siya na lang ang nagulpi kanina.

Lumamlam ang mga mata nito at ngumiti. “Hindi mo kailangang mag-alala. Ikaw ang inaalala ko. Baka nasaktan ka.”

“Hindi nila ako sinaktan,” sabi niya. “Pasensiya na sa ginawa ng mga tauhan ni Aldrich. Kasalanan ko ang nangyari at…”

“Mabuti naman at inamin mong kasalanan mo!” nanggagalaiting sabi ni Inana. Pumagitna ito sa kanila ni Silang at itinulak siya palayo. “Hindi ka pa ba masaya? Kung talagang seryoso ka sa paghingi ng pasensiya, layuan mo na siya!”

“Tigilan na ninyo ang gulong ito!” anang si Lakay Kabuguias sa awtorisadong tinig. “Kaysa magtalo kayo, dalhin na natin si Silang sa ospital.”

Akmang sasama siya nang pigilan siya ni Salinga. “Magpahinga ka na lang, Aiesha. Sapat na ang ginawa mong pagpapalaya kay Kuya. Baka magalit pa si Inana kapag sumunod ka at mag-away kayo.”

Pilit niyang pinagmasdan si Silang na manaka-nakang lumilingon sa kanya habang palabas ng presinto. “Gusto ko lang namang matiyak na ligtas siya.” Gusto niya na siya ang nasa tabi nito at hindi si Inana.

Malungkot na ngumiti si Salinga. “Wala kang dapat ipag-alala. Aalagaan namin si Kuya. At kahit anong mangyari, magkaibigan pa rin tayo.”

“I’M GLAD you are back, hija. Natakot kami nang malaman naming na-kidnap ka,” anang Mama ni Aldrich na si Felizia. “Pasensiya ka na kung hindi makakarating ang Uncle Donato mo. He has a meeting with the President.”

Naroon ito sa mansion para salubungin siya. Nagsasalo sila sa hapunan at may hawak na champagne ang lahat upang ipagdiwang ang kanyang pagbabalik.

Manhid ang pakiramdam niya mula nang huli silang magkita ni Silang. Ni hindi siya makausap nang matino. Pakiramdam niya, isang bahagi ng pagkatao niya ang naiwan niya sa Gangan. Hindi na siya ang dating Aiesha.

“Tell him that I am okay, Aunt Feliz. Thank you,” walang buhay niyang sabi at tinitigan ang pag-angat ng mumunting bula sa champagne niya.

“Sinabi ko naman sa iyo. Sana sumama ka na lang sa amin ng Daddy mo sa Shanghai. Sana mas nag-enjoy ka pa,” anang Mommy niya na si Claudia na nagsasalin muli ng champagne sa flute. “Good thing those savages didn’t harm you.”

Pinanggigilan niya ang flute ng champagne at galit na ibinagsak sa dining table. Natigilan ang lahat at napatingin sa kanya. “They are not savages, Mommy! Mas tao pa nga sila kaysa sa ibang kilala ko,” aniya at itinutok ang mata kay Aldrich na hindi magawang magsalita.

“Aiesha!” saway ng Daddy niyang si Ronnie.

Kinalma niya ang sarili at tumayo. “I’m sorry. Sa palagay ko po napagod ako sa biyahe.” Sinalat niya ang noo. “If you’ll excuse me, I’d like to retire in my room. Thanks for the visit and good night.”

Hindi niya pinansin ang mga ito nang subukan siyang pabalikin. Ni hindi siya lumingon kahit nang maramdaman niya ang pagsunod ni Aldrich sa kanya. Wala siyang gustong gawin kundi ang magkulong sa kuwarto niya.

“Aiesha, wait!” anito at pinigilan siya sa braso nang mahabol siya. “What was that scene?”

“Itinatama ko lang si Mommy. Hindi magandang pakinggan na sa edukadong tao manggagaling ang ganoong salita.”

Nagkibit-balikat ito. “Wala akong nakikitang mali sa sinabi niya. Ask the people around you and they will also call them savages. Ano pa ba ang dapat itawag sa kanila? They are not civilized, Aiesha. Natural lang na tawagin silang savages.”

Pumalakpak siya at patuyang ngumiti. “Great words from the son of a future Senator. Ano na lang ang sasabihin ng mga constituents ng Papa mo kapag narinig nila iyan? Baka nakakalimutan mong ang mga savage na sinabi mo ang dahilan kung bakit naluklok sa kapangyarihan ang pamilya mo. Without them, matagal na kayong bumagsak. Kaya malaki ang utang na loob mo sa kanila.”

Nagtagis ang bagang nito. “Wala akong utang na loob sa kanila. At tigilan mo ang pagdepensa sa kanila. You barely know them.”

“Oh, I know them better than you. At kung pagkukumparahin kayo ni Silang, hamak na mas sibilisado at makatao siyang mag-isip kaysa sa iyo.”

“How dare you…” Itinaas nito ang kamay at akmang sasampalin siya. Subalit ibinaba rin nito at mabilis na lumambot ang anyo. “Palalagpasin ko ito, Aiesha. Iniintindi ko ang kalagayan mo. I think your brain was affected during your stay there. You should see a psychiatrist. I know a good one.”

Napaawang ang labi niya. “Aldrich, I am not sick!” tutol niya.

Hinaplos nito ang buhok niya na parang isang batang inaamo. “Honey, you are not acting normally. Di masamang magpakonsulta sa psychiatrist.”

“Ano naman ang diperensiya sa utak ko?”

Pinagsalikop nito ang mga palad sa isang kamay niya at tinitigan siya. “I think you are suffering from Stockholm Syndrome.”

“What?” bulalas niya at binawi ang kamay dito. “That only applies to kidnap victims. Na nakukuha ng kidnapper o ng protector ang simpatya ng biktima. But I want to remind you that I was not kidnapped!”

“Pero sobra-sobra na simpatya mo sa kanila,” anitong bumalik na naman ang matinding iritasyon sa anyo.

“You don’t need a psychiatrist to explain my behavior, Aldrich. They are my friends. Wala silang ginawang masama sa akin kaya natural lang na nasa kanila ang simpatya ko. Especially if they are bombarded by narrow-minded person like you,” sabi niya at nagmamadaling umakyat ng kuwarto.

Pabalabag niyang isinara ang pinto upang ipakita ang galit niya. Ayaw na niya sa mundong ginagalawan. Sawa na siya sa mapanghusgang tao. Gusto na niyang bumalik sa Gangan. Gusto niyang bumalik kay Silang.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.