“WHAT? Babalik ka sa tribong iyon? Are you out of your mind, Aiesha?” anang Mommy niya na si Claudia. Sapo nito ang dibdib habang naghahabol ng hininga. Nasa garden silang pamilya at nag-aagahan. Noon na lang ulit siya sumalo sa mga ito sa agahan. Akala ng mga ito ay unti-unti na siyang bumabalik sa normal.
Sinilip lang siya ng Daddy niya na si Ludivico mula sa binabasang diyaryo. “Ano na namang kalokohang tumatakbo sa isip mo?” kaswal nitong tanong. Hindi bayolente ang reaksiyon nito tulad ng Mommy niya na nagpa-panic na.
Ipinaypay ni Claudia ang palad sa sarili. “Yaya Meding! Yaya Meding! Dalhin nga ninyo sa akin ang sigarilyo ko. Natetensiyon ako,” anito habang habol pa rin ang hininga. Hinawakan nito ang braso ng Daddy niya. “Tama nga yata si Aldrich. Kailangan na nating patingnan sa psychiatrist ang anak natin.”
Ngumiti siya nang matamis. “Mom, I’m normal.” Nang dumating si Yaya Meding ay ipinabalik ang sigarilyong ipinadala ng Mommy niya. “Masyado kang tensiyonado, Mommy. Makakasama sa iyo ang sigarilyo.”
“Ano pa ba ang kailangan mong gawin sa tribo na iyon?” kalmadong sabi ng Daddy niya at itiniklop ang broadsheet.
“I must apologize for what I did. Naging mabuti sila sa akin at tinanggap nila ako nang maayos pero ganoon pa ang iginanti ko sa kanila.”
Naintindihan ng mga ito ang alinlangan niya sa pagmamahal ni Aldrich. Natural daw sa businessman ang busy sa trabaho. Sa pagkakabalik sa kanya ni Aldrich, napatunayan na raw nito na mahal nga siya nito. But she knew better. Hindi siya ang tunay na pinoprotektahan nito.
“Magpapadala na lang tayo ng financial assistance at iba pang tulong sa kanila. Kung gusto mo, magpapatayo pa tayo ng clinic at iba pang infrastructure sa tribo nila para makabawi ka sa ginawa mo,” anang Daddy niya at muling binalikan ang pagbabasa sa business section ng broadsheet.
Nanlulumo siyang sumandal. “Dad, money is not the issue here. I have to apologize personally. Gusto kong maramdaman nila ang sinseridad ko.”
“Hindi na kailangan ng presensiya mo para mag-sorry,” anang Mommy niya. “Hindi ko ma-imagine na babalik ka pa sa God forsaken place na iyon.”
“Mom, don’t say that. Baka magalit ang mga anito nila sa iyo,” saway niya.
“A-Anito?” anito at napatitig sa kanya.
Tumango siya. “Isa sila sa dahilan kung bakit gusto kong personal na humingi ng tawad. Hindi lang ako nagkasala sa mga taga-tribo kundi maging sa mga anito nila. Paano kung isumpa ako ng mga iyon at papangitin ako? Matatanggap ba ninyo na may pangit kayong anak?”
Nag-aalalang tinapik ni Claudia si Ronnie. “Anong gagawin natin kapag pumangit ang anak natin dahil sa sumpa ng mga anito?”
“That can be remedied by a plastic surgeon. Hindi na niya kailangang bumalik sa tribo para lang mag-sorry.”
“Paano kung dapuan ako ng sakit na walang lunas, Dad? O kaya bumagsak ang kabuhayan natin.” Itinapik niya ang daliri sa breakfast table. “Hindi natin alam kung ano ang posibleng mangyari dahil hindi ako nakahingi ng tawad.”
Hindi nakakibo ng Daddy niya. Habang nangilid naman ang luha ng Mommy niya. “I can’t stand that, Ronnie. Ano ang gagawin natin? Ayaw ko mang payagan si Aiesha pero baka madamay din tayo sa sumpa.”
“Sumpa? Kalokohan!” bulalas ng Daddy niya at ihinagis ang diyaryo sa mesa. “Sa tanda mong iyan nagpapapaniwala ka sa sumpa?”
“Ano naman kung maniwala ako? Ikaw nga gumagastos ka pa ng milyon para lang masunod ang feng shui expert na kinokonsulta mo. Paano kung umepekto ang sumpa kapag hindi natin pinabalik doon si Aiesha?”
Mariing pinagdikit ng Daddy niya ang mga labi at tinitigan siya. “Okay. Pero kailangan may bodyguard.”
Malungkot siyang umiling. “Huwag na, Dad. Baka matakot pa sila kapag nakitang may iba akong kasama. Ako na lang po.”
“Papayag lang ako na pumunta ka doon kapag may bodyguard kang kasama. Kahit hanggang sa bayan lang. Para kapag hindi ka nakabalik sa oras, pupuntahan ka agad nila,” kondisyon ng Daddy niya.
Niyakap niya ito. “Thanks, Dad.” Hinalikan niya sa pisngi si Claudia. “Thanks, Mom. Promise, babalik po ako sa inyo.”
“EFFECTIVE ang plano natin, Portia. Pumayag na sila Daddy na bumalik ako sa Gangan,” excited na balita ni Aiesha habang kausap ito sa cellphone. Ito ang may ideya na takutin ang mga magulang niya dahil mapamahiin naman ang mga ito at takot sa malas lalo na ang Mommy niya.
“Sabi ko sa iyo masisindak ang mga iyon. Kailan ka aalis?”
“Bukas na. Nag-eempake na nga ako ng gamit,” aniya at kinuha sa shoe shelf ang rubber shoes na ginamit niya papuntang Gangan.
“Ibig sabihin, hindi mo pa ako masasamahan dito sa art gallery?” anitong hindi maitago ang lungkot. “Hindi bale. Ang importante maging masaya ka. Sigurado kang handa kang gawin ang lahat para kay Silang?”
“Kung kay Aldrich nga, naging desperada ako. Lalo naman kay Silang na mas deserving. I’ll make him fall for me no matter what.” At wala siyang planong umuwi na talunan. Kinabukasan at kaligayahan na niya ang itinatayo niya dito.
“Well, good luck! Balitaan mo na lang ako sa mangyayari.”
“Thanks for understanding my feelings, Portia.”
“Sino pa ba ang iintindi sa iyo kundi ako? Sana lang hindi ka masaktan.”
Parang tinadyakan ang dibdib niya. Isang malaking sugal ang gagawin niya. Pero hindi na iyon mahalaga. Mas kilala niya si Silang ngayon kaysa kay Aldrich na masyadong maraming lihim.
Pinanood niya mula sa bintana ang pagpasok ng itim na BMW sa gate ng mansion. “I have to hung up. Dumating na si Aldrich. Bye!”
Kinuha sa dresser ang asul na kahita na kinalalagyan ng engagement ring niya at inilagay sa bulsa ng bandanna skirt. Saktong pagbaba niya sa hagdan ay siya namang pagpasok ni Aldrich sa sala. “You are a bit early,” komento niya. Alas onse pa lang ng umaga. Ang usapan nila ay doon ito magla-lunch.
Sinubukan siya nitong halikan sa labi subalit umiwas siya. Sa pisngi niya tumama ang halik nito. Pilit itong ngumiti kahit halatang dismayado. “Hindi ako pwedeng magtagal. May luncheon meeting ako.”
“Oh,” matabang niyang sabi. “ How about coffee?” Tinawag niya ang kawaksi at nagpatimpla ng kape.
“Akala ko wala ka nang planong kausapin ako. Pinag-alala mo ako,” sabi nito nang mai-serve ang kape. “Kaya nga kahit may luncheon meeting ako, pumunta agad ako dito para makita ka dahil miss na miss na kita.”
Bahagyang umangat ang gilid ng labi niya para sa isang sarkastikong ngiti. “Thanks for bothering to come here.”
“It is not a bother when you are concerned.” Natigilan ito nang titigan ang kamay niya. “You are not wearing your diamond ring?” Kinuha niya mula sa bulsa ang asul na kahita at inilapag sa harap nito. Naubos ang dugo sa mukha nito nang makita ang engagement ring doon. “Nakikipaghiwalay ka na sa akin.”
“Not yet,” sabi niya at kalmadong hinalo ang kape niya. “I’m leaving tomorrow. Para mabigyan ka ng panahon na mag-isip. Kung pagbalik ko at gusto mo pa rin akong pakasalan, saka mo isuot sa akin ang singsing na iyan.”
Kuyom nito ang palad na may hawak na kahita. “Anong problema sa akin, Aiesha? May ginawa ba akong hindi mo gusto?” mariin nitong tanong.
Walang kangiti-ngiti niya itong pinagmasdan. Gusto yata niyang maniwala na nasasaktan ito. “Wala. Pero gusto ko lang makatiyak ka na mahal mo nga ako. Dahil kapag naikasal tayo at natuklasan kong hindi ako ang totoo mong mahal, baka magsisi ka,” makahulugan niyang sabi.
Ilang sandaling naging maputla ang kulay ng mukha nito at napalunok. “Sige, pumapayag akong umalis ka. Pero pagbalik mo, mag-uusap tayo. At hindi mo na kailangang mag-alinlangan sa pagpapakasal sa akin,” anito.
Gumuhit ang ngiti sa labi niya nang makaalis ito. Hindi pa niya ito pwedeng bitiwan sa ngayon. May kailangan pa siya dito. Nandito ang susi sa kaligayahan niya.