“Aiesha!” gulat na gulat na sigaw ni Salinga nang makita siya. Sinalubong siya nito ng mahigpit na yakap. “Akala ko hindi na tayo magkikita.”
“Galing ako sa transient house mo at sabi dito daw kita matatagpuan.” Pinuntahan niya ito sa unibersidad sa Baguio kung saan ito nag-aaral.
Luminga ito sa paligid at saka lang napansin na pinagtitinginan sila ng mga tao. “Doon muna tayo,” anito at niyaya siya sa bench. “Enrollment namin.” Nagsalubong ang kilay nito nang makita ang ilang mga kalalakihang sumusunod sa kanila. “Sino naman ang mga iyan?”
Maasim siyang ngumiti. “Huwag mo na lang pansinin. Mga alipores ko lang iyan. Hindi naman sila makikialam sa pinag-uusapan natin.”
“Anong ginagawa mo dito?” tanong nito.
“Gusto kong bumalik sa Gangan. Gusto kong makausap ang Kuya Silang mo.”
Bumakas ang matinding pag-aalala sa mukha nito. “Pero baka magalit sila sa iyo lalo na si Kuya. Alam mo bang mula nang umalis siya, hindi na siya makausap? Hindi ko alam kung gusto ka niyang makita. Nakakatakot pa mandin siyang magalit.”
Nakakaunawa siyang tumango. “Inaamin ko naman ang kasalanan ko. Gusto ko lang namang makatulong. Kung parurusahan ako ayon sa batas ng tribo ninyo, tatanggapin ko basta patawarin lang nila ako.”
Handa siyang harapin ang galit ng mga ito lalo na ang kay Silang. Ngayon lang siya natutong humarap sa parusa ng iba. Nasanay siya nang pinagagana ang impluwensiya ng mga magulang. Sa pagkakataong ito, hindi na niya kailangan pa ng depensa ng iba. Mas responsable na siya.
Matagal na sandali itong natahimik at itinuon ang tingin sa hawak na mga form para sa enrollment. Nahahati marahil ito sa pagiging bahagi ng tribo ng Gangan at sa sentimyento ng mga ito at ang pagiging magkaibigan nila.
Bahagya na itong nakangiti nang tingnan siya. “Aalis ako mamaya pauwi ng Gangan. Gusto mo bang sumabay sa akin?”
“Oo!” excited niyang sabi at niyakap ito nang mahigpit. “Salamat, Salinga.”
“Nararamdaman ko kasi na sincere ka sa paghingi ng tawad. At sa palagay ko nga kailangan ninyong mag-usap ni Kuya Silang. Huwag kang mag-alala, hindi ka naman nila babalatan nang buhay.”
Tumawa siya. “Alam ko iyon.” Si Silang ang klase ng tao na hindi nananakit ng babae. Kadalasan, idinadaan lang nito sa cold treatment ang galit. “Kumain muna tayo. Treat ko.”
Naalangan nitong tiningnan ang mga bodyguard niya. “Isasama rin ba natin sila hanggang sa Gangan? Baka kasi magalit ang katribo ko kapag kasama sila.”
Umiling siya. “Hindi. Tayo lang ang pupunta doon. Pinagbigyan ko lang naman sila Mommy at Daddy na isama sila hanggang dito.”
“Paano mo nga pala sila nakumbinsi na payagan kang pumunta dito?”
Sumilay ang pilyang ngiti sa labi niya. “Tinakot ko sila. Sabi ko magagalit ang mga anito kapag hindi ako humingi ng tawad. Baka malasin kami. Naniwala sila.”
Hindi nito napigilang tumawa. “Mabuti na lang at naniwala siya sa iyo.”
MALAPIT nang maubusan nang hininga si Aiesha nang matanaw ang lawa. Pagbaba nila ni Salinga ng jeep ay naroon na si Langkawan para sunduin sila sa halip na si Silang. Naghiwalay sila sa daang nagsasanga patungong tribo ng Gangan at patungo sa lawa. Kailangan daw nilang mag-usap nang masinsinan ni Silang.
Natanaw niya si Silang na nakaupo sa tabi ng lawa. Nagtago siya sa likod ng mga puno upang malaya itong pagmasdan. Ito pa rin ang dating Silang na nakilala niya. Masyadong tahimik at malalim. Hindi niya alam kung ano ang iniisip nito. Kinumpirma ni Langkawan na gusto nitong mapag-isa mula nang umalis siya.
“Kung sino ka man, lumabas ka na sa pinagtataguan mo. Alam ko na nandiyan ka lang,” anito sa mapanganib na tinig.
Malakas ang pakiramdam nito. Alam agad na naroon siya. Ang problema, hindi pa niya alam kung ano ang sasabihin dito kapag nagkita sila. Sa sasakyan pa lang ay nagpa-practice na siya ng sasabihin dito pero wala siyang nabuo.
Lakas-loob siyang lumabas sa likod ng puno. “Dito daw kita matatagpuan sabi nina Salinga at Langkawan. Hindi ba kita naabala?”
Bumalikwas ito at biglang tumayo nang makita siya. “Anong kailangan mo?” anito sa galit na tinig.
Nakagat niya ang labi nang salubungin ang itim nitong mga mata. Sabi niya mas matapang na siya mula nang manggaling sa Gangan. Pero mas kailangan pa yata niya ng maraming tapang ngayong kaharap ito.
Bahagya siyang yumuko. “Gusto kong humingi ng tawad at gusto ko ring makita ang kalagayan mo,” halos pabulong niyang sabi.
Pasimple niyang sinipat ang itsura nito. Wala na ang bakas ng pasa at sugat nito sa mukha at katawan. Pero naninikip pa rin ang dibdib niya tuwing naiisip na minsan ay siya ang naging dahilan para masaktan ito.
Nakatiim ang mga labi nito nang lumapit sa kanya. “Hindi mo na kailangang mag-aksaya ng panahong huming ng tawad. Kinalimutan na namin ang nangyari. Magaling na rin ang mga sugat at pasa ko kaya pwede ka nang bumalik sa Manila. Baka naghihintay na ang boyfriend mo. Siyanga pala, alam ba niyang nandito ka? Baka sumugod na naman siya dito.”
“Can you refrain from being sarcastic for a while?” aniya sa bahagyang mataas na tono. Natigilan siya nang kumunot ang noo nito at hinamig ang sarili. “Galit ka pa rin sa akin,” usal niya sa mababang tono. “Ako lang naman ang matigas ang ulo. Ayaw mo na nga akong makita, sumisiksik pa rin ako dito.”
“Tama ka. Ayaw nga kitang makita,” mariin nitong sabi at bahagyang inilapit ang mukha sa kanya na parang nananakot. “Pinahihirapan mo lang ako.”
“I-I’m sorry…”
Hinaklit nito ang braso niya. “Wala nang magagawa ang sorry mo. Nakahingi ka na ng tawad. Makakaalis ka na.”
Matapang niyang sinalubong ang mga mata nito. Maaring sa unang tingin ay galit ang makikita doon. Pero sa pagtagal ay lumalambot ang anyo nito. There was longing and yearning in his eyes.
Binalewala niya ang utos nitong umalis siya. Kinabig ng malayang kamay niya ang batok nito at idinampi ang labi dito. Noong una ay wala itong reaksiyon. Ni wala itong kagalaw-galaw. Subalit unti-unting bumuka ang labi nito at hinapit ang katawan niya. There was a sudden urgent hunger in his kiss. Raw and naked. She opened her mouth wider as she sought instinctively for more.
Ngayon ay alam na niya kung bakit hindi ito maalis sa isip niya noong unang beses niya itong nakita. Dahil alam ng puso niya na ito ang gusto niyang makasama habambuhay. She could feel the awakening passion in her. Each touch, each movement giving birth to new sensation.
Nagliliyab ang apoy sa mata nito nang matapos ang halik. Hinaplos niya ang gilid ng labi nito. “Bumalik ako dahil gusto kong malaman kung bakit hindi ka maalis sa isip ko. Na kahit bumalik na ako sa totoo kong mundo, gusto ko pa ring kasama ka. Kung bakit handa akong kalimutan si Aldrich makasama lang kita.”
Mariin nitong hinawakan ang mga kamay niya at inilayo sa mukha nito. “Mali ito. Alam mo ba kung bakit nandito ako? Dahil galit ako sa sarili ko. Hindi ka pwedeng maging akin, Aiesha. Ikakasal ka na sa iba,” anito sa naghihirap na tinig.
Pilit siyang ngumiti kahit nangingilid na ang luha sa mga mata niya. Iisa lang sila ng nararamdaman. At pareho silang nasasaktan dahil akala nila ay parehong mali ang itinitibok ng puso nila.