“Wala kang karapatang magsalita!” bulyaw ni Donato at hinugot ang baril sa baywang nito. “Baka gusto mong padaliin ko na ang buhay ninyo ni Aiesha.”
“Patayin mo kami sa harap anak mo,” mapatang niyang hamon dito. “Tingnan lang natin kung kaya mong gawin.
Natigilan ito at parang na-estatwa habang nakatutok pa rin ang baril sa kanila. Lihim siyang napangiti. Hindi totoong wala itong puso. Walang sinumang ama ang magagawang pumatay sa harap ng sariling anak.
Naalarma ito nang makarinig ng sunud-sunod na putok mula sa labas. “Boss, napasok tayo ng mga taong bundok,” ulat ng isa sa mga tauhan nito nang hangos na pumasok ng bodega.
“Dumating na ang lahat ng mga mandirigma ng tribo namin,” bulong ni Silang sa kanya. “Nagpadala ako ng mensahe sa kanila bago kita pinuntahan.”
Nakadama siya ng pag-asa subalit muli siyang binalot ng takot nang itutok na naman sa kanila ni Donato ang baril. “Napakalakas ng loob ng katribo mo na sumugod dito nang palakol at kutsilyo lang ang dala. Wala kayong panama sa mga baril namin. O baka naman gusto mo nang tuluyang malipol kayo.”
Pagkakataon naman ni Silang para ngumiti. “Mas mahihirapan kang itago ang baho mo kung lahat ng katribo namin ay mamamatay dito sa resthouse mo.”
Hinawakan ni Aldrich ang kamay ni Donato na may hawak na baril. “Ibigay mo na lang ang hinihingi nila, Papa. Mukhang hindi lang katribo ni Silang ang nandito. Sa palagay ko may kasama silang mga pulis.”
“Mahalaga ang mga mummies na iyan sa pamilya natin. Ang swerteng dala nila ang magbibigay-daan sa akin para maging Presidente ng Pilipinas. Hindi ako papayag na maagaw sila sa akin. Nagsisimula pa lang matupad ang mga pangarap ko,” ani Donato na halos naghihisterya na. Ngunit napansin nila ang paglambot ng mukha nito.
Sinamantala iyon ni Aldrich at inagaw mula dito ang baril. Saka nito niyakap nang mahigpit ang ama. “Mabubuo pa rin pamilya natin kahit wala ang mga mummies na nagdadala sa iyo ang swerte o hindi ka man isang Senador. Ikaw ang mas mahalaga sa amin, Papa.”
Nakahinga siya nang maluwag na humilig sa balikat ni Silang nang pumasok ang mga pulis kasama ang mga mandirigma ng tribo ng Gangan. Kusang loob na sumuko si Donato at isinuko din nito ang mga mummies.
“Ligtas na tayo,” naiiyak niyang sabi. Hindi siya makapaniwala na nabingit ang buhay nila sa kamatayan.
Niyakap siya ni Silang at maalab na hinagkan ang labi niya. Wala silang pakialam sa mga tao sa paligid o kahit nang isakay na sa police mobile si Donato Dominicano. Sa wakas, makakabalik na rin ang mga ito sa tribong tunay nitong tahanan. At wala na ring hahadlang sa kanila ni Silang.
NAGSASALIMBAYAN ang tunog ng mga gong at ang masayang tawanan sa tribo ng Gangan. Ginaganap ang isang cañao para sa pagdiriwang sa pagbabalik ng mga me’king sa tribo. Kanina ay inilagak sa kuweba ang mga mummies na nakalagay sa tradisyunal na himlayan gawa sa pine tree. Ilang baboy at manok ang kinatay para sa okasyon. Lahat ng miyembro ng tribo at karatig-tribo ay nakikisaya sa kanila. Hindi rin nawala ang ilang miyembro ng media na nag-cover ng okasyon. Isang malaking balita hindi lang sa Pilipinas kundi maging sa buong mundo ng muling paghimlay sa mga sagradong kweba ng Gangan ang mga ninuno ng mga ito.
“Thank you, Silang at pinayagan mong makunan namin ang mahalagang pagtitipon sa tribo ninyo,” sabi ni Jason, isang reporter na nag-cover ng kasiyahan.
“Importante rin sa aming taga-Gangan na maibahagi ang kultura namin sa iba. Noong una, pakiramdam namin hindi kami tanggap ng mundo. Pero nang makilala ko si Aiesha, nalaman ko na may mga tao pa ring handa kaming tanggapin bilang bahagi ng mundo nila nang hindi kami inuuri o itinuturing na iba. Isa pa, para rin malaman ng mga tao kung gaano kaimportante ang nakaraan nila. Na dapat, pangalagaan nila ang pamana ng mga ninuno nila.”
Ngumiti sa kanya si Jason. “Totoo ba na madalang ka na naming makikita sa mga importanteng parties kapag naikasal na kayo?”
Tumingala siya kay Silang at niyakap ito sa baywang. “I would still love to attend parties. Pero mga ganitong klaseng party na siguro ang madalas kong pupuntahan,” aniya at itinuro ang mga kadalagahan at kabinataang nagsasayaw ng katutubong sayaw ng pasasalamat ng taga-Gangan. Kasama doon sina Langkawan at Salinga na nagkakamabutihan na.
Nagdesisyon siya na sa tribo na manatili kapag naikasal na sila ni Silang. Dadalaw na lang sila paminsan-minsan sa Manila kapag kinakailangan. Subalit pinag-iisipan pa rin nila ang muling pagtira sa lungsod kapag may anak na sila. Mahalaga pa rin kay Silang ang edukasyon ng mga bata subalit titiyakin rin nilang matatanim din sa isip ng mga ito ang kultura at pamana ng tribo.
“Sayang, hindi imbitado ang media sa kasal ninyo. Gusto ko pa manding makapag-cover ng ethnic wedding,” sabi ni Jason. Iniiwasan kasi nilang magmukhang circus ang kasal nila. Mas gusto niya ang sagradong kasal na dinaluhan lang ng malalapit na kapamilya at kaibigan.
Pasimple siyang ninakawan ng halik sa labi ni Silang nang makaalis na ang reporter. “Masaya ka ba?”
Tumango siya. “Siyempre naman. Naibalik na sa tribo ninyo ang mga mummmies at tanggap na rin ako ng tribo ninyo.” Hindi na siya itinuturing ng mga ito na kakaiba ngayon. Hindi na siya estranghero. Ngayon ay taga-Gangan na rin siya. Subalit alam niyang marami pa siyang dapat na pag-aralan upang mapatunayang karapat-dapat nga siyang maging bahagi ng tribo.
“Naiinip na ako sa kasal natin,” anito at niyakap siya. Isang buwan pa ang kailangan nilang hintayin. Hindi man kasing garbo ng katulad ng dapat ay kasal nila ni Aldrich sa cathedral pero mas masaya naman siya.
Hindi na naging malaking isyu ang pagkakakuha ng mummies mula sa resthouse ng mga Dominicano at ang pagkaka-kidnap sa kanya. Pinalagpas na lang niya dahil ligtas naman sila ni Silang at alang-alang na rin kay Aldrich. Kahit gaano pa kasama si Donato ay mahal pa rin ni Aldrich ang ama.
Ngayon ay nasa Canada na ang pamilya nito kasama si Minerva. Nagbitiw na sa tungkulin sa gobyerno si Donato at kinalimutan na ang pagtakbo sa Senado. Tanggap na rin nito ang pagmamahalan nina Minerva at Aldrich.
“Mas lalo naman ako. Gusto ko nang makita ang itsura ko sa hinahabing pangkasal ni Inang Negay,” excited niyang sabi. Kahit ano pa pala ang itsura ng wedding dress, nakaka-excite na isuot.
Nagseryoso ang anyo nito. “Mukhang may hindi masaya sa magiging kasal natin, Aiesha,” anito at lumingon sa direksiyon kung nasaan ang mga magulang nila.
Magkakasalo ang mga ito sa iisang mesa at umiinom ng tradisyunal na alak ng tribo-ang tapey na gawa sa bigas at fayas na gawa sa tubo. Enjoy na enjoy habang nagkukwentuhan ang Mommy niya at si Inay Negay. Mukhang nagustuhan ng Mommy niya ang fayas. Habang hindi naman maipinta ang mukha ng Daddy niya habang tumutungga ng tappey at kasama si Amang Kabuguias.
Nilapitan niya ang Mommy niya at binulungan. “Mommy, anong problema ni Daddy? Masama ba ang loob niya dahil ayaw niya kay Silang?”
Noong una ay disappointed ang mga magulang niya nang malamang si Silang ang bago niyang boyfriend. Malayo nga naman ito sa dating nobyo na anak ng isang sikat na pulitiko sa bansa. Pero nang malaman ng mga ito ang katotohanan at sinabi niyang si Silang ang totoo niyang mahal ay walang nagawa ang mga ito kundi ibigay ang bendisyon sa kanila nang magdesisyon silang magpakasal.
“Ewan ko ba sa Daddy mo kung bakit nagdadrama. Tanungin mo kaya.”
Matapos magpaalam kay Amang Kabuguias ay binulungan niya ang Daddy niya. “Dad, ayaw pa rin ba ninyo kay Silang hanggang ngayon? Akala ko ba okay lang sa inyo para maipagmalaki ninyo sa mga kaibigan ninyo na nakapag-asawa ang anak ninyo ng may rice terraces?” aniya sa magaang boses. “Parang ayaw mong pumunta sa kasal ko.”
Kapag nakikita niya ang panghihinayang sa mukha nito at tinatanong siya kung bakit si Silang ang pakakasalan niya, isinasagot niyang bukod sa ito ang pinakaguwapong lalaki para sa kanya, may-ari pa ito ng rice terraces. Alam niyang may tampo rin ito kay Silang dahil ayaw nitong tumanggap ng anumang posisyon sa computer business nila. Subalit hindi naman inaalis ni Silang ang posibilidad na hawakan ang negosyo ng Daddy niya. Alam kasi nito kung gaano rin kaimportante sa pamilya nila ang computer company na itinayo pa ng lolo niya.
Pinunasan ni Ronnie ng likod ng palad ang naluluhang mata at tumungga ulit ng tappey. “Hindi naman ako tutol na si Silang ang pakasalan mo. Pero kailangan ba talagang magsuot ako ng bahag sa kasal ninyo?”
Tuluyang naglaho ang takot niya at nagkatawanan ang lahat ng nasa mesa kabilang na si Silang. “Ayaw mo sigurong makita ang bilbil mo kapag nakasuot ka na ng bahag,” biro ng Mommy niya. “Tamad ka kasing mag-workout.”
Nauwi sa masayang kwentuhan ang biruang iyon. Sa palagay niya ay hindi lang siya ang at home sa Gangan kundi maging magulang niya. Napatunayan kasi ng mga ito na mabubuting tao ang mga taga-tribo. Bukod pa sa napatunayan ng mga ito na mahal na mahal siya ni Silang nang hindi tumitingin sa pera ng pamilya niya.
“Wala bang makakapansin kung mawawala tayo kahit sandali?” pabulong niyang tanong kay Silang.
Nagsususpetsa siya nitong pinagmasdan. “Ano ang plano mo?”
Hindi niya maitago ang matamis na ngiti habang hinahaplos niya ang gilid ng labi nito. “Parang gusto ko yatang magsolo tayo. Maganda ang panahon kaya magandang pumunta sa lawa.”
Matagal na sandali siya nitong pinagmasdan at saka kinintalan nang mariing halik ang labi niya. “Laylayden sik a, Aiesha,” usal nito.
“I love you, too,” sabi niya at hinila ang kamay nito palayo sa kasiyahan.
Sa halip na tunog ng gong ang marinig nila ay ang malamyos na himig ng kalileng o noseflute ang narinig niya kasaliw ang isang malambing na boses ng babae na umaawit tungkol sa isang wagas na pag-iibigan. Tulad ng kung paano pinagbuklod ng pag-ibig ang puso nila ni Silang.
Wakas