Chapter STFW 41

Naalimpungatan si Aiesha nang may marinig na kaluskos. Dilim ang sumalubong sa kanya ngunit natitiyak niyang hindi siya mag-isa sa bodegang iyon. Imposibleng tauhan iyon ni Donato dahil sa likuran nanggaling ang tunog. Hindi kaya minumulto na siya? “Sino iyan?” lakas-loob niyang tanong.

“Huwag kang maingay, Aiesha. Pakakawalan kita. Itatakas kita dito,” anang boses na kanina pa niya gustong marinig.

“S-Silang?” anas niya. “Paano mo nalamang nandito ako? Paano mo nalusutan ang mga guwardiya?” sunud-sunod niyang tanong. Subalit mas gusto niyang makawala sa pagkakatali dahil gusto niya itong yakapin at halikan. Noon lang siya nakadama ng kapanatagan sa loob ng mahabang oras.

“Sinabi agad sa akin ni Aldrich na natagpuan ang kotse mo. Ang hinala ay kinidnap ka. Saka naman tumawag ang Mama niya at sinabi ang plano ng Papa niya. Dito ka nga daw itinatago.” Naramdaman niya ang pagluwag ng tali sa kamay niya. “Pag-usapan natin ito kapag nakatakas na tayo sa lugar na ito.”

Ganap din ang dilim sa paligid kaya nagtataka siya kung paano nito nalaman kung nasaan siya at nakalag ang tali niya. Saka niya naalala ang training nito. Kaya nitong makakita sa dilim na parang may night vision goggles. Gayundin ang maglakad at kumilos nang walang nakakarinig o nakakapuna.

Nang makahulagpos sa takot at niyakap niya ito nang mahigpit. “Akala ko hindi na kita makakasama.”

Hinaplos nito ang buhok niya. “Sinaktan ka ba nila?”

“Hindi. Pero plano nila akong patayin at ibintang sa tribo ninyo.” Kung hindi ito dumating, iyon na mismo ang mangyayari. Malalagay pa sa peligro ang tribo nito.

Kinintalan siya nito ng halik sa noo. “Hindi ka na nila masasaktan.”

Mahigpit ang hawak nito sa kamay niya akayin siya nito. Sa halip na sa harap ng bodega ay sa likurang bahagi sila nagtungo. May binuksan itong maliit na pinto. Doon marahil ito dumaan kanina kaya hindi napansin ng guwardiya.

“Paano nga pala ang mga mummies?” aniya at nilingon ang mga mummies na naiwan nila. Iyon ang rason kung bakit sila nasuong sa gulo. Sayang naman ang pinaghirapan nila kung hindi nila nababawi ang mga ninuno nito.

“Mababalikan pa natin sila. Hindi ito ang oras para bawiin sila,” walang lingon nitong sabi at maingat na lumabas.

Nilingon niya ang kinalalagyan ng mga mummies. Alam niya kung gaano kasakit para dito na iwan ang mga ninuno para lang tiyakin ang kaligtasan nila. Subalit tama ito. Mas mahalaga ang kaligtasan nila. Hindi nila mababawi pa ang mga iyon kung ngayon pa lang ay nakabingit na sila sa kamatayan.

Hindi niya pinansin ang dapyo ng malamig na hangin sa kanyang balat nang makalabas sila sa bodega. Tiniyak muna ni Silang na walang guwardiya sa paligid. Maingat niya itong sinundan nang maglakad ito sa gilid ng bodega. Nakita niya ang kotse ni Aldrich sa di kalayuan. Ito marahil ang tumulong kay Silang para makapasok. Malapit sa kotse ay nag-iinuman ang mga guwardiya. Kaya siguro wala ang mga ito sa pwesto dahil inuna ang pagkakasiyahan.

“Nasaan si Aldrich?” pabulong niyang tanong.

“Kausap ang Papa niya sa loob. Sa trunk ako ng kotse niya sumakay kanina kaya hindi nila ako napansin.”

“Diyan din ba tayo sasakay para makatakas?” tanong niya.

Umiling ito at ginagap ang kamay niya. “Masyadong mapanganib. Kahit anong mangyari, huwag kang aalis sa tabi ko.”

Mukhang hindi pa ito nakakabuo ng plano kung paano sila makakatakas nang may marinig silang sitsit. Nang lumingon siya ay nakita niya si Tiya Ising na kumakaway sa kanila. “Dito kayo, dali!” utos nito.

Hindi sila nag-atubiling lumapit dito. Mabilis sila nitong pinagkubli para hindi sila mapansin ng mga guwardiya. “Naglagay ako ng hagdan sa pader. Doon kayo sa bakod sa bandang likod dumaan. Medyo masukal ang dadaanan ninyo pero mas ligtas doon kaysa harapin sila. Importante makalayo kayo dito. Mag-ingat kayo.”

Niyakap niya ito nang mahigpit. Matapang ito at may mabuting kalooban dahil hindi siya nito pinabayaang mapahamak. “Maraming salamat po.”

“Alam kong hindi kayo masamang tao. Kaya bilisan ninyo! Bago kayo mahuli ng tauhan ni Sir.”

“Mauuna na akong umakyat,” sabi ni Silang. “Para maalalayan ko ang pagbaba mo sa kabila.”

Naunang tumawid ng bakod si Silang. Natakot siya nang makita ang madamong lugar na babagsakan niya. Bukod pa sa masyadong mataas ang kailangan niyang talunin. “Silang, baka hindi ko kaya.”

Ibinuka nito ang mga kamay. “Sasaluhin kita.”

Kasalukuyan pa lang siyang nag-iipon ng lakas ng loob nang may sumigaw sa likuran niya. “Hoy, anong ginagawa mo diyan?”

Nang lumingon siya ay nakita niya ang isa sa mga guwardiya na nakaumang ang baril sa direksiyon niya. “Aiesha, talon!”utos ni Silang kasabay ng putok ng baril.

Umalpas siya sa pader at gaya ng pangako ni Silang ay nasalo siya ng mga bisig nito. Pagkababa ng paa niya sa lupa ay magkahawak-kamay nilang tinakbo ng madilim na gabi at ang masukal na talabihan habang hinahabol sila ng mga bala mula sa mga tauhan ni Donato.

Wala siya halos makita dahil kasing taas niya ang mga talahib. Hindi na niya alam kung anong direksiyon ang tinatahak nila. Madilim ang paligid at dahan-dahan siyang sinasakal nang matinding lamig. Parang may isang malaking kamay na pumipisil sa baga niya ngunit hindi niya pinansin kung nahihirapan na siyang huminga at nagpatuloy sa pagtakbo.

Tumigil ang putok ng baril. Subalit alam niyang nasa paligid lang ang mga tauhan ni Donato, hinahanap sila. Takbo siya nang takbo kahit humihiwa na sa balat niya ang mga dahon. Hindi niya pinansin ang sakit.

Unti-unting nawawalan ng lakas ang kanyang paa. Mabilis ang galaw ni Silang at hindi niya kayang sabayan iyon. Hindi sinasadyang natisod siya sa batong nakaharang sa dadaanan niya at sumadsad sa lupa.

Nabitiwan nito ang kamay niya at lumingon. “Aiesha!” Binalikan siya nito at tinulungang tumayo, “Okay ka lang?”

Tumango siya. Nang subukan niyang ihakbang ang paa ay sumigid ang kirot sa paa niya at muling napaupo sa damuhan. “Naipit yata ang ugat sa paa ko.”

“Nasaan?” tanong nito at hinawakan ang paa niya.

Tinabig niya ang kamay nito at itinulak palayo. “Tumakas ka na. Iwan mo na ako dito.” Hindi na niya kayang lumakad. Magiging pabigat lang siya dito.

Sa halip na umalis ay sinambilat siya nito na parang wala siyang anumang bigat. “Hindi kita pwedeng iwan dito.”

Naalarma siya nang marinig ang mga papalapit na yabag. “Ibaba mo na ako. Pabayaan mo na lang ako. Mahuhuli lang tayong dalawa kapag isinama mo pa ako.”

Mas importante sa kanya ang kaligtasan nito. Magaling itong lumaban. Subalit may baril ang mga humahabol sa kanila. Hindi ito makakalaban kung iniisip pa nito kung paano siya poprotektahan.

“Wala akong pakialam,” sabi nito at nagpatuloy sa paglakad habang buhat siya. Alam niyang nahihirapan ito dahil bumagal ang galaw nila pero hindi kumikibo. Malakas ang kaba sa dibdib niya. Hindi nila tiyak ang kaligtasan nila.

Pumikit siya at isinandig ang ulo sa dibdib nito. Hindi nito pinahalagahan ang sariling kaligtasan para sa kanya. Kailangan niya itong pagkatiwalaan. Maaring mahuli sila ng mga humahabol sa kanila pero ang importante ay magkasama sila.

Kanina pa sila sa madawag na lugar na iyon pero parang hindi pa rin sila nakakalayo. Nagpatuloy sila sa paglakad. Ngunit maya maya’y humarang sa dadaanan nila ang isang lalaking may hawak na baril. “Tigil!” utos nito.

Sinubukan nilang umiwas at pilit na tumakbo si Silang sa mas malalim na bahagi ng talahiban. Subalit sa kasamaang palad ay naharangan na rin sila ng iba pang humahabol sa kanila. Napaligiran na sila ng mga ito.

NAGPUPUYOS na mukha ni Donato ang sumalubong kina Aiesha at Silang bago pa man sila tuluyang makalapit sa resthouse. Sa labas pa lang ay hinihintay na sila nito habang sa tabi naman nito ay si Aldrich na hindi makatingin nang diretso sa kanya.

Napakalakas daw ng loob nilang tumakas samantalang iyon daw ang teritoryo nila ayon sa mga tauhan nito. Saka sila pinaglakad ni Silang pabalik sa resthouse. Mabuti na lang at hindi sila pinaghiwalay kaya buhat-buhat siya ni Silang habang naglalakad. Nakaupo siya sa sa semento dahil masakit pa rin ang paa niya.

Ngumisi si Donato at inalis sa bibig ang tabako nang ipasok sila sa bodega. “Kahit anong takas ang gawin ninyo, sa akin pa rin kayo babagsak.”

“Boss, anong gagawin natin? Pinahirapan kami ng dalawang ito, boss,” sabi ng isa sa mga tauhang nakatutok ang baril sa likuran nila. “Dito na kaya natin tadtarin ng bala o kaya idala na natin sa gubat para may makain ang mga hayop.”

“Huwag!” maagap na sabi ni Silang at niyakap siya upang protektahan sa maaring gawin ng mga ito sa kanila. Bagamat nabihag na sila, hindi niya nakikita ang takot sa mga mata nito maliban na lang kapag nanganganib siya.

“Pabayaan mo na sila, Papa!” sabi ni Aldrich.

Isang matunog na sampal ang sumayad sa mukha ni Aldrich. “Tumahimik ka! Wala kang karapatang utusan ako dahil anak lang kita. Hindi pa tayo tapos. Hindi ko nakakalimutang nakipagsabwatan ka kay Aiesha at sa taong-bundok na ito para kalabanin ako.” Naglakad si Donato paikot kay Aldrich. “Bagito ka pa lang. Bago mo ako kalabanin, tiyakin mo munang kaya mo na ako.”

Tahimik lang na hinaplos ni Aldrich ang nasaktang pisngi. Nang hindi na ito kumibo ay sila naman ni Silang ang pinagbalingan ni Donato at umuklo sa harap nila. Lalong humigpit ang yakap sa kanya ni Silang.

“May itsura naman pala itong batang kinalolokohan mo, Aiesha,” tukoy ni Donato kay Silang. “At mukhang matapang.” Pinagmasdan nito si Silang. “Akala mo siguro hindi ko alam ang tungkol sa paghahanap mo sa mga mummies. Sayang ang pagpupursige mo. Kung naniwala ka sa anak ko na wala sa amin ang mummies, hindi sana mapapadali ang buhay mo.”

“Wala kang karapatan sa mga me’king. Ninakaw mo lang iyon sa tribo namin,” walang takot na sabi ni Silang. “Daang-taon na sila sa tribo namin. Nasa maaayos pa sana silang kondisyon kung hindi mo sila ninakaw.”

Naging mabalasik ang anyo ni Donato. “Sa akin ang mga mummies. Walang sinumang makakaagaw sa kanila.” Tumayo ito at tumalikod sa kanila. “May naisip na akong plano para sa inyo.”

“Ano na namang istorya ang palalabasin mo?” tanong niya.

Mas nakakapangilabot ang kislap sa mga mata ni Donato nang muling humarap sa kanila. “Na hindi matanggap ng taong-bundok na ito ang pagpapakasal mo sa anak ko. Kaya pinatay ka niya. At pagkatapos, saka siya nagpakamatay. Magandang istorya, hindi ba?”

“At siyempre, ikaw na naman ang makikinabang sa huli,” sabi ni Silang. “Para nga naman mapunta ang kahihiyan sa tribo namin. At dahil wala na ako, wala nang maghahabol pa sa mga ninuno namin na itinatago mo. Wala kang puso.”

Inilabas nito ang kutsilyong at iniumang sa leeg ni Silang. “Matalas ang dila mo. Tingnan natin kung magamit mo pa iyan kapag hindi ka na humihinga.”

Tinabig ni Aldrich ang kamay ni Donato at tumilapon ang kutsilyo sa sahig. “Tama na, Papa! Hindi na tama ang ginagawa mo!”

Galit itong pinagbalingan ni Donato. “Gusto mong masaktan na naman?”

“Tama na!” Kinuyom ni Aldrich ang palad at nag-aapoy sa mata nito ang matinding hinanakit nang tingnan si Donato. “Naging masunurin kami ni Mama sa inyo. Naging pipi, bulag at bingi kami sa lahat ng kasamaan ninyo.”

Galit nitong itinapon ang tabako sa paanan at tinapakan iyon. “Walang utang na loob! Ginagawa ko ang lahat ng ito para sa pamilya natin. Para sa iyo.” Dinuro nito ang sentido ni Aldrich. “Itatak mo iyan sa kukote mo.”

“Ayaw na namin ni Mama nang ganitong buhay. Kaya isinumbong ni Mama sa akin ang lahat ng plano mo dahil ayaw na niyang madagdagan ang kasamaan mo. Hindi ko kailangan ng isang amang Senador nga pero marami namang inagrabiyadong tao. Kapag itinuloy ninyo ito, kalilimutan ko nang may ama ako.”

“Hindi ko naman kailangan ng isang anak na katulad mo,” nagtatagis ang bagang na sabi ni Donato. “Inutil! Walang silbi! Hindi ka karapat-dapat pamanahan ng lahat ng kayamanan ng pamilya natin.”

“Hindi kailangan ni Aldrich ng kayamanan mo,” sabi ni Silang. “Isang ama lang na may moral ang kailangan niya.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.