Chapter FORTY-TWO

JING AND BELL'S STORY

Pumapailanlang sa loob ng buong mall ang pamilyar na awiting pamasko. Sumasabay pa ang ritmo sa pagpapalit ng kulay ng sandamakmak na Christmas lights sa buong paligid. Ultimo ang mga pekeng halamang nasa malalaking paso sa magkabilang gilid ng mga escalators ay may nakapalamuting Christmas lights.

Naaaliw si Analisa na pagmasdan si Jing-jing habang nakatitig mga nagkikislapang Christmas lights. Panay ang hagikhik ng dalawang taong gulang niyang anak na babae tuwing magpapatay-sindi ang mga ilaw. Nakaupo silang mag-ina sa isa sa mga benches malapit sa cashier sa loob ng kinaroroonan nilang toy store. Namimitig na ang mga paa niya mula sa mahigit tatlong oras nang pag-iikot sa loob ng shopping mall. Siksikan sa dami ang mga tao sa naturang mall dahil tatlong araw na lang ay Pasko na. Kanya-kanya na sa pamimili ng mga panregalo ang mga tao. Parang mauubusan kung mag-unahan sa mga shops.

Kaya ipinasya niyang hintayin na lang nilang mag-ina doon na matapos sa pamimili ng mga laruan ang kanyang asawang si Agapito at ang tatlong anak nilang lalaki. Tiwala naman siyang kayang-kaya ni Agapito na bantayan at suhetuhin ang ang tatlong anak nilang lalaki na sina Tom, Ace at Errol. Ang totoo nga niyan, mas takot at mas sumusunod ang tatlo kay Agapito kaysa sa kanya. Sa kanilang mag-asawa kasi ay siya ang kunsintidora at si Agapito ang taga-disiplina sa mga anak nila. Pero siguro, iyon ay dahil lalaki ang tatlo. Pagdating kasi dito kay Jing-jing nila, napakalambot ng puso ng asawa niya. Kaunting ingit, uhaw, paglalabi at pagkunot ng noo lang ni Jing-jing ay natataranta na si Agapito na patahanin, pangitiin at ibigay ang gusto ng bunso nila. Hindi maikakailang daddy’s girl si Jing-jing.

“Oh! What a cute baby!” wika ng isang buntis na babaeng customer din sa naturang toy shop.

Kalalabas lang nito sa toy shop at sa kaliwang kamay nito ay may bitbit itong isang maliit na shopping bag na may tatak ng naturang toy shop. Naka-pink na pantsuit ang babae. Base sa ayos, designer’s bag na bitbit at naka-unipormeng maid sa likod ng babae, halatang mayaman ang babae. Huminto ito sa tapat nilang mag-ina at nginitian ang nakangiti rin namang anak niya. Mukhang foreigner ang babae dahil sa kulay blond nitong buhok at maputing kutis. Pero maliit lang ito. Parang mas matangkad pa nga yata siya rito sa taas niyang five-seven. Pango rin ang babae at mukhang Asyano ang features kaya hula niya ay artipisyal lang ang pagka-blond ng buhok nito.

Bukod sa kasunod na maid at isang lalaking hula ni Analisa ay driver ng babae, may kasama rin itong batang lalaki. Marahil ay nasa lima o anim na taong gulang na ang bata. At kung ang babae ay posibleng isa ring Pinay o kaya ay Tsinoy, ang batang lalaki ay halatang may dugong Kanluranin. Asul na asul kasi ang mga mata ng mestisong bata. Matangos rin ang ilong nito at makakapal ang mga kilay. Pero itim na itim naman ang buhok. Napaka-cute na bata kahit na halatang bad mood ito.

At kung ang pekeng blond na babae ay napakalawak ng ngiti sa mga labi habang nakatitig sa kanyang unica hija, ang batang lalaki naman ay nakasimangot habang nakatingin sa anak niya. Ikinikiling pa ng batang lalaki ang ulo nito pakaliwa at pakanan habang sinisipat si Jing-jing.

“She’s not cute, mommy! She’s not cute! Her nose is so, so big! Her face is very, very big too! She has no hair! And she’s dark! She’s like a chocolate!” ang buong gilas at buong lakas pang deklarasyon ng sutil na bata. Iminwestra pa nito sa pamamagitan ng dalawang kamay kung gaano raw kalaki ang ilong ng pobreng bunso niya.

Parang iisang taong sabay pa silang napasinghap ng pekeng blond na babae. Siya, dahil sa labis na gulat at pagka-insulto. Habang ang babae naman ay dahil sa labis na gulat at pagkapahiya. Tila hindi malaman ng babae kung paano ihihingi ng paumanhin ang salbahe nitong anak na nangahas laitin ang pinakamamahal na unica hija niya.

“Alexander Graham Bell! That’s not nice! Say you’re sorry! Right now!” sita ng babae sa matabil ang dilang anak nito.

Saglit na lumabi naman ang bata. Halata sa anyo ng bata na ayaw nitong sundin ang ina nito. Pero maya-maya ay tumingin ang bata sa kanya ng diretso at pinapungayan siya ng mga mata. Saka sa mahinang boses ay humingi ng tawad.

“I’m sorry.”

Ang sarap kutusan ng bata. Iyon ang naiisip ni Analisa. Pero masakit mang tanggapin ay totoo ang sinabi nito. After waiting for years and having three sons who all look like their gorgeous father, she now has her much-awaited daughter. Iyon nga lang ay hindi niya alam kung matutuloy pa ba ang pangarap niyang maging beauty queen din ang unica hija niya tulad niya. Dahil kung sina Tom, Ace at Errol ay pawang namana ang kagwapuhan ng asawa niya, ang pobreng unica hija naman ay mas namana ang...well, ang hitsura ng nanay ng asawa niya. Kakulay ng kape ang kutis, malaki ang ilong, matambok ang mga pisngi at kung hindi niya lalagyan ng ribbon sa ulo ay madalas mapagkamalang baby boy ang kanyang baby girl dahil hanggang ngayon, manipis pa rin ang buhok nito.

“Um, hi! My name is Patti by the way. Pasensya ka na talaga dito sa anak kong si Bell. Nagta-tantrums kasi ito at hindi ko pinayagang bilhin yung laruang gusto niya,” nakangiwing ani pa ng pekeng blond na babae kay Analisa.

“Ayos lang iyon, Patti, ganyan talaga ang mga bata. Ako naman si Analisa at ito ang baby ko, si Jing-jing,” nakangiting wika ni Analisa sa nanay ng bata.

Saka niya nilingon ang batang lalaking may matabil na bibig at pilit ang ngiting tinanguan lang ito. Pero sa isip niya ay pinipingot niya ang bata. Ngayon pa lang nag-aalala na siya sa magiging pagtrato ng ibang bata sa kanyang unica hija. Baka tulad ng salbaheng batang ito, paulanan din ng insulto at mga pambubuska ng ibang bata ang bunso niya. Naku, naku, huwag lang magkakamali ang mga batang iyon na paiyakin ang anak niya. Dahil makakatikim talaga sa kanya ang mga magulang niyon. Hindi lang mula sa kanya kung hindi higit lalo na mula sa asawa niya. Pati na mula sa tatlong kuya ni Jing-jing na ngayon pa lang ay protective na sa baby sister ng mga ito.

Nakita ni Analisa na bumuka muli ang bibig ni Patti. Tila may sasabihin ang babae sa anak nito pero anuman iyon ay naudlot dahil biglang napangiwi at napahawak sa tiyan nito ang babae. Mahinang napaungol sa sakit ang babae. Manganganak na yata ito! Natatarantang napalapit sa babae si Analisa.

“Ayos ka lang ba? Kabuwanan mo na ba?” untag niya rito.

“No, no, hindi pa. Seven months pa lang---ahh!” napahiyaw ito sa sakit.

“Mommy?” nanginginig ang boses na tawag ng bata sa ina.

Bakas sa mukha ng bata ang takot at pag-aalala nang kumapit sa baywang ng ina. Dali-dali namang lumapit sa kanila ang yaya ng bata pati ang isang guard na nakapuna sa nangyayari. Agad rumadyo sa mga kasamahan ang guard. Nagpapatawag ng ambulansya. Pero mas mapapadali sila kung sila na ang magdadala sa babae sa ospital kaysa hintayin pa nila ang pagdating ng ambulansya. Sa hitsura at halos pamimilipit na sa sakit ni Patti, may kutob siyang hindi na nito mahihintay pa ang pagdating ng ambulansya. Nag-aalala siyang baka kung ano ang mangayri dito at sa baby nito,

“Dalhin na natin siya sa ospital!” utos niya sa yaya at guard. Iniisip niya kung paano niya maipapaalam sa mag-aama niya ang nangyayari nang mahagip ng tingin niya ang humahangos na paglabas ng mga ito mula sa loob ng toy shop.

“Analisa! Ano’ng nangyari?” nag-aalalang untag ni Agapito sa kanya.

“Manganganak na yata siya, Aga. Dali ka, tulungan natin siyang maidala sa ospital.”

“Oo, sige.” Agad pinangko ni Agapito si Patti. Nakita niyang halos matumba naman ang yaya ng anak na lalaki ni Patti dahil sa pagwawala at pag-iyak nito. Kaya naman kinarga niya sa gilid ng baywang niya si Jing-Jing upang makabig ng isa pa niyang bisig ang umiiyak sa takot na si Bell. Naantig ang damdaming ina niya lalo pa at kaedad ito ng anak niyang si Ace.

“Shh, it’s okay. Your mom will be okay,” pang-aalo niya sa bata.

Hindi alam ni Analisa na magiging isang napakalaking kasinungalingan pala ang sinabi niyang iyon ilang oras makalipas nilang isugod sa ospital si Patti. Dahil namatay si Patti pagkasilang sa anak nitong babae. Parang madudurog ang puso ni Analisa nang marinig niya ang malakas na hiyaw ng pagdalamhati ng asawa ni Patti na humahangos na sumugod sa ospital. Pero ang tahimik na pagluha at tila nakikiusap na pagtawag ni Bell sa pangalan ng ina ang tuluyang pumitpit sa puso niya.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.