Chapter FORTY-FOUR

Mangiyak-ngiyak lang na sinigawan siya nito at tinawag na Ugly, Ugly Jing. Tinawag naman niya itong Bell Lampa. Nang sumunod silang magkita, pinatid niya ito at bilang ganti ay hinila naman nito ang ribbon sa buhok niya at itinakbo iyon palayo. And that was the start of their long and horrible relationship. At mas lalong lumala iyon nang umentra na sa eksena ang kapatid nitong si Marie na binansagan niya noon na Marie’ng Pating. Kung si Bell kasi maliban sa pang-aasar sa kanya at pagnanakaw sa ribbon niya, hindi siya pisikal na inaaway. Takot lang nito sa mga kuya niya na tiyak bubugbugin ito kapag nakitang pisikal siyang sinasaktan nito.

Pero si Marie ay naging Marie’ng Pating dahil mahilig itong mangagat kapag napipikon sa mga laro nila. Nuknukan pa ng sinungaling at sumbungera si Marie. Magsusumbong sa mga mas matatanda sa kanila na siya ang unang nang-away rito kahit na ang totoo naman ay ito ang mahilig na mang-away. Pero dahil sa panunugod niya noon kay Bell noong una silang magkakilala, wala nang naniniwala sa kanya na hindi siya ang unang nananakit kay Marie tuwing mag-aaway sila noon.

Masasabi niyang mahaba ang kasaysayan ng animosidad sa pagitan niya at ng magkapatid na Andrews. Kaya naman hindi niya maiwasang magduda agad ngayon sa paglapit ni Bell sa kotse niya.

“Relax, titignan ko lang kung ano’ng sira. Tingin mo pakikialaman ko itong sasakyan mo? Hindi pa naman umaabot sa sukdulan ang iritasyon ko sa iyo. Kaya hindi ko tatanggalan ng preno, sisiraan ng manibela o paaapuyin ang kotse mo,” ani Bell na may himig ng eksasperasyon sa tono.

“Siguraduhin mo lang, Alexasar Gagong Bell. Isang katana lang ang katapat mo,” banta niya sa binata na sinamahan pa niya ng panlalaki ng mga mata.

Bahagyang kumunot naman ang noo nito pero ang mga mata nito ay nanatiling nakatuon sa kung anuman iyong binubutingting nito sa makina ng kotse niya.

“Tigilan mo na nga’ng pagtawag sa ‘kin niyan. Hindi ka na bata, Jing-jing. Show a little maturity,” malumanay ang tonong saway nito sa kanya.

Eksaheradong pinanlakihan naman niya ito ng mga mata.

“Huwaw! Nagsalita ang matured!”

Pumalatak lang si Bell at hindi na sumagot. At dahil korni’ng makipag-asaran sa taong dinededma ka lang, humalukipkip na lang siya at sumandal sa gilid ng kotse niya habang pinapanood ito. Paminsan-minsan naman ay nagkakasundo sila ni Bell. Bibihira nga lang at kadalasan kapag napapagalitan lang ito ng lola nito o nasasabon siya ni Kuya Tom. Kapag ganoon ay nagiging civil at semi-friendly sila sa isa’t isa. Pero kaduda-duda pa rin ang kusang loob nitong pagtulong sa kanya ngayon.

“Huhulaan ko, nasermunan ka na naman ni Lola Josephine dahil nakita niyang inaaway mo na naman ako noong isang linggo, no? Kaya ka biglang bumait na naman ngayon sa akin. Iyon o may hihilingin ka na namang pabor? Sino na namang tanga, uto-uto at pagkamalas-malas na babae ang nililigawan mo at gusto mong ipaharana sa banda ko?” sunod-sunod na usisa niya rito.

“Na naman? Kung magsalita ka naman parang ilang beses ko nang kinuha ang banda mo para mangharana sa nililigawan ko. Isang beses pa lang namang nangyari iyon at binayaran ko kayo. You didn’t even do a good job of it.”

“’Oy, ‘oy, ‘oy, wala kang K umangal diyan ha. Hindi na namin kasalanan ng banda ko kung binasted ka pa rin ng---ano na ngang pangalan nun? Dida? Diba?”

“Deeva. D-E-E-V-A, Deeva, hindi Dida, Diba o Debra! Lahat kayo ng mga kabanda mo iba-iba ang itinawag sa kanya kaya inakala niyang marami akong ibang nililigawan bukod sa kanya!”

Malakas na natawa siya sa indignasyong bumakas sa mukha ni Bell. Tandang-tanda pa niya kung paanong namula ang buong mukha nito noong gabing iyon. Sabay-sabay kasi nilang sinambit ng mga kabanda niya ang mga katagang ‘Bell loves you, Dida!’ Kagyat nalukot ang nakangiti na sanang anyo ng babaeng nililigawan ni Bell.

“Hindi, Debra!” maagap na salungat ni Lucibelle.

“Mali, Diba!” kontra naman ni Chrisma.

“Iba ‘yung Debra at Diba, si Dida iyan!” giit naman niya.

“I thought it was Deeva?” ang nagtatakang komento ni Cinda.

“Deeva rin nga ang dinig ko nung una,” sang-ayon ni Santi kay Cinda.

Sa huli, napikon na nang tuluyan si Dida-Debra-Diba-Deeva. Ihinampas ng babae sa dibdib ni Bell ang bungkos ng mga rosas na ibinigay ng binata sa babae. Saka taas-noong nag-walk out ang babae matapos sigawan si Bell na babaero, two-timer at manloloko. Inakala ng babae na marami pang ibang hinaharana si Bell sa parehong paraan kaya sila nagkalito-lito ng mga kabanda niya sa pagbanggit sa pangalan nito.

Basted with a capital B tuloy ang pobreng Bell. And that was almost two years ago now. Sa pagkaka-alam niya nagkaroon naman na ng ibang nobya si Bell kaya natitiyak niyang hindi ito ganoon ka-broken-hearted kay Dida-Debra-Diba-Deeva. Iyon nga lang hanggang ngayon ay panay pa rin ang banggit nito sa anito ay sadyang pananabotahe raw niya sa panliligaw nito sa babaeng iyon. Inakusahan pa siya ng loko na siguro raw may gusto siya dito kaya sinadya niya lahat ng iyon para nga naman bastedin ito ni Dida-Debra-Diba-Deeva. Bilang sagot, ipinakilala tuloy niya rito si Bruce, ang gym instructor niyang boyfriend nang mga panahong iyon. Long gone na rin sa buhay niya si Bruce. Ang totoo, matapos niyang ipakilala si Bruce kay Bell ay dagling nakipag-break sa kanya si Bruce.

At ang dahilan? Si Bell. Hindi dahil na-insecure si Bruce kay Bell o inisip ni Bruce na attracted siya kay Bell kaya nagparaya ito. Hindi. Mas masaklap pa roon ang nangyari. Nang makilala kasi ni Bruce si Bell, saka nakumpirma ni Bruce sa sarili na beki to the nth power ito at walang pag-asang maging straight.

Hanggang ngayon hindi ipinapaalam ni Jing-jing kay Bell na dahil sa binata kaya siya biglang nawalan ng boyfriend noon. Nakatitiyak kasi siya na hanggang sa hukay ay aalaskahin siya ni Bell tungkol roon. Kaya nungka niyang aaminin iyon sa binata. Ang totoo, kahit mga kuya niya ay hindi alam ang totoo tungkol kay Bruce. Sina Lucibelle at Chrisma lang ang nakaka-alam ng tunay na dahilan ng break-up nila ni Bruce.

“Pasensya na, tao lang. Sana kasi nagdala ka ng idiot board para hindi kami namali ng pag-pronounce sa pangalan niya,” humahagikhik pa ring ani Jing-jing kay Bell.

Saglit na nag-angat ng tingin si Bell at sinulyapan siya. O mas tama sigurong sabihing pinukol siya ng masamang tingin. Bagay na lalo lang nagpalakas sa tawa niya. Iiling-iling at nagbubusang ibinalik na nito ang tingin sa inaayos sa makina ng kotse niya.

Inilabas niya ang cellphone niya mula sa bulsa ng cargo shorts niya. Binuksan niya ang Instagram account niya at pasimpleng kinunan ng litrato ang likod ni Bell habang nakayuko ang binata sa ilalim ng hood ng kotse niya. Likod lang nito ang nakikita sa picture. Pero hindi maikakaila sa suot nitong brown cargo shorts at mustard yellow shirt ang matipunong likod, mga braso at mga binti nito. He’s a part-time chef and manager at Josephine’s Cuisine, ang restaurant na pag-aari ng pamilya nito. May tatlong branches na ang naturang restaurant na pinasimulan pa ni Lola Josephine at ipinasa na lang kay Bell nang magpasya ang matandang babae na magretiro na tatlong taon na ang nakakaraan.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.