“Jing-jing, wala ka pa ring balak patawarin si Bell? Maawa ka naman sa tao. Nagmumukha nang engot slash tanga sa kabubuntot sa ’yo, ah.” Kunot-noong komento ni Santi kay Jing-jing sabay nguso kay Bell na mula nang magbalik sa bansa ay halos gabi-gabi ring nasa Zenith Bar sa pagsisikap na mapakinggan ng dalaga ang paulit-ulit nitong sorry. Hindi pa sinasabi ni Jing-jing sa mga kabanda na nagka-ayos na sila ni Bell kanina sa bahay nila. Pero malinaw na pati mga kaibigan niya kumbinsido na rin talaga sa sinseridad ng mahal niya. Palihim siyang napangisi. Mamaya na niya aaminin sa mga kabanda ang pagkakasundo nila ni Bell. Isasabay na rin niya sa pag-aanunsyo tungkol sa pagbubuntis niya.
“Bahala siya sa buhay niya! Manigas siya diyan!” kunway paasik na ani Jing-jing.
Pero sa loob-loob niya ay halos mamilipit siya sa kilig dahil sa pagtitiyaga at pagpupursige ni Bell na suyuin siya. Feeling niya ay singhaba ng Edsa ang buhok niya. Miss Universe siya sa ganda.
“Loka-loka ka talaga, Jing-jing! Aba! Different ka rin, eh, ’no! Noong nasa States siya, ikaw ang panay ang ngawa dahil sa pang-iiwan niya sa iyo. Tapos ngayong narito na at sinusuyo ka, pakipot kanaman! Hirap ninyo talagang unawain mga babae kayo!” iiling-iling na palatak ni Santi. Kulang na lang kutusan siya nito sa inis nito sa kanya dahil sa inaakalang paninikis pa rin niya kay Bell. Kunsabagay, saksi kasi ang banda niya sa matiyagang panunuyo ni Bell sa kanya nitong nagdaang mga linggo. Kaya naman nakuha na rin ni Bell ang simpatya at pagdamay ng mga kabanda niya.
“Para magising siya sa katotohanang kailangang niya ako sa buhay niya at wala na siyang iba pang mahahanap na sing ganda at singa fabulous ko!”
“Hindi pa ba patunay ang pagbalik niya sa iyo na alam na niya ’yon? Ano bang klaseng patunay ang hinahanap mo? Ano bang dapat niyang gawin para patawarin mo siya?,” naka-arko ang mga kilay na komento naman ni Cinda. Pero may pakiramdam si Jing-jing na hindi lang para kay Bell ang tanong nito kung hindi para na rin sa sarili nito. Hanggang ngayon kasi malabo pa rin ang lagay ng relasyon nito at ni Marymae.
“Teka nga. Nakakahalata na ‘ko ah. Bakit ba parang binebenta nyo na ‘kin ang lalaking ‘yon! Sino bang kaibigan nyo! Ako o siya?” pameywang ni Jing-jing.
“Ikaw, syempre,” ani Lucibelle.
“Pero mas kapani-paniwala kasi si Bell, eh, gwapo at macho pa,” ani naman ni Chrisma.
“At siyempre mas kampi kami sa kabaro namin. Lalo na’t madalas manlibre kaysa magpalibre,” tumatangong segunda pa ni Santi.
“Mga taksil! Traydor! Mas kumampi pa kayo sa lalaking iyan?! Ako ang kaibigan ninyo!?” kunway bulalas ni Jing-jing. Pero biglang nanlaki ang mga mata niya dahil mula sa mesang pinagpapahingahan nila para sa break nila sa pagtugtog sa stage ay nakita niyang umakyat ng stage si Bell at kinuha ang mikroprono.
“Alright! This guy has guts! Let’s just hope he can sing too. Kundi kahiya-hiya siya nito. Maupo ka lang diyan, Jing. Miss Universe ka ng lokong ito kahit pinaiyak ka,” ngisi ni Santi kay Jing-jing bato tumayo at tinungo ang Stage kasunod ang tatlo pang kabanda.
Nang tangkain namang sumunod ni Jing-jing ay pinigilan siya ng waitress na si Arlene kasabay ng pag-abot sa kanya ng isang basket ng candied fruits.
“Kanino galing ito?” tanong niya kahit may kutob naman na siya kung kanino galing iyon.
“Bigay ni Bell mo. Bilis, basahin mo muna yung card,” Kilig na kilig na wika ni Arlene.
Binuklat naman niya ang card:
“Jing-jing,
I’m sorry. I’m a fool. I’m a bastard. I don’t deserve you. Please forgive me? I love you. Marry me? If yes, blink your eyes, if no eat fire.
From the Man who Loves you,
Bell”
Pagkatapos ay pumailanlang ang malamyos na awiting “God Gave Me You” ni Bryan White. At kahit mula sa kinauupan ni Jing-jing ay kita niya ang pamamasa ng mga mata ni Bell habang inaawitan siya.
Pagkatapos niyon, makakatanggi pa ba siya? Sinalubong ni Jing-jing ang nakikiusap na tingin ni Bell at nginitian ito. Saka siya sunod-sunod na kumurap-kurap.
Magaganda hindi lang ang mga hitsura kundi maging ang mga boses ng tatlong babaeng miyembro ng bandang Silver Belles na siyang nagtatanghal sa stage ng bar na Bonzour. Ngayon lang nakita at narinig na tumugtog ng mga regular na parokyano ng bar ang naturang banda. Pero karamihan sa mga naroon ay nagkakaisa sa opinyon na mahusay ang naturang banda.
Nahati lang ang opinyon ng mga parokyano ng bar, lalo na ng mga babae at binabae, sa tanong kung sino ang mas gwapo sa dalawang lalaking miyembro ng banda. Ang drummer ba na si Cinda o ang lead guitarist na si Santi. Pero mas nahati ang opinyon ng mga babae at binabae nang mapuna ng ilan ang mga bagong dating na lalaki. Sa malas, ang tatlong nagugwapuhang lalaking dumating ay nakatutok agad ang tingin sa tatlong babaeng miyembro ng banda.
Iyong lalaking malaki ang hawig kay David Beckham, nakatuon ang mga mata sa bassist at vocalist na si Chrisma. Habang iyong isa pang gwapong lalaking tila mas makisig at medyo mas matandang version ng modelong si Sean Opry ay nakatutok ang mga mata sa vocalist na si Lucibelle. At ang ikatlong lalaki na pinakabata sa tatlo at kahawig ni Colin Farell ay halos hindi kumukurap habang nakatitig sa keyboardist na si Jing-jing.
Iilan lang ang nakakaalam na iyon na ang una’t huling pagtugtog ng banda nang magkakasama. Sapagkat nagkasundo na ang limang magkakabanda na buwagin ang banda. Ang tanging maiiwan na lang kasi ay sina Cinda at Santi matapos magdesisyon nina Lucibelle, Chrisma at Jing-jing na mas gusto ng mga itong mag-focus sa ibang bagay. Si Lucibelle sa pagbubuntis nito sa unang supling nito at ni Joe. Si Chrisma sa pag-aalaga sa dalawang pamangkin nito at ni Wayne. At si Jing-jing sa bagong restaurant na itatayo nito ka-partner si Bell.
Nang matapos ang set ay awtomatikong nagsilapit agad sa mesang kinauupuan nina Joe, Wayne at Bell sina Lucibelle, Chrisma at Jing-jing.
It was obvious to all that the three women were very much loved by their men. It was in the way the men stared at their women.
Kaya naman kahit may bahagyang pagkayamot, pagtatampo at pagka-asar pa rin sina Cinda at Santi sa tatlong lalaking naging mitsa ng pagkakawatak-watak ng banda nila, nagkatinginan na lang sina Cinda at Santi saka sabay na nagkibit-balikat. Ano pa nga bang maggagawa nila? Na-in love na ang mga kabanda nila at naiba na ang priorities. Kahit ano pang pigil at paghadlang ang gawin nila, sa huli, taob pa rin sila.
“Remind me never to fall in love, Cin, and I’ll do the same for you,” bulong ni Santi sa kabanda at pinsan.
“Yeah,” simpleng tugon at tango naman ni Cinda. Pero kung nakikinig lang siguro nang mas mabuti si Santi sa tono ng pinsan, mahuhulaan ni Santi na huli na para doon.
END OF THE STORY