Chapter SJ: TIJ 34

Tapos ay pupunta sila sa Udo Island para daw magawa niya ang pangarap niya na magpagulong-gulong sa canola field kung gusto niya. Gusto daw nitong ibigay sa kanya ang full Korean drama experience katulad ng napapanood niya. Pampadagdag daw iyon sa pampainggit nila kay Dong Uk.

Nagpapa-picture siya sa baba ng Sanbangsan Peak na isa ring sikat na tourist spot sa Jeju Island at nadaanan nila papunta sa Seongsan nang makatanggap ng tawag si Gideon. Nauna siyang bumalik sa kotse at hinintay ito sa loob. Hinayaan niya ang lalaki sa kausap nito. Bakas ang frustration at pag-aalala sa mukha nito nang isuklay ang daliri sa buhok nito habang pabalik-balik ng lakad sa gilid ng kalsada. Siisipa-sipa pa nito ang bato sa inis.

Bumalik ang binata sa kotse matapos makipag-usap. “I am sorry. May emergency sa bar kaya di na tayo matutuloy sa Seongsan. Absent ang dalawang wait staff ko at assistant cook dahil may sakit.”

“Uso ata ang sakit ngayon,” usal niya. “Okay lang iyon kung di man tayo matuloy. May ibang araw pa naman para doon.”

“Pero pwede kang tumuloy sa cabin kung gusto mo. Ipapa-pick up kita sa bar sa tourist guide na kaibigan ko para ihatid ka at sasamahan ka niya sa sunrise watching bukas at sa Udo Island.”

“Di naman kita pwedeng iwan mag-isa, Gideon,” sabi niya. “Paano ko naman maiisip na mamasyal kung namomoroblema ka sa bar mo? Mukha ba akong girlfriend na nang-iiwan sa ere.”

“Pero gusto ko na mag-enjoy ka habang nandito sa Jeju Island.”

Tinaasan niya ito ng kilay. “Hindi ako mag-e-enjoy kung hindi ka kasama. Malulungkot lang ako na mag-isa. Doon na lang ako sa bar. Tutulong ako…”

“Yana, kukuha ako ng ibang part-timer para doon. Don’t worry. Kung gusto mo, ihahatid na lang kita kay halmoeni.”

“Alam ko na di ako pwedeng kumuha ng orders. Mahina ako sa Korean. Di ko rin kabisado ang mga sistema sa kusina ninyo. Pero pwede naman akong maglinis ng lamesa o kahit maglampaso ng sahig. Kahit sa ganoong bahay makatulong ako. Nagtrabaho ako sa fast food at karinderya noong estudyante pa ako. Sanay ako sa ganyang trabaho.”

“Hindi kita mapipigilan, tama?”

Umiling siya at ngumisi dito. “Hindi.”

Magaan na lang na tinapik ni Gideon ang manibela at bumagsak ang balikat bilang pagsuko. Wala itong nagawa kundi pagbigyan siya. “Okay. Basta hindi ka masyadong magpapagod at sasabihin mo sa akin kapag may mambabastos sa iyo o kung may problema. Arasso?”

Sinaluduhan niya ito. “Nee, sangjang-nim!”

Pagdating sa bar ay ibinilin siya ni Gideon sa staff nito na si Jae Eun para asikasuhin siya. Si Jae Eun din ang nagpapasok sa kanya sa bar noon at nagbantay sa kanya nang nalasing siya.

“My girlfriend,” pakilala ni Gideon sa kanya. “Yana will help out in cleaning and dishing out. She’s not a hired help. She just wants to help out because she’s so in love with me.” Naka-freeze lang ang ngiti ni Yana dahil sumosobra naman yata ang introduction ng binata sa kanya. “Go easy on her.”

Puno ng pag-aalinlangan na nagpalipat-lipat ang tingin ng babae sa kanila ni Gideon. “A-Are you sure, sangjang-nim? You want your girlfriend to help with the dirty dishes, clean up the table….”

“Anything she’s capable of, anything she wants,” sabi ni Gideon sa frustrated na tono. Halatang napipilitan lang ito na patulungin siya. Pagkatapos ay pumalakpak ito. May inutos ito sa Korean dahilan para biglang kumilos si Jae Eun na parang robot at idinala siya sa kuwarto ng mga staff kung saan may locker.

“So, you are the boss’ girlfriend?” tanong ni Jae Eun habang kumukuha ng isusuot niyang uniform sa closet. “The one staying in his house and the reason why preferred dying of soju bomb than touching another woman?”

“Nee,” pag-oo niya at kinamayan ito. “I am Yana. Nice meeting you. Thank you for helping me out when I was drunk.”

“I thought you are just a figment of my imagination. He doesn’t do girlfriend. Someone who is not temporary and.. Mianhamnida,” hinging paumanhin nito. “I didn’t mean to insult you or the boss.”

“No worries. I know about Gideon’s reputation and his womanizing ways. That’s all in the past. We are together now.

Nakangiti itong tumango. “Of course. Can you really help in cleaning…”

“Nee,” maagap na sagot niya. “Stop worrying about me. I am not made of glass. I will change my clothes then you can tell me how I can help. Forget about me being Gideon’s girlfriend. I am also just one of the staffs now.”

“I like you,” sabi nito at itinuro sa kanya ang restroom na para lang sa mga staff.

Mabilis ang kilos ni Yana sa pangangailangan ng customers. Alerto siya kapag may kailangang linisin na table lalo na’t maraming customers kahit maaga pa. Dala daw ng spring season kaya tourist peak sa Jeju Island.

“You okay?” tanong ni Gideon kay Yana matapos niyang magpasalamat sa umalis na dalawang babaeng Koreano na customer at nilinis ang mesa.

“Nee,” aniya at tumango. “Mababait sila dito at binigyan pa ako ng tip. This place is not so bad.”

“Bakit mo naman nasabi?” tanong ng lalaki.

“Nakaka-relax ang ambiance ng lugar at hindi maingay tulad ng ibang bar. Suwabe lang ang music. Saka napansin ko na at home na at home ang ibang guest mo dito.”

“Hindi naman lahat ng tao nagpupunta sa bar para magpakalunod sa alak. Although we pride ourselves with our selection of wine and spirit, we are also known for our good food. Mas masarap uminom kapag may masarap na pagkain at pulutan. Ang totoo, may Korean version kami ng seafood sisig.”

“Mukhang kailangan kong matikman iyan.” Natutuwa siya na may fusion ng Filipino at Korean dish sa menu ng binata. Akala niya ay itinakwil at tinalikuran na nito ang pagiging Filipino.

“It is perfect with soju.”

Nawala ang ngiti ni Yana. “Ah! Iyon lang.” Parang di na niya gugustuhin pang ulitin ang bangungot ng soju. “Bakit mo nga pala naisip na magtayo ng bar? Bakit di na lang restaurant? Masarap ka rin namang magluto.”

“You could never go wrong with a bar. Alam mo ba na according sa study, kailangan daw ng mga lalaki na lumabas nang dalawang beses sa isang linggo para manatiling healthy. Para pampa-boost ng immune system.”

“Para may lisensiya ka kamo na makapambabae,” pakli ni Yana at pinusitsitan ng sanitizer ang mesa bago punasan.

“Ang alam ko, mula nang dumating ka dito sa Jeju, ikaw lang ang babae sa bahay ko at sa buhay ko. No need to be jealous. Ngayon pa ba na maraming nakakaalam tungkol sa iyo. Tinatanong na nga ng regular customers ko kung ikaw daw ang girlfriend ko.”

Umungol siya at inilagay sa tray ang mga bote ng soju at baso. “Ilan na nga ang nagtanong sa akin kung ako daw ‘yung babae sa video. At kung boyfriend daw kita. Ngiti na lang isinasagot ko.”

Di naman masasabi ni Yana na viral ang video noong una. Nasa dalawang libong views pa lang iyon. Pero dahil nag-share ang lola ni Gideo at nai-share pa daw sa grupo ng taga-local community sa Jeju at sa isang grupo na ang palangan ay Romantic Jeju, mas dumami ang nakanood sa kanila.

“Di mo man lang ako maipagmalaki na boyfriend mo,” nagtatampong sabi ni Gideon. “Akala pa mandin mahal na mahal mo ako.”

“Drama mo!” pakli niya dito at tinalikuran ito.

“Saranghae!” pahabol na sigaw pa nito na ang ibig sabihin ay mahal siya nito.

Nag-init ang pisngi ng dalaga nang habulin siya ng tuksuhan at kantiyawan ng mga tauhan ng binata. Ngumiti na lang siya nang makadama ng kilig. Kahit pala nagpapanggap lang, masarap pa rin marinig na sabihing mahal siya ng isang tao sa harap ng maraming tao. Mas ganado siyang magtrabaho.

Matapos hugasan ang mga baso at tray ay tinuyo at pinunasan niya ang mga iyon. Nakaka-miss magtrabaho. Mula nang magkasakit siya, binawalan muna siya ni Yulia na magtrabaho. Importante daw na magpahinga siya. Nasanay siya na laging may ginagawa at pinagkakakitaan. Masaya siya na sa simpleng paraan ay nakakatulong siya kay Gideon.

Lumabas si Yana para maglinis ulit ng mesa nang bumukas ang pinto kasunod ng pagpasok ng customer. Humarap siya at bumati sa papasok na customer. “Anneong hasaeyo!” bati niya subalit nawala ang ngiti niya nang makitang si Dong Uk ang pumasok kasama ang babae nito na si Eu Jin.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.