Chapter 13

SHIT! Nakalimutan ko ang tungkol sa lunch date namin ni Mama mamaya, sabi ni Jared sa sarili matapos niyang basahin ang text ni Adam. Ngayon lang niya nabasa ang text nito dahil katatapos lang ng meeting nila nina Kris.

Ano ang gagawin nila? Kinakabahan siya sa isiping magkakasama na naman ang mama niya at si Adam. Baka hindi mapigilan ni Adam ang sarili at masaktan nito ang mama niya—kahit na nag-text ito kaninang susubukan nilang intindihin ang buhay ng isa’t isa. Kaya humiwalay muna si sandali sa grupo nilang patungo sa cafeteria doon para tawagan si Adam.

“Pupunta ako sa lunch date na ‘yon at ‘wag kang mag-aalala, wala akong gagawing masama o makakasakit sa nanay mo,” mahinahong sabi agad ni Adam nang sagutin nito ang tawag ni Jared.

“Good.” Kahit papaano’y nakahinga ng maluwag si Jared dahil sa sinabi nito. Natuwa din siya dahil seryoso naman pala ito sa sinabi nito kanina. Sana lang ay tuluyan nang maging bukas ang puso’t isipan nito sa kanilang pamilya.

“Pero hindi ako sa bahay n’yo titira hanggang ganito tayo. Pareho tayong sa apartment ko titira, okay?” sabi ni Adam.

“Sige,” agad na pagpayag niya dahil wala naman silang ibang choice. Hindi naman agad-agad ay magugustuhan ni Adam ang mama niya.

“Paki-text si Elice para do’n sa kotse ko. Kasama ng car keys ko ang susi ng apartment,” pagkuwa’y sabi ni Adam.

Sumang-ayon na lang dito si Jared. Nang matapos ang tawag ni Adam ay bumalik siya sa grupo nilang nakaupo na sa isang mesa. Pero wala na siyang pupwestuhan pa roon at wala rin doon si Kris. Hinanap niya ito at nakita niyang nakapila ito sa isang milkshake stall.

“May soft opening promo sila. Buy one take one. Sa’yo na ‘yong isa kong order,” nakangiting sabi ni Kris sa kanya.

Jared almost teared up. Kanina pa niya pinipigilan ang sariling kabigin ito ng yakap. Na-miss niya talaga ito. At mas tanga si Adam sa kanilang dalawa. Adam didn’t know what he already has. He didn’t even know how much Jared would sacrifice to be in his place. Kaya oo, aaminin niyang pabor sa kanya ang pagkakapalit nila ni Adam. Ito lang ang tanging nagustuhan niya sa pagkakapalit nilang dalawa. He was almost thankful for it—okay, he was. A little. Because of Kris.

Pagkatapos ng limang taon ay ngayon lang muling magkakasama sa isang proyekto sina Jared at Kris. Kaya hindi maiwasang maging emosyunal ni Jared dahil naaalala niya ang mga pinagdaanan nila noong kolehiyo—noong magkasama pa sila. The memories and the hurt was like a dynamite exploding inside of him both painful and pleasing at the same time. Ang tanga talaga niya para saktan si Kris noon pero masaya ang mama niya ngayon. Nagpapasalamat na lang siya dahil binigyan siyang muli ng isa pang pagkakataon para makasama si Kris—kahit si Adam pa ang nakikita nito sa kanya.

“Thank you,” nakangiti ring sabi niya rito. Pero napakunot-noo ito sa kanya at tiningnan siya na tila ba tinubuan siya ng isa pang ulo. Iba ba ang naging ngiti niya sa ngiti ni Adam noon?

“Okay ka lang ba?” pagkuwa’y tanong ni Kris.

“Oo naman.”

“Hindi ka mukhang okay,” anito habang mataman siyang tinitingnan.

“Okay lang talaga ako,” paniniguro niya rito.

“Bakit parang seryoso ka ngayon? Ni hindi ka namamansin ng ibang tao kanina. Hindi ka naman gano’n. You’re everyone’s happy virus. Gusto mo kayang laging nakangiti ang mga taong nasa paligid mo. Kaya bakit malungkot ka? May nangyari ba kagabi?” nag-aalalang tanong ni Kris.

Shit. Something crazily unbelievable happened, ngali-ngaling sabihin ni Jared kay Kris. Pero sa halip ay marahan siyang umiling dito. “Wala. Inaantok lang ako.”

Sinadyang hindi pansinin ni Jared ang mga tao sa M Architects dahil hindi niya kilala ang mga ito. Natatakot siyang magkamali. Pero masyado pala siyang nag-play safe. Nakalimutan niyang cheerful nga pala si Adam.

“So, ang ‘emergency’ na sinasabi mo ay dahil inaantok ka lang?” nakataas ang isang kilay na tanong ni Kris.

“Hindi. I…had a serious case of constipation earlier,” seryosong sabi niya rito. Si Adam ang nakaisip ng alibi na iyon. Hindi siya pumayag noong una sa suhestiyon nito pero wala nang iba pang maisip si Jared kaya iyon na ang sinabi niya.

Nanlaki ang mga mata ni Kris dahil sa sinabi niya. “Seryoso ka? Okay ka na ba ngayon? If you need to go, marami akong tissue sa office,” nag-aalalang sabi nito. Ah, si Kris talaga ang pinaka-sympathetic na taong kilala niya.

“Okay na ako ngayon, kulit,” nakangiting sabi ni Jared dito saka niya pinisil ang ilong nito. God, I missed doing that. I missed calling her ‘kulit’. Iyon kasi ang pet name niya rito noon. Pero agad din siyang natigilan nang makitang natigilan din si Kris.

“Ano’ng tinawag mo sa’kin?” tanong nito sa kanya.

Shit. “’Sabi ko ang kulit mo,” palusot ni Jared.

Mabuti na lang at dumating na ang order nila. Nang makita niyang may cotton candy sa ibabaw ang dalawang milkshake na in-order ni Kris ay inutusan niya ang crew na ilipat na lang ang cotton candy na nasa baso niya sa baso nito. Dahil alam niyang paborito ni Kris ang cotton candy. Comfort food nito iyon. Because that was the only vivid memory she has of her parents.

Sa halip na chocolates ay iba’t ibang flavor ng cotton candy ang ibinibigay niya dito tuwing Valentine’s Day noon. Natatandaan din niyang palagi itong may bagong cotton candy sa klase kapag sasabak ito sa reporting o kaya ay sa kanilang thesis defense. Pero nang sulyapan niya ito’y tila nalungkot ito ng makita ang cotton candy roon. Pinatanggal pa nito sa crew ang mga cotton candy.

“Paano mo nalamang paborito ko ang cotton candy, Adam? Sa pagkakatanda ko ay hindi ko pa ‘yon nasasabi sa’yo,” seryosong sabi ni Kris ng bumaling ito sa kanya.

Shit.

‘KULIT’, pisil sa ilong at ngayon nama’y cotton candy? Paano nalaman ni Adam ang mga bagay na pilit niyang kinalimutan noon? tanong ni Kris sa sarili habang matamang nakatingin kay Adam. Wala itong ideya kung anong emosyon ang pinukaw nito sa kanyang puso—ang kanyang puso na hindi pa rin kumakalma sa eratikong pagtibok ngayon. For a moment there, she felt like she was with Jared.

Sa pagkakatanda kasi ni Kris ay ni minsa’y hindi pa niya nabanggit kay Adam na gusto niya ang cotton candy. Ni hindi na siya muling kumain pa ng cotton candy matapos makipaghiwalay sa kanya noon ni Jared. Comfort food niya ang cotton candy noon pero iba na ang dulot niyon sa kanya ngayon.

“Ate, pakitanggal po ‘yong cotton candy,” utos niya sa crew. Hindi naman niya alam na may kasama palang cotton candy sa ibabaw ang in-order niyang milkshake. “Paano mo nalamang paborito ko ang cotton candy, Adam? Sa pagkakatanda ko ay hindi ko pa ‘yon nasasabi sa’yo,” pagkuwa’y baling niya kay Adam.

“Ah…nabanggit sa’kin ni Chino noon,” sagot naman nito sa kanya.

Pero dahil doo’y nahirapang mag-concentrate si Kris sa trabaho. Dinala siya ng isang simpleng tawag, bagay at haplos sa nakaraang akala niya’y hindi na niya makakaya pang balikan.

Nakaupo sina Kris at Jared sa isang bench sa harap ng mga batang naglalaro sa water fountain. Kasalukuyan silang nasa zoo. First date nila iyon kaya naman tuwang-tuwa sa kilig si Kris. Bakit sa zoo? Dahil gusto niyang ma-conquer ni Jared ang takot nito sa mga hayop.

Inamin kasi nito sa kanya noon na takot daw ito sa kahit na anong hayop dahil masama ang mga karanasan ni Jared sa mga ito. Muntikan na daw kasi itong kuyugin ng isang inahing manok at mga pato noong bata pa ito. Iyon ay dahil nanguha ito ng itlog sa kapitbahay ng mga ito ng walang paalam. Madalas din daw itong habulin noon ng mga aso pati na mga baboy. At nang sumakay daw ito sa kabayo ay nagloko iyon at nalaglag si Jared.

Pero ang sabi niya rito, papayag lang siyang makipag-date dito kung sa zoo nila iyon gagawin. Pumayag naman ito kahit na nanginginig ito sa takot nang papasok na sila roon. At pakiramdam ni Kris ay siya pa ang naka-score sa date na iyon dahil sa buong durasyon ng paglilibot nila sa zoo ay magkahawak-kamay sila ni Jared. Dahil kung gusto siya ni Jared, mas gusto ito ni Kris.

Una niya itong nakita bago pa magsimula ang pasukan—noong enrollment. Na-cute-an na agad siya rito kaya naman awtomatiko ang naging kilig niya nang makita niya ito sa kanyang klase. Mas nagustuhan ito ni Kris dahil matalino at masikap si Jared. Madalas ay napapatanga na lang siya kapag ito ang nagsasalita. At kahit purgang-purga na siya sa kaka-chicken ay pinipilit pa rin niyang kumain sa fast-food chain kung saan ito nagpa-part-time.

Kaya nang magkasama sila sa isang project at magtapat si Jared na may gusto ito sa kanya’y muntikan nang maiyak si Kris. May sparks sila!

“Sana cotton candy na lang ako,” sabi ni Jared kay Kris.

“Bakit?” tanong niya rito habang kumakain ng cotton candy.

“Para palagi kong nalalagyan ng ngiti ang mga labi mo,” banat ni Jared.

Pakiramdam ni Kris ay namula siya mula ulo hanggang talampakan dahil sa sinabi nito. Pero para itago ang kilig na nararamdaman ay sinubuan na lang niya ng cotton candy si Jared. “Hindi ko alam na makata ka pala. Nakakapanindig balahibo,” aniya rito.

Natawa lang ito sa kanya. “Ano’ng mayro’n sa cotton candy at palagi ka na lang masaya tuwing kumakain ka n’yan?”

“Ah. Ito kasi ang nagpapaalala sa’kin sa mga magulang ko. Bata pa kasi ako nang mawala sila, ‘di ba? Naalala ko no’n, palagi akong pinapasalubungan ni papa ng cotton candy kahit nagagalit si mama kasi baka daw masira ang ngipin ko. Pero matigas ang ulo ni papa. Well, alam kasi niyang paborito ko ito. Gano’n naman talaga tayo, ‘di ba? Lahat ibibigay natin sa mga taong mahalaga sa’tin kahit alam nating bawal,” sabi niya kay Jared.

“Alam ko. Pero gusto ko pa ring maging cotton candy mo.”

“Ano na naman ‘yan?”

Nginisihan siya ni Jared. “Para kahit bawal, ako pa rin ang paborito mo.”

Kris was being sentimental. Pero hindi niya mapigilan ang pagdaloy ng mga alaalang pilit niyang kinalimutan noon—lalo na ang dahilan kung bakit tumigil siya sa pagkakagusto sa cotton candy. Kung kailan sinira ni Jared ang mga pangako nito sa kanya.

Nasa pantry ng opisina nila sa M Architects si Kris—kung saan siya trainee—nang makita siya ni Jared. Kumakain siya doon ng cotton candy kahit umaga pa lang dahil frustrated siya kay Jared kahapon pa. May usapan kasi silang manonood ng sine kahapon pero biglaan nitong kinansela ang kanilang plano dahil may kailangan daw itong puntahang meeting. Pero pakiramdam niya’y iniiwasan lang siya nito.

“Ano ‘yan suhol?” mataray at mapait na tanong ni Kris kay Jared nang makita niyang may dala itong malaking pack ng cotton candy na galing sa paborito niyang candy store.

“I’m sorry,” agad namang sabi ni Jared.

Napabuga ng hangin si Kris. “Look, Jared. Naiintindihan kong gusto mong mag-fit in sa mundo ng tatay mo pero ‘wag namang ganito. Kasi hindi mapapalitan ng kahit isang libong cotton candy pa ang presence mo,” himutok niya rito.

Tinawid ni Jared ang distansiya nilang dalawa at mahigpit siya nitong niyakap. Dahil doon ay hindi na napigilan pa ni Kris ang maluha. Pareho nilang alam na guilty ito pero ang masakit doo’y kahit alam iyon ni Jared ay pinipili pa rin nitong bale-walain siya. Masakit dahil pakiramdam niya’y hindi na siya kailangan ni Jared sa buhay nito. Pakiramdam niya’y darating ang panahon na iiwan siya nito dahil may nakita na itong mas nakahihigit sa kanya—o mas kailangan nito.

“I’m sorry, Kris. I’m sorry,” paulit-ulit na sabi ni Jared. Naramdaman ni Kris ang pagpipigil nito ng iyak. At natigilan siya sa sunod nitong sinabi. “Ayokong maging unfair sa’yo. Ayaw na kitang saktan pa. Kris—“

Pinatigil niya ito sa pagsasalita. Parang binuhusan ng tubig na lumayo dito sa Kris. Hindi niya na-imagine na darating sa kanilang dalawa ang pagkakataong ito. Sigurado siyang makikipaghiwalay na si Jared sa kanya ngayon pero ayaw niya iyong marinig mula rito. Kris didn’t want to hear that she was a certain part of his choices and unfortunately, she wasn’t the best choice for him. Masakit na nga iyong isa lang pala siya sa choices, iyon pa kayang hindi siya ang napili?

“Okay. G-gets ko na, Jared. Tama na. T-tama na nga ‘to,” hindi makahinga ng maayos na sabi niya rito. Tangkang lalabas na siya ng pantry nang pigilan siya ni Jared at muling niyakap. “Ayokong maging ‘yong tipo ng boyfriend na palaging nagpapaasa sa’yo,” sabi ni Jared.

“Right. Iyong tipo lang ng boyfriend na pinipiling saktan ang girlfriend niya, ‘no?” sarkastikong sabi niya rito saka kumawala sa yakap nito. Pero may na-realize si Kris nang palabas na siya ng pantry kaya muli niyang binalingan si Jared. “Alam mo, Jared, thank you. You’ve made me realize that I’ve been living for the future when I’m supposed to live for today. Kaya good luck sa kung anumang choice mo.”

Kris’ relationship with Jared would’ve been epic if he had chosen to stay. Siyam na taon na sana sila ngayon. Baka kasal na nga sila. Pero isang bagay na natutuhan niya noon ay huwag masyadong umasa. Because theirs was also a story of shattered dreams and broken promises. Maraming naging plano para sa kanilang kinabukasan sina Kris at Jared at ni isa sa mga iyon ay walang natupad.

She tried to go with the flow and so far, it’s working. Masaya siya. Hanggang sa ma-realize niyang basa na pala ng luha ang kanyang mga pisngi. Agad iyong pinahiran ni Kris pero nakita pa rin siyang umiiyak ni Adam.

“Ano’ng nangyari? Bakit ka umiiyak?” nag-aalalang tanong nito. Pagkuwa’y tumakbo ito palapit kay Kris at inalo siya.

“Wala ‘to. May naalala lang ako. Damn, cotton candy,” natatawang sabi niya rito. Pero tila hindi naniwala si Adam dahil niyakap pa siya nito habang hinahagod ang kanyang likuran. Hindi niya alam kung bakit pero parang iba ang yakap ni Adam ngayon. Tila parang iba din ang amoy nito at iba ang pakiramdam niya dito ngayon.

Para bang…bigla itong naging ibang tao.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.