COCKTAIL PARTY ang basic theme ng anniversary at Halloween party ng PFC kaya puro standing tables ang nasa function hall na iyon. May buffet table sa tatlong sulok ng lugar at may mga waiters na umiikot sa buong lugar para mag-serve ng drinks. Kasama niya sa table nila sina Louisse at Clark habang si Drew nama’y naroon sa buffet table at kumukuha ng pagkain nila.
Nalaman niyang ang team pala nina Drew at si Koreene ang nag-organize nang party na ito. Nang malaman niya iyon ay tila naging awtomatiko ang pagkurot ng kung ano sa puso niya. Lalo na ng makita niya si Koreene—na nasa isang fairy costume—na lumapit kay Drew at agad na humalik sa pisngi nito. Matagal na nagkwentuhan ang mga ito at gusto na niyang lumapit sa mga ito ng mga oras na iyon. Pagkuwa’y tumingin sa gawi niya ang mga ito. Hindi naman siguro siya makikilala ni Koreene dahil naka-maskara siya.
I-t-in-ext naman niya ang kanyang ama at sinabi niya ritong naroon siya sa party ng mga ito pero huwag na siya nitong isama pa sa mga babatiin mamaya sa speech nito.
Sigurado kasi siyang mag-i-speech ito mamaya. At kailangan na niyang masabi kay Drew ang koneksyon niya sa PFC bago pa malaman ni Koreene na naroon siya. Ngunit tila kulang na siya sa oras dahil nang muli siyang tumingin sa kinaroroonan ni Drew ay nakita niya itong kausap ang daddy niya habang palapit naman sa table nila si Koreene.
Dammit!
“Hi, guys! Nag-e-enjoy ba kayo sa food and drinks?” bungad ni Koreene kina Louisse at Clark—o sa kanila. Hinihiling niyang sana’y hindi siya nito makilala dahil ayaw niyang gumawa ng eksena ngayong hindi pa alam ni Drew kung sino siya dito.
“Hello po, Ma’am Koreene. Congrats sa’tin! Ang ganda ng party,” sabi naman dito ni Louisse.
“I know. Congrats sa’tin,” nakangiting sabi ni Koreene dito pero may pakiramdam siya na peke ang ngiting iyon. Sa panggigilalas niya’y lumapit ito sa kanya at tinanggal ang maskara niya. “You came, little sister,” anito sa kanya. Paano nito nalamang siya iyon?
“Little sister? Magkapatid kayo?” tanong ni Clark.
“Yes, magkapatid kami. Although, siya ang nagpapasakit sa ulo namin ni daddy,” anito. Naiikot na lang niya ang kanyang mga mata dito dahil ganito bumanat sa kanya si Koreene noon pa man. “In fact, dapat hindi Greek goddess ang costume mo ngayon kundi black sheep or black swan o magpalitan kayo ni Clark ng costume,” nakangising sabi nito sa kanya.
“Bakit hindi kaya kayo ni Clark ang magpalitan? Oh, right. Hindi mo na kailangan ng costume dahil devil na devil na ang peg mo,” sagot naman niya rito saka niya ito binigyan ng isang pilit na ngiti. Pagkuwa’y nagpapaumanhin siyang tumingin kina Louisse at Clark.
“Louisse, Clark, could you give us a moment, please?” ani Koreene sa dalawa.
Nag-aalalang tumingin sa kanya si Louisse pero tinanguan niya ito. Nang sumulyap siya sa kinaroroonan ni Drew ay nakita niyang kausap pa rin nito ang daddy niya at ang ilang board of directors ng kompanya.
“He’s drool-worthy, isn’t he?” pagkuwa’y sabi sa kanya ni Koreene. Nang tingnan niya ito’y nakita niyang nakatingin din ito kay Drew.
“Paano mo nalamang ako ito, Koreene?” seryosong tanong niya rito pero nanatili itong nakatingin sa gawi ni Drew.
“That’s Drew,” sa halip na sagutin ang tanong niya ay sabi nito. “My fiancé,” dugtong nito.
“Ano?”
“Si Drew, ‘yong lalaking tinitingnan mo na naka-Greek god costume, siya ang fiancé ko,” anito.
“What?” bulalas niya rito. Mabilis na kumabog ang dibdib niya. Muli siyang tumingin sa gawi ni Drew at nakita niyang nakatingin ito sa kanya pati na ang daddy niya.
“Ang sabi ko ‘yong la—“
“Narinig ko ang sinabi mo,” asik niya kay Koreene. “Pero paano mo siya naging boyfriend man lang? Nag-date na ba kayo? Niligawan ka ba niya? Kinantahan ka ba niya? Nag-prepare ba siya ng isang date para sa’yo? Nahulog ba sa kaya ang mga bituin? Madalas ba siyang maghubad sa harapan mo?” sunud-sunod na tanong niya dito ng mga bagay na alam niyang sa kanya lang ginawa ni Drew.
“Yes. And actually, gagawin niya ang lahat para sa’kin. Kasama na ang panloloko at paglalaro sa’yo,” mariing sabi naman ni Koreene.
“Ano’ng ibig mong sabihin?” kunot-noong tanong niya rito.
“Alam ko kung saan ka nakatira, it just so happens na doon din nakatira si Drew. Alam ko na matagal nang inaasam ni Drew ang VP position sa kompanya. I bribed him that to toy with you. Sinabi ko sa kanyang tutulungan ko siyang makuha ang posisyon na iyon. What’s the catch? You. Malakas ang karisma ni Drew at alam kong kaya ka niyang mapaibig. And he did. Iyogn bracelet na suot mo? Kasama ako ni Drew na bumili niyan sa Singapore noon. Gusto mong malaman kung paano ko nalaman na ikaw ang naka-maskara? Sinabi ni Drew. Gusto ni Dad na nandito ka ngayon at sinabi ko sa kanyang dalhin ka dito. Kapag nalaman ni daddy na siya ang nagdala sa’yo dito, makukuha niya ang loob ni daddy dahil nadala ka niya dito,” paliwanag ni Koreene.
“Bakit? Bakit mo ‘yon ginawa?” mariing tanong niya kay Koreene. Ikinuyom niya ang magkabilang kamao niya sa kanyang tagiliran. Ibig sabihin ay alam na ni Drew noon pa man kung sino siya?
Ano ka ba naman, Keziah? Si Koreene ‘yang kausap mo. Alam mo namang sinungaling ‘yan pagdating sa’yo. Kaya ‘wag kang basta maniwala, paalala ng isang bahagi ng isipan niya.
“Simple lang. I want you to stay miserable. Mali ka nang sabihin mo sa’king ako ang hindi mo mabibigyan ng happy ending dahil ako ang hindi magbibigay sa’yo ng happy ending,” anito. Pero kung iyon ang gustong gawin ni Drew
“Bakit? Bakit ba ang laki ng galit mo sa’kin? Why won’t you let me be?” halos pasigaw na sabi niya rito. Nakuha na nila ang atensyon ng mga taong malapit sa kanila.
“Because I hate you,” mariing sabi nito sa kanya. Alam niyang gusto rin siya nitong sigawan pero hindi nito magawa dahil masisira ang imahe nito. “Just a piece of advice, kung ako sa’yo, aalis na ako ngayon dahil mamaya lang ay ia-announce na namin ni Drew ang tungkol sa engagement namin. I can see that you’ve fallen for him and you’ll be hurt again. Pero since gusto kitang makitang miserable...”
“Koreene? Keziah? Ano’ng nangyayari dito?” singit sa kanila ng daddy nila na hindi niya namalayang nakalapit na pala sa kanila. Kasama nito si Drew na agad namang lumapit sa kanya.
“Alam mo ba kung sino ako, Drew?” mahinahong tanong niya rito.
Hindi siya naniniwala sa lahat ng sinabi ni Koreene dahil kilala niya ito at kilala niya si Drew. Kahit na gaano pa ka-convincing ang istorya ni Koreene ay gusto pa rin niyang marinig ang sasabihin ni Drew. At hinihiling niyang sana’y hindi nga totoo ang mga sinabi ni Koreene.
Because if it is, her heart would truly be shattered.
“Yes. Sinabi sa’kin—“ Iminwestra niyang tumigil na ito sa pagsasalita.
“Ni Koreene, right? Alam mo bagay na bagay sa’yong maging marketing director ng PFC dahil napaka-bolero mo,” mariing sabi niya rito. Hindi siya umiiyak pero sa loob niya, umiiyak na ang puso niya. Inihagis niya rito ang maskara na tinanggal ni Koreene sa mukha niya kanina saka niya hinubad ang charm bracelet na ibinigay nito sa kanya noon at tinapon din niya iyon dito.
“Teka, sandali. Ano ba’ng—“
“Dad, pwede bang mahiram ko ‘yong driver at kotse mo? Magpapahatid lang ako,” baling niya sa daddy niya na mukhang clueless at gulat na gulat sa mga nangyari.
Kung makikita niya siguro ang quotations sa utak nito’y sa tingin niya’y nagkakaroon na iyon ng sariling pang-aanalisa sa kung ano ang nangyari sa kanila ni Koreene. Tinawag nito ang isang bodyguard-cum-driver nito at ipinakilala nito iyon sa kanya. Bago ang lalaking iyon kaya hindi niya kilala.
“Keziah, sandali lang nga. Ano ba’ng nangyari?” tila naguguluhang tanong sa kanya ni Drew.
“Dad, be sure na siya ang gagawin mong VP ng kompanya. He’s very trustworthy,” sarkastikong sabi niya sa daddy niya habang nagpaparinig kay Drew. Pagkuwa’y tinalikuran na niya ang mga ito. Nakasunod naman agad sa kanya ang driver ng daddy niya.
Kung inakala niya’y makakahinga na siya ng maluwag dahil naramdaman niyang hindi sumunod sa kanya si Drew ay nagkakamali lang siya. Dahil kung ang puso lang niya ang tahimik na umiiyak kanina, ngayon ay pati na rin ang mga mata niya. Bakit ba kasi napakalayo ng exit ng function hall na iyon sa pwesto nila? Mahaba tuloy ang nilakad niya.
“Keziah, Keziah! I love you! Kuyang bodyguard, pakipigilan naman po siya na umalis o.” Napatigil siya sa paglalakad nang marinig niya ang boses ni Drew sa buong function hall. “I don’t know what the heck happened or what Koreene told you pero kung anuman ‘yon, hindi ‘yon totoo. Hindi ako gagawa ng kahit ano para makasakit sa’yo ng ganyan. I love you too much to hurt you,” dugtong pa nito.
Nang tingnan niya kung nasaan ito ay nakita niyang nakatayo ito sa make-shift stage ng function hall na may hawak na mikropono. Nakuha nito ang atensyon ng buong lugar. Pagkuwa’y naglakad ito palapit sa kanya pagkatapos nitong ibalik ang mikropono sa stand niyon. Hinawakan nito ang magkabilang pisngi niya ng makalapit ito sa kanya.
“I’m sorry for whatever happened,” anitong pinapahid ang kanyang mga luha gamit ang mga daliri nito. Noon pa lang ay alam niyang nagsisinungaling lang si Koreene at nagpatuloy siyang umiyak dahil na-overwhelm lang siya sa ginawa ni Drew at dahil alam niyang hindi siya nito niloko.
“I’m sorry too,” sabi din niya dito dahil nagpaapekto siya sa mga sinabi ni Koreene at hindi niya ito pinagkatiwalaan. Hinalikan nito ang noo niya saka nito hinawakan ang kamay niya.
“Let’s go. We need to talk.”
ANOTHER ROOFTOP date. Pero sa pagkakataong iyon ay doon sila may kubo ngayon. It was just the two of them there. No rose petals, scented candles and Christmas lights around them. Hindi nila nakikita ang bituin sa mga langit pero sapat na ang presensiya nilang dalawa parang maging romantiko ang gabing iyon sa kanilang dalawa. Doon sila dumiretso pagkagaling nila sa Hotel Elysé.
“Alam kong may pagka-maldita si Koreene pero hindi ko akalaing magagawa niya ‘yon,” sabi ni Drew matapos niyang sabihin dito ang mga sinabi ni Koreene sa kanya kanina. Hindi na niya kailangan pang ikwento dito ang history nila ni Koreene dahil naikwento na niya iyon dito noon. Nagulat lang talaga ito na ang sinasabi niyang half-sister noon ay si Koreene.
“She’s a scheming bitch,” aniya rito.
“Hindi totoo ang mga sinabi niya. Pero totoong kasama ko siyang bumili ng charm bracelet na binigay ko sa’yo sa Singapore. Nagpatulong ako sa kanyang bumili niyon. Kaya pala bigla siyang natigilan noon nang banggitin ko ang pangalan mo sa kanya,” anito.
“At siya rin pala ‘yong ‘Koreene’ na kausap mo noon sa phone,” sabi naman niya rito.
“Pero alam mo, dapat sinabi mo sa’kin kung sino ka talaga noon. Masyado kang maraming sikreto. Anak ka pala ng boss ko at kung iisipin mo, may-ari ka rin ng kompanyang pinagta-trabahuhan ko. Nakaka-insecure,” ani Drew.
“Sa taas ng level ng confidence mo, marunong ka pa palang ma-insecure?” sabi naman niya rito. “At hindi lang ako ang may sikreto ‘no. Hindi mo sinabi sa’kin agad na sa PFC ka pala nagta-trabaho.”
“Hindi ka naman nagtanong,” katwiran nito. Dahil doon ay hinampas niya ito sa braso na ikinatawa lang nito. “Seriously, Peach. Matagal nang nagpapalipad-hangin sa’kin si Koreene pero hindi ko siya pinapansin bilang respeto kay Mr. Arellano. Ayokong taluhin ang anak niya—“
“Gano’n? Paano ako?” singit niya rito.
“Ibang kaso ka. Ikaw ‘yong anak na ipaglalaban ko sa kanya,” anito saka kumindat sa kanya.
“Yuck! Ang corny mo talaga,” paingos na sabi niya rito pero natawa lang ito. Pero sa totoo lang ay kinilig siya sa sinabi nito. She actually felt secured. “Actually, naikwento na kita kay daddy noon at gusto ka niyang makilala. Hindi ko alam na kilala ka na pala niya.”
“It would’ve been a lot easier if we both knew about all of this then, but easy’s not worth it, remember? This just makes you a whole lot of worthiness,” sabi naman nito sa kanya.
“Hindi mo ba talaga naging date kahit isang beses si Koreene?” tanong niya rito.
“Nope. Not even on a group date,” anito. “Hindi naman sa nangingialam ako sa pamilya n’yo. Pero kung anuman ang alitan sa pagitan n’yong dalawa, kahit anong mangyari ay magkapatid pa rin kayo. Half or whole. Kailangan n’yo lang talaga ng panahon para magkaayos. Kailangan n’yong magkausap ng maayos—at hindi ‘yong catty fights na palagi n’yong ginagawa ha—as in, maayos. Dahil hindi mo ba naisip na ang daddy n’yo ang naiipit sa ginagawa n’yong dalawa? Siya ang mas nasasaktan kaysa sa inyong dalawa dahil hindi siya maaaring pumili sa inyo. Dahil mahal niya kayo pareho,” paliwanag pa ni Drew.
Tinanguan niya ito. Matagal na niyang alam na iyon ang solusyon pero masyadong silang ma-pride pareho ni Koreene para gawin iyon. “We’ll come by,” sabi na lang niya rito. Masyado pa silang mainit pareho ni Koreene para magkaayos ngayon. Pero tama si Drew dahil kahit na anong mangyari ay magkapatid pa rin sila at ang daddy nila ang nasasaktan sa mga awayan nilang dalawa.
“Hindi pa rin ba nagbabago ang tenth fact about you?” pagkuwa’y tanong niya rito.
“Actually, nagbago na siya. From one to ten, it states, I want to have a chance with you,” sagot naman agad nito. Hinila siya nito pasandal sa dibdib nito.
Nang tingnan niya ng diretso sa mga mata si Drew ay na-realize niyang mas makinang pa kaysa sa mga bituin ang mga mata nito, mas maganda pa kaysa sa Christmas lights ang ngiti nito, mas mabango pa kaysa sa rose petals at scented candles ang hininga nito at mas masarap pang sandalan ang dibdib nito kaysa sa loveseat na inupuan nila noon.
“Sige. May sasabihin din akong matinding sikreto sa’yo ngayon. I like you. Na-realize kong matagal ko nap ala ‘yong dine-deny sa sarili ko mula nang makilala kita. Iyong inis ko lang sa’yo at ang tungkol kay Robb ang nagiging shield ko para hindi ko ‘yon maamin sa sarili ko pero lately, hindi lang ang mga mata ko o ang katawan ko ang na-attract mo, pati ang puso ko. You’re irresistible and I can’t resist you anymore. Siguro nga in love na ako sa’yo ngayon eh,” aniya rito.
“I’m one step ahead of you now, Peach,” pagkuwa’y sabi nito sa kanya. Naramdaman niyang ipinulupot nito ang isang kamay nito sa baywang niya pagkuwa’y naramdaman na lang niyang lumutang sa ere ang katawan niya at maya-maya’y nakakandong na siya rito. “I’m now in love with you, remember? Beat ‘ya!”
Before she could even laugh and feel gleeful about his admission, his mouth was suddenly on hers. His lips tasted something like the sweetest addiction she’ll have from now on—soft pillowy sweet lips. Hindi niya alam na mas malalasing pa siya sa mga halik ni Drew kaysa sa mga inuming ininom niya kanina sa Rave.
Drew gently nibbled her lower lip and a small moan escaped from her throat. Naramdaman niya ang pag-ngiti ni Drew sa pagitan ng mga halik nito. Nang maramdaman niyang tila tatapusin na nito ang halik na iyon ay hinawakan niya ang likod ng ulo nito. She urged him to continue kissing her like that kiss was the drug they should take for them to be sane. Nang pakiramdam niya’y mauubusan na siya ng hininga ay bahagya siyang tumigil sa paghalik dito pero magkalapat pa rin ang kanilang mga labi.
“Wow! Tastes like the sweetest addiction I’ll have from now on,” ani Drew ng bahagya itong lumayo sa kanya.
“Gano’n din ang iniisip ko,” segunda niya rito.
“Sabi ko na nga ba sweet ka. Tamang-tama talaga sa’yo ang nickname na ‘Peach’. You know, I’ve long wanted to do that. Hindi mo alam kung gaano ako nagpigil noon na gawin ‘yon sa’yo,” anito.
“Sa kulit at sa yabang mo, nagtataka ako ngayon kung paano mo napigilan ang sarili mo,” natatawang sabi niya rito.
“Palagi lang akong kumakain ng peaches,” anito. At doon na talaga siya tuluyang natawa pero sumeryoso din siya.
“My heart chose well, Drew. You’re not just a real good man. You’re great...and the best. You know, the hottest, coolest, greatest guy I’ve ever met? You’re just that perfect. Perfect for me. Siguro nga in love na talaga ako sa’yo. Egotistic and all,” nangingiting sabi nito sa kanya.
Hinalikan nito ang tuktok ng ulo niya, pababa sa kanyang noo pati na ang magkabilang mata niya, ang ilong niya, ang magkabilang pisngi niya at ang baba niya.
“Pinch me,” pagkuwa’y sabi nito sa kanya na natatawa namang ginawa niya. “Hey, you’re not a dream,” aniya rito.
Then, with her heart’s urge, she crushed her lips against him. Heaven. He’s heavenly sweet, lovingly warm and he’s hers.
“Nakakaadik ka. That’s right. You’re my sweetest addiction and you’re mine, right?” anito sa kanya ng bahagyang maghiwalay ang kanilang mga labi.
“Yes. I’m yours.”
Ah, truly sweet.
--------
MAKALIPAS ANG ISANG buwan ay nakatanggap si Keziah ng isang email mula kay Koreene. Ang sabi ng daddy nila sa kanya ay tinanggal muna nito si Koreene sa PFC at pinadala sa Bacolod kung saan sila may farm bilang parusa nito sa ginawa nito sa kanya. Nang buksan niya ang email nito ay nagulat siya sa mga nilalaman niyon.
Keziah,
Hindi ko ito kayang sabihin sa personal kaya idinaan ko na lang sa email. Hindi mo siguro ito maa-appreciate pero at least, nakapagpaliwanag pa rin ako sa’yo. Just so you know, hindi ko ito ginagawa para mabawasan ang parusa sa’kin ni daddy. I’m sending you this because I’m guilty. Really guilty. So, first of all, I’m sorry. Puro kasinungalingan ang mga sinabi ko sa’yo noon sa party.
Matagal na akong may gusto kay Drew. I wanted to have a chance with him pero nakilala ka niya. Nang sabihin niya sa’kin na ‘Keziah’ ang pangalan ng ‘special girl’ niya ay kinutuban na ako. Marami sigurong ‘Keziah’ sa buong mundo pero may kutob ako noon na ikaw ang tinutukoy niya. Kaya ipinahanap kita sa isang private investigator at pinaimbestigahan ko din si Drew. Kaya nalaman kong ikaw nga ang tinutukoy niya.
You know how much I hated you as much as I hated daddy. Ako ang palaging nauuna pero ikaw ang palaging maswerte. Ako ang naunang lumabas pero hindi ako pinanindigan ni daddy noon. Hindi niya pinanindigan si mama. Kaya naghintay ako na ma-acknowledge niya. Nang una kitang makita, galit ang agad na naramdaman ko sa’yo noon dahil napaka-swerte mo. Lumaki kang buo ang pamilya mo samantalang ako’y hindi. I grew so jealous of you. Kaya anong saya ko nang bigla ka na lang umalis noon sa poder ni daddy. Those three years were the almost the happiest years of my life. Pero nasasaktan pa rin ako dahil nakikita kong naghihirap si daddy nang mawala ka. Ginawa ko ang lahat para maging masaya siya pero ikaw pa rin ang gusto niyang makasama. So, I hated you more for that.
And then, this thing about Drew. Ako ang naunang makakita sa kanya pero sa’yo siya nagkagusto. How unfair could the world be for me, right? Sa sobrang inggit ko sa’yo, ipinangako ko sa sarili kong hindi kita hahayaang maging masaya para fair lang tayo. I’m sorry for all that happened. Na-realize kong naging abala ako sa pagtalo sa’yo at pagkokompara ng sarili ko sa’yo na hindi ko nabigyang pansin ang mga bagay na gusto ko talagang gawin.
I wish that you and Drew would be together for the rest of your lives. Believe it or not, sincere ako dito.
Koreene
Nagawa pa niyang matawa sa huling sinabi nito. Pero gumaan ang pakiramdam niya sa mga sinabi nito sa kanya. Akala niya ay siya pa ang unang magbababa ng pride para magkaayos silang dalawa. But she’s glad Koreene did it and she did the same too. Pagkatapos niyang mabasa ang email nito ay agad niyang i-t-in-ext ang daddy niya.
“Bakit ka nakangiti?” tanong ng oh-so-hot niyang boyfriend na gising na pala sa tabi niya. Nasa rooftop hut sila ni Drew sa building nila. Nagsusulat siya dahil weekend naman at wala siyang pasok sa EU samantalang nakatulog naman ito sa tabi niya.
“Koreene emailed me. Okay lang ba na sumama ka sa’min ni daddy na mag-Christmas sa Davao?” nakangiting sabi niya rito.
“Ah—Okay,” anito pagkatapos ng mahabang “ah”. Pagkuwa’y tumayo ito mula sa pagkakahiga at agad siyang niyakap. “I’m so proud of you, Peach.”
“Thanks. I’m so proud of myself too,” nakangising sabi niya rito. Nahahawa na rin siya sa pagiging confident nito pero wala pa ring makakatalo dito.
“Ah, that’s my girl,” masuyong sabi nito.
“Sino? Nasaan?” kunwa’y nagtatampong sabi niya rito.
“You are. Sorry. Let me rephrase that. You’re my girl,” anito saka kinintilan ng halik ang kanyang mga labi.
“Good. That makes you my man,” sabi naman niya rito.