Chapter Jayden Arcega: Teaser and Chapter 1

Kung isang fairy tale para sa karamihan sa kababaihan sa Pilipinas na makadaupang-palad ang isang miyembro ng Stallion Island na tulad ni Jayson Alden Arcega, isa naman iyong bangungot para kay Imhan.

Maraming pagkakataon sa buhay niya ang nasisira dahil sa pakikialam nito at pagiging sipsip sa mga magulang niya. At ang nakakainis pa, isanbg ngiti lang ni Jayden sa kanya, parang Jelly-O na ang tuhod niya.

Hanggang kinailangan niya ang tulong ni Jayden. Isang kasunduan ang kailangan niyang tuparin. And she knew that it could put her heart on the line.

Hinango ni Imhan ang mainit na brownies mula sa oven at hinayaan munang lumamig. Hindi na magkamayaw ang mga bata sa labas habang nanonood sa clown. Bawat bisita ay nakasuot ng party hats at puro lobo din. Ang mga bata ay pawang nasa ilalim ng Sulong Kababaihan, isang non-governmental organization na tumutulong sa mga kababaihan at batang naapi at naabuso.

“Pwede na bang ilabas ang cake ko, Imhan?” tanong ni Yolie, ang directress nila at siyang may kaarawan ngayon. Forty-eight years old na ito at isa ring professor sa University of Sto. Tomas. Nagmistulang birthday party iyon sa halip na kaarawan ng isang babaeng forty-eight years old na.

“Opo, Tita. Ready na po iyan.” Siya ang in-charge sa baked goodies at cake. Passion talaga niya ang pagluluto. Kaya kapag may pagkakataon ay nagluluto pa rin siya kahit na isa siyang pharmacist sa isang private hospital sa Manila.

Kasunod ni Yolie ang nakabusagot na anak na si Prinzess na nagvo-volunteer din para sa Sulong Kababaihan. “Mommy, bakit naman children’s party pa ang pinili mo? Hindi na lang ballroom party para may mga guwapong mga dance instructor. O kaya nag-gay bar na lang tayo.”

Pinanlakihan ng mata ni Yolie ang anak. “Prinzess! Nakakahiya kay Imhan. Baka sabihin ganyan kita pinalaki.”

“Sus! Malaki na si Ate Imhan. Malapit na iyang mag-twenty seven.” Lumapit sa kanya si Prinzess. “Ate, mas okay ang idea ko, di ba? Mas masaya kung nag-hire ng stripper si Mama.”

Magaan niyang tinapik ang pisngi ni Prinzess. “Hindi iyon mae-enjoy ng mga bata. At baka ma-trauma din ang mga residents nating babae dito.”

Ilan sa mga residents na kababaihan at batang naabuso ay takot pa nga sa mga kalalakihan at hirap magtiwala. Hindi magandang ideya ang magpalabas ng di disente na show para sa mga ito. Mabuti na ang clown na taga-entertain sa labas. Pang-General Patronage. Safe na safe.

“Killjoy naman!” angal ni Prinzess. “Ma-kidnap nga si Mommy minsan at maidala sa gay bar.” Humagikgik ito at binitbit ang cake. “Ano kaya ang itsura sa loob ng gay bar?”

“ Prinzess! Kung gusto mo akong matuwa, ipasok mo ako sa Stallion Riding Club o kahit saang may mga Stallion Boys. I am sure mag-e-enjoy ako,” pabirong sabi ni Yolie.

Ang Stallion Riding Club ay sikat na club eksklusibo lang sa mayayaman, guwapo at successful na kalalakihan ng bansa. Di basta-basta makakapasok ang sinuman na walang permiso mula sa isa sa mga miyembro. Sumikat ang naturang riding club at ang mga miyembro nito matapos maging location ng commercial ng Stallion Shampoo and Conditioner. Mula noon ay naging pangarap na ng bawat kababaihan ang makapasok sa naturang riding club.

“Ambisyosa ka, Mommy! Aagawan mo pa ako ng boylets,” sagot pa ni Prinzess bago tuluyang lumabas.

Naiiling na lang si Yolie. “Hay! Ang mga Stallion Boys ang dahilan kaya naniniwala ako sa fairy tale. Kailan kaya ako makakapasok sa riding club?”

Napailing na lang siya. “Tita Yo, nadala ka na yata diyan sa fairy tale theme ng birthday mo.”

“Di ba may kinakapatid ka na member daw doon sa kabubukas pa lang na Stallion Island? Sabi mo Nanay mo guwapo daw iyon.”

Awtomatiko siyang sumimangot at padarag na isinalang ang mga chocolate muffins sa oven nang maisip ang tinutukoy ko. Si Jayson Alden Arcega-ang guwapo, mayaman, henyo at ang peste sa buhay niyang kinakapatid. Miyembro ito ng bagong bukas na Stallion Island, ang bagong sangay ng Stallion Riding Club. Kwento daw ni Jayden sa mga magulang niya ay nagmistulang luxurious resort ang Stallion Island. O mas tamang nagmistulang kaharian ni Prince Rostam, ang prinsipe ng kaharian ng Al Ishaq na siyang pinuno ng may-ari ng isla. Wala pang lumalabas na balita kung ano ang itsura sa isla at ang mga miyembro nito pero marami nang kababaihan ang naghahandang lumipad at lumangoy makatapak lang sa isla.

“SI Jayden po ba? Wala lang iyon, Tita Yo! Gasoline boy lang ang kumag na iyon sa Stallion Island.”

“Gasoline boy? Di ba apat ang gasolinahan ng pamilya niya sa Cavite? Pero under siya ng RENGY Powers. Katulong siya sa nagde-develop ngayon ng renewable energy sources dito sa Pilipinas. Siya rin ang kinontrata ni Prince Rostam para sa power station ng Stallion Island nang di gumagamit ng fossil fuel. Ganyang lalaki ang kailangan ng bansa natin.”

Kailangan nga siguro si Jayden ng bansa. Kailangan din siguro ito ng mundo pero di naman siya interesado dito. Mula pagkabata ay karibal na niya ito sa atensiyon ng mga magulang. Namatay ang nakatatanda niyang kapatid na lalaki. Buntis noon ang nanay niya sa kanya. Noon naman ay kapapanganak pa lang ni Jayden. Ito ang naging libangan ng mga magulang niya para makalimutan ang pagkamatay ng kuya niya. Parang anak na rin ang trato dito. At dahil tatlo silang magkakapatid na lalaki, si Jayden ang itinuring na anak na lalaki ng pamilya. Sa halip na sa kanya lang ang atensiyon, nakikiagaw pa ito.

Ilang beses na nitong binuwisit ang love life niya noong mga teenager pa siya. Tuwing magkaka-interes siya sa isang lalaki, nakakahanap ito ng paraan para ipakita sa mga magulang niya na mali siya sa pagpili. Nakakainis! Parang wala nang ibang matinong lalaki sa mundo sa paningin ng mga magulang niya kundi si Jayden.

Jayden! Jayden! Jayden! Nakakarindi na!

At ngayon ay bidang-bida pa ito dahil miyembro ito ng pamosong Stallion Island Leisure Club. Kabungguang siko lang nito si Prince Rostam. Great! Ngayon ay pinagpipiyestahan pa tiyak ang kumag ng mga babae.

“Mama, nandito na si Kuya Thorn at Ate Pinay!” anunsiyo ni Prinzess.

“Andito na pala ang dalawang pamangkin ko. Ikaw na muna ang bahala dito, ha? Pero kapag may dumating na bisitang guwapo, iwan mo na iyang niluluto mo. Lalo na kung Stallion Boy.”

A Stallion Boy is equivalent to a Prince Charming. Prince Charming equals fairy tale. Definitely where Jayden Arcega is concerned, fairy tales don’t exist.

Itinirik niya ang mata. “Sus! Di ko talaga pakakawalan ang kumag na Jayden na iyon. Ipapabitin ko siya nang patiwarik sa lumilipad na helicopter papunta sa Stallion Island niya.”

“Sinong kausap mo diyan?” untag sa kanya ng isang boses.

Muntik na siyang atikihin sa puso nang bumulaga sa kanya ang clown nila sa araw na iyon na si Lee. Hinampas niya ito sa balikat. “Lee naman! Huwag kang nanggugulat! Gusto mo bang mamatay ako dito sa heart attack? Saka clown ka. Hindi ka pang-horror.”

Gaya niya ay volunteer din ito sa women’s crisis center. May kaya naman si Lee. Sa katunayan ay financial consultant ito ng ilang kilalang negosyante. Pero di tulad ng ibang mga pilantropo na nagdo-donate ng pera sa mga charitable institutions, oras ni Lee ang idino-donate nito.

Sa gulat niya ay umuklo ito sa likod ng counter. “Dito muna ako, ha?” Saka pasilip-silip na parang may pinagtataguan.

“May pinagkakautangan ka ba sa labas? Okay lang iyan! Clown ka naman ngayon. Di ka niya mamumukhaan.”

Sumilip ito sa bintana. “Matagal ko nang hinihintay ang pagkakataon na ito. Akala ko kasi hindi siya dadating. Gusto kong makita ako ni Pinay. But not like this. Hindi mukhang clown.”

“Si Pinay? Iyong pamangkin ni Tita Yolie?” Tinapik niya ang balikat nito. “Ang alam ko mataray iyon at man-hater. Goodluck kung siya ang type mo.”

“Nakakatakot kasi ang babaeng iyon. Ang liit-liit na tao pero masungit.” Nanlalambot itong sumandal sa pader. “Anong gagawin ko? Di ko kayang humarap sa kanya ngayon. Baka wala akong masabi. Di na lang ako magpapakilala.”

Kawawang bata. Mukhang in love pa mandin ito sa kay Pinay. Di niya alam kung ano ang ikinakatakot ni Lee. Guwapo naman ito, matalino, may matatag na hanapbuhay at mabait. Maraming volunteers ang nagkakandarapa dito. Di niya maintindihan kung bakit nanghihina ito dahil sa isang babae.

“Let me give you a tip. Kahit gaano pa kalakas ang isang babae, dapat maipakita ng isang lalaki na tapatan ang lakas na iyon. Ayaw naming mga babae ng lalaking lalampa-lampa,” sabi niya at saka binitbit ang tray ng brownies palabas.

Kaya gusto niya ng lalaki na kaya siyang alagaan. Kung masisindak lang naman siya ng isang lalaki, huwag na lang.

PARANG hinipan lang ng hangin ang brownies na gawa ni Imhan kaya kailangan na naman niyang mag-replenish ng bago. “Baka kailangan mo ng tulog,” untag sa kanya ng panganay na kapatid na si Ivy nang puntahan siya sa kusina.

Humalik siya sa pisngi nito. “Ate! Akala ko hindi na kayo dadating.”

“Pwede bang hindi? Tinapos lang namin ang misa tapos tumuloy na kami dito.” Sa Naic, Cavite pa nakatira ang buong pamilya niya. Siya ang bunso sa tatlong magkakapatid kaya suportado siya ng buong pamilya niya sa anumang gusto niyang gawin. May asawa at anak na ang dalawa niyang kapatid. Siya na lang ang dalaga.

“Nasaan na ang mga bata?” tukoy niya sa mga pamangkin.

“Andoon. Nakikigulo sa mga parlor games. Binabantayan ni Iwho at ni Nanay.” Ang Ate Iwho niya ang sumunod sa Ate Ivy niya. “Puntahan mo na lang si Tatay. Alam mo naman iyon, laging bida sa kwentuhan.”

Kinawayan na lang niya ang nanay niya tawa ng tawa habang pinapanood ang stop dance kung saan kasali ang tatlo niyang pamangkin. Bata pa lang sila ay na-expose na silang magkakapatid ng mga magulang na tumulong sa mga tao. District Supervisor ng bayan ng Naic ang nanay niya at ang tatay naman niya ay tumutulong sa kabuhayan ng mga mangingisda sa bayan nila. Ito ang naglungsad ng proyekto para gawing fish sanctuary ang dagat nila at nang mai-revive ang dating masaganang ani ng nasira nang dagat.

“Itong si Jayson? Alam ba ninyong nagde-develop siya para sa renewable energy source ng bansa natin. Sabi niya, di na natin kailangang maging dependent sa langis kung lahat tayo gagamit ng pamamaraan sa pagkuha ng enerhiya na di gumagamit ng fossil fuels. Kaya nga kahit may gasolinahan ang pamilya niya, pinili pa rin niyang mag-venture sa pag-develop ng mga renewable energy sources.”

Lumingon agad siya nang marinig ang boses ng ama. Pero laking dismaya niya nang makita ang paksa ng kwento nito. Nakatayo sa tabi nito ang lalaking matangkad. Halos six footer ang tatay niya at kasing tangkad ito ng lalaki. Mas naging moreno pa ang balat nito kaysa nang huli silang magkita pero nakadagdag lang sa karisma nito. At di mawawala ang ngiti sa mga mata at labi nito. Iyon yata ang asset nito. Dahil kahit na anong kumbinsi niya sa sarili niya na di ito guwapo, lalo lang siyang nagiging sinungaling.

Oh, how much she hated everything about Jayson Alden Arcega! Ito na naman ang ibinibida ng tatay niya samantalang siya naman ang anak. Maganda naman siya. Kulot ang mahaba niyang buhok. Parang sa manyika ang malamlam niyang mata na may mahahabang pilik-mata. Napagkakamalan nga siyang foreigner minsan kahit na purong Pilipino pareho ang magulang niya. Matalino din siya. Sa katunayan, mataas ang grado niya nang maka-graduate sa kursong Pharmaceutical mula sa Unibersidad ng Pilipinas. Kasama pa siya sa top ten sa nag-take ng board exam. Mabait siyang anak. Bakit di na lang siya ang ikwento ng tatay niya?

“Si Tito talaga!” sabi ni Jayden. “Ginagawa ko lang po ang parte ko para hindi na lumala pa ang global warming sa mundo. Paano naman ang kinabukasan ng magiging apo ninyo sa akin kung di ako tutulong iligtas ang mundo?”

Ha? Pati magiging anak nito ay ipapaako nitong apo sa tatay niya. Feeling close talaga ito.

Dapat ay siya ang ipinagmamalaki ng tatay niya. Tumutulong din naman siya para maka-recover ang mga babae at mga batang naabuso. Halos kapareho lang naman iyon sa global warming. Baka pwede maging bida din siya.

“Ang sarap mo namang maging boyfriend, Jayden. Gusto ko talaga ang mga lalaking mahilig sa nature conservation at iniisip ang future ng magiging anak namin,” malambing na sabi ni Einjel, ang panganay na anak ni Yolie. She was obviously taken to Jayden. Di naman niya ito masisisi. Jayden was quite a catch kahit pa nga alisin sa portfolio nito ang pagiging miyemrbo ng Stallion Island.

Biglang luminga si Jayden sa direksiyon niya. “Imhan!” tawag nito sa kanya at dali-dali siyang nilapitan. Nagulat siya nang bigla na lang siya nitong yakapin. “Kumusta ka na? Na-miss kita!”

Kakaibang kilabot ang naramdaman niya sa init ng yakap nito. Parang niyakap siya ng mabangong cologne nito. The world stopped for a moment. Niyakap siya ni Jayden sa harap ng maraming tao. Miss daw siya nito. Noong isang linggo lang naman sila huling nagkita. Parang nakakaloko naman ang kaligayahan nitong makita siya pero parang gusto niyang maniwalang totoo.

Malambing naman sa kanya si Jayden kahit noon pa. Mga bata pa lang sila, pinauulanan siya nito ng chocolates lalo na kapag dumating ang tatay nito galing sa abroad. Kung anu-ano rin ang ibinibigay nito sa kanya lalo na nang mag-aral ito sa ibang bansa. Nang huli nga silang magkita ay may ibinigay itong regalo sa kanya na tiyak na ipagpapa-fiesta ng kahit sinong babaeng makatanggap. She was not interested. Kahit anong galing kay Jayden, di siya interesado. At lalong hindi siya interesado sa yakap nito kahit pa nga kakaiba ang nararamdaman niya.

“Jayden, lumayo ka nga! Nakakahiya sa mga tao,” saway niya.

“Ang bango mo! Amoy brownies ka,” anito at humalakhak. “Pahingi naman, o! Inubusan kasi ako ng mga bata kanina.”

“Kumuha ka doon sa kusina!” pasuplada niyang sabi. Nang makalawa dito ay tinakbo niya ang tatay niya at yumakap sa baywang. “Tatay!”

She was relieved to get away from Jayden. Mukhang ginagamit lang siya nito para takasan ang mga babaeng nagkaka-interes dito. That embrace meant nothing.

“Napagod ba sa pagluluto ang bunso ko?” tanong ng tatay niya.

“Medyo po! Ipaghele mo ako, Tay,” lambing niya dito.

Tumawa ang tatay niya. “Naku! Baby ka pa nga. Paano ba kita ipapamigay na mag-asawa kung kailangan pa kitang ipaghele?”

Tumikhim si Jayden. “Tito, mukhang kailangan ko nang mag-practice na kumanta para maipaghele si Imhan. Ako na ang bahala sa kanya.”

Nakita niya ang pagtaas ng kilay ni Einjel. Pinigil niyang makisabay sa pagtaas ng kilay nito. Pinalalabas ni Jayden na ito ang lalaking papalit sa pwesto ng tatay niya at mag-aalaga sa kanya? Asa pa ito! O sadyang panira lang ito ng eksena. Kung kailan naka-focus na sa kanya ang atensiyon ng tatay niya ay bigla itong sisingit. Of course. Iyon ang expertise nito. Ang mang-agaw ng atensiyon.

“Tay, babalik na po ako sa kusina. Tutulungan ko na si Ate Ivy doon.” Baka tuluyan pang masira ang araw niya dahil kay Jayden. Bakit pa kasi isinama ito ng tatay niya? Dapat doon na lang ito sa Stallion Island nito. Huwag na itong lumabas pa doon para matahimik ang mundo niya.

“Imhan, tutulong din ako sa iyo!” habol ni Jayden sa kanya.

“Anong alam mo sa pagluluto?” tanong niya at di man lang ito nilingon. “Magpa-cute ka na lang sa mga babae diyan.”

“Hindi ako nagpunta dito para magpa-cute sa ibang babae. I just want to see you. Ano? Sasama ka na ba sa Stallion Island? Pumayag na si Tito Emmanuel.”

Isang special na invitation sa Stallion Island ang ibinigay nito sa kanya noong isang linggo pero hanggang ngayon ay di pa rin niya ginagamit. Kung ibang babae siguro ay nagkakandarapa na gamitin ang imbitasyon na iyon.

“At sa palagay mo naman sasama akong makipag-date sa iyo? Jayden, kung ginagawa mo lang ito para I-please ang tatay ko dahil nag-aalala siya na di ako magkaka-boyfriend, huwag kang mag-alala. May manliligaw naman ako. Nakakapag-date naman ako. So huwag mo nang isipin na aabalahin pa kita.”

“Hindi ka abala sa akin. Gusto talaga kitang isama sa isla. I want a real romantic date with you. Isn’t that perfect?” Ginagap nito ang kamay niya. “You and me in an island paradise.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.