Chapter Jayden Arcega: Chapter 3

“Walang pusong Misha na iyon! Di daw niya ako isasama para makita si Prince Rostam. Baka daw ma-lifetime ban siya sa Stallion Island dahil sa akin,” sintir ni Rahya, ang kaibigan at kapitbahay ni Imhan. Tuwing umaga ay sabay sila sa pagpasok sa opisina. Nadadaanan kasi niya ang advertising company na pinapasukan nito kapag papunta siyang ospital.

Patay na patay ito sa head ng Stallion Island na si Prince Rostam. Willing itong lumangoy papuntang Stallion Island makadaupang-palad lang ang prinsipe nito at maging tunay na prinsesa. May pag-asa na sana ito sa pamamagitan ng boss nitong si Misha Santoros na miyembro ng Stallion Island. Sa kasamaang-palad, mukhang walang balak ang boss nito na pagbigyan ito.

Umismid siya habang binabaybay nila ang Ayala Bridge. Lumulutang pa ang utak niya dahil sa Stallion fever noong nakaraang linggo. O mas tamang sabihin na Jayden Arcega fever. Maya’t maya ay may nangungulit sa kanya at nagtatanong kung ano ang number ni Jayden. Siyempre hindi niya ibibigay. Kawawa naman ang mga babaeng mabibiktima ni Jayden kung sakali.

“Parang ordinaryong lalaki din ang mga iyan. Kahit pa iyang Prince Rostam mo. Nagkataon lang mayaman sila at member ng Stallion Island. Malamang mga di rin naman ganoon ang kaguwapo ang mga iyan.”

Binuklat nito ang magazine. “Ibig sabihin sadyang photogenic lang sila lalo na ang nag-invite sa iyo sa Stallion Island na si Jayson Alden Arcega.”

Nanlaki ang mata niya nang ipagladlaran pa nito ang page kung saan may picture at profile si Jayden. Saglit na nawala ang konsentrasyon niya sa minamaneho at bumusina ang sasakyan sa likuran nila. “Itabi mo muna iyang magazine mo, ha? Naaalibadbaran ako!”

Na-distract siyang bigla. Noong ipakita sa kanya ni Rahya ang magazine dati, di niya alam na kasama pala si Jayden sa mga nai-feature na member. Kaya nga malakas ang loob niya na sabihin na gasoline boy lang si Jayden sa Stallion Island nang makita nito ang imbitasyon niya sa isla.

Binasa nito ang profile ni Jayden. “May ilang gasoline station ang family niya pero pinili niyang i-develop ang renewable energy source at magtrabaho sa RENGY Powers. Kung ganito kaguwapo mag-iimbita sa iyo sa Stallion Island, bakit ka tatanggi?”

“Ayoko nga!” mariin niyang sabi. Jayden arouse feelings that she didn’t want to feel. At palala iyon nang palala bawat araw maisip lang niya ito. “Saka may steady date na ako. Si Doc Remus,” pilit niyang isiningit ang manliligaw.

“Wala naman sa kalingkingan ng kaguwapuhan ni Jayson Arcega ang Doc Remus na iyon. Ewan ko, ha? I have a feeling di siya gagawa ng maganda.”

“Ayaw mo lang sa kanya dahil hindi siya member ng Stallion Island at wala siyang balak na mag-member.” Naniniwala kasi si Remus na di naman dapat ang estado sa buhay ang tingnan kundi kung ano ang magagawa nito sa iba. Kaya nga wala siyang problema kung si Remus ang magiging boyfriend niya.

Kinuha nito ang imbitasyon niya galing kay Jayden at ipinaypay sa sarili. “This is an opportunity. Kung ganito ka-hot na lalaki, huwag mo nang pakakawalan.”

Hanggang pagdating niya sa pharmacy ng Amoranto Medical Center ay di pa mawala-wala sa isip niya ang sinabi ni Rahya. Huwag na daw niyang pakawalan ang lalaking kasing-hot ni Jayden. Jayden was hot and dangerous. Ayaw niyang mapaso. Iyon ang di alam ni Rahya. Even that friendly smile of Jayden could be fatal.

“Good morning!” bati niya sa mga kasamahan pagdating. Wala siyang nakuhang sagot mula sa mga ito dahil nagkukulumpunan ang mga ito sa mesa ng assistant pharmacist niyang si Alyn at seryosong-seryoso. Lumapit siya sa mga ito. “Girls, may problema? Memo ba iyan galing kay Ma’am Lou?”

Under sila ng opisina ng Vice President for Finance. Sobrang higpit ng bagong boss nila. Kaunting mali lang nila, sermon na agad ang inaabot nila. Siya na ang pinakamatagal na empleyado doon. Ang iba niyang mga kasamahan ay nag-resign na kahit ang mga regular na empleyado. Gusto niyang maging positibo na mare-regular siya doon. Malapit na siyang mag-isang taon sa kompanya kaya nagtitiyaga lang siya.

“Hindi! Namimili kami ng magiging boyfriend,” sabi ni Jinky na katulad din niyang pharmacist.

Umasim ang mukha niya nang makitang magazine tungkol Stallion Island din ang pinagpipiyestahan ng mga ito. Hanggang sa trabaho ay nasusundan pa rin siya ng Stallion fever. “Sana unahin muna ninyo ang trabaho. Kapag nahuli kayo ni Ma’am Lou, lagot kayo doon,” aniya at tumuloy sa computer.

“Wala pa naman tayong customer,” sabi ni Alyn. “Saka wala rin si Ma’am Lou. May meeting siya ngayon.”

“Kahit na! Trabaho muna. Hindi naman importante iyang inaatupag ninyo.” Sawang-sawa na rin siyang makakita ng magazine na may mukha ni Jayden.

“Di naman kasalanan na pagnasaan sila, ah!” katwiran ni Jinky. “Lalo ka na. Di mo pa naman boyfriend si Doc Remus. Pwede ka pang mamili sa Stallion Boys.”

Matalim niyang tiningnan si Jinky. Dinedemonyo ba siya nito? “Magtrabaho na kayo o susunugin ko ang magazine ninyo.”

Niyakap ni Alyn ang magazine. “Huwag naman! Muntik pa akong mapaaway sa bookstore nang bilhin ko ito. Hindi mo lang alam kung ano ang hirap ko dito.”

Hinayaan na lang niya ang mga ito. Ayaw niyang maapektuhan ang mga kasamahan niya dahil lang sa isyu niya kay Jayden. Sana di na lang ito naging member ng Stallion Island. Parang nakikita kasi niya ito kahit saan siya tumingin basta Stallion Boys ang pinag-usapan.

“Miss, magkano ang Celebrex?” maarteng tanong ng customer na babae sa kanya.

“Three hundred fifty po ang five hundred milligram.”

“Ang mahal naman!” anito at sinapo ang noo. “Pumila ako ng pagkaha-haba para sa gamot na iyan. Grabe naman itong pharmacy ninyo. Sobra kung managa. Parang gusto ninyo na kayo na lang ang mabuhay sa mundo.”

Ngumiti pa rin siya kahit halos bumula na ang bibig nito sa galit. “Ma’am, nasa inyo naman po iyon kung saan ninyo gustong bumili.”

Inagaw nito ang reseta ng doktor sa kanya at saka umalis. Ni hindi man lang nagpasalamat. Nasanay na lang siya sa masusungit na customer sa isang taon niyang pagtatrabaho doon. Na-transfer sa Cebu ang dating pharmaceutical company na pinapasukan niya. Ayaw niyang magtrabaho sa malayo. Maayos ang sweldo niya sa ospital kaya nagtitiyaga siya.

“Miss, isa rin ng binibili nu’ng ale,” anang boses ng isang lalaki habang tinitingnan niya ang bagong presyo ng bagong deliver nilang gamot.

“Celebrex?” tanong niya at bahagyang nilingon ang lalaki.

“Oo. Para kasi sa akin.”

Lumapit siya sa counter at sininong mabuti ang bago niyang customer. Umangat ang gilid ng labi niya nang makilala si Jayden. “Hindi ko alam na may member pala ng Stallion Island na nagpapanggap na babae. Para sa babae lang po ang product na iyon in case hindi ninyo alam, Sir.”

Mahinang tumawa si Jayden. “Ganoon ba?” Nangalumbaba ito habang nakapilantik ang daliri. “Girl na pala ako ngayon.”

“Umayos ka nga! Naaalibadbaran ako sa iyo! Di bagay.” Mas okay na sa kanya na makita itong nakangiti at nang-aakit sa kanya. Kaysa naman mga lalaki ang inaakit nito. “Ano bang ginagawa mo dito?”

“Nami-miss mo ako kaya nandito ako para bawasan ang pagkasabik mo sa akin. Masaya na kang makita ako?”

Masaya? Kung ibuhol kaya niya ito sa tower ng cell site? Ilang araw na nga siya nitong nililigalig. At ngayong nakita niya ito ulit, lalo siyang naligalig. Dahil kahit na gusto niyang mainis dito, magaan ang pakiramdam niya nang ngumiti ito.

“Dumayo ka para lang diyan?” tanong niya habang pinipigil mangiti.

“Kahit naman saan pupuntahan kita basta nararamdaman ko na miss na miss mo na ako. Wala ba akong kiss diyan?”

Isang nurse ang lumapit dito at sininong mabuti ang mukha. “Ay! Ikaw si Jayson Alden Arcega, di ba?” Binuklat nito ang magazine na kipit sa kili kili at saka idinikit sa mukha ni Jayden ang kuha nito sa magazine. “Ay! Ikaw nga!”

Nakuha niyon ang atensiyon nila Jinky at Alyn. Nakisilip din ang mga ito sa counter. Sabay na tumili ang mga ito nang makilala si Jayden. “Eeee! May bisita tayong Stallion Boy!” Saka nagtatalon ang mga ito na parang hihimatayin sa kilig.

THE next moment, everyone was in chaos. Pinagkaguluhan ng mga babae si Jayden. Di tuloy alam ni Imhan ang gagawin dahil kahit ang mga tauhan niya ay nakigulo. Animo’y may fan’s day. Isinuklay ng nurse na si Reinalyn ang daliri sa buhok saka nagpalinga-linga. “May bagong contest ba ang Stallion Shampoo? Nasaan ang camera?”

Dati na kasing nagkaroon ng contest ang Stallion Shampoo kung saan maaring manalo ng dream date sa miyembro ng Stallion Riding Club.

Yumakap ang assistant pharmacist na kadadating pa lang na si Ching kay Jayden. “Ako na ang nanalo sa contest. Kaming dalawa ang magde-date.”

Nasapo niya ang noo habang hinahanap ng mga mata ang security. “Nasaan na ba sila?” Kanina pa siya tumawag ng tulong. Nakikita kasi niyang nahihirapan si Jayden. Pilit itong ngumingiti pero nang tumingin ito sa kanya ay may pagsusumamo sa mga mata nito. Humihingi ito ng tulong sa kanya.

Nahawi ang mga tao nang sa wakas ay dumating ang security. Nakawala na si Jayden. Sasabihan na lang sana niya itong umuwi na dahil disgrasya lang inaabot nito kung magpapakita sa kanya. Sa pagtataka niya ay inabot niya ang kamay dito. Nang hawakan ni Jayden ang kamay niya ay mahigpit niyang hinawakan iyon. Di niya alam kung ano ang pumasok sa isip niya. Tumakbo sila papunta sa cafeteria na wala pang masyadong tao nang mga oras na iyon.

“Okay ka lang?” tanong niya nang pinili nilang umupo sa tagong couch.

“Oo. Medyo nauhaw lang ako. Di ko alam na ganoon ang magiging reception ng mga tao. Di naman ako artista para pagkaguluhan nila.”

Tinawag niya ang waiter at um-order ng malaking chocolate shake para dito. “Natural lang na dumugin ka. Stallion Boy ka kaya. Pumunta ka ba kasi dito.”

“Siyempre gusto kong makita ka.” Tinitigan siya nito. “Na-miss kita.”

Natigilan siya nang salubungin ang lagkit ng tingin nito. parang gusto nitong tunawin ang buto niya. Bakit ba biniyayaan si Jayden ng magagandang mata? Parang sincere tuloy ito sa sinasabi nito.

Hinaplos niya ang mata nito. “Umayos ka! Dahil sa kalokohan mo, muntik ka nang mapahamak.”

Tinungga nito ang milk shake sa sobrang uhaw. “Sa palagay mo ba may oras pa akong mag-joke pagkatapos akong ma-harass kanina?”

Hindi niya alam kung ano ang dapat paniwalaan. Sa dami ng mga babaeng naghahabol dito tulad kanina, di nito aaksayahin ang panahon sa kanya. Pero parang gusto na niyang maniwala na miss siya nito. Isang ngiti pa nito, maniniwala na siya.

Mula sa kung saan ay biglang sumulpot si Remus. “Imhan, may kasama ka daw na…” Bigla itong pumormal nang makita si Jayden at inabot ang kamay. “I am Doctor Remus Amoranto.”

Kinamayan ito ni Jayden. “Jayden Arcega. Kinakapatid ako ni Imhan.”

“Yes! Ikaw nga ang naka-feature sa magazine,” anang si Remus.

“Nabasa mo siya?” Ang alam kasi niya ay di interesado si Remus sa mga members ng Stallion Riding Club at Stallion Island.

“Of course. I have a copy of the magazine where they featured the pioneer members of Stallion Island,” pagmamalaki pa ni Remus. “Kaya imposible na hindi ko sila makilala. They are quite popular.”

Nahihiyang ngumiti si Jayden. “I am sorry for the commotion a while ago. Dinalaw ko lang si Imhan para ipaalala sa kanya na bukas kami dadalaw sa kanila kasama ang parents ko.”

“Yes. Pupunta ako.” Madalas nang dumalaw ang magulang ni Jayden sa kanila lalo na nang nasa abroad ang huli. Laruan ng mga ito ang pamangkin niya.

“I must be going. May meeting pa ako kay Congressman Luminares.” Kinamayan nito si Remus. “Sumama ka kay Imhan bukas para magka-kwentuhan tayo.” Ihinatid niya ito sa parking lot. Bago sumakay ng kotse ay inabot nito ang isang paperbag. “For you.”

Nang buksan niya iyon ay sinalubong agad siya ng mabangong amoy ng empanada. “Uy! Favorite ko ito! Thank you!”

“Si Chef Rouen ang nagluto niyan. First time lang niyang sinubukang gawin dahil request ko. Sana magustuhan mo. See you tomorrow.”

“Yeah! See you!” aniya at ihinatid ito ng tanaw palayo.

“Lucky bastard! May meeting pa siya sa village lord ng Stallion Island,” sabi ni Remus at walang paalam na kumuha ng empanada mula sa kahon.

Kumunot ang noo niya. “Akala ko ba di ka interesado sa kanila?”

“Sinabi ko ba iyon?” tanong nito at kumagat ng empanada. “Totoo nga na may kilala ka doon. Akala ko nagbibiro lang ang tatay mo.”

“Akala ko ba ayaw mo ng empanada?”

“Bakit ko naman aayawan ng luto ng two-star Michelin Chef? Magkano kaya ang paluto ni Jayden ng empanada na ito?”

Dati ay wala daw itong pakialam sa kahit anong may kinalaman sa Stallion Boys. Ngayon ay wala na itong bukambibig kundi si Jayden at ang mga taong nakikilala nito sa Stallion Island. Ano na ba ang nangyayari sa mundo? Baka mamaya ay sabihin na rin ni Remus na Stallion Shampoo fanatic na rin ito.

“Remus, sasama ka sa pagdalaw ko sa family ko bukas?” tanong niya.

“Hindi siguro. Pwede ko naman sigurong I-meet si Jayden sa ibang araw, di ba?”

“Family ko ang imi-meet mo doon. Hindi si Jayden.”

Bumuntong-hininga si Remus. “Some other time maybe. Nandoon ang mga pamangkin mo. Kukulitin na naman akong maglaro. I am allergic to kids.”

Iyon ang isa sa di nila pinagkakasunduan. Ayaw nito sa mga bata habang mahilig siya sa mga bata. Mabait naman si Remus sa pamilya niya. Pinapa-salubungan pa nga nito ang mga pamangkin niya. Ayaw lang nitong makadikit. Kahit sa pagpunta sa crisis center ay di niya ito maasahan. Marami daw kasing bata doon.

“Okay. Sasabihin ko na lang sa kanila na di ka pwede,” mahina niyang usal.

“But please tell Jayden to visit me next time. I am sure marami kaming mapagkakasunduan. Matutulungan kaya niya akong pumasok sa Stallion Island?”

“Remus, akala ko hindi mo kailangang maging miyembro nila?”

“Bakit? Ayaw mo bang magkaroon ng boyfriend na member ng Stallion Island o Stallion Riding Club? Lahat naman ng babae iyon ang gusto, di ba?”

Umiling siya. “It doesn’t really matter.”

Hinawakan nito ang balikat niya. “Believe me! It matters!”

Sinalubong agad siya ng mga kasamahan pagdating niya. “Miss Imhan, saan mo dinala si Stallion Pogi?” tanong ni Alyn. “Bigla na lang kayong nawala.”

“Muntik na kaming magpatawag ng pulis dahil kinidnap mo siya,” anang si Jinky.

“Hindi ko siya kinidnap. Muntik na nating ipa-ospital iyong tao dahil dinumog ninyo. Pasalamat tayo dahil hindi siya nasaktan,” depensa niya.

“Nasa ospital naman tayo,” sabi ni Alyn. “Saka di namin siya sasaktan dahil mahal namin siya.”

“Ano ba ang relasyon ninyong dalawa?” tanong ni Jinky.

Namanhid ang mukha niya at umiling agad. “Wala. Wala kaming relasyon.”

“Anong walang relasyon?” tanong ni Alyn. “Obvious na close kayo.”

Napahawak siya sa dibdib at nakahinga nang maluwag. Iba palang relasyon ang tinutukoy ng mga ito. Baka kasi narinig ng mga ito nang sabihin ni Jayden sa kanya na miss na siya nito.

Pero bumalik ang kaba niya nang pumasok ang boss nilang si Lou. Mula sa makapal nitong salamin ay tumutok ang mata nito sa kanya. “Miss Panganiban, hindi pa breaktime pero umalis ka na agad. At ngayon ka lang bumalik.”

“I am sorry, Ma’am. May emergency po kasi.”

Humalukipkip ito. “Emergency na umalis ka kasama ang taga-Stallion Club. Sa palagay mo ba valid reason iyon?”

“Hindi ko na lang gagamitin ang coffee break ko, Ma’am. Importante lang po.”

Kumislap ang mga mata nito. “Ano na lang lang sasabihin ni Doc Remus?”

“Kasama po namin siya. Hindi ko na po uulitin, Ma’am.”

Naglakad ito paikot sa kanya. “Huwag ka sanang abusada. Di dahil sa iyo ang atensiyon ni Remus, pakakasalan ka niya.”

Wala sa isip niya na pakakasalan siya ni Remus. Ni hindi pa nga niya ito boyfriend. At hindi niya ginamit iyon para gawan ng pabor ang sarili. Nagtatrabaho siya nang maayos. Kaya ayaw niyang paligaw kay Remus dati. Ayaw niya ng ganoong isyu.

“Naku! Inggit na naman si Ma’am. Dala-dalawa ba namang guwapo ang kasama mo kanina,” sabi ni Alyn. “Pahingi namang number ni Jayson Alden Arcega.”

Pinanlakihan niya ito ng mata. “Magtrabaho ka na!”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.