Chapter Jayden Arcega: Chapter 4

Nakaabang sa dalampasigan si Imhan at ang mga pamangkin niya nang dumaong ang bangkang sinasakyan ng tatay niya sa pangingisda. Hindi maganda ang mood niya nang dumating siya. Tinanghali siya ng gising. Pagdating niya sa bahay nila sa Naic ay umalis na daw ang tatay niya para mangisda kasama ang Ninong Ver niya at si Jayden.

Sinalubong agad niya ng yakap ang amang si Emmanuel. “Tay, ang daya naman ninyo. Hindi ninyo ako hinintay.”

Ginulo nito ang buhok niya. “Nakakahiya naman sa Ninong Ver mo at kay Jayden kung ikaw lang ang hihintayin namin.”

Nagmano siya kay Ver. “Ninong, sorry po. Napagod po kasi ako sa inventory namin kagabi. Napasarap po tuloy ang tulog namin.”

“Okay lang iyon, hija. Sa susunod sumama ka sa amin para may muse kami. Wala tuloy kakwentuhan itong si Jayden.” At itinuro ni Ver si Jayden na may hawak pa na malalaking isda.

“Sayang nga na-miss mo na naman ang kaguwapuhan ko,” nakangising sabi nito.

“Ikaw ba ang nanghuli niyan?” tanong niya.

“Siyempre!” taas-noong sagot nito. “Hinuli ko talaga para sa iyo.”

“Siyempre hindi!” tatawa-tawang pagtatama ng Ninong Ver niya. “Hindi ko alam kung bakit pa siya sumama sa amin. May nahuhuli nga pero pinapakawalan naman.”

Napakamot si Jayden. “Kawawa naman kasi iyong nanay na isda, Tay. Sabi ni Tito Em, huwag daw huhulihin ang maliliit na isda at buntis na isda. Ibalik sa dagat.”

“Very good. Hindi mo nakakalimutan ang turo ko sa iyo,” sabi ng tatay niya at ginulo ang buhok ni Jayden. Nakakainis! May pogi points pa ito sa tatay niya.

“Magmiryenda po muna kayo,” yaya niya. “Maya maya lang po manananghalian na tayo kapag nailuto nila Ate Iwho itong isdang huli ninyo.”

Sinabayan siya sa paglalakad ni Jayden. “Nasaan na si Doc Remus?”

“Wala. May pasyente siya ngayon. Busy.”

“Sayang. Maganda pa mandin sa laot ngayon. Masarap mangisda,” anito at umakdo pang ihinagis ang pamingwit. “Next time sa Stallion Island naman kami mag-fishing nila Tito Em. O iyon din ang gawin natin kapag nag-date tayo?”

Nauna siyang naglakad dito. “Dream on!”

Iniwasan niya si Jayden habang nagmimiryenda at nagpapahinga ang mga ito. Tuwing nakikita siya nito ay nakasunod ang tingin nito sa kanya. At sa ilang sandali, parang lumulutang siya at nawawala sa sarili. Nagbabad siya sa kusina at lumabas lang para makipag-kwentuhan sa mga tao sa sala nang yayaing lumabas si Jayden ng mga pamangkin niya para maglaro. Pero alerto pa rin siya kung sakaling bumalik si Jayden.

“Dalaga at binata kayo ni Jayden,” sabi ng Ninang Marieta niya habang hinihintay nilang maluto ang tanghalian. “Parang kailan lang iyong seven years old at gusto mong kayo ni Jayden ang magpakasal paglaki ninyo. Umiyak ka pa nga nang makita mong may iba siyang kalaro. Parang boyfriend mo na siya noon.”

Namula ang pisngi niya. “Ninang, bata pa po ako noon.”

“Oo nga. Malalaki na ang mga bata,” sabi ng Ninong Ver niya. “Tingnan mo si Jayden. Who would have thought that he’d take an entirely different career? Gusto kong manahin niya ang business namin pero pinili niyang gumawa ng sarili niyang pangalan. And it is like a protest against fossil fuel. Our business. Ang bumuhay sa amin.”

“Sometimes younger people see things in a different perspective,” sabi ng tatay niya sa ninong niya. “Gusto lang niyang isipin ang kinabukasan ng magiging anak niya at ng susunod na henerasyon. Tanggapin na natin, pare. Hindi naman habambuhay may langis na makukuha. Ngayon pa lang puro reklamo na ang mga customers sa taas ng presyo.”

“Kaya nga mag-invest na tayo sa RENGY Powers, Ver. Hindi ba may pipirmahan nang treaty sa abroad. Maaring kontrolin na ang paggamit ng fossil fuel. Look at Prince Rostam. Main business ng bansa nila ang langis pero ngayon priority na nila ang renewable sources. He is even supporting Filipino inventors na ang ginagamit mga non-pollutant na machineries at gumagamit ng renewable sources,” pang-eengganyo ng Ninang Marieta niya. Pagdating kay Jayden, suportado agad ito ng ninang niya.

“Papayag lang ako sa gusto ninyong mag-ina kapag nag-asawa na siya o kahit may girlfriend man lang. Wala man lang babaeng ipinakikilala sa atin. Ni wala yatang idine-date. Balak pa ba niya tayong bigyan ng apo?” tanong ni Ver.

Hindi siya napakali nang natuon sa kanya ang atensiyon ng tatay niya. “Ito ring bunso ko wala pang balak sagutin ang manliligaw niya. O walang balak sagutin?”

“Baka naman iba ang gusto,” singit ng nanay niya. “Ayaw mo ba kay Jayson?”

Napatayo siya sa upuan. Alam ng nanay niya na binigyan siya ng imbitasyon ni Jayden sa Stallion Island. Baka I-open pa iyon at tuksuhin pa siya. At oras na malaman iyon ng tatay niya, tiyak na papabor ito kay Jayden. “Excuse me po. Tatawagin ko lang po ang mga bata. Baka po kasi amoy-araw na sila bago ang tanghalian. Magagalit si Ate Iwho.”

Muntik na siya doon. Kapag nagkaipitan, baka makasal sila ni Jayden nang wala sa oras. Naulinigan niya ang tawanan ng mga pamangkin niyang sina Ella at Parisse paglabas. “Dali, Tito Jayden! Hulihin mo! Ayun! Lumabas na sa kabilang butas! Dali!”

Nanghuhuli ng talangka ang mga ito sa buhangin. Nagpapalipat-lipat ng butas si Jayden sa pag-aabang ng lalabas na talangka. Mas masarap talagang maging bata. And for a while, Jayden was the center of her world. They laughed together. Parang masarap balikan.

Tinakbo niya ang tatlong nagkakatuwaan. “Sali ako sa inyo.”

Yumukod din siya sa butas kung saan nakayukyok si Jayden. Malakas ang tibok ng puso niya habang nag-aabang. Magkalapit ang mukha nila. His face was full of antipation. Kagat nito ang pang-ibabang labi. Tulad noong mga bata pa sila.

That was so cute! This was the Jayden she adored. Noong di pa niya alam kung paano magselos. Nang di pa niya ito itinuturing na karibal sa atensiyon ng tatay niya.

“Ayan na! Lumabas na!” Turo ni Parisse.

Sabay nilang dinakma ni Jayden ang talangka. Nagbangga ang mga mata nila. She was suddenly lost. The background faded and all she cared about was him. His smile. The feel of his warm, sandy hands against hers. She could go on staring at him for hours. Parang tinatangay siya ng hangin o kung saan man siya nito gustong dalhin.

“Imhan,” usal ni Jayson sa pangalan niya.

“Hmmm?” She loved the way he called her name. Parang maganda ang pangalan niya at parang maganda din siya sa paningin nito.

She had never felt like this with Remus. Di agad siya nakakaramdam na maganda siya para sa mga ito kahit na ilang beses na sabihin sa kanya. But with Jayden, all he needed was to look at her and say her name.

“Tita Imhan, iyong talangka nakawala na sa kabilang butas,” sabi ni Parisse.

“Anong talangka?” tanong niya at nilingon ito.

“Iyon pong talangka! Kay Tito Jayden po kasi kayo nakatitig. Di doon sa may talangka,” kakamot-kamot na sabi ni Ella.

Sinundan na lang niya ng tingin ang talangkang tumakas. Gaano ba siya katagal nakatitig kay Jayden at nakalimutan na niya na dapat ay manghuli siya ng talangka?

Huwag lang siyang tutuksuhin ni Jayden nang mga oras na iyon. Baka gustuhin na lang niya na magbaon sa buhangin.

“Imhan! Ipasok na ninyo ang mga bata! Maglinis na kayo at malapit nang maghain!” sigaw ng nanay niya. Nauna nang tumakbo ang mga bata.

Tumayo si Jayden at inilahad ang kamay sa kanya. “Halika na!”

Tinanggap niya ang kamay nito. Tumakbo ito kasunod ng mga bata. “Thank you!” usal niya. “I haven’t played with them for a long time. I enjoy it.”

“Masarap talagang kasama ang mga bata. Pakiramdam ko rin kasi bata ako. Nakakatanggal din ng stress. And I love your nieces like my own. Saka nag-enjoy din ako na kasama ang mga bata sa center. Sana makadalaw ako next time.”

“Next time. Welcome ka naman doon dahil marami kang fans.”

Binitiwan nito ang kamay niya nang yayaing maghugas ng kamay ang mga pamangkin niya. Ito pa ang nag-asikaso sa mga pamangkin niya maging sa tanghalian.

Naalala niya na ayaw ni Remus sa mga bata. Aburido ito kapag may mga bata. Paano na kung balang-araw makasal sila? Paano kung ayaw nitong magkaanak? O wala pa rin itong amor sa mga bata? Kay Jayden wala siyang problema. He loved kids.

Pero di naman si Jayden ang manliligaw niya. Yes, he asked her out on a date in that exclusive Stallion Island. Pero di niya alam kung gusto nga siya nito.

Jayden made her feel good and scared at the same time. Nawawalan siya ng kontrol sa emosyon niya kapag nasa paligid ito. It was not a good sign.

Blame it on the hot sun. Or on Jayden, The Hotness.

“THIS is not fair! Na-approve na member ng Stallion Island si Arvind James Li? Wala siyang karapatan na maging member!” panggagalaiti ni Remus habang nagdi-dinner kasama ni Imhan. Mula nang magkita sila sa French restaurant na iyon ay mainit na ang ulo nito dahil lang nakita ang dati nitong kaklase sa Medicine School na miyembro na ng Stallion Island.

Pinagmasdan niya ang singkit at charismatic na OB-Gyne na member ng Stallion Island na si Doctor Li sa magazine. “According to his profile, may mga accomplishments siya. He is quite popular as well. Iyon siguro ang pinagbasehan kung bakit siya tinanggap na member.” Kabilang si Arvind Li sa pamilya ng mga businessmen pero pinili nitong magdoktor.

“Wala ba akong accomplishment? I am a surgeon. My family owns a hospital. Ang alam ko kailangan nila ng mapera. Well, I am from a moneyed clan.”

Pinili niyang huwag na lang kumibo. Sa pagkakaalam niya, di lang pera ang pamantayan para makapasok sa dalawang sangay ng Stallion Club. Kailangan ay may sarili nang accomplishment ang isang tao. Iyong di lang nagpapakilala sa pamamagitan ng pera ng pamilya nito. Just like Jayden. He even defied his parent’s wishes to manage their oil business. Pinili nito na gumawa ng sarili nitong pangalan at pangatawanan ang pangangalaga sa kalikasan para sa susunod na henerasyon. Ang katulad nito ang dapat na mapasok sa Stallion Island. Iyong may katuturan sa mundo.

Jayden. Bakit gustong-gusto niyang purihin ito nitong nakakaraang araw? Siguro dahil nang huli silang magkita ay di siya nito kinulit tungkol sa date. Hanggang ngiti at tingin lang ito sa kanya pero ni minsan ay di siya nito tinukso.

She liked Jayden that way. Mas napapansin niya ang magagandang katangian nito. At nami-miss tuloy niya pati ang panunukso nito sa kanya. Malala na yata ang luwag ng turnilyo niya sa utak. She missed him.

“Just relax a bit, will you? It is no big deal if he is a member. Hindi ka naman member ng club nila.”

“Kaya nga gusto kong maging miyembro ng club nila. I am more qualified than Arvind.” Dinuro nito ang sa picture ang mukha ng kinaiinisan. “He stole my ex- girlfriend. And that is where he is good at-womanizing. At kaya ko gustong maging member ng Stallion Island para di na niya masabi na loser ako.”

Yeah! Loser and pathetic. That was what he exactly looked like at the moment. Parang isa itong bata na naiinggit sa laruan ng kalaro. She had never seen this side of Remus. Ang alam niya ay matured na ito. But Arvind Li aroused a different side of him. And she did not like it a bit.

“Why don’t you take a rest? I must be going now.”

Pinigilan nito ang kamay niya at inilapat sa pisngi nito. “Why don’t you stay with me tonight? I don’t want to be alone tonight. Please?”

She didn’t like his leering glance and smile. Alam niya ang ibig nitong sabihin. Gusto nito na magpalipas siya ng gabi kasama ito. Ang lakas naman ng loob nito. Ni hindi pa nga niya ito boyfriend. And he was upset over some guy who stole his ex-girlfriend. Hindi naman siya baliw para sumama dito para I-pacify ito. Ni hindi na nito nirespeto ang nararamdaman niya. Siya ang nililigawan nito pero masama pa rin ang loob nito sa lalaking nang-agaw sa ex-girlfriend nito.

“Goodnight, Remus,” mariin niyang paalam dito.

“Okay,” usal nito at binitiwan siya. “Pero pwede mo bang tawagan si Jayden Arcega? He is a family friend. Baka matulungan niya ko na makapasok sa isla.”

Tumango na lang siya kaya malaya siyang nakauwi. Pero wala siyang planong idamay si Jayden sa kapritso nito. Jeez! Remus was terrible. Pagbibigyan niya ito. Baka sakaling bukas-makalawa ay makalimutan na nito ang Stallion Island. Baka bumalik na ito sa pagiging normal na Remus.

Nasa biyahe siya nang makatangggap siya ng tawag mula kay Rahya. Nakikipagkita ito sa coffee shop malapit sa apartment nila. Nakaabang na ito sa labas ng café nang dumating siya. Di pa nga siya nakakababa ng sasakyan ay lumapit na agad ito sa kanya. “Imhan, tulungan mo ako. Gulong-gulo na ako.”

“Anong nangyari?” Kaninang umaga ay di ito sumabay sa pagpasok. May family emergency daw. At kahit alas diyes na ng gabi ay suot pa rin nito ang uniform sa opisina. Haggard na haggard din ito.

“Umalis ang pinsan ko ng Pilipinas. Nag-away sila ng boyfriend niya. Selfish ang impaktong Misha na iyon. Isinama niya sa bakasyon nila ni Rome ang mga investors. Natural magwawala ang pinsan ko dahil nawalan na naman ng time sa kanya si Misha. Ayun! Nag-alsa balutan. Worried na worried ang family ko sa kanya.”

Paborito ng lolo ni Rahya ang pinsan nitong si Rome na siyang head nito sa creative department ng Define Ads. Di iilang beses na namoroblema ito dahil sa pinsan.

“Baka kailangan lang niyang mag-isip. Hayaan mo muna,” aniya at um-order ng kape. Nanginginig na kasi ito sa galit.

“Hindi marunong mag-isip ng matino si Rome!” Biglang tumaas ang tono nito. “Bago siya umalis, ginulo niya ang kompanya. She deleted all our files for the Stallion Shampoo account. She even gave away our ideas to our competitor.”

Natutop niya ang labi. “That’s terrible!” Alam niya na may pagka-eccentric ang pinsan ni Rahya at manipulative. But this was the worse.

“Naku! Kung makakaharap ko lang si Rome ngayon, pipitpitin ko ang leeg niya. Paano niya nagawang sirain ang lahat ng pinaghirapan ng team? Tapos ipapadala lang niya sa kalaban namin.” Tumingala ito at pinagsalikop ang palad. “Diyos ko! Bigyan po ninyo ako ng marami pang hinahon at baka maipakulam ko siya.”

Hindi nito masabi sa pamilya nito ang problema. Delikado ang kalagayan ng lolo nito. Di naman nito ma-contact ang boss na si Misha Santoros na may meeting sa Stallion Island kasama ang mga village lords.

“So paano na ang problema mo kay Rome?”

Hindi biro ang kinakaharap nito. Ilang buwan nitong pinaghandaan ang Stallion Shampoo account. Tiyak na depress ito dahil iyon lang ang ticket nito para makapunta sa Stallion Island at makilala ang crush na si Prince Rostam. Ang masaklap, apektado pa ang trabaho at pamilya nito.

“Kailangan kong mapuntahan si Misha sa Stallion Island.”

“Paano ka pupunta doon?” tanong niya.

Inilabas nito ang organizer at may tinawagang numero sa cellphone. Mukhang maayos ang pakikipag-usap nito noong una. Siguro ay walang problema sa contact nito dahil nauulinigan niyang gusto pang makasama si Rahya sa Stallion Island. Sana ay wala nang problemahin ang kaibigan niya. She was good at her job. Mabuti rin itong tao. Di dapat masayang ang pinaghirapan nito.

Makalipas ang ilang sandali ay nagbabaga na ang mata nito at bumubula ang bibig sa galit. “Ang kapal ng Doc Maniac na iyan! Akala naman niya cheap ako. Makapasok lang sa isla nila papatulan ko siya? Excuse me!”

Ngumiwi siya dahil mukhang lalong napasama. “Paano ka pa makakapasok ngayon?”

Sinabunutan nito ang sariling buhok. “Hindi ko na alam!”

Kinagat niya ang dulo ng tinidor niya. “Hindi pwede si Lee dahil nasa abroad siya ngayon. Mabait sana iyon dahil volunteer din siya tulad ko sa women’s crisis center. Meron pa akong alam na isa kaso…”

“Ah! Iyong may gusto sa iyong gasoline boy!” Pinapungay nito ang mga mata at pinagsalikop ang palad. “Kung napapadalhan ka niya ng gintong invitation, siguro naman pwede din niya akong ipasok sa isla. Close naman kayo, di ba?”

“Close ko ang nanay niya dahil ninang ko. Pero siya…” Umingos siya. Hinding-hindi siya hihingi ng pabor kay Jayden. Paano kung siya naman ang manganib?

“Katulad ba siya ni Doc Maniac na mapagsamantala?” tanong nito.

“Subukan lang niyang gawin iyon. Takot lang niya sa tatay ko!”

“Then pagbibigyan ka niya. Please! Importante talaga ito. Matitiis mo ba ang kaibigan mo na maghirap? Iyon ngang di mo kilala natutulungan mo.”

Umungol siya. “You are putting me on a tight spot.”

Nakita niya ang paghihirap sa mga mata ng kaibigan. Nakakakonsensiya na di niya ito matulungan samantalang may magagawa naman siya. Pikit-mata niyang tinawagan sa cellphone niya si Jayden habang sunud-sunod ang hugot niya ng hininga. Bahala na! Ang importante sinubukan niya. Kailangan siya ng kaibigan niya ngayon.

“Hello, Jayden!” Di pa ito sumasagot pero nagsalita na agad siya. Baka kasi magbago pa ang isip niya. “Ipasok mo sa isla ang kaibigan ko bukas.”

“Imhan, ikaw ba ito? O nananaginip lang ako?”

“Jayson Alden Arcega, please! This is really important.” May diin at pakiusap na sa boses niya ngayon.

Tumikhim ito. “Kahit pa yayain kitang mag-date dito sa Stallion Island?”

“Sige! Gagawin ko kahit ano ang gusto mo.”

“Yes!” Pigil niya ang paghinga. Nagdiriwang na marahil ito. Pero di ito dapat maging kampante. Kailangang ipakita niya na siya pa rin ang boss.

“Huwag kang magsaya, Jayson. May kondisyon pa rin ako. Ipapadala ko ang kontrata oras kasama ni Rahya bukas.”

“May kontrata pa?” tanong nito. “Okay na sa akin ang matinong usapan.”

“Hindi! Basta mas gusto ko ng matinong kasulatan. Bye!”

Niyakap siya ni Rahya. “Thank you, Imhan. And I am sorry…” mangiyak-ngiyak nitong sabi. “Kung mapapahamak ka…”

“No! Hindi iyon mangyayari.” Kaya niyang protektahan ang sarili niya mula kay Jayden. Titiyakin niya iyon. Kahit ano pang gawin nito, di siya maaakit dito.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.