Chapter Leigh Armaund Lopez: Chapter 5

“Huwag kang hot at ipapakilala din kita sa kanya.”

Siguro naman ay mananahimik na ito ngayon. Gusto sana niyang itanong dito kung bakit wala itong girlfriend. Pero maniwala naman siya. Di pa naman nauubos ng mina ng mga submissive na babae sa mundo. Di naman siguro ito mahihirapan na maghanap ng kalahi ni Maria Clara oras na mabantog na sa mundo na miyembro ito ng prestihiyosong Stallion Island.

“Diyan ba talaga ang upuan mo?” tanong niya nang di pa rin ito umaalis sa tapat niya samantalang nag-take off na sila. “O pwedeng umupo dito kahit saan gustuhin na parang bus?”

“Parang ganoon na nga. Member din ng Stallion Island ang boyfriend mo?”

Inilabas niya ang reviewer niya at nagbasa. Ayaw niyang masentro sa mukha nito o boses ang atensiyon niya. Baka maakit na naman siya dito. Pagtataksil iyon kay TJ. “Yes. Pasensiya na kung di ako masyadong makikipag-kwentuhan sa iyo. Kailangan ko kasing mag-review. Malapit na ang bar exam namin.”

“I know that you will be a good lawyer.”

Matamis siyang ngumiti. “Thank you! Nag-a-assist na rin ako sa ilang case sa Sulong Kababaihan. Director no’n si Tita Yolie. Sana mag-donate ka.”

“Of course. Ako na ang bahalang kumausap kay Tita Yolie. I hope she and your cousins are okay. How’s Thorn?”

“Ayun! May isang maniac na ipinakulong. Kailan kaya mauubos ang mga lalaking di marunong rumespeto sa mga babae?” Isinara na rin niya ang libro dahil nawalan na siya ng mood mag-review. Nagpakuha na lang siya ng kumot sa stewardess. Baka kung saan na naman mapunta ang usapan nila ni Lee. Ayaw niyang pasamain ang unang pagkikita nila sa pamamagitan ng pagsesermon dito tungkol sa karapatan ng mga kababaihan.

“Matutulog ka na?”

Tumango siya. “Gigising na lang ako kapag nasa Stallion Island na tayo. Napagod talaga ako sa review ko.”

“Sweet dreams,” mahinang usal nito.

She’d definitely have sweet dreams. Si TJ at ang Stallion Island. It would be perfect. At paggising niya ay magkakatotoo na ang lahat ng panaginip niya.

Pero hindi siya komportableng matulog. Nararamdaman kasi niya ang mainit na titig ni Lee sa kanya. Humahaplos ang mga mata nito sa balat niya. His gaze was too powerful as if it was his warm breath that was touching her skin… then his hands… and his smart mouth. Katulad ng ginagawa nito sa kanya noong boyfriend pa niya ito.

Tinanggal niya ang eye cover niya. Nahuli niyang nakatitig pa rin ito sa kanya. Ni hindi nga yata ito kumurap man lang. “Lee, I can’t sleep if you’ll keep on staring at me.”

“I just miss looking at you. I haven’t seen you for a long time.”

Na-trap ang hangin sa dibdib niya at saglit na natigil sa pagpa-pump ng dugo ang puso niya. He missed her and as if his eyes were telling her that he still loved her. No. Hindi iyon pwedeng mangyari. Mas maganda kung ma-in love na lang sa ibang babae si Lee. Doon sa kalahi ni Maria Clara. Huwag na sa kanya.

“Gusto ko talagang matulog.” Binitbit niya ang kumot niya at nag-settle sa mahabang sofa malapit sa cockpit. Doon siya humilata. Walang nagawa si Lee. Para matitigan siya nito sa pagtulog, kailangan nitong tumanghod sa tabi niya. Tirikan na rin siya nito ng kandila kung gusto nito.

Sa wakas ay nakaidlip din siya pero di naman sweet dreams ang napanaginipan niya. Hindi si TJ kundi si Lee ang nasa panaginip niya.

Bumalikwas ng bangon si Pinay dahil sa marahang tapik sa balikat niya. Namulatan niya ang magandang flight stewardess. “Ma’am, we are here at the Stallion Island. Kayo na lang po ang naiiwan naming pasahero.”

“Ha?” Nang tumayo siya at inikot ang mata ay wala nang tao doon. Isinuklay niya ang daliri sa buhok. She looked like a mess for sure. Di siya pwedeng tumapak ng Stallion Island nang ganoon ang itsura niya at anumang oras ay makikita niya si TJ. “Pwede bang mag-retouch muna?”

Iginiya siya ng stewardess papunta sa restroom. Dali dali siyang nag-retouch. Gaano ba siya katagal natulog? Di naman siya maiiwan kundi dahil kay Lee. Titig kasi ng titig sa kanya. Mabuti nga wala na ito ngayon. At ipagdadasal niya na sana ay sa ilalim ng tubig o sa ilalim ng lupa ito maglagi habang nasa Stallion island siya para hindi sila magkita.

Pero mukhang mahina ang koneksiyon niya sa langit. Nakaabang na si Lee sa airport terminal habang nakabantay sa luggage nila. Hinawakan niya ang handle ng bag niya. “Thank you sa pagbabantay ng gamit ko.”

Di nito pinakawalan ang bag. “Ako na.”

Nawalan siya ng balanse dahil sa pwersang gamit niya at bumangga siya sa katawan nito. “S-Sorry…”

Huminga siya nang malalim nang maamoy ang mabangong cologne nito. Drat! She imagined lush, dark chocolate covering his body. Parang masarap itong papakin o kahit kainin ng buo. Grrr! Biglang dumilat ang mata niya. Pinagnanasaan niya ito. At minsan na niya iyong ginawa sa cologne ni Ligaya. Pareho ng cologne ang mga ito.

Itinulak niya ang dibdib nito. “Yuck, Lee! Pambading cologne ang gamit mo.”

“Of course not! Panlalaki ang cologne ko! Regalo sa akin ni Kuya Torque.” Magaan nitong pinitik ang noo niya. “Mukhang kulang pa ang tulog. Dapat di muna kita ipinagising sa stewardess kanina. Natulog ka pa sana ng dalawang oras pa.”

“Sana ginising mo ako. Baka naghihintay na ang kausap ko.”

“Don’t worry. Di iyon aalis ng terminal nang wala ka.”

Hinayaan na niyang sumunod sa kanya si Lee hanggang pumunta siya sa arrival counter. She’d be free of him once she’s officially inside the island.

Nakangiti niyang inabot ang pass niya sa babae. Kinuha ng babae ang pass at tumango-tango. “We just need your thumbprint, Sir Lee,” wika ng babae.

Pinigilan niya ang kamay ni Lee nang akmang ididiin na nito ang hinlalaki sa touch screen. “Wait! Hindi siya ang kasama ko,” aniya sa terminal personnel. “Tatawagan ko lang ang contact ko.” Luminga-linga siya at hinanap si Ligaya habang nagri-ring ang cellphone nito. Narinig din niyang nag-ring ang cellphone ni Lee.

Tiningnan nito ang cellphone. “Tinatawagan mo ba ako?”

“Of course not! Iba ang tinatawagan ko.” DI pwedeng si Lee ang mag-approve ng pagpasok niya sa Stallion Island. Ibig kasing sabihin ay magiging responsibilidad na siya nito. At ayaw niyang magkaroon pa ng koneksiyon kay Lee sa kahit anong paraan. Malas iyon sa pag-iibigan nila ni TJ.

“Ma’am, hindi po ba si Mr. Leigh Armaund Lopez po ang contact ninyo?” tanong ng airport personnel at itinuro sa screen ang pangalan ni Lee na siyang magsisilbing host niya sa Stallion Island.

Ilang beses niyang ikinurap ang mata at kinusot pa. Saka nagpapalit-palit ang tingin sa screen at sa screen ng cellphone nito kung saan numero nga niya ang naka-register na tumatawag. “Teka! Paanong nangyari iyon…”

Hinawakan ni Lee ang baba niya. “Ako si Ligaya.”

She inhaled sharply when realization hit her. It was a painful realization. “Lee, isa ka nang bading?” Nasapo niya ang dibdib. “Oh, God!”

Kaya ba wala pa rin itong girlfriend hanggang ngayon ay dahil doon? Jeez! Mahirap siguro ang pinagdaanan nito para itago iyon…

“I am not gay,” he said in a hiss. Hinila siya nito sa gilid at sinenyasan ang personnel na maghintay. “Matagal na akong volunteer sa crisis center. Matagal na kitang nakikita pero di lang ako nagpapakita sa iyo. Kung magpapakita man ako, I want to really look good. Ayokong humarap sa iyo ng mukhang clown. Wala nang maisip sabihin si Einjel kaya Ligaya na lang itinawag niya sa akin. I had to go along with her. Wala naman akong choice kaysa magmukhang katawa-tawa sa iyo.”

“You lied to me?” naniningkit ang mata niyang tanong.

“It was not really my intention. Humahanap lang ako ng magandang pagkakataon para sabihin sa iyo ang totoo.”

Nakuyom niya ang palad. Akala niya ay malinis ang intensiyon ng nag-imbita sa kanya. Na gusto lang siyang tulungan na mapalapit kay TJ. But it was a hoax. Pitong taon silang hindi nagkita tapos paiikutin lang siya nito?

“Lee, sakit mo pa rin ba iyan? Nagsinungaling ka na naman sa akin. Why did you lure me here in the first place? Para ipagmalaki sa akin kung paano ka nang pagkaguluhan ng mga babae ngayon dahil member ka ng club na ito? O gusto mo na magkabalikan tayo. Well, I am sorry. I am in love with someone else.”

“Kanino? Kay Trinidad Javellana, Jr.”

“Excuse me, Miss Cornejo,” singit ng personnel. “Si Sir TJ po ba ang hanap ninyo? Andoon po siya. Papasok na.”

Isang lalaking may bitbit na luggage bag at guitar case ang papasok na ng entrance section ng terminal. Alon-alon ang buhok ng mtangkad na lalaki. Sumikdo ang dibdib niya. “Oh, God! It’s TJ!” Hinabol niya ito. “TJ! TJ!”

She was suddenly lost. Gusto lang niyang makita si TJ at makalayo kay Lee. Lee confused her in so many ways. And he lied to her. Gusto na niyang takasan ang kasinungalingan nito. Gusto niyang makalayo dito. At mananatili lang siyang ligtas mula kay Lee sa pamamagitan ni TJ.

Dumaan na si TJ sa electronic sliding door. Ilang hakbang na lang siya mula dito nang biglang umalingawngaw ang alarm. “Intruder alert! Intruder alert!” anang magandang boses ng isang babae.

Natigilan siya sa pagtakbo at nagulat nang pagkulumpunan siya ng mga tauhan ng security. “Ma’am, you are not allowed to step into this vicinity.”

“Ha? At bakit naman? Hinahabol ko lang si TJ…” Nang lingunin niya si TJ ay nakakunot ang noo nito. Parang isang insekto ang tingin nito sa kanya.

Saka lang nag-sink in sa kanya ang mga pangyayari. Hindi pa siya pwedeng pumasok ng Stallion Island dahil wala pa siyang permiso. At ngayon ay nag-eeskandalo siya sa terminal at pinagtitinginan ng mga tao. Tiyak na pinagtatawanan na siya ng marami dahil sa kahihiyang dinadanas niya.

Gusto na lang niyang sumalampak sa marmol na sahig at tuluyan nang mabaon doon sa kahihiyan. She even made a fool out of herself with TJ as a witness.

“It’s okay. I am with her.” Saka lang nag-alisan ang mga security.

Naluluha niyang tiningnan si Lee. “Lee, nakakahiya talaga!” Isinubsob niya ang mukha sa dibdib nito at ayaw na niyang iangat pa. His chocolate cologne was comforting. Gusto niyang sumubsob na lang sa mukha nito kaysa sa harapin si TJ at ang mundo. Parang ayaw na niyang mangarap… ayaw na niyang tumingin… Doon na lang siya at sisinghutin ang bango ni Lee. Mas safe siya doon.

Hinaplos ni Lee ang likod niya. “It’s okay. It happens.”

Humikbi siya. “Paano pa ako makakaharap kay TJ nito?” Hindi ito ang grand entrance sa Stallion Island na pinapangarap niya.

“It’s a part of life. You have to live with it. Ayaw mo na bang pumasok ng isla? Pwede pa kitang ipahatid pabalik sa Manila.”

Umiling siya. “Gusto ko pa ring pumasok. Pwede pa ba?”

Marahan itong tumango at ngumiti. “Yes. But you have to trust me.”

IBINUHOS ni Pinay sa pagkain ang frustration niya. Madilim na nang pakawalan siya ng security department ng Stallion Island. Dalawang malupit na interrogation ang pinagdaanan niya mula sa security personnel si Ridge at ang head ng security department na si Oliver. Di pa nga siya nakakabawi sa kahihiyan niya, pakiramdam niya ay kriminal siya na kailangan pang uriratin ng mga iyon. It was an SOP for guests who tried to enter the island without proper approval.

Wala naman siyang problema dahil di naman siya isang kriminal o terorista. Nakapasok siya ng isla suot ang mahiwagang singsing na isang security device. Katakot-takot pala na trauma ang daranasin niya bago makapasok doon.

“Sigurado ka na okay lang sa iyo na dito sa villa lang kumain? We have really nice restaurants here with thrilling views even at night.”

“No! This is perfect!” Kumakain sila sa antique mahogany dining table sila sa mukhang makalumang villa na pinili ng kapatid nitong si Torque na miyembro na rin ng Stallion Island. Kung siya ang masusunod ay gusto niyang sa ilalim na lang ng lupa kumain. Kahit kasi ang hangin o ang ulap man sa islang iyon ay parang kinukutya siya. Kung kailan siya tumanda, saka pa siya nagdala ng kahihiyan.

“I am sorry. I didn’t mean to deceive you. Gusto ko lang naman na matupad ang wish mo na makarating dito sa isla.”

“It is okay. Pinadali mo ang pagpunta ko dito. Plano ko nga lumangoy na lang papasok dito o kaya humukay sa lupa tapos dito na ang labas ko.”

“You really hell bent on meeting TJ, huh!”

Humigpit ang hawak niya sa tinidor at steak knife. “Hindi talaga ako titigil hangga’t hindi kami nagkakakilalang mabuti. Nakakahiya lang talaga sa terminal kanina. He must think that I am some lunatic. May bodyguard pa akong security.”

“Ang importante nakapasok ka na dito. So you owe me a kiss.”

Natigilan siya sa pagsusubo ng prawn with garlic sauce. “Ha? Anong kiss?” Nabagok ba ang ulo niya kanina at nangakong hahalikan ito?

“Sabi mo hahalikan mo ang sinumang magpapasok sa iyo dito sa isla.”

Binitiwan niya ang hawak na kubyertos at magaang dinampian ng napkin ang bibig. “Huwag mong sabihing pinapunta mo lang ako dito para mahalikan mo ako? Akala ko pa mandin malinis ang hangarin mo sa akin.”

“Hindi ako ang nagsabi na hahalikan mo ako ng sinumang magpaapsok sa iyo dito. It was you. And I’d do anything to be with you and get a kiss from you.”

Gusto niyang mairita dahil may ulterior motive naman pala ito sa kanya. Malay ba naman niyang seseryosohin siya nito.

Well, that was Lee for you. Kahit ano yata ang gagawin nito noon para sa kanya. And he went through all those trouble just to get a kiss from her. At aminado siya na dapat niyang pangatawanan ang sinabi niya. He deserved that kiss.

“Gusto mong maningil na ngayon?” tanong niya.

Tumango ito. “Sure! But you can take your time.”

“Madali naman akong kausap. Sandali lang.” She scooped a spoonful of garlic sauce. Halos isinabaw niya iyon sa kanin at sunud-sunod na sumubo. Kumuha din siya ng maraming onion ring at pinapak. Nakamasid lang si Lee sa kanya. Nang mag-init na ang bibig niya dahil sa nakain niya ay hiningahan niya ang palad. Nang masiyahan siya sa nakakasulasok na amoy ng hininga niya ay nakangiti siyang bumaling kay Lee. “Ano? Ready na ako.” Ibinuka niya ang bisig. “Come to Mama!”

Humalakhak ito at uminom ng orange juice. “You really don’t play fair. Do you think I deserve that kind of kiss?”

Ngumisi siya. “Sorry, dude! Para kay TJ lang ang matamis kong halik.”

“Well, I deserve that more than he does. Kung wala ako dito, hindi mo rin siya makikita dito sa Stallion Island. Ni di ka makakatapak dito. And I want that sweet kiss, Pinay. I will claim it on my own time whether you like it or not.”

He said it in a slow, caressing voice that made her tick. Even his gaze was smoldering that could make her insides melt. Urgh! Ano bang ginagawa ng lalaking ito sa kanya? Paano pala kung di siya kumain ng santambak na bawang at sibuyas? Malamang ay hinalikan na siya nito at tuluyang nawala sa katinuan.

“My kiss is mine to give.” Kinuyom niya ang palad. “At kahit pa sabihin mo may utang ako sa iyo, pasasabugin ko ang mukha mo kapag hinalikan mo ako nang wala akong consent o hindi ko gusto. Kaya kung hindi mo ako hahalikan ngayon, baka wala ka nang ibang pagkakataon.”

Natitiyak naman niya na di ito magte-take ng chance kung ayaw nitong maisugod sa ospital. Nagulat siya nang bigla itong tumayo at naglakad paikot sa mesa. Itinukod nito ang kamay sa mesa at sa sandalan ng upuan niya. “Of course I won’t miss this chance!”

Napalunok siya nang unti-unting bumaba ang mukha nito sa kanya. Is he serious? Hahalikan ba talaga siya nito? He must be nuts! Kahit Boy Bawang ay hihimatayin sa hininga niya. Yuck! Ganoon ba kadesperado si Lee na halikan siya?

Ipinikit niya ang mga mata at hinintay ang pagdampi ng labi nito. When was the last time that she was kissed? Si Lee pa huling ang nakahalik sa kanya. Pitong taon na pala siyang tigang. Her chest swelled with anticipation. Ibig sabihin ay para siyang tuyong lupa na malapit nang mapatakan ng ulan. Lee was a good kisser and that was one of the best parts of their relationship. At matitikman ulit niya iyon.

Naramdaman niya na sumayad ang labi nito sa noo niya. “Mag-toothbrush ka na at matulog. May meeting pa ako bukas nang umaga at malamang pagod ka na rin. Marami pa namang pagkakataon para sa paniningil ko sa iyo.”

Halos malaglag na ang puso niya sa kahihintay sa halik nito tapos ay di naman pala nito itutuloy. Hindi rin naman siya basta-basta makakatulog kaya kakain na lang siya. Kailangan pa niya ng isang bonggang-bonggang plano sa pagkikita nila ni TJ. At ang halik ni Lee…ila-lock na lang niya ang kuwarto at magbabaon ng bawang para hindi ito makatiyempo ng halik sa kanya. Asa pa ito.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.