Chapter Leigh Armaund Lopez: Chapter 6

Nakaka-depress ang araw na iyon dahil sa ulan. Dapat ay maagang babangon si Pinay para makapamasyal sa isla at masilayan ang pagsikat ng araw. Di siya nakanood ng sunset nang nakaraang araw dahil ibinuro siya sa security office ng terminal. Ngayon naman ay ayaw siyang sikatan ng araw. Madamot yata ang araw sa kanya. Paano niya makikita si TJ nito kung nag-uuulan?

Naka-nightdress pa siya nang lumabas ng kuwarto. Nagkagulatan pa sila ni Lee lalo na nang hanginin ang buhok niya at ang nightdress niya. “O! Akala ko ba may meeting ka ngayon. Bakit hindi ka pa bihis?”

“Gigisingin sana kita para mag-breakfast.” Sapo nito ang dibdib at huminga nang malalim. “Ano ba iyang itsura mo? Parang kaluluwang ligaw ka.”

Noon lang siya ngumiti sa umagang iyon lalo na nang makita ang pamumutla ni Lee. “Hahaha! Hanggang ngayon takot ka pa rin sa multo. Hindi mo pa rin ma-get over iyong multo na nakita mo sa UPLB. Alam ba iyan dito sa isla?”

“Wala namang multo dito. Di ko na kailangang ipaalam.”

“Whoo! Tapang-tapangan,” kantiyaw niya at naglagay ng pagkain sa plato.

“Paano kung takot din sa multo si TJ?”

“Yayakapin ko siya para di siya matakot. Ganoon ko siya kamahal.”

Bahagyang lumungkot ang mga mata nito. “Unfortunately, hindi mo siya pwedeng makita. Katatanggap ko lang ng announcement na bawal bulabugin si TJ sa loob ng isang linggo. Except during emergency or unless Prince Rostam or one of the village lords wants to see him.” At ipinakita nito ang announcement sa messenger nito sa laptop.

“Totoo ba ang impormasyon na iyan?” Baka naman niloloko lang siya nito para hindi niya piliting makita si TJ.

“Kung ipipilit mo ang gusto mo, baka ireklamo ka pa niya. It won’t be good for my record lalo na’t isang linggo pa lang akong member dito. And it won’t good for you either. Ayaw ni TJ nang inaabala niya sa music niya. Isa sa policy sa isla na igagalang ang privacy ng bawat isa.”

Ikinumpas niya ang kamay. “I get it! Basta si TJ ang may gusto, susunod ako. Pero one week ko siyang di makikita? Bakit pa ako nandito?”

Hinaplos nito ang pisngi niya. “Tayo muna ang mag-date.”

Umurong siya dahil sa mumunting kuryenteng dumaloy sa ugat niya. “Ayoko nga! Magre-review na lang ako. At magtrabaho ka na at magpayaman!”

Disoriented na nga siya sa haplos nito, di pa siya makakain nang maayos. Matitiis ba niyang isang linggo itong kasama nang nahuhulasan ang katinuan niya? Di niya alam kung worth it bang makasama ang guwapo niyang ex-boyfriend kung kailan malapit na niyang maabot ang lalaking pinapangarap niya.

“Huwag mo akong papasukin habang nagsa-shower ako!”

“Ambisyoso ka! Kung ikaw si TJ, kagabi pa kita ginapang.”

“TJ! TJ! If I know, you still have the hots for me.”

Nasobrahan na yata si Lee sa kadidikit sa mga kaibigan nitong chauvinist kaya todo-todo na ang kompiyansa nito. Her common sense told her to go home. Humanap ng ibang pagkakataon para makita si TJ. Pero mas lamang sa kanya ang manatili doon kasama si Lee. May kung anong pumipigil sa kanyang umuwi at iwan ito.

She was starting to clear the table when she heard the doorbell ring.

Pagbukas niya ng pinto ay pumasok agad ang limang babae. Pare-pareho kasing kulot ang buhok ng mga ito at naka-bikini top at mini skirt lang na pare-pareho ng design pero iba’t iba ang kulay. Naka-shades kahit maulan sa labas.

“Lee, we miss you! May dala kaming cake for you,” sabi ng babaeng may naka-print na pangalang Rhann sa magkabilang parte ng bikini top nito.

At tuloy-tuloy ang lima hanggang sa sala. Tumuloy pa ang isa sa DVD player ni Lee at tangkang magsasalang ng CD. Binawi niya ang CD sa babae at ibinalik sa lalagyan. “Excuse me! Sino ba kayo?”

Hindi ba nakikita ng mga ito na naroon siya? Ang normal na tao ay nagpapaalam muna bago pumasok. At kung matitinong babae ang mga ito, dapat ay nagtatanong muna bago makialam ng gamit ng iba.

“Don’t you recognize me? I am Merian de Vera! I am a star!” nakapamaywang na sabi ng babae at kinuha ulit ang CD sa kanya.

“And we are the Sirens!” sagot naman ng apat pa.

Sirens? Ano ang mga ito? Bagong grupo ng dancer? Baduy na singer o mga starlet na feeling sikat? Di pa mandin siya nanonood sa mga baduy.

“Nasa shower si Leigh Armaund ngayon.” How dare Lee! Bakit pinapayagan nitong umaligid ang mga babaeng cheap sa bahay nito? Ibig sabihin ay labas-masok lang ang mga babaeng iyon sa bahay nito? Eeeew!

“Nasa shower siya!” tilian ng mga ito.

“Oh, gosh! I’ll go check him!” At sumugod sa hagdan ang mga ito. Balak talagang pasukin si Lee sa shower. Jeez! Kahalayan ang magiging eksena oras na pinabayaan niya ang mga ito. Baka di na niya mairespeto pa si Lee bilang isang tao oras na ma-harass ng mga sirenang malansa!

Dali-dali siyang humarang sa hagdan. Hindi siya papayag na malapastangan si Lee. “Hindi ninyo siya pwedeng puntahan. If you want to see Lee, you have to wait here.” Kahit magkamatayan ay di niya padaaanin ang mga ito.

“Sorry, yaya! Hindi kami nakikipag-usap sa mga lowly people. So go!”

Yaya? Lowly people? Gustong hampasin ni Pinay ng carpet ang mga ito sa mukha. Kung parang yaya na pala siya at mababang tao, anong klase pa kaya ito? Ang lamig-lamig ng panahon sa labas pero parang magsa-sunbathing. Hindi ba mga wala lang sa matinong isip ang gumagawa niyon? Siya nga ang dapat magtanong kung dapat pa niyang kaharapin ang mga ganitong klaseng tao.

“I am sorry. Pero hindi ako yaya…”

Humawak si Merian sa magkabilang hamba ng hagdan. “Then you must be his alalay. Get out of our way. O magpapatawag ako ng security.”

“Pati PNP, Marine, Coastguard, AFP at PNR…” dagdag ni Francey.

Nilingon ito ni Merian. “What’s PNR?”

“Philippine National Railroad.” Ipinamaywang pa ni Francey ang isang kamay na at tumayo na parang kalahok sa beauty pageant. “Para ma-railroad siya. Siguro naman matatakot siyang sagasaan ng tren. Marami nang namatay doon.”

Sinapo ni Merian ang noo. “You are so tanga talaga. There’s no PNR anymore. They already make baklas the riles. LRT and MRT na lang.”

Nasapo ni Francey ang bibig. “Oh, I’m sorry! I’m only seventeen and it’s my first time to be tough ten. My family… pamily… is are…”

Pumalakpak si JK. “Thank you, Miss Philippines.” At kumaway naman si Francey bilang pagtatapos ng speech nito.

Naiinis na siya. These people are wasting her time. Akala ba niya ay mahigpit ang security sa isla? Bakit nagpapapasok ng mga lunatics doon?

“Di ko pa rin kayo patutuluyin sa kuwarto niya.” Gagamitin niya ang martial arts skills niya oras na nagsipalag ang mga ito. Para sa puri ni Lee!

“Baka kailangan niya ng padulas,” sabi ni Rhann kay Merian.

Tumirik ang mata ni Merian at inilabas ang wallet nito sa pouch. “I don’t have cash. Just five hundred pesos.” Inabot nito ang limang daang pisong papel nang nakahawak sa dulo ng papel. Parang nandidiri ito. “Take it!”

“Five hundred? Do I look cheap to you?”

Jeez! Akala ba niya ay kasosyalan ang mga ito? Tapos ay babayaran ang puri ni Lee sa kanya sa halagang five hundred pesos? Kahit siguro ang mga bugaw sa oras ng Great Depression ay di tatanggap ng ganoon kaliit na halaga. Que horror!

Tumirik ang mata ni Merian at naglabas ng checkbook. “Fine! I hope ten thousand pesos is okay with you. Hindi na ako cheap no’n. Sana tumatanggap ka ng check. That is all I got.”

Desperada talaga! Magbabayad para lang sa lalaki! Mas gusto niya na maglaho na lang ito sa harap niya.

Ngumiti siya ng sarkastiko. “Ipambayad na lang ninyo iyan sa abogado ninyo. I am Lee’s lawyer. Pwede ko kayong trespassing at attempted sexual harassment. Kaya umalis na kayo dahil kapag naabutan kayo ni Lee, tiyak na ipapa-ban niya kayo dito sa Stallion Island.”

“Umalis na tayo,” nangangaligkig sa takot na sabi ni JK.

“Hindi mo kami kailangang itaboy. We are leaving!” Nakapamaywang na humarap si Merian sa mga kasama. “Sirens, let’s go!”

“Oh, my gawd!” bulalas ni Francey. “The cake! Our cake.. his… her cake?” At tinangkang kunin ang cake na nasa mesa.

“Pabayaan mo na iyan!” gigil na bulalas ni Merian at kinaladkad ito palabas ng bahay. “Ayokong ma-ban sa isla na ito dahil lang sa isang lalaki. How about the rest of the Stallion boys? Sayang ang chance na ito!”

Marahan niyang isinara ang pinto. “Hihihi!” hagikgik niya na parang mangkukulam at hinarap ang cake. “Patay kang cake ka ngayon.” Choco marshmallow cake ang dala ng mga ito. Napapikit siya nang matikman ang masarap na cake. “Mmmm! May taste naman pala siya pagdating sa cake.”

Nasa pangalawang slice na siya ng cake nang bumaba si Lee. Nakaligo na ito at nakasuot na ng business suit. “Wow! Cake! Mukhang masarap.”

“Masarap talaga.” Sumubo siya at pumikit para ipakitang masarap. “Mmmm!”

“Gusto ko rin ng cake.”

Tinampal niya ang kamay nito nang akmang kukuha. “Akin lang ito! Kabayaran ito sa pagprotekta ko sa puri mo.”

Kumunot ang noo nito. “Anong puri?”

“Dumating dito iyong mga sirenang malansa?”

“You mean the Sirens?”

“Yes! They just barged in here. Basta na lang pinakialaman ang mga gamit mo. Tapos tinawag pa akong yaya! The nerve! Ganoon na ba mga type mo?”

Hinaplos ng daliri nito ang gitna ng magkasalubong niyang kilay. “No. They are not my type. Gawain talaga nila iyon. Some girls come to have fun with rich and popular guys. And they walk around here as if they own us.”

“Gusto ka nga nilang pasukin sa shower. Pasalamat ka sa akin dahil sinabi kong abogado mo ako. Pwede ko silang kasuhan ng trespassing at sexual harassment kapag pinilit nilang pasukin ang shower mo. Okay na sa akin itong cake tutal wala pa akong lisensiya. Kung mas galante ka, padala mo na lang sa account ko ang bayad mo sa professional fee ko.” May bodyguard na ito, may abogado pa.

Humalakhak si Lee at ikinulong ang mukha sa palad nito. “Thank you, Pinay! You are really an angel.” Natigagal siya nang bigla siya nitong kintalan ng halik sa labi. For a moment, she felt volts of electricity rush through her.

“Thank you! That kiss is better than onion and garlic flavor. Babalik na lang ako mamayang lunch. Kundi man, magpapa-deliver pa ako para sa iyo. Bye!”

Nakatulala siya kahit nang makaalis na si Lee. Ni di siya gumalaw sa kinauupuan. It was just a simple kiss but she heard the buzzing sound in her ear. Nanlalamig din ang kamay niya. Ano bang nangyayari sa kanya?

Hindi na dapat maulit ang halik na iyon. Sa susunod na halikan siya nito… well... that kiss was sweet. Alam din niya kung gaano kagaling humalik si Lee, given the chance. Kung may isang parte ng relasyon nila na nadominahan siya nito, iyon ay pagdating sa paghalik.

Kaya di na dapat maulit iyon. Kay TJ lang naka-reserve ang torrid kiss niya.

SAPO ni Pinay ang ulo. Walang pumapasok sa utak niya. Dumadaan lang sa paningin niya ang mga letra sa law book. Pangatlong araw na niya sa Stallion Island. Ginugol niya ang lahat ng iyon sa pagre-review. Maulan pa rin sa labas kaya di pa siya lumalabas. Tatlong araw na rin siyang nagkukulong sa kuwarto para di makita si Lee at nagkukunwaring nagre-review. Dinadalhan na lang siya nito ng pagkain at di inaabala sa pagre-review niya. Malapit nang sumabog ang utak niya. May tatlong araw pa bago lumabas si TJ sa lungga nito. May tatlong araw pa siya para mag-concentrate sa pagre-review.

Napapitlag siya nang kumatok si Lee sa pinto ng kuwarto niya. “Pinay, iiwan ko dito sa pinto ang dinner mo.”

“Thank you!” sigaw niya at nang marinig ang yabag ng paa nito na palayo ay nagkukumahog siyang kunin ang pagkain. Hangga’t maari ay ayaw niyang makaharap si Lee. Baka mamaya ay nakawan na naman siya ng halik. Ngayon pa nga lang ay nawawala na ang konsentrasyon niya sa pagre-review. Ayaw niyang mawala pa pati ang atensiyon niya sa kay TJ.

Shame on him if he kissed her once. Shame on her if she allowed him to kiss her twice. Dapat mabura na sa isip niya ang halik nito.

Si TJ ang gusto niya. Si TJ na ang mahal niya. Kung kinakailangan na mag-akyat bahay gang siya sa villa ni TJ o aswangin niya ito para makita niya ito at mabura na sa isip niya si Lee ay gagawin niya.

Naubos na niya ang hapunan niyang beef stew pati ang chocolate cake niyang dessert. Kinukumbinsi pa rin niya ang sarili niya na walang halaga sa kanya si Lee. Na di niya ito kailangang makita. Na lalabas lang siya sa lungga niya oras na panahon na para magkita sila ni TJ. Pero bakit parang gusto niyang makita si Lee?

Matapos ang mahabang deliberasyon ay nagdesisyon siyang lumabas ng kuwarto. Naabutan niya si Lee na nakatutok sa laptop computer nito. Dali-dali nitong iniwan ang ginagawa nang makita siya. “Tapos ka nang kumain?”

“Oo. Nabusog nga ako.”

“Anong gusto mong midnight snack?” tanong nito at kinuha ang bitbit niya. “Kagabi nga di ka na halos natulog. Bukas pa rin ang ilaw mo hanggang alas singko.”

“Oo. Nag-review lang ako.” Ni-review niya ang kissing scene nila sa kukote niya. Di rin siya makatulog dahil doon. Babagsak talaga siya sa exam kapag patuloy niyang iisipin si Leigh Armaund.

Huhugasan na niya ang plato nang pigilan nito ang kamay niya. “Huwag mo nang hugasan iyan. Baka mapasma ka. Pagod ka sa kare-review mo. Ako na.”

“Ha? Hindi ba ikaw nga ang babad sa computer?” Maghapon itong nakikipag-meeting at nagtatrabaho. Minsan nga ay may video conference pa ito sa mga kliyente nitong nasa abroad at sa opisina nito sa Manila kung saan partner na ito sa isang business consulting firm.

“Wala iyon. Kaysa naman ikaw ang mapagod.” At binuksan ang gripo.

Ginitgit niya ito. “Prinsipe ka kaya sa inyo. Baka mamaya pagalitan pa ako ng kuya mo dahil pinagliligpit ko ang bunso nila.” Maagang namatay ang mga magulang ni Lee sa isang car accident. Ang Kuya Torque na nito ang nag-alaga sa mga kapatid nito at si Lee ang higit na pinrotektahan ng magkakapatid para di nito maramdaman ang maagang pagkawala ng mga magulang.

Inilapit nito ang mukha sa kanya at tinitigan siya nang matiim. “Kung halikan na lang kaya kita kaysa magligpit ka?”

Parang nakalulon siya ng isang malaking bayabas at bumara sa lalamunan niya. Di siya nakakilos o nakapagsalita man lang. Kung gagalaw siya o kahit huminga man lang ay baka bigla na lang siyang tuklawin nito.

Kung gumalaw na kaya siya para halikan siya nito?

No! sigaw ng isang parte ng utak niya. Di pwede! Baka lalo siyang di makatulog mamaya. She knew that Lee was holding back before. She knew the intensity of his passion. She could see it in his eyes. At di pa siya handang harapin iyon. Gusto niyang panatilihin ang katinuan niya.

“S-Sige! Sa labas muna ako!”

At nagkukumahog siyang pumunta sa verandah para sumagap ng hangin. Kailangang bumalik agad ang normal na sirkulasyon ng hangin sa katawan niya o mako-comatose siya. Only Lee could make her feel breathless and heady at the same time. Lee! Lee! Lee! Sawang-sawa na siya!

Napapitlag siya nang buksan nito ang sliding door at umupo sa rattan chair sa verandah. “This is the most fantastic sight after a day’s work.”

“Ha?” usal niya at nilingon ito. Nakatitig kasi ito sa kanya. As if she was the most beautiful sight. Mabilis niyang iniwas ang mga mata. Pilit siyang nag-focus sa madilim na langit at dagat. May kalakasan pa ang hangin at umaambon pa. “M-Maganda pala ito sa isla kahit na makulimlim.” Pilit siyang tumawa at inunat ang dalawang kamay. “Maswerte ka talaga dahil member ka dito.”

Ang totoo ay walang exciting sa view. Mukha siyang tanga dahil puro basura na lang ang lumalabas sa bibig niya. Buti nga ay di siya nautal. Nakakailang ang titig nito. Kung di siya iiwas, baka maging gelatin ang tuhod niya.

“Hindi naman ako maswerte dahil member ako dito. Mas maswerte ako dahil kasama kita ngayon.” Tumayo ito sa tabi niya at pinagmasdang mabuti ang mukha niya. “You are the most wonderful sight, Pinay.” Kinuha nito ang kamay niya at idinampi ang palad sa pisngi nito. “I miss you.”

Parang hinampas siya ng alon habang nakatitig sa malamlam nitong mata at habang nararamdaman ang init ng balat nito sa kanya. For sometime, she missed hearing those words from him. Iyon ang sinabi nito noong huling beses siya nitong tawagan bago ito pumunta sa Amerika para sa Masterals nito.

Parang isang bahagi ng puso niya ang muling nabuhay. A part of her heart that was longing for him and still loves him.

“No!” mahina niyang usal at nagtatakbo pabalik sa kuwarto niya.

Ayaw na niyang bumalik doon. Lee hurt her once. Di na siya babalik doon. Mabuti nang kaibigan na lang ang ituring niya dito. At naroon siya para kay TJ kahit sabihing kabaliwan iyon. Mas kabaliwan kung mamahalin pa ulit niya si Lee.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.