Nakapangalumbaba si Pinay habang inaayos ng may-ari ng flower shop na si Noah ang mga bulaklak. Ngayon lang siya nakakita ng guwapo at makisig na florist. At natitiyak niyang di ito miyembro ng kabadingan. Drat! Kundi lang talaga niya mahal si TJ, masarap sanang mag-shopping ng guwapo at machong kalalakihan sa Stallion Island. Di nga niya maiwasang lumingon minsan.
“I am sure Lee will love the flowers,” sabi ni Noah habang pinuputol ang stem ng red rose. Matapos ang tatlong araw na pagkukulong sa villa ni Lee, sa wakas ay nakalabas na rin siya. Maganda ang sikat ng araw sa labas. Magandang pagkakataon para makita mamasyal sa isla. Kaya naman nang matiyak niyang umalis na ito para makipag-meeting kay Rouen na isa sa village lords ay tumiyempo din siya ng labas. Nagulat lang siya dahil parang may nakatatak sa noo niya na nakalagay na Lee’s girl. Lahat kasi ng mga miyembro na makilala niya ay iyon ang sinasabi. “Ah, you must be Lee’s girlfriend. Welcome to Stallion Island.” Asar!
Walang kaide-ideya ang mga ito na naroon siya para makita si Trinidad Javellana, Jr. At ang mga bulaklak na iyon ay para kay TJ. Hindi kay Lee.
“Here’s my card,” aniya at inabot ang credit card. Sana ay matapos na agad ang ginagawa nitong flower arrangement para kay TJ niyang mahal para naman makasibat na siya at di na marinig pa ang pangalan ni Lee. Panira sa pag-iibigan nila ni TJ. Baka makarating pa kay TJ iyon, ayawan agad siya.
“It’s okay. Lee will handle it. Lahat ng purchases ng guest naming mga member dito sa Stallion Island ay naka-charge sa amin.”
“Okay.” Babayaran na lang niya kay Lee ang mga bulaklak. Pumara siya ng jeepney na open ang magkabilang gilid at siyang official mode of transportation sa isla. “Sa villa po tayo ni TJ Javellana.”
“Ma’am, bawal pong pumasok sa villa niya,” anang driver.
“Di mo naman ako ihahatid sa loob ng villa niya. Sa labas lang.”
“Dadalawin ba ninyo siya, Ma’am?” usisa ng driver habang bumibiyahe sila papuntang Rainbow Village kung saan naroon ang villa ni TJ.
“Sana. Importante kasi ang sadya ko sa kanya.”
“Huwag na kayong mag-attempt, Ma’am. Galit siya sa mga nanggugulo sa kanya. Kaya nga mahigpit ang security dito para sa mga members na gusto ng privacy. May isang guest nga dito na nagpilit pumasok sa villa niya. Ayun! Humingi ng protection order. Hindi makalapit sa kanya.”
Napangiwi siya. Di niya ma-imagine na hihingan din si TJ ng protection order para layuan niya. Di pwedeng mangyari iyon. Mabubulilyaso ang pag-ibig niya.
“Thank you sa advice, Manong. Pero di naman ako siguro niya ako ipapa-ban dito. Importante lang ang sadya ko.”
Mabuti naman ang hangarin niya kay TJ. Gusto lang siguro nito ng panahon para sa musika nito. Ganoon naman ang mga artist. Gusto lang naman niyang makita si TJ kahit isang saglit at matiyak na wala itong sakit ay masaya na siya.
Inamoy-amoy pa niya ang bulaklak bago bumaba sa tapat ng villa ni TJ. Mula sa concrete fence ay tanaw niya ang malawak na garden ng villa nito. Parang napakatahimik. Nag-doorbell siya. Siguro naman ay maririnig siya nito. Makalipas ang ilang minuto ay wala pa ring lumalabas. Nag-doorbell ulit siya.
“Miss, si TJ ba ang hinihintay mo na magbukas niyan?” tanong ng lalaki sa kabilang gate at naglakad palapit sa kanya.
“Yes. Ibibigay ko lang sa kanya itong bulaklak.”
“I am Quillian, TJ’s neighbor. I don’t think giving him those flowers would be a good idea. Ayaw niya ng makukulit na fans. Mabuti pa iwan mo na lang ang mga iyan diyan. Baka lumabas din siya mamaya at tingnan kung may mga messages siya sa mailbox. I wonder what’s wrong with that guy. Ang mga pwede lang mag-message sa kanya sa online messenger namin village lords at si Prince Rostam. Kahit akong kapitbahay niya sinusupladuhan niya. Kung may gusto daw kaming ibigay na message sa kanya, iwan na lang namin sa mail box niya.” At itinuro nito ang mail box mas mukhang bird house na nakatayo sa tabi ng daan.
“Thank you for the information.” May pagka-hermit pala si TJ. Pero isang impormasyon ang nagpakislap sa mga mata niya. Lalabas din daw ito mamaya.
Yehey! Pag-alis ni Quillian ay sumalampak siya sa tabi ng daan at hinintay ang paglabas ni Lee. She was excited to see him after a long time. Tapos na ang mahabang panahon ng pagtatago nito sa kanya. Kailangan niya si TJ para plantsahin ang lahat ng gusot sa buhay nito tulad nang minsan nitong itinuwid ang buhay niya dahil sa kabiguan niya kay Lee.
Lumipas ang ilang minuto. Wala pa ring TJ na sumusulpot. Niyakap niya ang sarili nang umihip ang malakas na hangin. Nalaglag ang mga dahon mula sa puno ng mangga. Natuto na lang siyang bilangin kung ilan ang tuyong dahon na nalaglag.
Nang magsawa siya sa mga tuyong dahon ay ang mga jeepney naman na may lamang miyembro at guest ang nagdadaan. Binibigyan niya ng score ang kasamang babae ng mga ito. Beinteng jeepney na ang nakalagpas at nalait na niya ang mga babaeng sakay niyon. Lumipas ang isang oras. Naging dalawang oras.
Kumakalam na ang sikmura niya. Wala pa ring TJ na lumalabas sa lungga nito. She could even hear the faint music from his electric guitar. Umaangil iyon. Parang galit sa mundo. Nag-doorbell siya. Wala pa ring sumagot.
May jeep na dumaan kung saan may kinakaing hotdog on stick ang magkaparehang sakay nito. Narinig niya ang pagprotesta ng sikmura niya. “Bumalik na lang kaya ako sa villa ni Lee?”
Tiyak na di siya magugutom doon dahil may stock ng pagkain. Pero ayaw na niyang maisip pa ang alaala ni Lee. Isang TJ Javellana lang ang makakabura niyon. At kung uunahin niya ang sigaw ng sikmura niya, baka makalagpas ito sa paningin niya oras na umalis siya.
“Konting tiis pa, Naypi! Tiis pa!” aniya habang yakap ang sariling baywang.
Isang jeepney ang tumigil sa tapat niya. May tatak iyon ng Banyan Tree Restaurant. “Miss Cornejo?” magalang na tanong ng lalaking nakasuot ng damit ng waiter mula sa naturang restaurant. “Delivery po para sa inyo.”
“Delivery para sa akin?”
Nagulat na lang siya nang ipaglatag siya nito ng picnic blanket sa damuhan na nasa harap ng bahay ni TJ at sinimulan ding I-serve ang pagkain niya.
“A-Anong nangyayari dito?” tanong niya nang ilapag nito ang plato sa picnic blanket pati ang mga masasarap na pagkain.
Isang note ang inabot nito sa kanya.
Enjoy your lunch- Lee
Padala ni Lee ang mga pagkaing iyon sa kanya? Paano nito nalaman? Sinabi ba ni Quillian? Di na mahalaga kung sino pa ang nagsabi kay Lee. Ang importante ay makakakain na siya sa wakas at nasagip siya mula sa matinding gutom.
She didn’t expect that. Akala niya ay magagalit si Lee oras na malaman nitong umalis siya ng villa para puntahan si TJ. Pero kung di naman ito galit at suportado pa siya nito, then it’s good news.
Sa loob ng ilang minuto ay nasimot niya ang pagkain. Iniligpit din ng waiter ang pinagkainan niya. “Would you like to order anything for snacks, Ma’am? Pinapatanong din po ni Sir Lee.”
Umiling siya. “Hindi na kailangan. That’s all. Thank you.”
Magpapasalamat din siya kay Lee pero mamaya na kapag nakita na niya si TJ. Ayaw niyang makita pa si Lee habang frustrated pa siya kay TJ.
Nang umalis ang waiter ay isang babae naman ang may dalang reviewer niya at music pod. “Ma’am, pinabibigay po ni Sir Lee para daw di po kayo mainip dito.”
“Thank you!” aniya sa babae.
Di niya maiwasang magustuhan pang lalo si Lee. Dati rin ay asikasong-asikaso nito ang lahat ng kailangan niya. That was one thing that she loved about Lee. Di na nga lang niya kailangan dibdibin ang sweet gestures nito. Concern lang ito sa kanya dahil di biro ang ginagawa niyang paghihintay kay TJ.
Di na siya masyadong naiinip ngayon. Mag-aalas tres na nang manakit ang likod niya kasasandal sa puno at hinihintay ang paglabas ni TJ. “Kaya ko pa ‘to!” Huwag naman sanang maging madamot si TJ sa kanya. Willing talaga siyang mag-vigil sa harap ng bahay nito kahit abutin pa siya ng ilang araw doon.
Isang jeepney ulit ang tumigil sa tapat niya. Isang lalaki ay may dala ulit na picnic basket pero di na ito waiter. It was Lee himself.
“Hello! Mukhang komportable ka na dito.”
“Yes! Pwede na nga akong tumira dito.” Nag-Indian sit siya. “Thank you sa music pod, sa libro at sa pagkain. Hindi ko inaasahan na gagawin mo iyon.”
“What did you expect me to do? Pull you by the hair like some barbaric?”
Nagkibit-balikat siya. “Maybe. O kaya sermunan mo ako dahil baliw ako kay TJ.”
Umupo ito sa tabi niya. “I’d love to. Sino bang lalaki ang matutuwa? You are gushing for another man. My friends find it insulting. Pero wala akong magagawa kung gusto mo si TJ, hindi ba? Hindi ko lang maintindihan kung paanong basta-basta ka na lang maghahabol sa isang sikat na tao. You are like some crazy fan. Baka mamaya pagkamalan ka pang stalker.”
Sumandal siya sa likuran ni Lee. Di niya alam kung bakit mas gusto niyang magkatalikuran sila habang pinag-uusapan nila ang tungkol kay TJ. “TJ isn’t some ordinary celebrity. He changed my life.”
“You are perfect. Ano pa ang babaguhin mo?”
Malungkot siyang ngumiti nang maalala ang araw na nagkita sila ni TJ sa unang pagkakataon. “Kaga-graduate ko lang noon. I went out with Andrya and the girls. Depress na depress ako noon. Ilang buwan pa lang after ng break up natin. I was totally wasted, emotionally and physically.” Grabe na nga ang stress niya dahil pa-graduate siya. Nadagdagan pa ng problema niya kay Lee. Nag-sink in lang ang break up nila nang maka-graduate na siya. Noon lang siya nagkaroon ng pagkakataon na makapag-isip at makaramdam. “Isinama nila ako sa gig ni TJ to have fun. Those three were gaga over him. It was not love at first sight though. I was still pinning for you. Until he sang that sad song. Bagong kanta lang daw iyon. It is about losing your heart to someone and that person crushed you. Umiyak ako.”
Tinamaan siya sa kantang iyon. Umiyak siya nang umiyak. Di niya mapigil ang pagiging emosyonal sa unang pagkakataon sa harap ng publiko. She was terribly hurt. At parang kinakanta ni TJ ang lahat ng laman ng puso niya na di niya masabi sa iba. Kahit ang mga kaibigan niya ay di siya mapatahan.
Then TJ came towards her. Naglabas ito ng panyo mula sa bulsa nito at pinahid ang luha niya. “Saka lang ako tumahan. Then I saw his brown eyes. They were smiling at me. Parang bata akong binigyan ng candy. Tumahan na lang ako. Since then, I knew I was in love with him. At wala akong pakialam kahit na isipin ninyong baliw ako. TJ made me feel. Kaya itinuloy ko ang pagpasok sa law school dahil in a way nae-encourage ako sa mga kanta niya. Parang kumakanta siya para sa akin. As if we have this kind of connection… Crazy but I love it!”
“I must have hurt you so much then, Naypi. I am so sorry,” mahina nitong usal. Nararamdaman niya ang lungkot sa boses nito. “If only I could turn back time and make everything alright.”
“It cannot be undone. Mas mabuti ngang nangyari iyon. We are okay this way. Hindi na natin masasaktan ang isa’t isa.”
“I am not okay with this!” he snapped.
Bigla niyang umalis sa pagkakasandal nito at nilingon ito. She knew that Lee was always in control with his emotion. Ngayon lang niya naramdaman nang ganito katindi ang emosyon nito. As if he was frustrated and mad at the same time.
Nasapo niya ang dibdib. “Galit ka ba sa akin?”
Huminga ito nang malalim at tumayo. “No! I am mad at my self! I am really so stupid! Stupid!” anito at sinipa ang damong nadaanan nito.
“Hoy, Lee! Hindi kita inaano diyan. Nagku-kwento lang naman ako dito. Di naman kita inaaway, ah!” Di siya nagkwento tungkol sa kay TJ para ibalik ang nakaraan nila o sisihin ito. Gusto lang niyang makipagkwentuhan.
Napalingon sila nang bumukas ang gate. Napanganga siya nang lumabas si TJ. Kumunot ang noo nito nang mahagip sila ng mata. “Anong ginagawa ninyo sa harap ng bahay ko? Hindi ito Picnic Grove!”
Namilog ang mga labi niya. Guwapo si TJ kahit na mukhang galit. Nakalabit na lang niya sa braso si Lee. “Oh, gosh! It’s TJ! TJ! TJ!”
Dinampot ni TJ ang mga bulaklak. “Galing ba ito sa iyo?”
“Oo! Ako si Pinay.” Di niya alam kung naalala pa siya nito pero at least nasabi niya ang pangalan niya samantalang di siya makapagsalita kanina. Parang lulukso ang puso niya habang nakatingin sa brown na mata nito. “Galing sa akin iyan. F-Fan mo ako! Di naman ako mang-aabala. I just want to see you.”
“You are Torque’s brother, right?” tanong ni TJ kay Lee. “Please tell your girlfriend that I value my privacy. I don’t like fans running after me. Wala ako sa mood mag-entertain ng kahit sino ngayon. So I apologize…”
“Okay lang iyon!” abot-tainga ang ngiti niyang sabi at kinagat ang labi. Mas guwapo pa ito kaysa nang huli niya itong makita. She wanted to faint na! “Natutuwa lang ako na makita ka.” May kinahinatnan ang pagvi-vigil niya para makita ito.
Tumango si TJ. “Thanks for the flowers.” At bumalik na ito sa villa.
Sinapo niya ang dibdib. “He is really so handsome. Mahal na mahal ko siya!”
“Nakakainggit naman ang lalaking iyon. Mahal na mahal mo,” usal ni Lee sa malungkot na boses. Mukha itong binagsakan ng langit at lupa.
Di siya nagpaapekto sa kadramahan nito. Ngayong nakita na niya si TJ, di na siya dapat pang makaramdam ng kahit ano kay Lee. Friends na lang sila. Period.
“Magligpit na tayo para makauwi na tayo. Thank you talaga, ha?” Malaki pa rin naman ang utang na loob niya dito. Kundi siya nito isinama sa Stallion Island ay hindi niya nakita si TJ. Ngayon ay buo na ang araw niya.
“Uuwi ka na agad?”
“Oo naman. Simple lang ang kaligayahan ko. Makita ko lang si TJ, buo na ang araw ko. Tapos nakausap ko pa siya.” Huminga siya nang malalim. “He is so handsome. Pakakasalan ko talaga kahit anong oras, lugar at panahon.”
“Kung pakakasalan mo siya, paano na ako?” tanong ni Lee. Mukhang seryosong-seryoso ito sa tanong nito. As if he was really hurt.
“Kabit, querido, gusto mo? Siya ang legal at ikaw ang illegal.”
“Mas gusto kong maging legal, siyempre.”
Hinampas niya ito sa balikat. “Masyado ka namang affected! Siyempre kapag pinakasalan ko si TJ, titingin pa ba ako sa iba?”
Kaya ngayon pa lang ay magsasanay na siyang walang nararamdaman para kay Lee. Si TJ ang nagtuwid ng buhay niya. Babalik ulit siya para makita ito bukas.