Chapter Myco Gosiaco: Chapter 10

Pinakiramdaman ni Olympia ang sarili paggising niya. Mamamatay na ba talaga siya? Sinapo niya ang dibdib habang nakatitig sa puting kisame ng kuwarto niya sa medical center ng riding club. Humihinga pa siya. Sinapo niya ang noo. Wala din siyang lagnat. Kahit paano ay nagkapag-asa siyang mabuhay.

Tiningnan niya ang couch. Nakatupi doon ang kumot at nakapatong ang unan kung saan nagpilit matulog ni Myco nang nakaraang gabi. Binantayan siya nito at di siya iniwan. Kahit di ito magsalita, alam niyang gusto nitong palakasin ang loob niya.

Bakit ba di pa sila noon nagkakilala? Ngayon pa siya nito nakilala kung kailan nagpapanggap siya sa pagkatao ng iba. Kung mamamatay kaya siya at muling mabubuhay, magiging tama na kaya ang lahat kapag nagkakilala sila?

“Ipinagpapalit mo ang riding club sa babaeng iyan?”

Nagulat siya nang marinig ang galit na boses ng lalaki. May maliit na reception area ang kuwarto at di niya basta basta makita kung sino ang nagsasalita.

“Pa, she could die any minute. I want to stay beside her,” mariing wika ni Myco. Kausap pala nito si Michael Gosiaco, ang papa nito. Ang alam niya ay isa itong matinik na security expert gaya ni Myco at dating head ng riding club.

“Myco, hindi ka doktor! Kahit bantayan mo pa siya, wala kang magagawa para sa kanya. It’s the riding club that needs your attention. Ayokong sabihin nila na nagpapabaya ka sa trabaho dahil lang sa isang babae.”

“Florecina isn’t just a girl. Kasalanan ko kung bakit nabingit siya sa kamatayan. Kahit man lang damayan siya, gagawin ko.”

Nagtatalo pa ang mag-ama dahil sa kanya. Di niya naisip na maaring maapektuhan ang trabaho ni Myco sa pagbabantay sa kanya. Masyado siyang nasiyahan sa atensiyong ibinibigay nito.

“Hindi niya kailangan ng pagdamay mo. Nandiyan si Doctor de Guia. He’s an expert in the field. Huwag kang nagpapadala sa emosyon mo. Huwag kang nagpapadala sa emosyon ng ibang tao. Hindi kita pinalaking mahina!”

Pumikit siya dahil nakadama siya ng takot. Ayaw niyang malaman ng mga ito na gising siya. Ayaw niyang mag-away ang mag-ama dahil sa kanya.

“Pa, I just need a day off. Nagpaalam na ako kay Reid na magde-day off ako. I forfeit my day off most of the time. Lagi ninyong ibinibilin sa akin na kailangan ako ng riding club. Hindi naman siguro mawawasak ang riding club kung mag-day off ako ngayon at bantayan ko si Florecina,” mahinahong paliwanag ni Myco.

“At sumasagot ka na ngayon!” bulalas ni Michael sa mataas na boses. “Sa ganito lang ba kasimpleng bagay, sinasagot mo na ako?”

“Hindi ko maintindihan kung bakit makakasama sa akin o sa riding club kung babantayan ko si Florecina, Pa. Ganyan din ba kayo kung sakaling mamamatay ako? Uunahin pa ninyo ang trabaho kaysa sa akin?”

“Of course not.” Ilang sandaling di nakakibo si Michael. “Myco, I don’t get your sister. DI ko alam kung bakit nagpapakamatay siya sa isang lalaking patay na. And now you. Look at you. Gumagaya ka na rin sa kanya.”

“Natuto lang magmahal si Ate, Pa. And I am just trying to help a friend. Walang ibang taong magbabantay sa kanya. Just give me this day off. Huwag ninyo muna akong bigyan ng lecture sa pagiging emotional.”

“I just want to remind you about your duties. Hindi natin alam kung kailan may mga taong gustong sumira sa riding club na makakapasok dito.”

“I know, Pa. I just want you to trust me. Hindi dapat maging big deal sa inyo kung may maging kaibigan man akong babae.”

“Kung may magugustuhan kang babae, tiyakin mong di ka pangingibabawan ng emosyon mo,” mariing wika ni Michael. “I am your father. I know what’s best for you. And I don’t like that woman for you. She’s the type who will cloud a man’s judgment. Mag-ingat ka sa kanya.”

Panganib. Iyon ang simbolo niya sa ama ni Myco. Tama ito. Isa nga siyang panganib para kay Myco. She was an enemy in disguise. At walang kaalam-alam si Myco na isang kalaban ang inaalagaan nito.

Parang sinasaksak ang puso niya tuwing naiisip na maari niyang saktan si Myco. Kaya na ba siya babawiin ng langit para di na niya ito masaktan pa?

Nang bumalik si Myco ay nagkunwari pa rin siyang tulog. Ayaw niyang malaman nito na narinig niya ang usapan nito at ng ama nito.

“Florecina, bakit nagkukunwari ka pang tulog? Gumising ka na.”

Nang dumilat siya at nakadukwang ito sa kama. Mukha agad niya ang nakita nito. “B-Bakit alam mong gising ako?”

“Expert ako sa pagpapanggap na tulog kaya alam ko kung sino ang nagpapanggap lang at totoong tulog.” Tumuwid ito ng tayo at inayos ang bulaklak sa vase. “Sabi ni Doc Martin, mas gagaan daw ang pakiramdam mo kung may bulaklak sa kuwarto ng isang babae. How are you feeling?”

“Di naman ako nilalagnat.”

“Good.” Lumapit ito sa DVD player na nasa harap niya. May LCD TV din na naroon. Kalalagay lang marahil niyon. “Anong gusto mong panoorin? Maghapon tayo dito at mabo-bored ka lang.”

“Myco, hindi ka ba babalik sa trabaho?”

“Day off ko.” Itinaas nito ang DVD ng Alexander at Troy. “Alin dito ang gusto mo? Huwag mo lang akong hahanapan ng Koreanovela at iba pang madadramang palabas. Wala iyon sa collection ko. Pero kung gusto mo, bibili ako.”

“Day off mo ba talaga? Hindi ba marami kang trabaho.”

“Kahit ang trabaho isine-set aside kapag day off.”

“Di mo naman talaga day off. Nag-day off ka lang para sa akin.”

Lumingon ito sa kanya. “Nadinig mo ba kaming nag-uusap ni Papa?”

Marahan siyang tumango. “Ayaw niyang samahan mo ako dito. Tama naman siya. Importante ang trabaho mo.”

“Gusto ko dito lang ako sa tabi mo. Ayaw kong mag-isa ka lang habang iniisip mo na baka mawala ka na sa mundong ito. I will hate my self if you die lonely.”

“Paano naman ang trabaho mo?”

“Hindi magugunaw ang riding club kung kung isang araw akong mawawala. And besides, nandito lang naman ako kung may emergency.”

He looked decided. Wala na siyang magagawa para baguhin pa ang isip nito. Isa pa, mas gusto niyang kasama ito. Ayaw din niyang walang kasama kung sakali mang maramdaman na niya ang sintomas ng virus. Kung mamamatay siya, kailangan niyang magkumpisal kay Myco.

“Ano ang masama sa paggamit ng tao sa emosyon niya?” tanong niya dito.

Umupo ito sa tabi niya. “Sabi ni Papa, magiging mahina ang isang tao dahil sa galit at pagmamahal niya. Di na siya nakakapag-isip ng tuwid. Kaya ang training sa amin, dapat I-set aside ang emosyon. Importante iyon sa trabaho ko lalo na’t lagi kong isinasa-alang-alang ang buhay ng ibang tao.”

“Paano kung ma-in love ka?”

“In love? Di yata ako mai-in love. Pero gusto ni Papa na mag-asawa ako.”

“At di mo naman kailangang ma-in love.”

“Yes. That’s very unconventional. Sa mga taong nagpapakasal dahil sa pagmamahal, sa huli nagkakasira rin sila. My parent’s marriage is still strong.”

“Mahal din siguro nila ang isa’t isa. Di naman sila naka-program na robot.”

“Siguro nga mahal nila ang isa’t isa pero di nila hinahayaang makasagabal iyon sa trabaho nila. Kaya gusto ni Papa na pumili ako ng tulad ni Mama.”

Isang babaeng kontrolado ang emosyon pala ang kailangan nito. She used to be that woman. Walang planong ma-in love. Trabaho lang ang buhay. Ngunit nang makilala niya si Myco, saka niya natuklasan na marami siyang na-miss sa buhay niya. She wanted to be in love.

“Myco, pasensiya na kung nagtalo kayo ng tatay mo dahil sa akin. Ayoko talagang mangyari iyon. Kaya ko namang mag-isa dito.”

Ginagap nito ang kamay niya. “Hindi ko hahayaang maramdaman mo na mag-isa ka. I want to stay here and I know I am doing the right thing.”

“Thank you, Myco,” mangiyak-ngiyak niyang sabi. “Akala ko talaga mamamatay na lang akong mag-isa dito.”

“No. Isipin mo na makakaligtas ka. Pero sa ngayon, ano muna ang gusto mong panoorin?” tanong nito. “Troy, 300 o Alexander.”

“MY Big Love. Nakakatawa daw iyon.” Ayaw naman niyang malungkot ang mga alaala kung mawawala siya sa mundo.

“Maganda nga ang comedy. Mas gusto kong makita kang nakangiti.”

“Mas maganda ba ako kapag nakangiti?” tanong niya.

“No comment,” anito at nag-dial sa cellphone. May sariling record store ang riding club kung saan pwedeng mamili ng CDs at DVDs.

“Kahit pampalubag-loob ba di mo sasabihing maganda ako?”

Tipid itong ngumiti. “Hindi mo na kailangang marinig na sabihan kang maganda. I know that you know it. May iba ka pang gusto?”

“Strawberry ice cream. Parang nasa langit ako kapag may strawberry ice cream.”

He smiled more warmly this time. “Huwag mo nang babanggitin ang langit. Marami ka pang kailangang gawin sa mundo. Di mo pa ako iiwan.”

That was another heaven. Ang una ay ang halik nito. Ngayon naman ay ang ngiti nito. Sana ay makita pa niya ulit ang ngiti nito. Kaya sana ay tumagal pa ang buhay niya. She wanted to experience more heaven on earth.

“YOUR VITALS are okay. Magtatatlong-araw na pero hindi ka pa rin nilalagnat. It is a good sign, Miss Malaybalay. Bukas makalawa, pwede ka nang lumabas dito at bumalik sa trabaho. At pwede ka na ring makakita ng babae,” balita sa kanya ni Martin nang tsine-check nito si Florecina.

“Opo nga. Puro na lang lalaki ang nakikita ko.”

Dahil baka mahawa ang mga babae sa sakit niya, tanging mga lalaking bisita lang ang pwedeng dumalaw. Pati mga nurse ay lalaki din.

“Siguro naman hindi na magiging masyadong masungit si Myco. Natatakot ang mga male nurse dito tuwing nakabantay siya.”

“Si Myco talaga! Thank you sa pag-aalaga ninyo sa akin, Doc.”

Sa ilang araw na inobserbahan siya nito, nakita niya dito ang isang doktor na maalalahanin sa pasyente. Sa klase ng virus na tumama kay Sofiajade, sapat na para lipulin ang mga kababaihan sa mundo. Kung nahawa siya, bakit kailangan pa siya nitong gamutin. Kung gusto nitong pumatay ng tao, di na siya nito sasagipin.

“Parte lang iyon ng trabaho ka. Maswerte ka kung tuluyan ka nang di tinablan ng virus. Maraming malulungkot kapag nagkasakit ka.”

“Nakabalik na ba sa bahay niya si Miss Sofiajade?” tanong niya.

“Titiyakin daw muna niya na nakalabas ka dito at nakabalik sa trabaho bago siya lumabas. Iyon man lang daw makabawas sa guilt niya.”

“Paano po kung tuluyan na akong di makalabas dito ng buhay? Ibig sabihin magpapakaburo na rin siya dito?”

Tumingala ito at minasahe ang ulo. “I don’t know about that woman! Wala na siyang ginawa kundi bigyan ako ng sakit ng ulo.”

Kahit na mukha itong kunsumido, hindi rin nawawala ang fondness sa boses nito tuwing pinag-uusapan si Sofiajade. Alam niya na di lang ordinaryong sakit ng ulo ang babae dito. They must have shared something very special.

“Karamihan ba ng pasyente ninyo sakit ng ulo?”

“Yes. Lalo na kapag ang mga lugar na pinupuntahan ko di sanay sa modern medicine, di namin alam kung paano sila gagamutin. They have their own culture and tradition. May mga lugar na may sarili silang healer na tumatawag ng spirits. Mahirap buwagin ang tradisyon. Ang gusto ko lang naman isang safe na mundo para sa lahat. And we are doing our best to keep everyone safe.”

“Doc Martin, gamitin ninyo sa tama ang talino ninyo. Marami pang nangangailangan sa katulad ninyo.” Kung ito man si Reiven Alleje, sana nga ay di na lang ito ang kinikilala ng lahat na isang terorista. Mukhang mabuti itong tao.

“Magpahinga ka na. Who knows? Tomorrow, you will be out of here.”

Pumikit siya at isinaksak ang headset sa tainga. Gusto na niyang paggising niya bukas, malalanghap na muli niya ang sariwang hangin ng riding club. Tatawagan din niya ang kapatid niya. Sasabihin niya na wala silang makukuhang kahit ano. Baka imahinasyon lang ni Sofiajade na ito rin si Reiven.

Gusto na niyang makausap si Myco bilang si Olympia Montez. At para bumalik bilang si Olympia Montez, kailangan na niyang paputulan ang buhok niya. Bukas, babalik na siya sa mundo niya. Magiging normal na rin ang lahat.

Naiidlip na siya nang marinig niya ang pagbukas ng pinto. Dumating na si Myco. Subalit may nagsabi sa kanya na huwag muna siyang dumilat.

“Bukas na lalabas si Sofiajade dito oras na mai-discharge na rin si Florecina. Wala pa rin siyang lagnat hanggang ngayon. Walang abnormal sa blood samples niya. You have nothing to worry about,” sabi ni Martin.

“Aalis ka na ngayong magaling na si Ate?” tanong ni Myco sa seryosong tono.

“Myco, alam mo na marami akong taong kailangang tulungan. Short na ang team namin dahil tinutukan ko ang kaso ng kapatid mo.”

“Kung aalis ka, ano ang plano mong gawin kay Ate? Susundan ka niya oras na tumapak ka sa labas ng riding club. You know that. Susundan ka niya kahit pa sa dulo ng mundo.”

“So are you suggesting that I won’t leave? O mas gusto mo na sabihin kong ako si Reiven Alleje para lang matahimik siya?”

“Noong wala ka pa, walang ginawa ang kapatid ko kundi isipin ang trabaho niya. Tumatawa siya pero alam kong di totoo ang mga tawa niya. At the back of her mind, she was dead. Ngayon lang ulit siya nabuhay para sa ibang tao.”

“Nabubuhay siya para kay Reiven. Patay na siya! Dapat na niyang tanggapin iyon,” giit ni Martin.

“Ikaw lang ang makakakumbinsi sa kanya na di ikaw si Reiven. Kung ako ang masusunod, mas mabuti pang huwag ka na niyang makita kahit kailan. Mas mabuti nang umikot ang buhay niya sa trabaho kaysa mahalin ka pa niya!”

“Hindi niya ako pwedeng mahalin. Myco, hindi na ako pwedeng mabuhay bilang si Reiven Alleje. Tanggapin na niyang matagal na akong patay.”

Bumukas ang pinto at sumara din. Di na niya kailangan pang tingnan. Alam niyang si Martin ang lumabas. Hindi. Ito si Reiven Alleje.

Kung ganoon ay totoo nga. Buhay si Reiven Alleje. Buhay ang lalaking pumatay sa maraming tao sa pamamagitan ng mapanganib nitong virus.

Di siya maaring umalis ng riding club hangga’t di niya nalalaman ang katotohanan. Kailangang manatili pa rin siya bilang si Florecina Malaybalay.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.