Chapter Myco Gosiaco: Chapter 11

Naalimpungatan si Olympia sa ring ng cellphone niya. “Hello!”

Gusto pa sana niyang sulitin ang pagtulog dahil iyon ang huling araw niya sa medical center ng riding club. Oras na ideklarang clear na siya sa virus, babalik na naman siya sa mahirap na trabaho bilang housekeeper sa Stallion Riding Club.

“Olympia, sabi ng source ko naka-confine ka daw sa medical center? May impormasyon ka na bang nakuha kay Martin de Guia? Kaya na ba nating patunayan na siya si Reiven Alleje?”

Ipinikit ulit niya ang mata at sinapo ang ulo nang marinig ang boses ng Kuya R-Jan niya. Muntik na siyang mamatay pero di man lang tinanong ng kapatid niya kung maayos ang kalagayan niya o kung ano ang naging sakit niya.

Sanay na siya sa kapatid niya. He never really cared about her health and whereabouts. Ni di nga siya nito kinakausap dati maliban kung siya ang unang nakipag-usap. At kinakausap lang siya nito ngayon dahil sa kailangan siya nito.

“Kuya, hindi ganoon kadaling patunayan iyon. Hindi madaling makalapit kay Martin de Guia. At kahit nakalapit ako, anong impormasyon ang makukuha ko? Hindi naman siya magkukumpisal sa akin. We need solid evidence. At di ko alam kung paano ko magagawa iyon o mapapatunayan ang tie up niya sa terrorist groups. Ni hindi nga siya nakikipag-usap sa kahit kaninong members dito. Kahit kay Reichen.”

Naiirita siya dito. Kung kinumusta sana siya nito, baka sabihin pa niya ang tungkol sa narinig niyang pag-uusap nila Myco at Martin. Na si Martin at si Reiven ay iisa.

Ngayon ay mas gusto pa niyang protektahan si Martin de Guia. Naging mabait kasi ito sa kanya at nakita niyang mabuti itong tao kahit ito pa ang hinihinalang teroristang si Reiven Alleje.

“Iyon ba ang dahilan o masyado kang nag-e-enjoy sa riding club? Masyado ka daw nagiging malapit kay Myco Gosiaco.”

“Mabait lang sa akin si Myco.”

“Stupid! How could you be so stupid? Si Myco ang malapit kay Martin. Dapat ginagamit mo ang charm mo para makakuha ng impormasyon.”

“No. Hindi ko kayang gamitin si Myco,” mariin niyang tutol.

What she had with Myco was so pure. At di niya hahayaang mabahiran ng trabaho niya ang pakikipaglapit dito. It was bad enough that she was sneaking behind his back. Ibang paraan na lang siguro ang gagamitin niya.

“Are you in love with him?” Tumawa ng sarkastiko. “Of course that’s a big joke. Ang sabi ni Papa, di mo uunahin ang puso mo kaysa sa trabaho. You are one of the best journalists. You have an award to prove it. Prove it to me as well! Siguro naman nakalapit ka na kahit paano kay Martin de Guia. Imposibleng wala kang nakuhang kahit anong impormasyon sa kanya.”

“He definitely made an impression. Magaling siyang doctor. Marami na siyang taong natutulungan. I don’t see him as a threat.”

“Ganoon kadali para sa iyo na sabihin na parang isang santo siya?”

“Kuya, ikaw mismo ang makakapagpatunay sa records niya na magaling siyang virologist. Hindi madali ang trabaho niya. He is just staying here to take care of a woman who is infected by a deadly Amazon strain. Pwede iyong mag-mutate. Pwede siyang mahawa. He stayed with that person. Kaya hindi ko ma-imagine kung paano siyang magiging terorista.”

At kahit ito pa si Reiven Alleje, nararamdaman niyang mabuti itong tao.

“Huwag kang nagpapadala sa emosyon mo. We need a real story here.”

For the first time, she hated her job. Dati, handa siyang isiwalat ang lahat para sa katotohanan. Ngayong alam na niya ang totoo, natatakot siya sa mga taong maari niyang masaktan. Naging malapit na siya sa mga ito. At paano kung mailabas man niya ang totoo ay maraming taong mapapahamak?

“Susubukan ko. Pero kung wala tayong solid evidence, wala rin tayong mailalabas na istorya,” paalala niya.

“You used to access different government office’s database, right?”

“Only because they don’t easily give us access.”

Natuto siyang mag-hack. It was a harmless hacking. Public records naman ang ina-access niya dahil sa bagal ng bureaucracy, hirap silang mga reporters na kumuha ng impormasyon kahit pa sa public records.

“Pwede mo rin iyang gawin sa riding club.”

“You mean I will hack their database as well? No way!”

May mga pribadong impormasyon doon na di niya gugustuhing pakialaman. Hindi iyon para sa publiko at iginagalang niya iyon.

“You just need an information on Reiven Alleje and Martin de Guia. Lahat ng guest nila at members may record doon. Even their dark secrets. Natitiyak ko sa iyong nandoon ang sekreto nina Reiven Alleje at Martin de Guia.”

“Susubukan ko pang umisip ng ibang paraan.” Labag sa moral niyang paniniwala ang ipinagagawa sa kanya ng kapatid niya.

“Either you extract it from the riding club’s database or from Myco Gosiaco himself. O mas mahalaga pa sa iyo si Myco Gosiaco kaysa sa akin.”

“Look! Tinutulungan kita, Kuya. Gagawa ako ng paraan para kunin ang mga impormasyon na kailangan mo. Just don’t compromise me.”

“You are already compromised, Olympia.”

Parang bigla siyang nagkasakit matapos ang pag-uusap nilang magkapatid. He was right. She was already compromised.

Nakasalalay doon ang kinabukasan ng kapatid niya. Pero bakit wala na siyang drive na magpatuloy? Madami siyang taong masasaktan.

“You are clear, Florecina. You are virus free and you may enjoy the outside world again,” nakangiting wika ni Martin.

“Thank you, Doc!” aniya at malungkot na ngumiti. Ito ba ang taong sasaktan niya? Ang taong marami nang buhay ang sinagip kasama na ang kanya? Kung na-infect man siya ng virus, sigurado siyang di siya nito pababayaan.

“Bakit parang hindi ka masaya?” tanong ni Myco na nakahalukipkip habang nakatayo sa likod ni Martin. “Mas gusto mong alagaan ka ng male nurse dito?”

“H-Hindi. Gusto ko na ngang lumabas.” May guwapo ngang male nurse na nag-assist sa kanya pero si Myco pa rin ang hinahanap-hanap niya.

Gusto na rin niyang tuluyang lumabas ng riding club. Masaya siyang kasama ang mga tao doon lalo na si Myco. Pero kung sasaktan naman niya ang mga ito, pipiliin na lang siguro niyang lumayo.

“Tama. Lumabas ka na para naman maging normal na si Myco. Parang gusto niyang tunawin ang mga male nurse dito tuwing nilalapitan ka,” wika ni Martin.

“Shut up, Doc!” singhal ni Myco at inalalayan siyang tumayo.

“Maganda ang panahon. Siguro di mo pa gustong bumalik sa trabaho. Mas maganda kung ipasyal ka muna ni Myco para makapag-relax ka. Tatlong araw ka ring natensiyon,” suhestiyon ni Martin.

“Hindi naman kasi araw-araw na nasasabihan ako na isa hanggang tatlong araw na lang ang itatagal ng buhay ko,” aniya. “Pero ako na lang ang mamamasyal. Alam ko naman na busy si Sir Myco.”

“Silly. Everything’s ready. Ikaw na lang ang hinihintay,” sabi ni Myco. “Kahit di sabihin ni Doc Martin, maglalakwatsa tayo.”

Humalakhak si Martin. “A new term in Myco Gosiaco’s dictionary. Lakwatsa.”

Nagustuhan din niya ang term. Gusto niyang maglakwatsa kasama si Myco. Dapat I-celebrate na buhay pa siya ngayon. At gusto niyang sulitin ang mga nalalabi niyang sandali sa riding club.

TINATANGAY ng hangin ang mahabang buhok ni Olympia habang sakay ng speedboat papunta sa isa sa mga caldera ng Taal Volcano. Excited na siyang pumunta doon dahil iyon ang unang beses niyang makakarating sa caldera ng naturang bulkan.

“We are here,” wika ni Myco at inalalayan siyang bumaba ng speedboat.

“Wow! Masyadong tahimik dito.” Kahit ang alon ng lawa ay napakabanayad. Sinong mag-aakala na ang tahimik na lawang iyon ay nagkakanlong ng bulkan?

“Wala namang nakatira dito. Nagkakaroon lang ng tao dito sa caldera kapag may mga tourist,” paliwanag ni Myco. Isa sa mga stable boy ang lumapit akay ang isang kabayo. “Ah! My fastest horse, Red Hare.”

The horse looked fierce. So much like Myco. Mukhang bagay na magsama ang dalawa. “Hanggang dito ba may stable ang riding club?”

“NO. Idinala lang dito ang mga kabayo sa pamamagitan ng barge. Mamaya ibabalik din sila sa riding club matapos nating mag-horseback riding.” Nilingon nito ang isa pang kabayo. “Of course, you know Momo-chan.”

“Momo-chan!” tawag niya sa kabayo. Patakbo siyang lumapit dito nang biglang sumingasing. Parang ayaw nito sa kanya.

“Hindi mo basta malalapitan si Momo-chan. Nagseselos iyan sa ibang babae. Gusto niya na ako lang din ang lalapit sa kanya.”

“Ah! Babae ba siya?” Selosang kabayo. Kaagaw pa yata niya ito kay Myco. “Sino nga pala ang sasakyan ko sa kanilang dalawa?”

“Kay Red Hare ka na lang sumakay. Despite his fierce look, he is more gentle than Momo-chan. Pwede rin kitang turuan na sumakay ng kabayo kung di ka marunong,” prisinta nito.

Umiling siya. “Hindi na. Marunong akong sumakay ng kabayo. Dating nagtrabaho sa hacienda ang tatay ko kaya marunong kaming magkakapatid.”

Papa mismo niya ang nagturo sa kanya sa pagsakay ng kabayo nang isama slya nito sa isang dude ranch sa Arizona. Na-miss tuloy niya ito.

“Thirty minutes din ang kailangan bago tayo makaakyat ng caldera. Let’s go,” anito at tinapik ng paa ang tagiliran ni Momo-chan.

Iyon din ang ginawa niya kay Red Hare. Mabagal lang ang pagpapatakbo niya dahil gusto niyang I-enjoy ang paligid niya. Iba ang view doon kumpara sa mismong riding club. Nakikita niya ang kabuuan ng lawa.

Nilingon niya ang pinanggalingan nila. Malayo na sila sa riding club. “Tumawid lang naman tayo pero parang nasa ibang mundo na tayo.”

“You are right. This is really different from the riding club. Kapag gusto ko ng katahimikan, dito ako pumupunta. Walang magugulo at maiingay na members. Walang masyadong mareklamo at malayo sa responsibilidad.”

“Nagsasawa ka rin pala sa responsibilidad,” komento niya.

“Noong una, nag-e-enjoy ako sa trabaho ko. I love the rush of adrenaline especially if we have threats around us. Natututo akong I-improve ang mga security system namin at kung paano kami hindi malulusutan ng mga reporters at mga groupies na gusto makapasok sa riding club nang walang permiso. But there are times that I hate it. Pati kasi mga trivial fights, kailangang ako pa ang humarap. Pati lover’s quarrel pinoproblema ko.”

Di niya mapigil tumawa. “Really?”

“Kapag may di magandang history ang dalawang tao, kung naging lovers man sila, muntik maging lovers at mortal na magkaaway, kailangan ko silang obserbahan. Di sila pwedeng magsaksakan na lang sa riding club. Oras na magkasakitan sila, responsibilidad ko pa rin iyon. Sa mga non-members, ibina-ban kapag nag-away. Sa mga members, depende sa extent ng away. Usually, it’s Reid Alleje who decides. Kahit pa nasa ibang bansa siya, siya pa rin ang nagdedesiyon sa ganitong bagay.”

“Paano kung may reporter na nakapasok sa riding club?” tanong niya.

“First offense, ihahagis namin palabas ng riding club. Second offense, lalangoy na siya sa lake para makalabas ng riding club. And third offense, ihuhulog namin siya sa vent ng Taal Volcano.”

Tinitigan niya ang seryoso nitong mukha. “Gagawin mo talaga iyon?”

“How I wish! Gusto kong mawala ang tinik sa lalamunan ko.”

Tinik siya sa lalamunan nito. Parang tinik din sa puso niya ang sinabi nito. She wanted to be that special girl in his life. Hindi mortal nitong kaaway. Pero kahit anong gawin niya, di niya mababago pa ang lahat. Dahil sa unang pagkikita pa lang nila, itinakda na siyang maging tinik sa lalamunan nito.

“May hot spring dito. Gusto mong maligo?” tanong nito nang makarating na sila sa tuktok ng caldera. “It is safe.”

“Baka mamaya tuluyan mo akong ihulog sa vent.”

“Bakit? Reporter ka ba?”

Malungkot niya itong pinagmasdan. “Myco…”

“Hmmm…” anito habang tinatanggal ang boots nito.

“Paano kung di ako tulad ng pagkakakilala mo? Paano kung reporter ako? Magagalit ka ba sa akin?”

Tumiim ang anyo nito. “Kung lumapit ka lang sa akin para gamitin ako para makakuha ng exclusive, you can go straight to hell.”

“Kahit na di naman masama ang hangarin ko?”

Lumagabog sa lupa ang boots nito nang ibato nito. Mukhang nainis ito sa tanong niya. “Walang masamang hangarin? If you sneaked in here to extract information from me, ano ang di masama doon? Kahit saang anggulo ko tingnan, mali iyon.”

“Kahit para iyon sa kabutihan ng nakararami? Tingnan mo si Sidney Bristow.”

Pumalatak ito. “Hindi yata kita dapat pinapanood ng Alias. Kung anu-anong idea ang pumapasok sa utak mo.” Tungkol kasi ang series sa buhay ng isang CIA agent na pinanood nila noong nasa medical center siya ng riding club.

“Halimbawa marami akong buhay na masasagip. Reporter nga lang ako.”

“Ganoon ba? Ito ang gagawin ko sa iyo.”

Binuhat siya nito at ihinagis sa hot spring. Napasinghap siya nang umahon sa tubig. “Myco!” Nasobrahan na yata ang katatanong niya dito. Napatunayan niyang malaki nga ang galit nito sa reporters. Baka ialay siya nito direkta sa anito ng bulkan para di sumabog oras na malaman nitong reporter siya.

Lumusong ito sa tubig. Di niya inaasahan nang kabigin siya nito at yakapin. “Huwag mo nang babanggitin ang tungkol dito kung di ka naman reporter, Florecina. I trust you too much. It would kill me if you betray me.”

Nagpasalamat siya dahil sadyang sumakit ang mata niya. Sulphuric ang tubig sa hotspring. Pwede niyang sabihin na iyon ang dahilan kaya namumula ang mata niya at di dahil gusto niyang umiyak.

Parang sinasaksak na rin niya ito sa likuran kahit na di pa niya ito tinatraidor. Ang pagiging reporter niya ay sapat nang panlilinlang dito. Sapat na iyon para ituring siya nitong kaaway.

“Myco, di mo dapat sinsabi sa akin iyan.”

He was baring his soul to her. Bakit? Hindi nito dapat ginagawa iyon. Lalo lamang siyang nasasaktan tuwing naiisip niya na nakatakda niya itong saktan.

“Alam ko na ipapapaalala mo sa akin ang kahinaan ko. Gusto ko pa ring malaman mo kung ano ang nararamdaman ko. I trust you and I have so much faith in you.”

Kinintalan niya ito ng halik sa labi. “Thank you.”

The time was ticking. Parang isang bombang nakatakdang sumabog. Hindi pa siya makakaalis ng riding club. Di pa niya kayang iwan si Myco. Pwede bang maging si Florecina Malaybalay na lang siya habambuhay at manatili sa piling nito?

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.