Chapter 27

Bonus story - #WHENINTHAILAND

TEASER:

Sunny was a jilted bride. Pero hindi iyon dahilan para hindi siya tumuloy sa Honeymoon niya sa Thailand. Kaya lang nadala niya ang kamalasan niya sa pag-ibig sa bansa. Hindi pa siya nakakalabas ng airport ay may nangyari na kaagad na masama sa kanya.

Pero hindi masabi ni Sunny kung suwerte siya o malas pa rin nang may mag-alok naman ng tulong sa kanya---si Ruan Roxas. Kilala kasi niya ito. He was her ex-groom’s best friend!

But Sunny has no choice. Kailangan niyang makisama sa masungit na lalaki. At sa entire trip nila ay parang minamalas pa rin siya. May bago kasi siyang na-discover na feelings na lalo lang nagpagulo sa komplikado na niyang mundo…

“SAAN ka pupunta?”

Unang tanong pa lang ng immigration officer ay gusto ng mapairap ni Sunny. Hawak naman ng officer ang boarding pass niya, bakit kailangan pang itanong kung saan siya pupunta? Wala siya sa mood na sumagot.

But still, she did.

“Sa Thailand po,”

“Anong gagawin mo doon?”

Napatingin si Sunny sa suot niya. Simpleng T-shirt at pantalon ang suot niya. Disente naman siyang tignan. Mukha siyang turista. Well, at least on her own. Ano kaya ang iniisip ng officer na ito sa kanya?

“Bakasyon po,” Sinagot pa rin naman ni Sunny ang tanong sa kabila ng tanong sa isip.

“Sinong kasama mo?”

Not this question please. Hindi gusto ni Sunny ang intrigahin ng officer, lalo na sa bagay na iyon. But she has been warned. Kinabahan tuloy siya.

“A-ako lang,”

Tumingin ang officer sa passport niya. “And it’s your first time out of the country?”

Tumango si Sunny. Tinitigan siya ng officer. “Kaya mo?”

“I’m an adult. Kaya ko. Kakayanin ko,” Sinubukan ni Sunny na tatagan ang boses kahit nanghihina siya. Huminga siya nang malalim at napabulong. “Kinakaya ko nga ngayong iniwan na niya ako, eh.”

“Pardon?” Tinaasan siya ng kilay ng officer.

“Wala po,” nasabi na lang ni Sunny. Ayaw na niyang palakihin pa ang issue. At least not for now. Baka lalo lang siyang ma-intriga. At kota na siya roon.

Ilang beses na nakapag-research si Sunny sa kung ano ang mga puwedeng mangyari sa first time niyang paglabas ng bansa. Puwede raw siyang gisahin ng tanong ng immigration officer. At mukhang “lucky day” niya ngayon.

“Hmmm… Pakibigay ng hotel booking mo,”

Sumunod si Sunny sa utos ng officer. Inisip niya na baka kapag ibinigay niya iyon ay hindi na siya kulitin pa kung nasaan ang kasama niya. Hindi niya kasi talaga gustong sagutin iyon. Pero mali siya ng akala.

“This is a reservation for two persons. May kasama ka---si Mr. Arvin Gutierrez,” Tumingin ang officer sa likod at paligid niya. “Nasaan siya?”

Patay na, gustong-gusto na sabihin ni Sunny. At buti nga sana kung totoo. Dahil mas maayos pa siguro iyon na tanggapin kaysa sa ginawa sa kanya ng taong kasama niya sana ngayon sa Thailand.

“Hindi siya sumama.”

“Bakit?”

Nagkibit-balikat si Sunny. “Hindi ko po alam,”

“Huh?

Hindi na sumagot si Sunny. The officer checked her hotel reservation. “This is a high-end resort. Puntahan ito ng mga nagha-honeymoon sa Thailand,”

“Yes,” simpleng sagot ni Sunny.

“It’s a waste of money if you are going alone. Sayang,”

“Okay lang. Hindi rin naman po siya nanghinayang nang basta na lang niya akong iwan,”

Tapak na tapak na ang pride ni Sunny. At bakit ba ganito ang officer na natapatan niya? Ang dami daming sinasabi.

Medyo natawa ang officer. “Humuhugot ka, Ma’am…”

“Totoo naman po,” Inilagay ni Sunny ang kamay sa ibaba ng baba niya. “`Yung ganda na ito, pinakawalan niya,”

“So sino nga itong si Mr. Arvin? Yung nang-iwan nga sa `yo?”

Sunny was left with no choice. Naiiyak na umamin siya.

“Tama po kayo. Pang-honeymoon ang hotel na `yan…” Huminga nang malalim si Sunny. “Because I was supposed to be there with my groom,”

Napasinghap ang immigration officer. “T-teka, iniwan ka ng groom mo?”

Tumango si Sunny. “Walang forever…”

“Oh, I’m really sorry. Pero tama ka nga,” Napahawak sa noo ang officer. Mukhang may pinagdadaanan rin ito. Tumingin-tingin ulit ito sa passport niya at hotel bookings pagkatapos ay bumuntong-hininga. “Tama na rin nga ang interrogation. Tumingin ka na sa camera,”

Hindi na ulit inusisa ng immigration officer si Sunny. Nakalabas na rin siya sa immigration area. Pero kung ang iba ay nakakahinga nang maluwag pagkatapos ng interview ay mabigat pa rin ang pakiramdam ni Sunny.

What if pinili ni Sunny na lumaban sa officer? Ang magsabi ng kasinungalingan? Baka na-offload siya.

Pero failure ang ma-offload. Ayaw na niya ng failure dahil kota na rin siya roon. Kaya lang ay mas okay na siguro na ma-offload kaysa ang mapahamak…

First time ni Sunny na magpunta ng ibang bansa. At ang nakakatakot ay mag-isa lang siya.

Napapikit si Sunny. Kaya ko ito. Nakaya ko nga na maiwan sa altar, ano pa ang pagpunta sa honeymoon ko ng mag-isa?

Huminga nang malalim si Sunny. Yes, kaya niya ito. Naipasa niya ang interview ng officer. Ngayon pa ba siya magba-back out? Ilang minuto na lang rin ay makakasakay na siya ng eroplano. Makakapunta na siya sa ibang bansa---sa Thailand. Ilang taon na niya itong pinapangarap, ngayon pa ba siya bibitaw?

Kinuha ni Sunny ang cell phone niya. She took a photo of her passport and boarding pass. She posted it on her instagram story. Nilagyan niya rin iyon ng text para magsilbing caption.

#ThisIsIt #Alone #HoneyMoonWhat #WhenInThailand

Five Minutes Later…

@RuanRoxas replied on your story: For real?

Napakunot noo si Sunny bago sinagot ang lalaki.

@SunnyNotSideUp: Ano namang pakialam mo?

“I’M REALLY sorry about it, Ma’am. But we cannot do anything for your belongings,”

Kulang ang salitang nanlumo para ilarawan ang nararamdaman ni Sunny. Parang bigla tuloy niyang nahiling na sana nga ay na-offload na lang siya. Hindi pa man kasi siya nakakatuntong sa Thailand ay napahamak na kaagad siya.

Nawalan ng pera si Sunny sa eroplano!

Late na nang ma-realize ni Sunny na nawalan siya ng wallet. Nakababa na siya ng eroplano. Ganoon pa man, sigurado siya na sa eroplano siya mismo nawalan. Bago kasi siya makasakay ng eroplano ay ch-in-eck niya muna ang gamit niya. Sigurado siyang naroroon pa ang wallet niya.

Nagsorry si Sunny sa staff. Gustuhin man kasi niyang ilabas ang katarayan niya ay wala naman siyang magagawa. Wala naman kasing CCTV sa eroplano. Hindi makikita ang salarin. Besides, baka kasalanan rin niya. Dala ng sobrang pagod sa mga nakalipas na araw ay nakatulog siya sa eroplano. Baka habang tulog siya ay nadukutan siya.

Mag-isa lang si Sunny na magpupunta sa Thailand. She knew she should be extra careful. Ilang beses na sinabi iyon sa kanya ng magulang niya. Pero dala na rin ng pinagdadaanan niya ay mahirap na sundin. Gabi pa naman ang flight niya kaya pinatay ang ilaw sa eroplano. Mukhang walang nakakita ng pangyayari.

The thief took the chance of the situation. Napakagaling rin nito. Kahit ang mga pera na hindi nakalagay sa wallet niya ay nakuha rin nito. Sinadya niya kasing huwag ilagay sa iisang lalagyan ang pera niya. Mayroon rin noon sa inner pocket ng bag niya. Pero nangalkal ang salarin. Pati iyon ay kinuha nito.

Kainis talaga!

Pero kung tutuusin, masuwerte pa rin si Sunny. Pera lang ang ninakaw. Natitira pa rin ang cell phone niya. The thief also spared her passport. Makakabalik pa siya ng Pilipinas.

Kaya lang, paano naman niya ma-e-enjoy ang Thailand kung wala siyang pera? Paano siya makakagala? Paano siya makakakain? Nag-aalangan rin siya kung sasabihin niya sa pamilya niya ang nangyari. She already gave them enough worries by going alone in this supposed to be honeymoon. Ilang beses siyang pinigil nito pero dahil sa sama ng loob sa mga nangyari, hindi na siya nagpapigil.

Naghanap si Sunny nang mauupuan sa airport. Kailangan niyang mag-isip kahit pagod na siya. Alas dose na ng hating gabi. Sa dami ng pinagdaanan niya sa nakalipas na araw, dumagdag pa ito. Siya na yata ang pinaka-malas na tao sa mundo.

Pumikit si Sunny nang maramdaman ang pag-iinit na naman ng mata niya. No, hindi siya iiyak. Pagod na siya. Pero mas nakakapagod pala na hindi ilabas ang nararamdaman mo sa loob lang ng isang araw…

“Walang masama sa pag-iyak, Anak. Pero sana ay maisip mo na hindi pag-iyak ang sagot sa problema. Nandito kami ng Daddy mo. Mahal ka namin at hinding-hindi ka namin iiwan…” Naalala ni Sunny na sabi sa kanya ng Mama niya.

Alam ni Sunny na hindi siya pababayaan ng pamilya niya. Hindi siya iiwan ng mga ito. But Sunny did the other way around. Siya ang nang-iwan. Kaya ito na siguro ang karma niya. Kaya mas masakit ang lahat.

At mas marami rin na luha ang lumabas sa mata ni Sunny. Halos humagulgol na siya sa airport. Kaya naman hindi na siya nagtaka nang may tao rin na kaagad na lumapit sa kanya.

“Stop crying,”

Pero hindi iyon pinansin ni Sunny. Inilabas pa rin niya ang sakit ng damdamin sa pamamagitan ng pag-iyak.

“Tumahan ka na, Sunny.”

Doon lang natigilan si Sunny. She raised her head. Literal na napatigil nga siya sa pag-iyak dahil parang tumigil ang mundo niya nang makita ang nasa harap niya.

Lalaki. Tall, dark and handsome.

But familiar. Very familiar…

“I have overheard what happen. At `wag ka nang mag-alala at umiyak. Tutulungan kita,”

“Huh?”

“You didn’t recognize me?”

Naikuyom ni Sunny ang mga kamay. “How can I not?!”

“Kilala mo ako. So come and accept my help,” wika nito at inilahad ang kamay nito sa kanya.

Hindi nagsalita si Sunny. Sa halip, tinitigan lang niya ang kamay na nasa harap. Ruan is not a stranger. Not at all. At may bahagi ni Sunny ang nagsasabi na sensible choice na patulan ang inaalok nitong tulong.

Pero sensible nga ba na tanggapin ang tulong ng best friend ng ex-groom niya?

IMPIT na napasigaw si Sunny nang magmulat siya ng mga mata. Nasa isang unfamiliar place siya pero may pamilyar na lalaking kasama.

“What’s the fuss?” Groggy pa ang mukhang naggising niya ang lalaki.

Tumayo si Sunny ng kama. Pinamaywangan niya si Ruan. “Kasama kita! Tapos hindi ko pa alam kung saan ang lugar na ito,” Tumingin si Sunny sa paligid. “And it’s so filthy!”

Walang maalala si Sunny kagabi pagkatapos siyang isakay ni Ruan sa taxi. Alam niyang kasama niya ito. May nagsasabi sa loob niya na delikado iyon. But she was so dead tired to care. Nakatulog siya sa taxi at ngayon na lang ulit nagkamalay.

Hindi ganito ang inaasahan ni Sunny. Nang tanggapin niya ang tulong ni Ruan---dahil by the way, wala na siyang choice---inisip niya na bibigyan lang siya nito ng pera. Nagmagandang loob lang ito na samahan siya sa hotel niya dahil dis oras na ng gabi. Pagkatapos ay gigisingin na siya nito at bibigyan ng pera.

Pero hindi nangyari ang akala ni Sunny. Hindi siya ginising ni Ruan, hindi siya nito binigyan ng pera at sigurado siya na hindi ito ang hotel niya. She was booked on a five star hotel. Samantalang itong nabungaran niya ay hindi na niya pagtatakahan kung may daga man. Sira-sira ang pintura, may tumutulo mula sa maduming kisame at parang kulungan lang ng ibon sa liit!

Tumingin si Ruan sa kama. Namula naman si Sunny. May nakalimutan pa pala siya na ireklamo. “And yes, we slept in the same bed together. May ginawa ka ba sa akin?”

Tinitigan siya ni Ruan. Sinuyod rin nito ng tingin ang katawan niya. “Mukha ba akong mang-aabuso ng babaeng broken?”

Nakaramdam ng pangigigil si Sunny. Alam niya na simula nang iwan siya ni Arvin ay napabayaan niya ang sarili niya. Halos hindi siya nagsusuklay at malalim na rin ang itim sa mga mata niya. She was not attractive. Bakit nga ba niya iisipin na aabusuhin siya ng isang lalaking kagaya ni Ruan? He is so far better than her. At sa itsura niya ngayon, she doubt kung may magkakagusto pa nga sa kanya. She is ugly.

Kaya nga siguro siya iniiwan…

“Fine,” Inalis na sa isip ni Sunny ang pang-aabuso. After all, wala naman siyang nararamdaman rin na kakaiba sa katawan niya. “Pero bakit ba dito mo ako dinala?”

“You will just make your life miserable if you still stay on that hotel.”

“Sayang naman `yun,”

“Maybe. Pero gusto mo ba na palibutan ng lovers habang ikaw ay iniwan mismo ng groom mo?”

May point ang lalaki. Hindi siya nakapagsalita.

Tumayo na si Ruan. Tinalikuran siya nito. Naramdaman na naman niya lalo ang pag-iisa. Nag-sink in rin sa utak niya ang mga sinabi ng lalaki kaya napaiyak na naman siya.

Nilingon ulit siya ni Ruan. “I helped you. And I’m still willing to help you more. Pero puwede bang magrequest? I don’t want to see you crying…”

Hindi pa rin napigilan ni Sunny ang mapaiyak. And she can’t be blame so. She feels so helpless. Awang-awa siya sa sarili.

“Kapag umiyak ka, iiwan kita…” Banta pa ni Ruan.

But then, Sunny was not affected again. Mas apektado pa rin siya ng sakit sa kanyang puso. She cried more.

And Ruan did his threat. Iniwan na nga siya nito at lumabas ng kuwarto.

Dumaan pa ang isang minuto at saka lang na-realize ni Sunny ang nangyari. Iniwan na naman siya ng isang lalaki. Dahil ba pabebe siya? Dahil hindi niya makayang kontrolin ang mga emosyon niya?

Walang narinig si Sunny na reason ni Arvin para iwan siya. Hindi niya alam kung anong mali sa kanya. But maybe there is. And when something is wrong, it should be corrected and make it right.

`Di ba?

Hindi na dapat iwan pa si Sunny.

Pinatahan ni Sunny ang sarili. Uminom siya ng tubig. Pagkatapos ay tumayo siya ng kama at hinabol si Ruan.

“Teka, bumalik ka nga! Gutom na ako!”

THIS is really not a good idea, nasa isip ni Sunny habang sumusunod kay Ruan. Kung tutuusin, wala namang masama sa ginagawa nila. Sinunod naman ni Ruan ang pangako nito na tutulungan siya. In fact, they are on the way to have breakfast---in the streets!

“What do you want?” tanong ni Ruan habang nakatayo sila sa kalsada---sa pila ng mga street food kart.

Inikutan niya ito ng mata. “Nag-english ka pa samantalang ang cheap mo naman,”

“Parang nakalimutan mo yata na ikaw nga sa atin ang walang pera,”

Napangiwi si Sunny. May point ito. “Pero mayaman ka naman. Why here?”

“As a tourist, it’s a must to find the authenticity of the culture and all. And you will find it best on the streets---the place where most of the locals eat,”

Again, may point rin ito. Sabi nga sa quote, When in Rome, do as the Romans do. Dapat ay i-apply rin niya iyon sa Thailand.

Pumayag na si Sunny kahit hindi siya sanay sa ganitong buhay. Lumaki siyang above average class. Hindi siya pinapakain ng magulang niya sa kalsada. But she has to agree with Ruan’s point. Kung ito nga na mas mayaman sa kanya ay hindi nag-iinarte, bakit siya? Anong karapatan rin niya? Kung tutuusin, parang palamunin siya ng lalaki. Kailangan niyang magtipid.

Hindi naman nagtagal ay nakahanap si Sunny ng pamilyar na Thai Food at isa rin sa nilu-look forward niya na kainin sa Thailand---ang Pad Thai. Nakatikim na siya noon sa isang Thai Restaurant sa Maynila. She found it good but she wanted to taste the authentic one. At alam niya na sa Thailand siya makakain noon. Mahilig rin kasi siya sa Pancit at ang Pad Thai ang parang version ng pancit ng mga Thai’s. Iyon ang binili niya.

Umupo sila ni Ruan sa table sa harap ng kart habang hinihintay ang order. Pakiramdam niya tuloy ay nasa carinderia siya---even actually worst. Open kasi ang area at may karumihan rin iyon.

“Ikaw, anong kakainin mo?” untag ni Sunny kay Ruan.

Tinitigan lang siya ng lalaki.

Tinaasan niya ito ng kilay. “Hindi ako nakakain, Ruan,”

Sinamaan ni Sunny ng tingin ang lalaki. He smirked---mukhang natatawa. Parang natigilan tuloy siya. Kilala rin naman niya si Ruan. He never laughs. Mukha itong seryoso---kahit na ba marami ang nagsasabi na hindi naman ito nagseseryoso sa buhay. Pero mukhang ang cute pala nito kapag nagmumukhang masaya.

Errr… Bakit mo naman pinapansin `yun, Sunny? May part na naiinis ka sa kanya `di ba? Bulong ng isang bahagi ng utak ni Sunny.

Mabait si Ruan pero sa masungit na paraan. At kahit naman tinutulungan siya nito, hindi pa rin maaalis ang katotohanan na best friend ito ng supposed to be groom niya. And birds of the same feather, flock together. May tinatago rin na kasamaan ang lalaki.

Pinili ni Sunny na huwag i-entertain ang thought. At nawalan rin naman na siya ng chance. Hindi na rin nakasagot pa si Ruan dahil dumating na ang order nila. Kumalam na ang tiyan niya kaya kumain na agad siya.

Parang sandaling nawala sa mundo si Sunny dahil sa gutom. In fairness, masarap ang street food. Nag-enjoy siya kaya late na niyang namalayan na may sumasalo na pala sa kanya.

“Bakit?” Nasita lang ni Sunny si Ruan nang makuha na nito ang noodle.

“Anong bakit?” sagot naman ni Ruan pagkatapos makakain.

“Hindi tayo puwedeng mag-share!”

“And why not?”

“Because sharing food is like sharing saliva with you,” Maarte na kung maarte. Pero hindi siya sanay na mag-share ng pagkain, lalo na sa taong hindi naman niya ka-close.

Tinaasan siya ni Ruan ng isang kilay. “What’s the big deal? We used to share more than saliva together…”

Natigilan muna si Sunny pagkatapos ay namula. Tama siya. Hindi magandang idea na sumama siya kay Ruan.

Sa kasalukuyan ay magulo na nga ang buhay ni Sunny. At sa paglapit sa kanya ni Ruan ay parang mas nagugulo pa iyon.

Pero dahil kay Ruan ay napapaisip si Sunny tungkol sa nakaraan na ayaw na sana niyang balikan…

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.