Chapter RIKI AND THE BODYGUARD: Chapter 12

“ANO’NG ginagawa ninyong dalawa diyan?”

Napakurap si Ailyn at halos magkapanabay pa sila ni Riki na napalayo sa isa’t isa nang marinig nila ang tinig ni Jeremy. Nang lumingon sila sa panig ng pinto ay noon lamang niya naalalang hindi pala nila naisara iyon. Nakatayo na roon si Jeremy na kasalukuyang nagpapalipat-lipat ang tingin sa kanilang dalawa ni Riki.

“Nothing. Ano `yang hawak mo?” tanong ni Riki na iniba ang usapan.

Itinaas ni Jeremy ang hawak nito. “Mga sulat mo na nakuha ko diyan sa mailbox mo. You really don’t bother looking at them yourself, do you? At may nakita akong pamilyar na sobre. Katulad ng sobre ng mga anonymous letter na natatanggap mo,” sabi ni Jeremy na tuluyan nang pumasok at isinara ang pinto.

“Patingin,” mabilis na sabi ni Ailyn. Iniabot ni Jeremy sa kanya ang mga sulat bago nagpatiuna sa living room. Sumunod sila ni Riki kay Jeremy habang binubuksan niya ang sobre ng anonymous letter. Nasa living room na sila nang sa wakas ay mabuksan ni Ailyn ang sobre at makita ang laman niyon. Nanlaki ang mga mata niya nang makitang picture nila iyon ni Riki noong gabi ng party.

Magkatabi sila at parehong may hawak na kopita habang nakatingin sa isa’t isa. Kung tama si Ailyn ng pagkakatanda ay nangyari iyon pagkatapos nilang sumayaw at magdesisyong magpahinga sandali. Sa pagkakatanda niya ay nakangiti silang pareho nang mga oras na iyon. Subalit hindi na iyon kita sa larawang iyon dahil may kulay pulang tinta na halos bumura na sa buong mukha nila. Mayroon din sa bandang dibdib ni Riki.

Kinilabutan si Ailyn at dahan-dahang tiningnan ang nakasulat sa likod niyon. “Have you forgotten about Marietta?” basa niya roon.

Napatingin siya kina Riki at Jeremy na nakatingin din pala sa kanya. Nabahala si Ailyn nang makitang tila binuhusan ng malamig na tubig ang ekspresyon sa mukha ni Riki habang nakatingin sa kanya.

“What?” ani Riki na tila hirap na hirap na isatinig iyon.

Nalito man si Ailyn sa reaksiyon ng binata ay iwinagayway niya rito ang larawan. “Ito. Ang sabi sa likod ay kung nakalimutan mo na raw si Marietta? Sino si Marietta?” tanong ni Ailyn.

Namutla si Riki at mabilis na hinablot ang larawan mula sa kanya. Tinitigan nito ang nakasulat sa likod niyon at tila nanghinang sumalampak ng upo sa sofa. Maging si Jeremy ay napansin niyang natigilan at tila walang masabi.

“Sino si Marietta? Posible kayang siya ang nagpapadala ng mga `yan?” tanong ni Ailyn habang nakatingin sa mga sulat.

“No. Of course she will not do something as petty as this!” malakas na asik ni Riki. Napaigtad siya sa talim ng tinig ng binata. “Who the hell is this stalker? Bakit pati ito alam niya?” ani Riki na tila sarili ang kinausap.

“Calm down, Riki,” sa wakas ay sabi ni Jeremy.

“Calm down? How could I? Patunay lang ito na may alam ang taong ito na hindi alam ng iba. Bakit alam niya ang tungkol dito? What if alam din niya kung nasaan si Marietta at gawan ng masama? What if something bad happens to her because of me?” sunod-sunod na tanong ni Riki sa tarantang tinig na ngayon lang narinig ni Ailyn sa binata.

“Nasa Amerika siya, Riki.”

“Sino nga si Marietta?” sabad ni Ailyn sa usapan nina Riki at Jeremy.

Napakurap siya nang tingnan siya nang matalim ni Riki. “You don’t have to know,” galit na sagot ng binata. Tumayo si Riki at inihagis ang larawan sa mesa. “Alamin ninyo kung sino ang nagpapadala niyan, as soon as possible. Hindi ko na mapapalampas ang ginagawa niya.” Iyon lang at mabilis na bumalik sa silid nito si Riki.

May kung anong matalim na bagay na tumusok sa puso ni Ailyn sa nakita niyang reaksiyon ni Riki. Sino si Marietta sa buhay ng binata at ganoon katindi ang reaksiyon nito? May hinala siya kung kaano-ano ni Riki ang babae pero dahil nagdudulot iyon ng hindi magandang pakiramdam sa kanya ay pilit niya iyong binale-wala.

Napakurap si Ailyn nang tumayo si Jeremy. Nang tingnan niya ang lalaki ay nasa mukha nito ang paghingi ng paumanhin. “Pasensiya ka na sa kanya. Nagiging ganyan talaga si Riki `pag si Marietta na ang involve.”

“S-sino nga siya?” mahinang tanong ni Ailyn.

Saglit na tila nagdalawang-isip si Jeremy kung sasagutin nito ang tanong niya o hindi. Bumuntong-hininga ang lalaki. Bakas ang simpatya sa mukha ni Jeremy bago nagsalita. “His ex-girlfriend. Formally, masasabi kong sila pa rin hanggang ngayon dahil hindi naman talaga sila nag-break. Although, they did part ways five years ago due to circumstances I can’t tell you about. And as you can see, she is the only woman who can make Riki that agitated.”

Natulala si Ailyn. Hindi lang dahil hindi siya makapaniwalang ang kilala niyang Riki Montemayor na ubod ng hambog at babaero ay may babaeng itinatangi nang ganoon sa puso nito. Napalunok siya at nakaramdam ng kakaibang takot na noon lang niya naramdaman. Takot na ayaw na niyang alamin kung para saan.

NAPAPANGIWI si Ailyn tuwing nakikita niya si Riki na sinasaid ang baso ng alak pagkatapos ay lalagyan uli iyon at tutunggain na naman. Kanina pa niya itinigil ang pagbibilang kung pang-ilang baso na ni Riki iyon dahil lumampas na sa mga daliri ni Ailyn sa kamay at paa ang bilang niyon. Nasa loob sila ng isang club kung saan sila unang nagkita. Nalaman niya na pag-aari pala iyon ng kapatid ni Riki na si Choi. Kanina pagkatapos magkulong sa silid si Riki buong maghapon at ikansela ni Jeremy ang mga activity nito para sa araw na iyon ay bigla na lang lumabas ng silid ang binata na bihis na bihis. Pagkatapos ay inanunsyo ni Riki, “I want to go clubbing.”

Dahil ayaw ni Jeremy na sumama rito ay si Ailyn ang binilinan ni Jeremy na bantayang mabuti si Riki. Hindi raw kasi mahilig si Jeremy sa mga maiingay na lugar na gaya ng club na nais puntahan ni Riki. Bukod doon ay may kakausapin daw ang lalaki na maaaring mag-imbestiga sa kung sino ang nagpapadala kay Riki ng mga anonymous letter na iyon.

Mukhang wala namang pakialam si Riki kung sino ang sasama rito dahil bago pa sila matapos mag-usap ng manager nito ay nakalabas na ang binata ng pinto ng pad nito. Kahit nang nasa biyahe na sila patungo sa club na iyon ay hindi tinapunan ng tingin ni Riki si Ailyn na para bang wala siya roon. Nawala na ang kakaibang pakiramdam na kaninang umaga lang ay namamagitan pa sa kanila. Nabanggit lang ang Marietta na iyon ay para nang naging ibang tao si Riki.

Muling napangiwi si Ailyn nang um-order na naman si Riki ng isang bote ng alak mula sa bartender. Nakatayo siya di-kalayuan sa binata. Naramdaman kasi niyang nais ni Riki na mapag-isa kahit hindi ito nagsasalita. Napaalerto lang si Ailyn nang may isang grupo ng mga lalaki ang biglang lumapit sa binata.

“Riki, is that you?” malakas na tanong ng isang lalaki.

Akmang lalapit na sana si Ailyn nang lumingon si Riki sa grupo at ngumiti. “Hey, long time no see!” masiglang bati nito sa mga lalaki. Mukhang mas masigla pa ang binata kaysa normal. Saglit pa ay nagkukumustahan na ang mga lalaki. Sumandal uli si Ailyn sa pader at pinagmasdan ang grupo. Base sa takbo ng usapan ay mukhang magkakilala si Riki at ang mga lalaki mula pa kolehiyo.

“Oh, right, you had a steady girlfriend back then right, Riki?” tanong ng isa sa mga lalaki.

“Oo nga. Si… Marietta, right? Man that chick was hot. Medyo may attitude problem lang pero sobrang ganda,” sabi naman ng isa pa.

Napaderetso ng tayo si Ailyn at tiningnan ang mukha ni Riki. Pero dahil hindi nakaharap sa kanya ang binata ay hindi niya makita ang ekspresyon nito. Hindi rin nagsasalita si Riki kaya nabahala si Ailyn.

“Ah, oo nga. I heard palagi siyang nirereklamo ng mga babae sa campus dahil mukha siyang vulnerable at maamo kapag nasa harap ng lalaki pero may pagkamaldita daw sa mga babae,” patuloy ng isa.

Tumawa ang mga lalaki pero dahil hindi nakikitawa si Riki sa mga ito ay nagsimula na lumakad si Ailyn patungo sa grupo. Mahirap na baka kung ano pa ang magawa ni Riki at magkagulo pa.

“What a slut, huh?”

Nanlaki ang mga mata ni Ailyn nang sa isang iglap ay biglang tumayo si Riki at sinuntok ang lalaking nagsabi na slut daw si Marietta. Napasigaw sa pagkabigla ang mga nakapaligid na tao. Tumakbo si Ailyn palapit sa grupo dahil tila nawawala na sa sarili si Riki. Pinagsusuntok ng binata ang mga kausap nito kanina. Gumanti rin ang mga lalaki kaya nagkaroon ng rumble sa loob ng bar.

“What the hell is your problem, Riki?” manghang sigaw ng isa.

“My problem is all of you and your big dirty fucking mouths!” ganti ni Riki, sabay suntok na naman. Sa isang iglap ay pinagtutulungan na ng mga lalaki si Riki.

“Itigil ninyo `yan! Riki!” sigaw ni Ailyn at tinangkang pigilan ang mga lalaki. Ngunit tumama sa mukha niya ang malakas na paghawi ng isang braso mula sa mga ito. Napaigik si Ailyn ngunit binale-wala niya ang sakit. Sigurado siyang magkakapasa ang mukha niya mamaya pero, saka na niya iyon poproblemahin. Hinanap ng mga mata niya si Riki. Nakita ni Ailyn ang collar ng damit ng binata at mabilis iyong hinawakan. “Tumigil ka na,” sigaw niya at ubod lakas na hinatak si Riki palapit sa kanya.

Hindi alam ni Ailyn kung dahil sa puwersa niya o hindi lang talaga kayang tumayo nang maayos ni Riki kaya mabilis niyang nahatak palayo ang binata mula sa mga lalaking gumugulpi rito. Iniharang ni Ailyn ang katawan at pumormang lalabanan ang mga lalaki nang sa isang iglap ay may mga bouncer nang nakalapit sa kanila. Mukhang tatalilis sana ang mga lalaki pero napigilan ang mga ito ng mga bouncer.

“Sumama kayo sa police station para madala kayo,” sabi ng bouncer. Nang tumingin kay Riki ang bouncer ay huminga nang malalim ang lalaki bago nagsalita. “Kayo rin, Sir.”

Nagitla si Ailyn at akmang magpoprotesta pero naunahan na siya ni Riki. “What the hell? Don’t you know me? Kapatid ako ng may-ari ng club na ito,” singhal ng binata. Ngayong nasa tabi ni Ailyn si Riki ay amoy na amoy niya ang alak sa hininga nito. Hindi rin nakaligtas sa kanya ang pagkalango sa tinig ng binata. Lasing na si Riki.

Tumikhim ang mga bouncer. “Alam namin, Sir. Pero hindi magiging patas sa kanila kung papalampasin namin ang ginawa ninyo. Marami ang nagsasabi at nakakita rito na kayo ang unang nagbuhat ng kamay. Pasensiya na, Sir, trabaho lang.”

Sa sinabi ng bouncer ay noon lang naalala ni Ailyn na tumingin sa paligid niya. Pinagtitinginan sila ng mga taong naroon. Hindi rin nakaligtas sa kanya ang ilang mga camera na nakatutok sa kanila. Napangiwi si Ailyn dahil sa pagkakatanda niya ay ganoon din ang nangyari noong nag-away sila ni Riki sa club na iyon. Siguradong magiging balita na naman iyon kinabukasan. Ang masama pa, nangako si Ailyn sa mga magulang ni Riki na ilalayo niya ang binata sa ganoong klase ng gulo. Pinuri pa nga siya ng mag-asawang Montemayor noong party dahil hindi na raw nababalitang nakikipag-away si Riki. Ngunit hayun at kahit nandoon si Ailyn ay hindi niya napigilan ang pagbulusok ng init ng ulo ng binata.

“I—”

“Sasama kami,” putol niya sa sasabihin pa ni Riki. Tiningnan ni Ailyn ang binata at hinawakan sa braso. “Sasama ka. Tatawagan ko si Jeremy para makapunta siya kaagad. Kapag hindi ka sumama lalo lang lalaki ang gulong ito. Maraming tao ang nakakitang ikaw ang nagsimula ng gulo. Gusto mo bang lalo pang lumala ito? Lalong sasama ang mga balita laban sa `yo bukas.”

Mukhang kahit paano ay naunawaan siya ni Riki. Tumiim ang mga bagang nito at mariing itinikom ang mga labi. Nakahinga nang maluwag si Ailyn nang huminahon si Riki. Para saan pa ang pagiging bodyguard niya kung hindi niya kayang ipagtanggol at pangalagaan si Riki? Tumingin si Ailyn sa mga bouncer at tumango para ipaalam na sasama sila. Gumanti ang mga bouncer ng tango. Saglit pa ay nakalabas na sila ng club.

GAYA ng inaasahan ni Ailyn ay nagkagulo na naman ang press at netizens dahil sa paglabas ng video at mga larawan ni Riki na nakikipag-away sa club. Ang mas matindi pa ay may mga nakakuha rin ng larawan ng binata nang pumasok sila sa police station. Bukod doon ay tila nagtulungan pa ang mga nakasuntukan ni Riki na nag-post sa mga social networking site ng tungkol sa nangyari. Lumabas na lasing na lasing si Riki at ang binata ang nagsimula ng gulo. Ayon sa mga lalaki ay pinrotektahan lang ng mga ito ang mga sarili sa pananakit ni Riki.

Kahit na alam ni Ailyn na may katotohanan ang mga sinabi ng mga lalaki ay masyadong exaggerated ang pagkakakuwento ng mga ito. Lalong sumama ang tingin ng mga tao kay Riki. At dahil may pasa pa ang binata sa mukha ay hindi pa pinayagan ni Jeremy at ng mga kapatid nito si Riki na humarap sa press. Kapag nakita raw ng mga tao ang mga pasa ng binata ay kukumpirmahin lang niyon ang nangyaring gulo. Malaki ang posibilidad na kahit anong paliwanag ang gawin ni Riki para ipagtanggol ang sarili ay mas paniniwalaan pa ng mga tao ang mga nasabi na ng mga nakaaway ng binata at ng mga nakasaksi sa pangyayari.

Nag-backout ang mga endorsement ni Riki dahil sa eskandalong iyon. Sa isang iglap ay nawalan ng gagawin ang binata. Pinagbawalan nina Raiven si Riki na lumabas kaya mula ng gabing nangyari ang gulong iyon ay hindi pa lumalabas ng pad nito ang binata. Mula rin ng gabing iyon ay hindi pa uli nakikita ni Ailyn si Riki. Ayaw kasi siyang papasukin ng binata sa pad nito. Hindi na raw nito kailangan ng bodyguard sa loob ng sarili nitong bahay. Umuwi na lang daw siya. Pero dahil wala naman ibang gagawin si Ailyn at nag-aalala siya para kay Riki, araw-araw pa rin siyang nagpupunta sa pad ng binata. Pero kahit paulit-ulit niyang pindutin ang doorbell ay ayaw pa rin pagbuksan ng pinto ni Riki si Ailyn na gaya nang mga oras na iyon.

Bumuntong-hiningang sumalampak si Ailyn sa sahig sa gilid ng pinto. Hindi na niya alam kung ano ang gagawin niya. Kung dati iyon nangyari ay nunca pakialam niya kung ano ang nangyayari kay Riki. Pero ngayon ay hindi magawang pabayaan ni Ailyn ang binata. Hindi siya mapakali na hindi ito nakikita.

Hindi niya alam kung gaano katagal na siya nakaupo roon nang maramdaman niya ang papalapit na yabag. Tumingala si Ailyn at nakita niya ang housekeeper ni Riki na si Bona. Mukhang nagulat ang matandang babae na makita siya roon. Alanganing ngumiti si Ailyn at tumayo. “Araw ho ng paglilinis ninyo?”

Tumango si Bona at pinagmasdan siya. “Ano’ng ginagawa mo diyan?”

Biglang may naisip na solusyon si Ailyn para makapasok siya sa loob ng pad ni Riki kahit na ayaw siya nitong pagbuksan ng pinto. Nahihiyang ngumiti siya sa may-edad na babae. “Papasok na po ba kayo sa loob? Hindi po ba may sarili kayong susi?” Tumango si Bona. Nakahinga nang maluwag si Ailyn. Sa wakas makakapasok na rin siya sa loob.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.