MARAHAS na pinahid ni Lauradia ang mga luhang hindi siya makapaniwalang tumulo sa mga pisngi niya. Para saan ang mga luhang iyon? Dahil ba unti-unting nagkaletse-letse ang plano nila dahil sa katigasan ng puso at determinasyon ni Raiven na pakasalan ang girlfriend nito? O dahil naramdaman niya ang intensidad ng emosyong nararamdaman ng binata na kapareho ng sa kanya nang tugunin nito ang halik niya? O baka naman dahil sa pagtulak ni Raiven sa kanya palayo at pagsigaw nitong lumabas siya ng kotse nito? Or was it the fact that after that mind numbing kiss he still wanted to marry Julia?
Huminga siya nang malalim. Inaasahan naman na talaga niyang hindi niya agad mapagbabago ang isip ni Raiven. Pangalawang beses pa lang niyang nakakausap ang binata pero alam na kaagad ni Lauradia kung gaano katindi ang sense of duty nito. At kung sa tingin ng lalaki ay nakapangako na ito para sa ibang babae ay hindi nito basta-basta iiwan ang babaeng iyon. Sa tingin niya, isa iyon sa magagandang katangian ni Raiven kaya kahit tahasan siyang ni-reject nito ay hindi niya magawang magalit sa binata. Hindi tulad ng ibang lalaking nakaengkuwentro ni Lauradia na agad natutukso kahit may responsibilidad na sa ibang babae. May gumuhit na kirot sa puso niya sa nakita niyang galit sa mga mata ni Raiven, pero hindi kasama sa trabaho niya ang makaramdam ng ganoon kaya mas mabuti kung kalimutan na lang niya ang pakiramdam na iyon.
Nakita ni Lauradia sa tagong bahagi ng parking lot ang kotseng gamit nila ni Czarina. Mabilis siyang pumasok doon at umupo sa passenger’s seat. Si Czarina naman na nakaupo sa likod ng manibela ay naghihintay na magkuwento siya tungkol sa nangyari sa misyon niya.
“Ano’ng nangyari?” tanong ng babae.
Huminga siya nang malalim at umiling. “He turned me down. Itutuloy niya ang proposal niya ngayong gabi,” sagot ni Lauradia.
Bumakas ang disappointment sa mukha ni Czarina. Mas matindi pa sa pagkadismaya nito ang nararamdaman niya nang mga oras na iyon pero nagawa pa rin niyang ngumiti. “Huwag kang mag-alala, Rina. Proposal pa lang naman iyon. Alam mo naman ang mga mayayaman matagal na pinaghahandaan ang kasal. Ibig sabihin lang niyon mayroon pa tayong panahon para magawa ang misyon natin. You’ll see, there will be no wedding between Raiven and Julia,” determinadong sabi niya.
“Pero sa oras na i-announce nila ang kasal nila siguradong magiging magulo ang sitwasyon. Hindi puwedeng malaman ng lahat ang tungkol sa grupo natin,” nababahalang sabi ng babae.
“Alam ko. Huwag kang mag-alala. Kahit maging gaano pa kagulo ang sitwasyon, tatapusin natin ang trabahong ito. If worse comes to worse, sosolohin ko ang responsibilidad. Hindi ko kayo idadamay,” ani Lauradia.
Bumakas ang pagkagulat sa mukha ni Czarina. “Gagawin mo `yon?”
Tumango siya. Dahil kung magkakaaberya man sa misyong iyon, alam niyang kasalanan niya iyon. Lalo pa at hanggang sa mga oras na iyon ay nararamdaman pa rin niya ang mainit na mga labi ni Raiven sa mga labi niya. Alam niya na ikapapahamak niya ang damdaming binubuhay ng binata sa kanya. At saka, nilabag na niya ang ilan sa rules nila sa Club Notteria na Never feel anything towards your target, whether it’s sympathy or love.
“Hindi ko ipapahamak ang taong nagbigay sa `kin ng pangalawang buhay, Czarina,” matatag na sabi ni Lauradia.
Ngumiti ang ka-grupo niya at gumanti ng tango. “Ako rin naman. Pero hindi ibig sabihin niyon na pababayaan na kita. I’ll watch your back.”
Gumanti siya ng ngiti at sumandal sa backrest ng kotse. Napatingin siya sa labas ng bintana. Nagpasalamat siyang hindi tanaw mula sa puwesto nila ang sasakyan ni Raiven. Dahil malamang na kapag nakita ni Czarina kung paano siya nadala ng mga halik ni Raiven kanina ay baka hindi nito sabihin iyon. Mayamaya pa ay binuhay na ng babae ang makina ng kotse at pinaandar iyon paalis ng lugar na iyon.
HINDI alam ni Raiven kung gaano katagal siyang nakatayo lang sa labas ng mansiyon ng mga Lagdameo. Nang mapagkasunduan nila ni Julia na lumabas nang gabing iyon, iginiit pa niya rito na gusto niya itong sunduin. Madalas kasi na nagkikita na lang sila sa kung saang restaurant nila napagkasunduang magkita. Pero iba ang gabing iyon. Tonight, he would propose to her. Buo pa rin ang desisyong iyon sa isip niya.
Pero hindi pa rin niya makalma ang sarili dahil sa naging engkuwentro nila ng babaeng iyon na bigla na lang sumusulpot sa harap niya na para bang alam nito kung saan siya matatagpuan. Fine, he admits that she had stirred up emotions in him he didn’t know he had. He would even admit he desired her. Hindi gusto ni Raiven ang intensidad ng mga emosyong binubuhay nito sa kanya. Naiinis siya na kahit ayaw niya ay sumusungaw ang nakangiting mukha ng babae sa isip niya. He hated the fact that he liked kissing her.
Subalit hanggang doon lang iyon. Hindi iyon dahilan para sirain niya ang mga plano niya sa buhay. Lalo pa at sigurado siyang isa si Lauradia sa mga tipo ng babaeng nang-aakit ng mga lalaki on a regular basis. Kailangan na lang niyang isipin na pagsubok iyon sa kontrol niya. Kung hindi niya magagawang tanggihan ang babae paano pa kung may ibang gaya nito ang dumating sa buhay niya kapag kasal na sila ni Julia? Being an unfaithful husband was never in his plan.
Napaderetso ng tayo si Raiven at nagbalik sa kasalukuyan ang isip nang lumabas si Julia sa bahay ng mga ito. Napakaganda ng dalaga sa simpleng bestidang suot nito. Nakalugay ang buhok at simple lang ang makeup ni Julia. Ngumiti nang matamis ang kasintahan niya nang magtama ang mga mata nila.
“Kanina ka pa raw nandiyan sabi ng isang katulong namin. Nainip na ako sa paghihintay sa `yo kaya lumabas na ako,” anito habang naglalakad palapit sa kanya.
Nakaramdam uli siya ng sundot ng konsiyensiya kaya agad niyang hinalikan sa pisngi ang dalaga. He realized that it was always her who’d initiate a kiss. Pero nang lumapat ang mga labi niya sa malamig na pisngi ni Julia ay naalala na naman uli ni Raiven ang mainit na balat ng babaeng kanina lang ay ayaw niyang tigilan ng halik sa mga labi. Bahagya siyang lumayo kay Julia at minura ang sarili. He should stop thinking about that woman especially in front of his soon-to-be fiancée.
“Raiven?” untag sa kanya ni Julia.
Ipinilig niya ang kanyang ulo para hamigin ang sarili. “Wait.” Mabilis siyang bumalik sa kotse niya at kinuha mula sa backseat ang mamahaling bouquet na binili niya para dito. Pagkatapos ay bumalik siya sa harap ni Julia at iniabot iyon dito. “For you.”
Kumislap ang mga mata ng kasintahan niya sa kasiyahan nang abutin iyon. “Oh, Raiven, it’s beautiful,” ani Julia. Tiningala siya nito at matamis siyang nginitian. “This is the first time you had given me a bouquet like this. Feeling ko tuloy napakaespesyal ng gabing ito.”
Ngumiti si Raiven at hinawakan ang kamay ng dalaga. “Believe me, it is.”
KINABUKASAN, naging laman ng halos lahat ng society pages at television shows ang balita tungkol sa pagpo-propose ni Raiven Montemayor ng Montemayor Communications sa unica hija ng Lagdameo Telecom na si Julia Lagdameo. At siyempre pumayag si Julia na pakasalan si Raiven. Walang hindi nagsasabi na iyon na yata ang pinakaperpektong matchup sa alta-sosyedad sa loob ng ilang taon. Bale-wala rin para sa lahat kung twenty-three years old pa lang si Raiven at twenty-two pa lang si Julia. Sa tingin ng lahat ay bagay na bagay ang dalawa.
Maging sa mga business page ay balita rin ang pareha. Ayon sa mga business critic, napakalaking family merger niyon at kahit saang anggulo tingnan ay tama ang naging desisyon ni Raiven na mag-propose ng kasal kay Julia. Biglang tumaas ang value sa stock market ng Montemayor Communications. Dumami rin ang mga mayayamang negosyanteng handang makipag-partner sa kompanya. Kahit pa iginigiit ng dalawang partido na hindi business arrangement ang nangyari kundi love match ay hindi pa rin natigil ang mga tao sa kani-kanilang espekulasyon tungkol sa nalalapit na kasal ng dalawa.
“What the hell is the meaning of this? Akala ko ba kayang-kaya ninyong paghiwalayin silang dalawa?” galit na galit na sabi ni JM pagdating na pagdating pa lang ng lalaki sa opisina nina Lauradia.
Inaasahan na nila iyon kaya kalmanteng hinayaan na muna nilang magsalita nang magsalita ang kliyente nila bago siya sumagot. “Hindi pa sila kasal, JM.”
Galit na bumaling sa kanya ang lalaki. “Pero alam na ng lahat na ikakasal sila,” asik nito.
Tinaasan niya si JM ng isang kilay. “So? Susuko ka na dahil lang alam na ng lahat na ikakasal sila? Bakit, takot ka ba sa eskandalo? Kung oo ang sagot mo sabihin mo na sa amin ngayon. Hanggang diyan lang pala ang tibay ng loob mong mabawi siya. Ibig sabihin ay hindi mo siya kasingmahal gaya ng iniisip mo,” sabi ni Lauradia.
Hindi nakapagsalita si JM. Huminga ito nang malalim at sinalubong ang mga mata niya. Hindi niya naiwasang bumilib uli sa lalaki. Nang una itong magpunta sa kanila akala niya, wala itong disposisyon. Pero habang tumatagal ay nakikita niya ang determinasyon sa mga mata ng lalaki.
“I don’t care about scandals, I just want her back,” mahina pero mariing sabi ni JM.
Napangiti siya. “Good.”
“Pero ayoko ng naghihintay. I will do something myself,” dugtong ng lalaki.
Nawala ang ngiti ni Lauradia. “At ano ang ibig mong sabihin?”
Sinalubong ni JM ang tingin niya. “Ipagpatuloy mo pa ring gawin ang napag-usapan natin. Bahala ka sa lalaking iyon, ako ang bahala kay Julia. I will convince her myself.” Iyon lang at lumabas na ang lalaki sa opisina nila na kasimbilis ng pagpasok nito.
Napabuga siya ng hangin at napasulyap sa mga broadsheet at tabloid na naglalaman ng mga artikulo tungkol kina Raiven at Julia. Nakuyom ni Lauradia ang mga kamay at itinikom nang mariin ang mga labi nang tila may sumuntok sa sikmura niya. Sumandal siya sa sofa at tumingala sa kisame. He really asked her to marry him. Kahit na hinalikan niya ako ng ganoon.
May nalasahan siyang pait sa bibig niya at umiling. Ano pa ba ang inaasahan niya? Alam niyang naapektuhan si Raiven sa mga kapusukang ginagawa niya. Pagnanasa lang iyon, nararamdaman iyon ng lahat ng lalaking lumalapit sa kanya. Pero si Raiven ang klase ng lalaking hindi basta-basta magpapadala sa tukso. Hindi nito iiwan ang fiancée nito nang dahil lang doon. Alam niya iyon. He even said that himself. Hindi ko siya iiwan nang dahil lang sa `yo.
Kinagat ni Lauradia ang ibabang labi sa pagsirit ng kirot na agad niyang pinalis. Don’t be upset, Lauradia. Hindi pa tapos ang misyong ito, sabi niya sa sarili. Kung trabaho lang sana talaga ang dahilan kung bakit siya nasasaktan ng ganoon.