“WOHOO, this is what I want. Vacation!” masiglang sigaw ni Choi pagkababang-pagkababa sa private plane nila. Natatawang sumang-ayon si Riki rito habang si Raiven naman ay tahimik lang na iginala ang paningin sa paligid ng island resort kung saan sila naroon.
Akala niya ay nakalimutan na ni Riki ang pagpayag niya sa bakasyong iyon. Pero noong isang araw lang ay biglang sumulpot sa opisina niya ang dalawa niyang kapatid para ipaalala ang lakad nilang iyon. Halos hindi na siya umuwi nang araw na iyon para lang tapusin ang mga papeles na kailangan na niyang pirmahan. Nasa Amerika na si Julia. Hindi na nga niya nagawang ihatid sa airport ang dalaga dahil masyado siyang busy sa trabaho niya pero nangako naman siyang susunduin niya ito sa airport pagbalik nito mula sa Amerika. Sa ngayon ay malaya siyang magbakasyon kahit ilang araw lang.
Mayamaya pa ay may mga empleyadong lumapit sa kanilang tatlo. Sinabitan sila ng mga empleyado ng tig-iisang garland necklace at inakay patungo sa kani-kanilang silid. Inilagay lang nila ang mga gamit nila roon, kumain sandali, at pagkatapos ay niyaya na sila ni Choi na magpunta sa beach. Walang masyadong tao roon dahil pribado ang resort na iyon at dahil hindi naman summer. Tamang-tama ang lugar na iyon para mag-relax. Unti-unting nakalma si Raiven habang iginagala niya ang paningin sa paligid. Nagtungo sa dagat sina Choi at Riki habang siya ay mas piniling maupo lang sa buhanginan at magmasid sa mga lumalangoy sa dagat.
Sa wakas, nasa isang lugar siya kung saan wala siyang ibang iisipin kundi ang magpahinga, isang lugar na wala ang babaeng biglang dumating sa buhay niya at ginulo ang mundo niya. At last, his life was going the way it used to be. The whole country now knows he was going to marry Julia Lagdameo. Ang biglang paglaki ng income ng Montemayor Communications ay isa sa mga patunay na tama ang desisyong ginawa niya. Sigurado rin si Raiven na magiging perpektong kapareha si Julia, lalo na kapag siya na ang presidente ng kanilang kompanya. Everything was going according to his plan. Hindi siya makapaniwalang naisip niyang may kulang pa sa buhay niya. He realized he prefer it like this, without complications like that woman—
Nanlaki ang mga mata niya habang nakatitig siya sa isang bahagi ng dagat nang may isang babaeng biglang umahon mula roon. Nahigit niya ang kanyang hininga at napatitig sa babaeng kasalukuyang hinahawi ang mahabang buhok palayo sa mukha nito. Namamalikmata ba siya? Iyon lang kasi ang tanging paliwanag na naiisip ni Raiven kung bakit nakikita niya si Lauradia sa babaeng naglalakad na paahon sa tubig, revealing her skimpy two-piece bikini that almost left nothing to the imagination of almost all the men ogling over her.
Nang tuluyan nang makaahon ang babae ay bigla itong tumingin sa panig niya. Napaderetso siya ng upo nang magtama ang mga mata nila. And when Raiven saw the glint of recognition in her eyes he felt that familiar sensation he always felt whenever he saw her. Heat started to spread on the lower part of his body and crept up to his… heart. Shit! Ano na naman ang nangyayari sa kanya?
Naglakad palapit sa kanya ang babae at sa isang iglap ay nawala sa isip niya ang mga taong nakapaligid sa kanya. Natuon ang buong atensiyon niya kay Lauradia at sa marahan at maindayog na paglalakad nito, sa perpektong kurba ng katawan, sa mga labi ng babae na alam na alam niya kung ano ang lasa, hanggang sa mga mata nitong hindi inaalis ang tingin sa mukha niya.
Huminto sa mismong harap ni Raiven ang babae. Ngumiti ito at pakiramdam niya, may malakas na puwersang bigla na lang sumuntok sa dibdib niya.
“What a coincidence to see you here,” ngiting-ngiti sabi ni Lauradia na para bang masayang-masaya talaga itong makita siya roon. Pero may pakiramdam siya na hindi coincidence kung bakit naroon ang babae. Wala siyang ebidensiya pero malakas ang pakiramdam niya.
“Is following someone now called a coincidence?” sa wakas ay sagot ni Raiven.
Lalong lumuwang ang ngiti ng babae na para bang anumang oras ay tatawa na ito. For a moment, she looked like a mischievous little girl. Adorable. Ipinilig niya ang kanyang ulo para hamigin ang sarili.
“Yes, as long as the other party doesn’t know. Pero dahil alam mo na kaya mukhang hindi ko na ito puwedeng tawaging ‘coincidence.’ Can I sit beside you?” kapagkuwan ay tanong ni Lauradia.
Luminaw ang isip ni Raiven at awtomatikong iginala ang tingin sa paligid. Halos lahat ng tao roon ay nakatingin sa kanila, o mas tamang sabihing nakatingin sa babae. Huminto ang mga mata niya sa panig ng mga kapatid niyang nakatingin din sa kanila. May nagtatakang ekspresyon sa mukha nina Riki at Choi. Pero bigla ring nagsingisihan at kumindat pa ang dalawa na para bang sinasabing Go for it, brother! It’s just the three of us here. We’re not going to tell. Hindi niya alam kung matutuwa o maiinis siya na kinukunsinti siya ng mga kapatid niya kahit alam na ng mga itong ikakasal na siya.
Bumalik ang tingin ni Raiven sa babae nang kumilos ito at walang anumang umupo sa tabi niya bago pa man siya pumayag. Sasawayin sana niya si Lauradia pero napatingin siya sa bandang dibdib nito. Nanuyo ang lalamunan niya kaya tila napasong inalis niya ang tingin doon at tumingin sa dagat.
So much for a peaceful vacation, sa loob-loob niya.
“Wala ka bang kasama? Bakit hindi ka sa kanila magpunta?” tanong ni Raiven sa babae.
“Actually, mag-isa lang ako. Alangan namang magbitbit pa ako ng kasama, eh, ang hirap-hirap mo kayang sundan. This resort is not cheap you know.”
Napalingon siya rito nang marinig ang sinabi nito. Hindi nakatingin sa kanya si Lauradia kundi sa dagat. Titig na titig siya sa mukha nito kaya nakita niya ang pagsilay ng ngiti sa mga labi ng babae at pagkislap ng mga mata nito. It was a genuine sign of happiness he had never seen in her face before. Suddenly, Raiven saw how she dropped her seductive mask and became herself. Kung paano niya nasigurong iyon nga ang tunay na ito ay hindi niya alam.
“Pero worth it naman. Ang ganda-ganda rito. Masarap ding magpunta sa lugar na gaya nito na sobrang layo sa siyudad. Pagkaapak ko sa buhangin ng resort na ito pakiramdam ko iniwan ko ang tunay na mundo at napunta ako sa isang paraiso. I felt like I can leave everything behind and just relax.” Lumingon sa kanya si Lauradia at nagtama uli ang mga mata nila. Her eyes were shining. “Don’t you think so?” tanong nito.
Iyon din ang naisip ni Raiven kanina. Pero sa halip na sabihin iyon ay iba ang sinabi ng mga labi niya. “Is this your new strategy?”
Umangat ang isang kilay ng babae. “Anong strategy?”
“Let’s see. Sa dalawang beses na nagpakita ka sa `kin, hindi mo itinago kung ano ang intensiyon mo. You even kissed me on those occasions. But now you are being—” Hindi niya maituloy ang gusto niyang sabihin.
“Being what?” anito. Nakikita ni Raiven sa mga mata ng babae na gusto nitong marinig ang sasabihin niya.
Adorable? “I don’t know. At hindi ko rin alam kung ano’ng dahilan mo kaya ka nandito,” aniya.
Tumawa si Lauradia. Kahit ang tawa nito ay iba sa mapang-akit na tawang narinig na niya rito noon. Pero tulad noon ay hindi pa rin niya mapigilang titigan ang babae. Kakaiba ang naging reaksiyon ng katawan niya sa paraan ng pagtawa nito ngayon.
“Actually, I came here with the intention of seducing you. At hindi pa rin nagbabago `yon, Raiven. It’s just that, I can’t resist feeling so happy and comfortable in this place. Kaya naisip ko na bago kita akitin, I’m going to enjoy this place first. Ang alam ko puwede raw mag-island-hopping dito. Gusto kong makita ang ibang isla sa paligid na hindi pa nae-explore ng maraming tao,” sabi ni Lauradia na walang halong pagkukunwari. Sa katunayan, walang bakas ng pang-aakit ang mukha ng babae. Tanging purong kaligayahan lang ang nakikita niya sa mga mata nito. Nagmukhang mas bata kaysa sa unang akala niyang edad nito ang babae.
“How old are you?” naitanong ni Raiven bago pa niya napigilan ang sarili.
Halatang nagulat si Lauradia sa tanong niya at ilang segundong tila pinag-isipan nito kung sasagutin iyon o hindi. Sa huli ay nginitian siya nito, bago sumagot. “Twenty.”
Nanlaki ang mga mata niya. “Twenty?” hindi makapaniwalang sabi ni Raiven, pagkatapos ay hinagod ng tingin ang babae mula ulo hanggang paa at pabalik. “You don’t look twenty.”
Tumawa ito. “So I’ve been told. Kaya hindi ko sinasabi kung ano talaga ang edad ko. Sa katunayan bukod sa malalapit na tao sa buhay ko, sa `yo ko pa lang ito sinabi. Keep it a secret, okay?” ani Lauradia, saka kinindatan siya.
Manghang napatitig lang siya rito. Beinte anyos lang ang babae pero kung kumilos ito ay para itong babaeng alam na ang lahat ng kalakarang may kinalaman sa babae at lalaki. Just how did she grow up too fast like that? Ang pinakamagandang tanong ay, sino ba talaga si Lauradia? Walang kaalam-alam si Raiven kung sino ito.
“Why don’t you spend this vacation with me? Para masagot ko ang mga tanong mo?” anito sa kanya na tila ba nababasa nito ang iniisip niya. Tiningnan niya ang babae.
Ngumiti ito. Napaigtad siya nang bahagyang umisod palapit pa sa kanya si Lauradia at hinaplos ang pisngi niya. The temptress was back. “Why don’t we forget reality for just a few days and enjoy each other’s company? I know we will,” she said in a smooth husky voice that aroused him.
“Bakit ako? Bakit kailangang sundan mo pa ako rito?” tanong ni Raiven sa kaparehong tinig. Halos unti-unti nang nawawala ang kontrol niya sa sarili.
Lumambong ang mga mata ng babae. May dumaang kakaibang emosyon doon na nagpasikip sa dibdib niya. Pero agad ding nawala iyon. “Hindi ba sinabi ko na sa `yo ang sagot sa tanong na `yan noong nasa parking lot tayo? I want you. Ganoon lang kasimple. Malay mo maisipan kong sabihin sa `yo kung sino talaga ako sa mga darating na araw? That is if you choose to spend this vacation with me. Huwag kang mag-alala, kung iniisip mo na plano kitang pikutin o i-blackmail, nagkakamali ka. I’m just a woman who wants to get what I want. Right now, it’s you,” confident na sabi ni Lauradia.
Hindi nakapagsalita si Raiven. Lalo pang inilapit ng babae ang sarili sa kanya hanggang sa ilang pulgada na lang ang layo ng mga labi nila sa isa’t isa.
Forget reality. Tila napakasarap ngang gawin iyon. Kung papayag siyang pagbigyan si Lauradia at maging ang sarili niya, baka pagkatapos ng bakasyong iyon ay tuluyan na niya itong makakalimutan. Yes, maybe if he could just free his desire free he will no longer feel it anymore. Then he would go back to his life and marry the woman he had chosen. It was a horrible plan. Pero ano pa ba ang maaari niyang gawin para matapos na ang gulo sa kalooban niya? Hindi siya puwedeng bumalik sa Maynila na ganoon pa rin ang pakiramdam.
“Raiven?” untag sa kanya ni Lauradia.
Huminga siya nang malalim at sinalubong ang mga mata ni Lauradia. Bumilis ang pintig ng puso niya. Hindi niya alam kung dahil ba iyon sa antisipasyon sa mga mangyayari sa darating na mga araw o dahil may mas malalim na dahilan sa likod ng isip niya na ayaw niyang pagtuunan ng pansin. Sa halip na sagutin ang babae ay tinawid ni Raiven ang distansiya sa pagitan ng mga labi nila at ginawa ang kanina pa niya nais gawin. He kissed her. And he knew that she knew that it sealed the deal.
BAGO sumugod sa island resort na iyon si Lauradia ay naniniwala siyang isang porsyento lang ang posibilidad na magiging maganda ang kahahantungan ng pagpunta niya roon. Sugal para sa kanila ang pagpunta niya roon dahil sa totoo lang, nakakalula ang presyo ng accomodation sa resort na iyon. Kaya alam niya na kahit ano ang mangyari ay kailangan niyang magtagumpay na maakit si Raiven. Dahil kung hindi, kabiguan iyon ng buong samahan nila. It was something she didn’t want to happen.
Kaya naman magkahalong pagkagulat at kasiyahan ang naramdaman niya nang sa unang paglapit pa lang niya kay Raiven sa resort ay hindi nagalit ang binata at nakipag-usap pa sa kanya nang maayos. Mas guwapo ito kapag hindi madilim at mas relax ang ekspresyon sa mukha. May humaplos na masarap na init sa dibdib ni Lauradia habang pinagmamasdan niya ang mukha ng binata. That feeling intensified when he bent his head and kissed her.
Saglit na hindi siya nakahuma sa kakaibang pakiramdam na dulot niyon. Hindi iyon ang unang halik nila. But it felt entirely different because this time, he was the one who kissed her. Gumanti siya ng halik at ibinuka pa ang mga labi niya. Mukhang nakuha naman ni Raiven ang pahiwatig na iyon dahil mabilis na pinalalim nito ang halik. Naramdaman niya ang paghawak ng binata sa batok niya para lalo pang maglapit ang mga mukha nila. Nawalan na siya ng pakialam kung nasaan sila o kung may nakakakita man sa kanila. Sa tingin ni Lauradia ay ganoon din ito.
Pareho silang natauhan at kumalas sa isa’t isa nang may malakas na tumikhim. Nagkatitigan sila ni Raiven bago halos magkapanabay na lumingon sa pinanggalingan ng tikhim. Dalawang guwapong lalaking ngising-ngisi ang nakatunghay sa kanila. Kahawig ng dalawang lalaki si Raiven.
“Brother, hindi mo ba siya ipapakilala sa amin?” tanong ng sa tingin niya ay ang pinakabata sa tatlong lalaki.
Brother? Mga kapatid ni Raiven ang mga ito? Manghang tiningnan niya si Raiven. Napabuga ng hangin ang binata at tumingin din sa kanya. Sa unang pagkakataon mula nang ampunin siya ni Miss Red Butterfly ay nag-init ang mga pisngi niya sa labis na pagkapahiya. Hindi sinabi ni Czarina na kasama ni Raiven ang mga kapatid nito. Wala siyang pakialam kung makita man sila ng ibang taong hindi naman nila kilala pero hindi naman kaya ng kapal ng mukha niya ang makipaghalikan sa harap ng mga kapatid ni Raiven.
May kumislap sa mga mata ni Raiven, patunay na nakita nito ang pamumula ng mukha niya. Ngumiti ang binata. It was an amused smile that she saw for the first time. “I never thought a temptress could blush. I’m starting to see cracks in your mask, Lauradia,” naaaliw na sabi ni Raiven.
Bumaling uli ito sa mga kapatid nito at may sinabi. Subalit hindi na niya iyon maintindihan. Dahil paulit-ulit niyang naririnig sa kanyang isip ang pagsabi ni Raiven sa pangalan niya. Iyon ang unang beses na narinig niyang tinawag siya nito sa pangalan niya. Pakiramdam niya ay bigla siyang lumutang.
Bigla niyang naalala ang sinabi niya kanina sa binata at totoohanin niya iyon. Kalilimutan muna ni Lauradia ang realidad at ang tunay na dahilan kung bakit niya nilalapitan si Raiven. Kahit sa lugar na iyon lang, nais niyang magpakatotoo sa harap nito. Gusto niyang magustuhan siya nito hindi dahil sa sensuwalidad na iniaalok niya rito. Gusto niyang makita ng binata ang tunay na siya at gusto niyang makilala pa ito. Alam niyang walang kahahantungan iyon pero hanggang naroon lang naman sila. For a short while, she just wanted to be with him, to be Lauradia and not the temptress. Saka na niya iisipin ang realidad.