Chapter RAIVEN AND THE TEMPTRESS: Chapter 15

PINIGILAN ni Lauradia na itirik ang mga mata nang pagdating niya sa mansiyon ni Armando ay lango na ito sa alak. Fifteen minutes’ late pa lang siya sa party ng lalaki ng lagay na iyon. Marami itong bisita at gaya ng nakasanayan na niya ay nararamdaman niya ang pagsunod ng tingin ng kalalakihan sa kanya. Pero bago pa may makalapit sa kanya ay inakbayan na siya ni Armando at bigla na lang siyang hinalikan sa mga labi na para bang gusto nitong sabihin sa lahat na pagmamay-ari siya nito. Walang balak magpahalik sa lalaki si Lauradia pero labis siyang nabigla sa ginawa nito kaya hindi siya kaagad nakahuma. Lalo na nang bigla siyang hatakin ng lalaki paakyat sa second floor ng bahay nito.

“Kanina pa kita hinihintay,” naiinip na sabi ni Armando sa kanya bago binuksan ang silid sa dulong bahagi ng ikalawang palapag. Mabilis niyang iginala ang paningin sa paligid, hinahanap ang maaaring kinaroroonan ng safety box ng lalaki kung saan naroon ang testamentong kailangan niya para matapos na ang misyong iyon. Hindi pa man tapos mag-obserba si Lauradia ay yakap-yakap na siya ni Armando at hinahalikan ang bandang leeg niya. Sa paraan ng paghalik ng lalaki ay sigurado siyang mag-iiwan iyon ng marka, na malamang ay siyang intensiyon nito.

“Wait,” pigil niya rito at pumihit siya paharap para ilayo ang sarili kay Armando. Pero hindi tumigil ang lalaki. Sa halip ay mas humigpit pa ang hawak nito sa baywang ni Lauradia.

“I’m done waiting,” ani Armando at bigla siyang itinulak pahiga sa kama. Nanlaki ang mga mata niya nang mapansin ang pagnanasa at kalasingan ng lalaki. She knew he was dangerous. Pero hindi naisip ni Lauradia na sa ganoong paraan ito mapanganib. Napasinghap siya nang bigla siyang daganan ni Armando at simulang hatakin pahubad ang suot niyang bestida. Nakaramdam siya ng kakaibang takot at pagkataranta. My God, he was going to rape her!

Pinakalma niya ang sarili. Inipon ni Lauradia ang lahat ng lakas niya at buong puwersang tinuhod ang pagitan ng mga hita ng lalaki. Napaigik si Armando at bahagyang lumuwag ang pagkakahawak sa kanya. Itinulak niya ang lalaki, saka siya bumangon. Inalala niya ang self-defense na itinuro sa kanya ni Czarina. Mabilis niyang binigyan ng karate chop sa batok si Armando. Umigik ito, bago bumagsak sa sahig at nawalan ng malay.

Nakahinga nang malalim si Lauradia. Nanginginig ang buong katawan niya. Ilang sandali pa ang nagdaan at naalala niya ang dahilan kung bakit siya naroon. Sa kabila ng tensiyong nararamdaman niya ay hinalughog niya ang buong kuwarto ni Armando. Nakita niya ang safety box sa loob ng dressing room nito. Dinukot niya sa loob ng isang padding ng bra niya ang nakatuping papel na inabot sa kanya ni Czarina kung saan nakasulat ang mga number combination na maaaring password ng safety box base sa research ni Czarina tungkol sa lalaki.

Tuwing mali ang combination na pinipindot ni Lauradia ay tumitingin siya sa sahig kung saan nakahandusay si Armando. Mas natatakot siyang baka may maghanap sa lalaki at kumatok sa pinto ng kuwarto nito kaysa magising ito kaagad. Alin man doon ay delikado para sa kanya. Napansin pa naman niya ang ilang kahina-hinalang lalaki sa labas ng gate ng bahay ng lalaki kaninang dumaan siya.

Halos hindi na siya makahinga nang isang number combination na lang ang natitira sa papel na hawak niya. Paano kung hindi bumukas ang safety box? Aalis siya roon nang walang dala at malabong makabalik pa siya roon dahil tiyak na ha-hunting-in siya ni Armando sa ginawa niya. Kaya naman ng marinig ni Lauradia ang mahinang click mula sa safety box ay nakahinga siya nang maluwag. Yes, bumukas ka din!

Napangiti siya nang makita ang isang brown envelope na nasa loob ng box kasama ang ilang mga mamahaling alahas at bundle ng pera. Tiningnan niya ang laman ng envelope at mabilis na pinasadahan ng basa ang papeles na naroon. Iyon nga ang testamentong hinahanap niya. Mabilis niyang isinarang uli ang safety box at lumabas ng dressing room. Tiningnan niya sa huling pagkakataon si Armando, bago siya maingat na lumabas ng silid nito habang kipkip ang envelope.

Akala ni Lauradia ay makakahinga na siya nang maluwag nang makalabas na sa siya ng silid ni Armando. Pero napahinto siya sa paglalakad nang makasalubong niya ang isang taong hindi niya inakala na makikita pala niya roon—si Raiven. Nahigit niya ang kanyang hininga. Mukhang hinihintay talaga siya nito. Madilim ang mukha ng binata. Ano ang ginagawa nito roon? Hindi niya naiisip na malapit si Raiven sa isang gaya ni Armando Villacorta. She realized she was more afraid to see him now than when Armando tried to rape her a while ago.

Inalis ng binata ang tingin sa mukha niya. Tiningnan nito ang magulo niyang buhok, pababa sa leeg niyang alam ni Lauradia na may bakas ng halik ni Armando at pababa pa sa damit niyang hindi na niya naiayos dahil sa labis na pagmamadali. Dread tied her insides as she saw the hatred in his eyes. Bakit ba palagi siyang nakikita ni Raiven sa ganoong sitwasyon? At bakit ba kahit alam naman niya na galit sa kanya ang binata ay nasasaktan pa rin siya tuwing nakikita niya iyon sa mga mata nito?

Inilang hakbang lang ni Raiven ang distansiya sa pagitan nila. Napangiwi si Lauradia nang marahas nitong hawakan ang magkabilang balikat niya at bigla siyang isinandal sa pader. “Aren’t you disgusted with yourself? Can’t you find any decent job than sleeping around with men?” gigil na tanong ng binata.

Mas masakit ang idinulot sa kanya ng mga salita ni Raiven kaysa sa mga kamay nito sa braso niya. Walong taon silang hindi nagkita at iyon ang unang sinabi nito sa kanya. May bumara sa lalamunan niya pero itinaas niya ang kanyang noo at pinilit na salubungin ang mga mata ng binata. She almost flinched when she saw pure anger there.

“Mas malaki ang kinikita ko rito,” sabi ni Lauradia, bago pa siya makapag-isip nang maayos. Alam niya na lalo lang nagalit si Raiven sa isinagot niya rito.

Tumiim ang mga bagang ng binata at lalong humigpit ang hawak nito sa kanya. “You are willing to sleep with anyone just for money?”

Sa `yo ko lang ginawa `yon. Damn you! Gusto niya sanang isigaw iyon pero nagpigil siya. Sa halip ay kinagat na lang niya ang ibabang labi niya para pigilan ang hikbi nang maalala niya ang dahilan kung bakit niya kailangan ng pera. Si Lance. Ang sakit na naramdaman niya ay napalitan ng galit nang maalala niya ang anak niya. Lalo niyang itinaas ang kanyang noo. “Yes! Now leave me alone,” asik ni Lauradia at ubod lakas na itinulak ang binata. Nabitawan niya ang envelope at bumagsak iyon sa sahig. Napatingin sila ni Raiven doon. Nang magtama uli ang mga mata nila ay gusto niyang iuntog ang sarili dahil sigurado siyang nabasa ng binata sa mga mata niya ang pagkataranta.

Bago pa man niya maabot ang envelope ay nakuha na iyon ni Raiven. “What is this? Magdadala ka ba ng ganito sa isang party?” nagdududang tanong nito.

“Ibalik mo sa akin `yan. It’s none of your business!” asik ni Lauradia.

Umangat ang mga kilay ng binata. “But I believe this is not yours either,” ani Raiven at biglang tumalikod pabalik sa hagdan.

Nataranta si Lauradia. “What do you think you’re doing?” habol niya rito.

Huminto ang binata at nilingon siya. “I’m going to keep this. Pagkatapos ay ibabalik ko ito sa kung sino man ang may-ari nito. By the way, bago mo maisipang sumunod sa `kin, why don’t you fix yourself first? Wala akong pakialam sa `yo pero gusto mo bang pagpiyestahan ka ng mga bisita dahil sa hitsura mo?”

Hindi na hinintay ni Raiven na makapagsalita siya dahil mabilis na itong bumaba at nawala sa paningin niya. Nanghihinang napasandal si Lauradia sa pader. She did her best to hold back her tears. Ilang segundo pa siyang natulala bago inayos ang sarili. Kailangan na niyang makaalis doon bago pa may maghanap kay Armando, o bago pa magising ang lalaki. Nang sa tingin niya ay presentable na uli siya ay bumaba na rin siya. Iginala niya ang tingin para hanapin si Raiven pero wala na roon ang binata. Halo-halong emosyong ang naramdaman niya nang makaalis siya sa party. What a wonderful way to talk to him again after eight years, sarkastikong sabi ni Lauradia sa sarili.

“MAMA, sasamahan mo ba ako rito bukas ng maghapon?”

May sumundot na guilt sa puso ni Lauradia habang hinahaplos ang buhok ng anak niya. Gabing-gabi na at doon siya dumeretso pagkatapos niyang magpalit ng damit at ayusin ang sarili pagkagaling niya sa party ni Armando pero nang dumating siya ay gising pa rin si Lance. Nang itanong niya kanina sa bata kung bakit hindi pa ito natutulog ay sinabi nitong hinihintay raw talaga siya nito.

Nakonsiyensiya siya dahil halos hindi na niya nababantayan ang kaniyang anak sa ospital at ipinagkatiwala na lang niya ito sa mga nurse mula nang magtrabaho uli siya para kay Miss Red Butterfly. Lalo tuloy naging determinado si Lauradia na tapusin na iyon. Na dapat ay tapos na kung hindi lang kinuha ng lalaking iyon ang envelope na dapat ibibigay ko kay Czarina, gigil na sabi niya sa isip niya.

“Mama?” untag ni Lance sa kanya.

Kumurap siya at nginitian ang anak. Matunog niyang hinalikan sa pisngi ang bata. “May kailangan lang asikasuhin si Mama bukas. Pero last na ito, promise. Pagkatapos niyon sasamahan na uli kita maghapon habang sa gabi naman magtatrabaho si Mama, okay?”

Lumambong ang ekspresyon sa mukha ng anak niya at tila may pumiga sa kanyang puso. “Lance, big boy ka na, `di ba?” malambing na tanong ni Lauradia sa bata sa pagitan ng paghalik sa pisngi nito. “Alam mo naman na kailangan magtrabaho ni Mama para sa ating dalawa. Para gumaling ka na at makalabas ka na ng ospital. At kahit na palaging wala si Mama, alam mo naman na mahal na mahal kita, `di ba?”

“Opo. Gusto ko lang naman po na lagi kang kasama at hindi ka napapagod nang husto.”

Tinitigan niya ang mukha ni Lance. Kamukhang-kamukha niya ang kaniyang anak maliban sa mga mata nito na nakuha nito kay Raiven. Huminga siya nang malalim at hinaplos ang pisngi ng bata. “Alam ko, Lance. Gusto ko rin naman `yon. Pero kailangan ko itong gawin.”

“Naiintindihan ko naman po, Mama,” sagot ni Lance.

Ngumiti si Lauradia. “Alam ko. Matalino yata ang anak ko, mana ka sa `kin, eh.”

Ngumiti rin ito at saka naghikab. Umupo siya nang deretso. “Matulog ka na, anak. Kailangan mong magpalakas para makauwi na tayo, okay?”

Marahang tumango si Lance at pumikit. “Goodnight, Mama.”

“Goodnight, baby,” ganti ni Lauradia. Binantayan niya ang kaniyang anak hanggang sa maramdaman niyang malalim na ang tulog nito bago siya maingat na tumayo at lumabas ng silid nito. Dinukot niya ang kanyang cell phone at tinawagan si Czarina.

“Tulungan mo akong hanapin si Raiven bukas ng umaga. Nasa party siya ni Armando kanina at nakita niya ako. Kinuha niya sa `kin ang envelope na naglalaman ng testamentong kailangan ng kliyente natin. Alam ko ginawa niya iyon para inisin ako at hindi ako nakahuma dahil umalis siya kaagad,” paliwanang ni Lauradia.

“Ha? Anong ginagawa niya sa party na `yon? Ang alam ko palagi siyang iniimbitahan sa mga party pero hindi siya pumupunta. At sa pagkakaalam ko rin, wala silang koneksiyon ni Villacorta,” nagtatakang sabi ni Czarina.

Napabuga siya ng hangin at sumandal sa pader. “Hindi ko rin alam kung bakit siya naroon. Ang alam ko lang, mas naubos ang lakas ko sa pakikipag-usap sa kanya kaysa nang nanlaban ako kay Armando nang pagtangkaan niya akong gahasain,” aniya. Nangaligkig siya nang maalala na naman ang mga nangyari nang gabing iyon. Mariin siyang pumikit at mabilis na sinabi kay Czarina ang mga nangyari.

“Alam ko rin na mas galit siya sa akin ngayon, Czarina. N-nakita niya ako nang lumabas ako ng kuwarto ni Armando. He saw me disheveled and There were kiss marks on my neck. He thought I make money by sleeping with men,” itinikom ni Lauradia ang kanyang bibig nang gumaralgal ang tinig niya. Nag-init ang mga sulok ng kanyang mga mata habang nagkukuwento sa babae.

Bumuntong-hininga si Czarina. “Lauradia, mahal mo siya, tama? Sa kabila ng maraming taon at mga nangyari sa pagitan ninyo, hindi pa rin nawawala ang pagmamahal mo sa kanya, tama?”

Mapait siyang napangiti. “But he hates me now.”

“Kung talagang mahal mo siya, eh, di gumawa ka ng paraan para mapatawad ka niya. Gumawa ka ng paraan para mapalapit ka uli sa kanya at para magkaroon ka ng pagkakataong magpaliwanag sa kanya tungkol sa nangyari sa inyo noon. At para makahingi ka rin ng tawad sa kanya. I’m sure once he gets to know the real you, he will learn to forgive you. Base sa naging reaksiyon niya noon sa `yo, alam kong minahal ka niya. Hindi malabong mahalin ka uli niya. Nasa kamay mo na ang sarili mong kapalaran. May pagkakataon kang ayusin ang buhay mo. You are lucky. So make the most of it,” ani Czarina.

“Alam kong hindi ka sigurado sa huli mong sinabi, Czarina. He might forgive me, but I’m sure he will never love me again. Isa pa, kapag nalaman niya kung sino talaga ako, lalo siyang lalayo sa `kin. I’m out of his league. Hindi kagaya niya hindi ako nanggaling sa magandang pamilya. In fact, wala ako niyon,” puno ng hinanakit na sabi ni Lauradia.

“Hindi naman siguro ganyan si Raiven. He fell in love with you before, right?”

“That was just a moment of insanity. Dahil iba ako sa mga babaeng nakasanayan niya. Kung tatanggapin uli niya ako, baka ang pamilya naman niya ang tumutol. Sa tingin mo ba tatanggapin nila ako pagkatapos ng mga ginawa ko noon? Pagkatapos kong sirain ang kasal nina Raiven at Julia?”

Hindi nakapagsalita si Czarina, patunay na alam ng babae na tama siya. “Wala namang mawawala sa `yo kung susubukan mo. Well, mawawala ang pride mo pero kailangan mo pa ba `yon ngayon? Isipin mo rin ang anak mo. Lance deserves to know his father, Lauradia. He deserves to have the life that Raiven could give him. Alam ko na wala kang balak ipaalam kay Raiven ang tungkol kay Lance. Pero kapag nagkaayos kayong dalawa mas magiging okay, `di ba?”

Humugot siya ng malalim na hininga. “Fine. Pag-iisipan ko. Basta tawagan mo ako sa lalong madaling panahon para malaman ko kung saan ko siya puwedeng puntahan bukas.”

“Sige.” Iyon lang at nagpaalam na ang babae.

Matagal na nakatulala lang si Lauradia roon. Bumuntong-hininga siya. “Kung sana ganoon lang kadali ang lahat,” aniya sa kawalan.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.