“NAKIKITA mo iyong lalaking iyon? That’s Armando Villacorta. Kailan lang ay namatay ang asawa niyang si Loretta Chen, isang mayamang Intsik. Pangalawang asawa ni Loretta si Armando. Ang sabi ng anak ni Loretta, ayon daw sa last will and testament ng kanilang ina ay ipinamana raw nito lahat ng kayamanan niya kay Armando. Pero may duda sila sa testamentong iyon. Ayon sa anak niya peke raw ang testamento at gawa-gawa lang ni Armando iyon dahil ang totoo, wala talagang ipinamana sa kanya si Loretta. Na ang tunay na testamento ay itinatago ni Armando sa safety box na nasa kuwarto nito sa mansiyon. Ang misyon natin ay makuha ang testamentong iyon,” mahabang paliwanag ni Czarina kay Lauradia.
Nasa loob sila ng isang super club dahil nalaman nila na madalas doon ang Armando Villacorta na iyon. Nasa VIP lounge ang lalaki at nakikipagharutan sa tatlong babae. Ayon sa report ay thirty-five years old pa lang ang lalaki habang si Loretta naman ay fifty years old na. Hindi pabor ang dalawang anak ni Loretta sa pagpapakasal nito kay Armando pero hindi nakinig ang babae. Ayon din sa report na nakuha nila ay walang pakundangan si Armando sa paglustay ng pera ni Loretta. May dahilan nga ang mga anak ni Loretta para mag-alala.
“Mahilig siyang magpa-party sa mansiyon. Madalas na miyembro lang ng alta-sosyedad at may mataas na posiyon sa lipunan ang imbitado sa mga iyon. Pahirapan ang pagkuha ng invitation. Ang goal natin ay madala ka niya sa kuwarto niya kung saan naroon ang safety box niya,” sabi ni Czarina.
“Ang sabi ni Miss Red Butterfly delikado raw ang trabahong ito pero mukhang hindi naman,” sabi ni Lauradia kay Czarina.
Bumakas ang pag-aalala sa mukha ng babae. “Lauradia, delikado siyang tao. May koneksiyon siya sa isang malaking sindikato. Malaki lang talaga ang ibabayad sa atin ng anak ni Loretta kaya ito tinanggap ni Miss Red Butterfly. Mag-iingat ka,” paalala ni Czarina.
Nginitian niya ang babae. Labis siyang natuwa nang magkita uli sila ni Czarina at sinabi rin niya rito ang tunay niyang sitwasyon. Ikinuwento sa kanya ng babae na sinubukan siya nitong hanapin pero hindi raw siya nito makita. Sinadya iyon ni Lauradia dahil nais niyang mabuhay kasama ang anak niya na malayo sa nakaraan niya. Pero sa huli ay sa mga ito rin siya lumapit.
“Huwag kang mag-alala. Mabilis kong tatapusin ang trabahong ito,” aniya rito. Inayos niya ang maiksing bestida na hakab na hakab sa katawan niya. Ipinagpasalamat niya na kahit pumayat siya ay hindi naman nabawasan ang hubog ng dibdib at pang-upo niya. Huminga siya nang malalim. “Pupuntahan ko na siya,” sabi ni Lauradia kay Czarina.
“Mag-iingat ka. Nandito lang ako sa tabi-tabi.”
Tumango siya, pagkatapos ay nagsimulang lumakad palapit kay Armando Villacorta sa paraang aral na aral niya at matagal na niyang hindi ginagamit. Nang maalala kung sino ang huling lalaking ginamitan niya niyon ay mabilis niyang ipinilig ang kanyang ulo para palisin iyon sa isip niya. Masisira ang diskarte niya kung iisipin niya si Raiven.
Medyo malayo pa siya kay Armando ay napatingin na sa kanya ang lalaki. She smiled slowly when their eyes met. Tiningnan siya ng lalaki mula ulo hanggang paa at pabalik. Nagtagal ang tingin nito sa dibdib niyang halos lumuwa na sa damit na suot niya bago bumalik ang mga mata nito sa mukha niya.
Inangat ni Lauradia ang isang kamay sa ulo niya para hawiin ang buhok niya kaya lalong lumiyad ang dibdib niya. Kumislap ang mga mata ni Armando. It had been eight years but she knew very well that look of lust in his eyes. Lihim siyang napangiti nang tumayo ang lalaki at walang pag-aalinlangang iniwan ang mga babaeng kaharutan nito para salubungin siya. Easy.
“Hi there, sexy. What’s your name?” nang-aakit na tanong ni Armando kay Lauradia.
She slowly smiled; the smile she always used to lure her target. Tumindi ang pagnanasa sa mga mata ng lalaki. “I’m Cherry.”
“DAMMIT, Choi! Kaya ako nagpunta rito dahil akala ko may emergency ka na naman at kailangan mo ng tulong ko. Wala naman pala,” sikmat ni Raiven sa kapatid niya nang makita ang bunsong kapatid na kampanteng nakaupo sa opisina nito sa club na pagmamay-ari nito. Tumawag sa kanya kanina ang lalaki at sinabing kailangan niyang magpunta roon sa lalong madaling panahon. Bago pa niya matanong si Choi ay tinapos na nito ang tawag at kahit anong tawag ni Raiven rito ay hindi sumasagot ang kaniyang kapatid. Kaya akala niya ay kung ano na ang nangyari dito.
Sa halip na ma-guilty ay nginisihan pa siya ni Choi. “I just want you to relax once in a while, brother. Tingnan mo nga, nataranta ka kaagad? Ibig sabihin masyado ka nang stressed out nitong mga nakaraang buwan kaya kailangan mong mag-relax.”
Pabagsak na umupo siya sa katapat na sofa ng inuupuan ng kapatid. “Sino sa tingin mo ang may kasalanan kaya ako nai-stress nitong mga nakaraang buwan?” pasaring ni Raiven rito.
Tinawanan lang siya ni Choi. “I apologize. Alam kong palaging ikaw ang naglilinis ng mga eskandalong kinasangkutan namin ni Riki. Pero okay na kami ngayon. At huwag kang mag-alala. Kapag ikaw naman ang gumawa ng sarili mong eskandalo susuportahan ka rin namin.”
Napatiim-bagang siya sa sinabi ng kapatid. “I already have a scandal to last me a lifetime. Hindi ko na kailangan pang magkaroon uli,” malamig na sagot ni Raiven.
Bumuntong-hininga ito. “Sorry. Anyway, since you are already here, let’s go have a drink. Si Riki ang madalas kong kasama pero nasa honeymoon siya ngayon. Si JT naman, hindi ko alam kung saan nagpunta,” tukoy ni Choi sa matalik nitong kaibigan at tumayo na.
Napabuga siya ng hangin at tumayo na rin. “Fine,” sagot ni Raiven. Walang salitang sumunod siya kay Choi nang lumabas ito ng opisina at magtungo sa VIP area ng club. Halos lahat ng taong nadadaanan nila ay napapatingin sa kanila. Pero kung si Choi ay binabati ang lahat ng naroon, si Raiven naman ay ni hindi tiningnan man lang ang mga tao. Wala siyang balak na mapalapit sa mga kakilala ni Choi. Alam niyang sakit lang ng ulo ang mga ito. Lalo na ang mga babaeng mapang-akit kung manamit at tumingin. Tulad na lang ng babaeng pilit niyang kinakalimutan at kinamumuhian—the woman who used her seductiveness to make a fool out of him.
Napalingon siya sa isang panig ng bar. Napahinto si Raiven sa paglalakad nang tila nakakita siya ng aparisyon ng babaeng iyon sa isa sa mga couch doon. Napakurap siya para siguruhin kung tama ang nakikita niya. Tila may sumuntok sa sikmura niya nang hindi nawala ang babae. Sa kabila ng dim na ilaw at mahabang taong lumipas ay sigurado siya sa kanyang nakikita. It was really her—Lauradia. Masayang tumatawa ang babae habang nakaakbay rito ang isang lalaki na tila may ibinubulong dito. O baka hinahalikan ng lalaki ang leeg ni Lauradia base sa nakikita ni Raiven. Rage welled up inside him as he stared at her. He convinced himself that the anger he felt at that moment was because of seeing her there and not because someone was kissing her. Napatiim-bagang siya. Walong taon ang lumipas at sa laki ng Pilipinas ay hindi makapaniwala si Raiven na doon pa magtatagpo ang landas nila. Or maybe places like this were really her hang out to hook up with men. Lalo siyang nakaramdam ng galit para sa babae.
“Raiven, here!” malakas na tawag sa kanya ni Choi. Nakita niyang napaigtad si Lauradia nang marahil ay narinig ng babae ang pangalan niya. Napalis ang masayang ngiti sa mga labi nito at iginala ang tingin sa paligid. Huminto iyon sa kanya. Muntik nang mapaatras si Raiven nang magtama ang mga mata nila. But that was nothing compared to her reaction. Namutla ang babae. Bakas sa mga mata nito ang pagkagulat at takot sa kanya. And with that, he felt a sense of satisfaction and was able to collect himself.
Hindi niya itinago ang galit sa mga mata niya. Then he looked at her companion and then back to her and sneered maliciously. Ilang sandali muna niyang tiningnan ang mukha nitong biglang namula bago inialis ang tingin kay Lauradia at lumakad palapit kay Choi. Mukhang hindi pa rin nagbabago ng trabaho ang babae at ngayon, ibang lalaki na naman ang pinaglalaruan nito. Huminga nang malalim si Raiven para kalmahin ang sarili. No way in hell will he let her see him lose his cool because of her.
Nakaawang ang mga labi ni Choi nang balingan niya ang kapatid. Bakas ang pag-aalala sa mukha nito, patunay na nakita rin ng lalaki si Lauradia. Kampanteng umupo siya kahit nanginginig ang mga kalamnan niya. “What’s that woman doing in here?” gigil at mahinang tanong ni Raiven. Kung hindi lang niya nakita ang pag-aalala sa mukha ni Choi ay iisipin niyang pinlano nito ang lahat ng iyon. Na baka kaya siya pinapunta roon ng kapatid niya ay dahil alam nitong naroon ang babae.
Pero alam ni Choi kung ano ang tunay na nangyari sa pagitan nila ng dalaga. Ito at si Riki ang una niyang pinuntahan pagkagaling niya sa opisina ni Lauradia walong taon na ang nakararaan. Ang mga kapatid ni Raiven ang nakakita ng dugo sa kamao niya, ng pamamasa at pamumula ng mga mata niya. Sa dalawa niya sinabi ang lahat ng nalaman niya. And they joined him as he passed the night cursing the bitch and getting drunk.
So it seems like fate was the one planning dirty tricks on him. Damn fate!
“Hindi ko alam. This is the VIP lounge at ngayon ko lang siya nakita sa club ko. Baka kasama siya ni Villacorta. He’s the man beside her. I don’t like that guy but he pays for the membership,” paliwanag ni Choi. Nang hindi siya magsalita at tumawag lang ng waiter para dalhan sila ng alak ay bahagyang lumapit sa kanya si Choi. “Do you want me to kick them out? Because I can.”
“You don’t have to. I don’t care about her anymore. I hate her but I can manage. I just need a drink,” bale-walang sagot ni Raiven kahit hindi pa rin kumakalma ang pakiramdam niya. Pinakatitigan siya ni Choi at tila may nais pang sabihin pero mas piniling manahimik na lang. Mayamaya pa ay lumapit na ang waiter dala ang isang bote ng brandy at dalawang baso. Mabilis na sinalinan niya ang baso niya at sinaid ang laman niyon.
“Raiven, I told you to relax not get drunk,” puna ni Choi.
Nagkibit-balikat siya. “I’m not going to get drunk,” sagot ni Raiven at saka nagsalin uli ng alak.
Napailing na lang si Choi at hindi na nagkomento pa. Pinigilan niya ang sarili na tingnan si Lauradia kahit ramdam na ramdam niya ang presensiya ng huli sa lugar na iyon.
NAKANGITING itinuon ni Lauradia ang tingin kay Armando Villacorta na abala sa paghaplos sa balikat at braso niya habang nakaakbay sa kanya ang lalaki. Nag-panic siya nang marinig niya ang pangalan ni Raiven. Nagpalinga-linga siya para hanapin ang binata hanggang sa nagtama ang paningin nila. Naroon nga si Raiven. Nagkita uli sila pagkaraan ng walong taon. At sa sitwasyon pang iyon! Alam na niya kung ano ang iniisip nito sa kanya base sa nakita niyang reaksiyon sa mukha ng binata. That she was just a normal high-end whore working on her next target.
Hindi niya magawang inumin ang alak na binili ni Armando para sa kanya dahil pakiramdam ni Lauradia ay babaligtad na ang sikmura niya anumang oras. Wala siyang ibang nais gawin kundi ang umalis sa lugar na iyon bago pa siya mag-break down sa harap ni Armando at masira ang mga plano nila. Kailangan na niyang gawin ang unang hakbang sa plano nila para makaalis na siya roon.
Tila naging sagot sa dasal niya ang paglapit ng mga labi ni Armando sa tainga niya. “Let’s get out of here, Cherry. How do you like that?” bulong ng lalaki pagkatapos ay nilaro pa nito ang tainga niya gamit ang mga labi nito.
She hated it but she acted like she enjoyed it. Hinawakan niya ang mukha ni Armando at hinarap ito. Tinangka nitong abutin ang mga labi niya pero mabilis na iniharang ni Lauradia ang kamay sa bibig ng lalaki at mapang-akit na ngumiti. “Not so fast, dear. I only do that on the second meeting,” aniya rito. Kumunot ang noo ni Armando. Inalis niya ang kamay sa bibig nito at hinaplos ng hintuturo niya ang mga labi ng lalaki. Nawala ang kunot sa noo nito at lalo pang idinikit ang katawan sa kanya.
“Can’t you break that second meeting rule of yours for me? Because, honey, I’m about to come just by being near you,” bulong ni Armando at hinalikan siya sa leeg. Hinayaan ni Lauradia ang lalaki para hindi nito isiping ayaw niya itong makasama. She was just luring him to give her an invitation for his house party. Nagkunwa siyang nagugustuhan niya ang ginagawa ni Armando. But she made the mistake of looking past him. Tila nilamutak ang puso ni Lauradia nang makita niyang nakatingin sa kanila si Raiven. His face looked grim and disgusted.
Nag-init ang mga mata niya kaya agad na inalis niya ang tingin sa binata at inilayo uli ang sarili kay Armando. “On our second meeting, I promise. Now I have to go. If you don’t want to—
“Okay, on our second meeting,” hinihingal na sabi ni Armando habang may kinakapa sa bulsa nito. Palihim siyang nakahinga nang maluwag dahil alam ni Lauradia kung ano ang kinakapa nito. Hinawakan ng lalaki ang kamay niya at inilagay roon ang maliit na sobre. “Come to my party this weekend. Sa bahay ko. The address is in the invitation. Hindi mo naman na siguro ako tatanggihan doon? I have a huge bed,” makahulugang sabi ni Armando.
Pilit siyang ngumiti at hinaplos ang mukha nito. “I bet you have,” ani Lauradia at tumayo na. Tumingala sa kanya ang lalaki. “See you then.” Iyon lang at tumalikod na siya at maindayog na naglakad patungo sa entrada. Walang lingon-likod na lumabas siya sa bar na iyon. Nahagip ng mga mata niya si Czarina na nakatayo sa tabi ng entrance. Nakita niyang bumakas ang pag-aalala sa mukha ng babae nang magtama ang mga mata nila. She must have seen the dread on her face. Lumabas siya ng club at dumeretso sa kotse nilang naka-park sa di-kalayuan. Nanghihinang tumingkayad siya sa gilid niyon at mariing napapikit.
“Lauradia, ano’ng problema?” nag-aalalang tanong ni Czarina nang sundan siya nito.
Huminga siya nang malalim pero hindi kumilos. “He was there,” garalgal na sabi ni Lauradia. Maging ang buong katawan niya ay nanginginig.
“Sino?” tanong ni Czarina saka tumingkayad din sa tabi niya.
“R-Raiven.” Saglit na natigilan ang babae, saka hinaplos ang likod niya. Napakagat labi siya. Hindi ito nagsalita pero alam niyang alam ni Czarina kung ano ang nararamdaman niya ng mga oras na iyon. Gusto niyang pumalahaw ng iyak pero hindi niya ginawa. She couldn’t. No matter how much her heart was aching.