SA KABILA ng pagpoprotesta ni Lauradia ay halos araw-araw na nasa ospital si Raiven para bisitahin si Lance. Palagi niyang sinasabi sa binata na hindi nito kailangang gawin iyon at pagtuunan na lang ng pansin ang kompanya nito pero sa tuwina ay binabale-wala ni Raiven ang mga sinasabi niya. Nag-aalala siya na baka may makapansin sa ospital kung sino ito at makarating sa media ang ginagawa nito. Alam naman ni Lauradia na hindi basta kung sino lang ang binata. Nagmula ito sa pamilyang sinusundan ng media ang bawat galaw. Nang mga nakaraang buwan nga lang ay palagi niyang napapanood sa balita ang mga nangyayari sa dalawang kapatid nito, paano pa kaya si Raiven na presidente ng isa sa pinakamalaking kompanya sa buong bansa?
Pero kahit ano ang gawin niya ay binabale-wala nito ang sinasabi niya. Tuwing dumarating din ang lalaki ay nakikita ni Lauradia na sumasaya si Lance. Dahil sa atensiyon ni Raiven kay Lance at sa mga pasalubong nito sa bata ay mabilis ang naging paggaling ng kanyang anak. Paano pa ba siya makakapagreklamo niyon? Nang lumabas sila ng ospital ay iginiit pa ni Raiven na ito ang magbabayad ng lahat ng bills doon. Tumanggi si Lauradia at sinabi ritong may pambayad naman siya pero muntik pa silang mag-away dahil doon.
“For God’s sake, Lauradia. Let me do something I wasn’t able to do for him for the last eight years,” frustrated pang sabi ni Raiven sa kanya. Ano pa ba ang laban niya kapag ganoon na ang argumento nito?
“Baka may makakita sa `yo na kasama kaming umalis ng ospital, Raiven. Paano kung masundan tayo ng reporters at malaman nila na sa bahay mo kami tutuloy?” nag-aalalang tanong ni Lauradia rito nang nasa tabi na sila ni Lance ng kotse nito na nasa parking lot ng ospital.
Pinapasok muna nito si Lance sa kotse, saka siya hinarap at hinawakan sa magkabilang balikat. “Let me tell you this for the last time, Lauradia. I don’t give a damn. Now, pumasok ka na sa loob ng kotse para makauwi na tayo,” utos ni Raiven. Bahagya pa siya nitong inakay sa nakabukas na pinto sa gawi ng passenger’s seat. Nang makapasok siya ay saka lang umikot patungo sa driver’s seat ang lalaki. Bumuntong-hininga siya kahit hindi pa rin nawawala ang pagdadalawang-isip niya.
“WOW! ANG ganda at ang laki naman po ng bahay ninyo, Papa,” masiglang sabi Lance kay Raiven nang makarating sila sa bahay niya. Binalingan ni Lance si Lauradia. “Mama, dito na tayo titira? Ang saya naman.”
Hindi mapigilan ni Raiven ang mapangiti habang nakamasid sa masiglang pagkilos ng anak nila. Mas maganda na ang kulay at kondisyon nito ngayon kaysa noong una niya itong nakita.
“Lance, dahan-dahan, baka mabinat ka,” saway rito ni Lauradia na nasa likuran niya. Napalingon siya sa babae nang huminto ito sa tabi niya at nag-aalalang tiningnan si Lance.
“Opo, Mama,” masunuring sagot ni Lance. Hindi inalis ni Raiven ang tingin sa mukha ni Lauradia. Tila napansin naman nito iyon dahil tiningala siya ng babae at nagtatanong ang mga matang tiningnan siya. Sumulyap muna siya kay Lance at nang makitang nakatalikod sa kanila ang bata ay mabilis na hinawakan niya ang batok ni Lauradia at mabilis itong hinalikan sa mga labi. He had been itching to do that for days. Mula kasi nang maoperahan si Lance ay hindi pumayag ang babae na umuwi kasama siya dahil gusto nitong bantayan ang anak nila. So no matter how much he wanted to take her to bed, he resisted. Afterall, mas mahalaga ang anak nila.
Suminghap si Lauradia nang pakawalan niya ito. Ilang saglit na nagkatitigan lang sila bago nakarinig ng hagikgik si Raiven. Magkapanabay pa silang napalingon sa anak nila na ngising-ngisi habang nakatingin sa kanila. Napangisi rin siya, lalo na nang makita niyang namumula ang mukha ni Lauradia.
“Bakit mo `yon ginawa?” mahinang asik ni Lauradia sa kanya.
Nagkibit-balikat siya. “Because I want to.” Umangat ang isang kilay ng babae at akmang magsasalita pa pero nilayuan na niya ito at nilapitan si Lance. Ayaw niyang magtalo na naman silang dalawa. Not now. “Let’s go to your room, Lance,” yaya ni Raiven sa anak nila.
Kumislap ang mga mata ni Lance. “May sarili akong kuwarto? Wow! Sanay akong katabi ko si Mama matulog, eh.”
Inakbayan niya ang bata at inakay patungo sa direksiyon ng dating guest room na ipina-renovate niya para maging kuwarto ni Lance. “Dapat masanay ka nang matulog mag-isa. Dahil ako na ang katabi ng mama mo matulog. Alam kong kaya mong matulog ng hindi siya katabi. Ako hindi ko kaya,” sabi ni Raiven. Ngumisi ang anak niya. He realized that even though he looked like Lauradia, his smile was so much like his own smile in his childhood photos. Napangisi siya, lalo na nang sulyapan niya si Lauradia na pulang-pula ang mukha.
SA MGA sumunod na araw ay magkahalong kasiyahan at pagkalito ang naramdaman ni Lauradia. Hindi siya makapaniwala sa biglang pagbabago ng disposisyon ni Raiven mula nang malaman nito ang tungkol kay Lance. Ang akala niya ay magagalit sa kanya ang lalaki at susumbatan siya kapag nalaman nitong inilihim niya ang tungkol sa anak nila. Pero hindi nito ginawa. Sa halip ay gumanda at umaliwalas pa ang aura ni Raiven, lalo na kapag kasama nito si Lance. Maging ang anak niya ay kakaiba rin ang sigla. At kahit may mga alinlangan si Lauradia sa puso niya ay hindi niya maiwasang mahawa sa saya ng mag-ama. Tuwing matutulog sila ni Raiven ay niyayakap at hinahalikan na siya nito. And when they made love, she could feel the passion she felt eight years ago. At kahit walang sinasabi ang lalaki ay nararamdaman niyang unti-unti na nitong binubuksan ang puso nito para sa kanya.
Dapat ay matuwa na lang si Lauradia at huwag nang mag-alala. It was just that sometimes, she felt like everything was too good to be true. Na baka bigla na lang bawiin sa kanya ang lahat ng mga nagpapaligaya sa kanya.
Hanggang sa dumating ang kinatatakutan niyang araw. Habang nasa opisina si Raiven at nagpapahinga naman sa kuwarto nito si Lance ay naisipan niyang magbukas ng telebisyon. Ang bumungad na balita sa kanya ay nagpahina sa mga tuhod niya. Napasalampak siya sa sofa nang makita ni Lauradia ang isang stolen shot nila ni Raiven habang papasok silang dalawa sa sasakyan nito sa labas ng ospital. Pagkatapos ay may larawan na sigurado siyang kahapon lang nakuhanan habang nagpapaalam siya rito sa labas mismo ng bahay nito. Namutla siya nang ang sumunod na larawan ay pasakay sa kotse si Raiven at hinalikan siya nito nang mabilis sa mga labi.
Raiven Montemayor, living with a woman? Are wedding bells just around the corner for the prince of the business world? Or just like some men in his class, is she just a passing fancy? And who is this mystery girl?
Kasunod niyon ay nagsalita ang kung sino mang reporter at nagbibigay ng kung ano-anong espekulasyon tungkol sa kanya.
“Hindi pa natin alam kung saang pamilya nagmula ang babaeng ito. Surely, she must be better than Julia Lagdameo who was Raiven’s fiancée before. Lalo na at ang huling balita natin kay Julia Lagdameo ay still happily married at may dalawang anak na ito. Naging mailap si Raiven sa media pagkatapos ng eskandalong pagkakaudlot ng kasal ng mga ito. Hindi na rin ito nakipag-date kaya inakala ng lahat na hindi pa rin ito maka-get over sa paghihiwalay nito at ni Julia. But now a mystery woman appeared. Ano naman kaya ang masasabi nina Don Jaime Montemayor sa relasyong ito ng anak nila?”
Pakiramdam ni Lauradia ay bumaligtad ang sikmura niya. Iyon na nga ba ang ikinatatakot niya. Tiyak na mauungkat ang nangyari walong taon na ang nakararaan. Maeeskandalo na naman ang pangalan ni Raiven. Ano na lang ang gagawin niya kapag kinailangan niyang makaharap ang mga magulang ng lalaki? Paano kung pagsalitaan siya ng masama ng ama at ina ni Raiven at idamay pati ang anak niya? Hindi pa rin alam ni Lauradia kung ano ang gagawin niya nang makarinig siya ng pagkakaingay sa labas ng bahay. Kumabog ang dibdib niya at napatayo nang marinig niya ang tunog ng mga sasakyang humihinto.
Lumapit siya sa bintana at sumilip. Lalo siyang nanlamig nang makita ang mga reporter na nagsisimulang dumami sa tapat ng bahay ni Raiven. Kasunod niyon ay ang pagtunog ng doorbell. Tila napasong lumayo si Lauradia sa bintana at pinatay ang telebisyon. Hiniling niya na sana ay huwag magising si Lance sa ingay ng mga reporter. Hindi kasama sa mga balita si Lance, ibig sabihin ay hindi pa alam ng media ang tungkol sa anak niya.
Napaigtad siya nang ang sumunod na tumunog ay ang cell phone niya. Kinakabahang kinuha niya iyon sa mesang pinagpatungan niya niyon. Nakahinga siya nang maluwag nang makitang si Raiven ang tumatawag. Agad niyang sinagot iyon.
“Are you okay?” nag-aalalang bungad ni Raiven sa kanya.
Bumuntong-hininga si Lauradia. “As of the moment, yes. Pero ayaw nilang tigilan ang pagpindot sa doorbell. Natutulog si Lance. Natatakot ako na baka magising siya sa ingay at matakot siya.”
“Damn! It’s as if they know I’m not there,” frustrated na sabi ni Raiven. “Cancel all my appointments today,” narinig niyang sabi nito sa kung sino, saka muli siyang kinausap. “Lauradia, don’t open the door until I get there okay?”
Tumango siya kahit hindi siya nito nakikita. “Sige, Raiven.”
“It’s okay, honey. I’ll handle this.” Iyon lang at nagpaalam na ito. Bumuntong-hininga siya at pinuntahan ang anak nila sa silid nito.
KASASAKAY pa lang ni Raiven sa kotse niya ay tumunog na uli ang cell phone niya. Dinukot niya iyon sa bulsa ng pantalon niya at tiningnan kung sino ang tumatawag—si Riki. Mabilis niyang sinagot iyon at pinindot ang loudspeaker mode habang binubuhay ang makina ng kotse niya.
“I will explain everything later, Riki. Can you contact Jeremy for me?” agad na sabi ni Raiven.
“Okay. Pupunta na rin kami nina Choi sa bahay mo. We’ll think of something to divert the reporters. Huwag mong kakalimutan ang paliwanag mo, okay?”
“Oo na.” Iyon lang at pinutol na niya ang tawag. Mas gusto niyang makarating sa bahay niya sa lalong madaling panahon kaysa ang magpaliwanag kay Riki. He was about to go crazy with worry for Lauradia and their son. Marahas na namura niya ang mga reporter na walang ginawang matino kundi ang makiusyoso sa buhay niya. Mabuti sana kung siya lang ang madadamay, magagawa niyang bale-walain iyon noon. Pero hindi papayag si Raiven na maapektuhan niyon ang mag-ina niya.
Marahas siyang bumuga ng hangin nang tumunog uli ang cell phone niya. Hindi tinitingnang sinagot niya iyon.
“Raiven.” Napatiim-bagang siya nang marinig ang galit na boses ng kanyang ama. “Just what the hell is this all about? Wala kang sinasabi sa amin ng mama mo at hindi namin alam kung paano ipapaliwanag sa lahat ng nagtatanong sa amin kung sino ang babaeng ibinabahay mo.”
Bumuga siya ng hangin. “I’m supposed to tell you about it over our family dinner this weekend, Papa. Naunahan lang ako ng mga reporter.”
“Hinintay mo pang mauna sila. Worst, you did something that makes them so hyped like this. Hindi ka pa ba nadala sa nangyari sa iyo noon at sa mga nangyari sa mga kapatid mo?”
“I know. I’ll explain later.”
“You should. Dahil papunta na kami ng mama mo sa bahay mo. Hindi matahimik ang mama mo hangga’t hindi namin nakakausap ang babaeng iyon,” maawtoridad na sabi ng papa niya.
Kumabog ang dibdib ni Raiven. “Papa—”
“Don’t argue anymore, Raiven. Malaki ang tiwala ko sa iyo na alam mo ang mga ginagawa mo. Kaya ko nga ibinigay sa iyo ang posisyon mo sa kompanya kahit marami ang hindi nagustuhan ang desisyon ko noon. But I can’t believe you will choose to live with a woman before introducing her to us. Magkita na lang tayo sa bahay mo.” Iyon lang at nawala na sa kabilang linya ang kaniyang ama.
“Dammit!” frustrated na sabi ni Raiven.
“MAMA, ano pa ang nangyayari?”
Niyakap ni Lauradia si Lance nang marinig niya ang takot sa boses nito. Hindi pa rin kasi tumitigil sa pagpindot ng doorbell ang kung sino mang nasa labas ng bahay. Nang sumilip siya kanina sa labas ay lalong dumami ang mga reporter na naroon. Pakiramdam pa niya ay may nakakita sa pagsilip niya sa bintana dahil nagkislapan ang mga flash ng camera ng mga ito.
“Huwag kang mag-alala, anak, darating na ang papa mo. Hindi niya tayo pababayaan,” pag-alo ni Lauradia sa bata kahit na maging siya ay natataranta na. “Sandali lang, anak, at lalabas lang ako, ha? Titingnan ko kung dumating na ang papa mo,” paalam niya rito mayamaya. Humigpit ang yakap ni Lance pero tumango naman at bantulot na bumitiw sa kanya.
Huminga siya nang malalim at hinalikan ang anak bago siya lumabas. Nakarinig siya ng sunod-sunod na katok sa pinto. Sumikdo ang puso ni Lauradia. Si Raiven na ba iyon? Pero may susi naman ito. Bantulot siyang lumapit sa pinto at pinindot ang touch screen LCD na nakadikit sa pader para malaman kung sino ang nasa labas. Isang may-edad na lalaki at babae ang bumungad sa paningin niya. Nagliparan ang mga paruparo sa sikmura niya dahil kilalang-kilala niya ang mga ito—ang mga magulang ni Raiven.
“Open the door,” seryosong utos ng ama ni Raiven na tila alam nito na nakikita niya ang mga ito. Sumulyap si Lauradia sa nakapinid na pinto ng silid ni Lance, bago huminga nang malalim at pilit kinalma ang sarili.
Lakas-loob na binuksan niya ang pinto. Soon enough, she was faced to faced with the Montemayor patriarch and his wife. Nanlamig siya nang pasadahan siya ng tingin ng mag-asawa bago pumasok sa bahay. Mabilis na isinara ni Lauradia ang pinto nang magkislapan na naman ang mga flash ng camera.
“So, ikaw pala ang babaeng kinakasama ng anak namin,” sabi ni Don Jaime Montemayor habang ang asawa nito ay hindi siya nilulubayan ng tingin.
Nahigit niya ang kanyang hininga. Hindi niya alam kung paano haharapin ang mag-asawa. Oo at sanay siyang makisalamuha sa mayayaman dahil iyon ang dati niyang trabaho. Pero iba ang mga ito. They were Raiven’s parents.
“You have to tell us why he kept you a secret from us,” sabi naman ng ginang.
Kinagat ni Lauradia ang kanyang ibabang labi. Paano niya sasabihin sa mga magulang ni Raiven kung sino sila ng kanyang anak sa buhay nito kung wala naman si Raiven para patotohanan iyon. Baka nga wala namang balak ang lalaki na ipakilala siya sa pamilya nito. Na kaya lang siya naroon ay dahil kay Lance. After all, didn’t he tell her before that he will not love and marry her? Masakit iyon para sa kanya pero iyon ang katotohanan. Paano niya iyon sasabihin sa mga magulang ni Raiven nang hindi bababa ang tingin ng mga ito sa kanya? Dahil na-realize niya na wala siyang ibang nais ng mga oras na iyon kundi ang tanggapin ng mag-asawang Montemayor. At sana maging ang anak niya.
Raiven, nasaan ka na ba? tanong ni Lauradia sa kanyang isip.