Chapter RAIVEN AND THE TEMPTRESS: Chapter 21

TILA sagot sa dasal ni Lauradia na bago pa man uli siya tanungin ng mag-asawang Montemayor ay narinig niya ang pamilyar na tunog ng makina ng kotse ni Raiven. Kasunod niyon ay ang pagkakagulo ng mga reporter sa labas. Nabaling sa labas ang atensiyon ng mag-asawa.

“Nandito na ang anak mo, Edna,” ani Don Jaime.

Sa halip na makahinga nang maluwag ay lalo lang siyang kinabahan. Hindi alam ni Lauradia kung paano magpapaliwanag si Raiven pero mas natatakot siyang marinig ang sasabihin ni Raiven sa mga magulang nito. Napaigtad siya nang bumukas ang pinto. Nagtama ang mga mata nila ni Raiven. Kumislap ang mga mata nito at mabilis na isinara ang pinto. Napasinghap si Lauradia nang bigla siya nitong yakapin nang mahigpit nang makalapit ito sa kanya. “Are you okay?” masuyong tanong ng lalaki na nagdulot ng init sa puso niya. Lalo pa at naramdaman niya ang paghalik nito sa tuktok ng ulo niya.

Tumango siya. “Okay lang ako. Gising na si Lance, nasa kuwarto lang siya,” bulong ni Lauradia rito para hindi iyon marinig ng mga magulang nito.

Naramdaman niya ang paghigit ni Raiven ng hininga bago siya hinalikan uli sa sentido at bahagyang pinakawalan. “Okay. I’ll handle this.”

“Dapat lang,” sabad ni Don Jaime.

Kinabahan na naman si Lauradia lalo pa at nang tingnan niya ang mga magulang ni Raiven ay matamang nakatingin sa kanila ang mag-asawa.

“Magpaliwanag ka, Raiven. Ano ba ang nangyayari at sino ang babaeng `yan?” sabi naman ng ina nito na tila labis na nababahala.

“Why don’t we sit down, Papa, Mama,” kalmanteng sagot ni Raiven. Nagtinginan ang mag-asawa pero agad ding ibinalik ang tingin sa kanila. “Mama, Papa, I want you to meet Lauradia. Lauradia, meet my parents, Jaime and Edna Montemayor,” pakilala ni Raiven sa kanya at sa mga magulang nito.

Nanatiling nakatingin lang kay Raiven ang mag-asawa.

“Magandang umaga po,” bati ni Lauradia. Ilang sandali silang natahimik. Hinamig niya ang sarili. “Maghahanda ako ng maiinom,” aniya. Napatingin sa kanya ang mga ito. Pinisil ni Raiven ang balikat niya. Tiningala ni Lauradia ang lalaki at nginitian naman siya nito bago siya tuluyang pinakawalan. Magalang siyang nag-excuse sa mga magulang ni Raiven bago nagtungo sa kusina. Nang hindi na siya abot-tanaw ng mga ito ay nanghihinang sumandal siya sa pader. Natatakot siya sa kahahantungan ng pag-uusap na iyon.

Palabas na si Lauradia sa kusina dahil tapos na siyang magtimpla ng juice nang marinig niyang nagsisimula nang magpaliwanag si Raiven sa mga magulang nito. Ngalingaling ilapag uli niya sa dining table ang hawak niyang tray at manatili na lang sa kusina. Pero ayaw niyang maging duwag. Buong buhay ni Lauradia ay nasanay siyang harapin ang lahat ng pagsubok sa buhay niya. Hindi nga ba at sa ganoong paraan niya napalaki ang anak niya? Mas nagkalakas ng loob siyang harapin ang mga magulang ni Raiven. Huminga siya nang malalim, saka lumabas ng kusina at lumapit sa mga ito.

“We met eight years ago. Even before I asked Julia to marry me. Akala ko mas tama kung si Julia ang pipiliin ko dahil siya ang girlfriend ko. Akala ko iyon ang dapat kong gawin dahil iyon ang inaasahan ng lahat na gagawin ko. I tried my best to forget her,” ani Raiven sa mga magulang nito. Huminto ang lalaki nang ilapag niya ang tray sa center table sa sala. Pagkatapos ay hinawakan nito ang isang kamay niya at maingat siyang hinila paupo sa tabi nito. Tumalima si Lauradia at tiningnan ang mga magulang nito na seryosong nakatingin kay Raiven.

“But in the end I just can’t forget her. Kaya hindi ko itinuloy ang kasal,” patuloy ni Raiven.

“Kung ganoon, bakit ngayon lang ito? Bakit hindi pa noon?” kunot-noong tanong ni Don Jaime.

Nakagat ni Lauradia ang ibabang labi niya. Siya ang may kasalan ng lahat. Bakit hindi sinasabi ni Raiven ang totoo na niloko niya ito? “She left me because she thought I’m better off with Julia,” sagot ni Raiven.

Napamaang siya at napatingin dito. “Raiven—”

“We saw each other again recently and we have a child,” putol nito sa pagpoprotesta niya.

Suminghap si Doña Edna. “Oh my.” Nanlaki ang mga mata ni Don Jaime at tumiim ang mga bagang.

“A son, Papa. Mag-e-eight years old na siya. He’s in his room right now. Do you want me fetch him so you can see him?”

“Oh, Raiven, then you must marry her at once,” sabi na naman ng ina nito.

“Yes, I will,” determinadong sagot ni Raiven.

Hindi na niya kinaya pa. Tumayo si Lauradia at kinalas ang kamay niya sa pagkakahawak ni Raiven. Nararamdam niyang nakatingin ang mga magulang nito sa kanya pero kay Raiven lang siya nakatingin. “Maraming kulang sa kuwento mo, Raiven,” hindi na nakatiis na sabi niya. Tiningnan siya ng lalaki na tila pinagbabantaan siya pero marahas siyang umiling. “Stop talking about the past as if I was so noble and everything was your fault because it’s not. Ako ang may kasalanan ng lahat ng nangyari noon. Huwag mo akong pagtakpan dahil hindi ko gusto `yon.”

“Lauradia,” tawag ni Raiven sa kanya sa nagbabantang tinig.

Nagrerebeldeng sinalubong niya ang tingin nito. “Why don’t we just tell them the truth, Raiven? Kaysa dumating ang araw na malaman pa nila sa iba. Dahil sigurado ako na may posibilidad naman na mahalungkat iyon ng reporters balang-araw. Why not tell it now? Kung natatakot ka na hindi nila ako matanggap okay lang naman sa `kin. You… you don’t have to marry me or anything. Tanggap ko naman `yon noon pa man.”

“Stop it!” galit na ring saway ni Raiven sa kanya at tumayo na rin. Sunod-sunod na katok sa pinto ang gumambala sa kanila pero hindi nila inalis ang tingin sa isa’t isa. Naramdaman ni Lauradia na tumayo ang ina nito at mabilis na nagtungo sa pinto.

“Ano’ng nangyayari?” tanong ng tinig ng isang lalaki. Napatingin siya roon. Nandoon na ang mga kapatid ni Raiven at si Jeremy. Lalong nagwala ang mga paruparo sa sikmura niya. Bigla siyang nawalan ng lakas ng loob na umamin sa mga magulang nito.

“Exactly what I want to know,” seryosong sabad ni Don Jaime. “So, Raiven, ipapaliwanag mo ba kung ano ang sinasabi niya. Or you will volunteer to tell it to us, Lauradia?” baling ng don sa kanya.

Hindi nagsalita si Raiven kaya siya na lang ang naglakas-loob na magsalita. After all, siya naman talaga ang may kasalanan ng lahat ng naging gulo sa buhay ni Raiven. “Ang totoo, alam kong may girlfriend na si Raiven sa simula pa lang. Pero may humingi ng tulong sa akin na paghiwalayin sila, so I did. Please huwag ninyo nang alamin kung sino ang humingi ng tulong ko. The point was, I seduced him. I did everything to make him fall for me. Para hindi niya ituloy ang kasal. Ang plano ko kapag nahulog na siya sa `kin ay mawawala na akong parang bula sa buhay niya na siyang ginawa ko. Niloko ko lang siya,” mabilis na paliwanag ni Lauradia.

Walang nagsalita sa mga ito at nagbuga lang ng hangin si Raiven sa tabi niya. Kinagat niya ang ibabang labi at nagpatuloy sa pagsasalita. “Ang kaso… nagkaloko-loko ang mga plano ko kasi… kasi na-realize ko na hindi siya gaya ng ibang lalaki. Before I knew it I got… emotionally involved.” Naramdaman niyang natigilan si Raiven at napatingin sa kanya. Pero hindi niya tiningnan ang lalaki. Natatakot si Lauradia na baka kapag ginawa niya iyon ay mawala ang lakas ng loob niyang aminin ang tunay niyang nararamdaman.

“Nataranta ako. Natakot. Dahil alam ko na kapag nalaman niya ang lahat ay magagalit siya sa `kin. Kaya gusto kong matapos na ang lahat para makalayo na ako sa kanya bago pa dumating sa puntong hindi ko na siya kayang iwan. But I got careless when we were on the island. I let myself get drowned with my own emotions. `Tapos na-realize ko noong engagement party niya na hindi ko pala kayang tapusin ang misyon ko. I can’t let him jilt her. Dahil masisira ang buhay niya kung ako ang pipiliin niya.”

Noon siya tumingala kay Raiven. Bakas ang pagkamangha sa mukha nito. Nag-init ang mga mata niya pero pinigilan niyang umiyak. “Kaya nang tanungin mo ako kung ano’ng dapat mong gawin ay sinabi kong `wag mong iwan si Julia. Do you remember, Raiven? I told you that night will be the last time. Kaya ako umalis,” sabi ni Lauradia sa mas mahinang tinig. Pagkatapos ay hindi na siya nagsalita pa.

“Bakit hindi mo sinabi sa `kin `yan agad? Bakit hinintay mo pang malaman ko sa mas masakit na paraan ang totoo? Nang magkita uli tayo pagkatapos ng isang buwan, bakit hindi ka nagsalita? Why did you have to lie to me?” tanong ni Raiven sa tinig na mas nagtataka kaysa nanunumbat.

Kinagat niya ang ibabang labi at naglakas ng loob na tingnan ito. “Dahil alam kong buntis na ako noon, okay? Dahil palagi kong nakikita sa balita kung ano ang nangyayari sa `yo. Dahil ayokong lalo pang gumulo ang buhay mo dahil sa amin ng anak ko. Dahil kasalanan ko naman talaga ang lahat kaya dapat lang na magalit ka sa `kin.”

Huminga nang malalim si Raiven at hinawakan siya sa magkabilang balikat. “Okay. I get it. Pero nakaraan na `yon. You don’t have to tell them everything, Lauradia. Dahil kahit ano pa ang sabihin nila, nagdesisyon na akong pakasalan ka.” Napaawang ang mga labi niya. Bumaling si Raiven sa mga magulang nito. “You heard me, Papa, Mama. Pakakasalan ko siya. Kung ano man ang nangyari sa amin noon tapos na `yon. Please, huwag naman kayong kumontra,” pakiusap nito.

Nagkatinginan ang mag-asawa, bago sabay na sumagot. “Hindi naman kami kumokontra.”

Nanlaki ang mga mata ni Lauradia. Hindi niya inaasahang pagkatapos ng mga sinabi niya ay ganoon lang ang sasabihin ng mag-asawang Montemayor.

“Pagkatapos ng lahat ng nangyari sa inyo ay gusto pa rin ninyo ang isa’t isa, sino kami para kumontra? Didn’t I tell you before, Raiven? Ang mahalaga sa amin ay ang kaligayahan mo. May tiwala kami na kung sino man ang babaeng pipiliin mo ay siyang babaeng nararapat para sa `yo,” sabi ni Don Jaime.

“Besides, you already have a child. Ayokong magkaroon ng apo na magkahiwalay ang mga magulang. Kung ako nga ang tatanungin, gusto kong ikasal na kayo ngayon mismo,” sabi naman ng ina nito.

“And this was a long time coming. Ang gulo ninyo lang dalawa noon, eh,” sabi naman ni Choi na nakangiti na.

“Right. Sa isla pa lang alam na namin ni Choi kung ano ang nararamdaman ninyo sa isa’t isa. But the two of you seemed too oblivious to your own feelings,” sabi naman ni Riki.

“What, may alam kayong dalawa at hindi ninyo man lang sinabi sa `kin?” sabi ni Doña Edna kina Riki at Choi.

Napakurap si Lauradia nang magtawanan pa ang mga ito. Tiningnan niya si Raiven nang gagapin nito ang kamay niya. “Pakakasalan mo ako? But you don’t have to,” giit pa rin niya.

Tumigas ang anyo ni Raiven. “Bakit ayaw mo?” tanong nito sa malamig na tinig. Humigpit pa ang hawak ng lalaki sa kamay niya.

“Pero sabi mo hindi mo ako pakakasalan. Nasa kontrata `yon, hindi ba?” mahinang tanong ni Lauradia rito.

Bahagyang umaliwalas ang mukha nito. “Ah, that. Matagal ko nang pinunit ang kontrata na iyon, honey. I was an ass when I did that. Ginawa ko lang iyon dahil nagagalit ako sa sarili ko. Hindi ko kasi maintindihan ang sarili ko kung bakit sa kabila ng galit ko sa `yo ay matindi pa rin ang epekto mo sa akin,” paliwanag ni Raiven.

Hindi pa rin siya mapakali. “But you said you will never love me,” garalgal ang tinig na sabi ni Lauradia.

Kumislap ang guilt sa mga mata ni Raiven at hinapit siya palapit sa katawan nito. Hinalikan nito ang noo niya. “I’m so sorry I said that. It was out of anger. Surely you must know I didn’t mean that. Hindi mo pa ba napansin nitong mga nakaraang araw ang totoo? That I still love you?” malumanay na tanong nito.

Bumilis ang tibok ng puso niya at bahagya siyang kumalas dito. Nawala sa isip niya na may ibang taong naroon. Itinuon niya ang buong atensiyon niya kay Raiven. “Hindi ka na galit sa ginawa ko noon?” tanong ni Lauradia.

Hope started to well up in her heart. Lalo na nang may sumilay na masuyong ngiti sa mga labi ni Raiven. “Yes. Mula pa noong nasa ospital tayo at nakita ko sa unang beses ang anak natin. I realized how stupid I was for hating you all these years kahit na pinaglaruan tayo ng tadhana. Knowing that you spent eight years taking care of our child alone makes me angry with myself. At kahit matagal na panahon tayong hindi nagkita, sa kabila ng lahat ng nangyari ay hindi pa rin nagbago ang nararamdaman ko sa `yo. I love you, Lauradia. That’s why I want to marry you and make our family complete,” seryoso at sinserong pag-amin nito.

Tuluyan nang tumulo ang mga luha ni Lauradia at agad na pinunasan iyon. “Raiven, mahal din kita. Mahal na mahal. Akala ko hindi mo na ako mapapatawad. Na baka habang-buhay kang magagalit sa `kin. Hindi ko kakayanin kung hindi mo na ako mamahalin uli kaya kahit masaya tayo nitong mga nakaraang araw, pakiramdam ko palagi ay bigla na lang babawiin sa akin lahat ng kasiyahan ko.”

“Sshh. Everything will be okay from now on, okay? Ako na ang bahala sa `yo at kay Lance,” masuyong sabi ni Raiven at hinalikan siya sa mga labi.

“Oh, is this Lance?” masayang sabi ng mama nito na nagpabalik sa atensiyon niya sa mga kasama nila.

Nakatingin ang lahat sa direksiyon ng silid ni Lance. Nakita niyang alanganing nakasilip sa kanila ang anak nila ni Raiven. Nang mapatingin sa kanya ang bata ay nakita niya ang pag-aalala sa mukha nito. “Mama, Papa?”

Humarap dito si Raiven. “Lance, come here. Gusto kong makilala mo ang lolo, lola, at mga uncle mo,” anitong inilahad pa ang kamay.

Mabilis na lumapit si Lance kay Raiven. “This is our son, Lance.” Tinitigan ng mga bisita nila ang bata, saka lumapit ang mga magulang ni Raiven kay Lance at niyakap ito.

“Pambihira, akala ko si Maja ko ang panganay na apo. Nauna ka pa pala sa `kin,” nakangiting biro ni Choi.

“Masyado ninyo na akong naungusan. `Di bale, sisiguruhin ko na makakabuo agad kami ni Ailyn,” sabi naman ni Riki.

“Well, before anything else, kailangan muna ninyong harapin ang media para umalis na sila sa labas,” sabi naman ni Jeremy.

“Oh, the media. `Di bale, wala naman tayong dapat itago. Kaya sasabihin natin sa kanila ang nalalapit na kasal. Hindi rin naman kayo dapat mahiya kung paano kayo nagkakilala. In fact, I find it romantic. Malay ninyo i-produce at gawin pang pelikula ang kuwento ninyong dalawa. I’m so excited,” masayang sabi ng mama ni Raiven.

Ngumisi si Raiven at hinigit siya sa baywang. Nang tingalain niya ang lalaki ay hinalikan siya nito sa mga labi bago siya pinakatitigan. “We are going to be happy, my temptress,” malambing na sabi nito.

Gumanti ng ngiti si Lauradia dahil naniniwala siyang tama ito. Magiging masaya sila. Tanggap sila ng pamilya ni Raiven at mahal nila ang isa’t isa. Napayakap siya rito at kusa na itong siniil ng halik sa mga labi. Gumanti si Raiven at hindi kumalas kahit pa malakas na silang tinutudyo ng pamilya nito.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.