NAMAMANGHANG mukha ni Yvo ang nasulyapan ko mula sa pagkakayuko sa aking plato. Titig na titig siya sa akin na akala mo'y ngayon niya lang ako nakitang kumain.
Mali bang kumain nang nakakamay? Hindi ko alam kung nandidiri ba siya o talagang hindi siya sanay na may taong kung kumain ay nakakamay.
"What?" nakangiwing tanong ko sabay sawsaw ng tinapa sa sukang nilagyan ko ng maraming sili.
"Ang lakas mo palang kumain." may maliit na ngiting sabi ni Yvo sa akin. "Ngayon alam ko na ang isa sa mga katangian mo."
Para akong binuhusan ng tubig nang masilip ang amazement sa mukha ni Yvo. It's like he really wanted to know me more. But why?
"Hindi ba ako malakas kumain dati?" Tanong ko na lamang para hindi magtaka si Yvo sa mga ikinikilos ko.
"Dati..." mahina niyang sabi sabay iwas ng tingin. "...hindi, puro diet ang laman ng utak ng Jia na kilala ko." sabi niya bago ako muling tinitigan.
Mabilis kong kinuha ang baso ng tubig nang maramdaman kong tila masasamid ako ng tuyong kinakain. "Ahhh..." tangi kong nasabi bago ipinagpatuloy ang pagkain.
"Pupunta ka na ba kay Jino, pagkatapos kumain?" Tanong ni Yvo sabay higop sa kape nito.
Saglit akong uminom ng tubig bago sumagot. "Oo sana, maliligo lang ako sandali."
Tumango-tango lamang si Yvo sa narinig na sagot ko. "Hindi mo na ako kailangang ihatid, kaya ko namang mag-commute." dagdag ko. Dahilan ko lamang iyon para hindi na siya sumama. Baka kasi makaramdam na siyang hindi talaga ako si Jia.
Hindi naman sa nasasanay na ako sa pagpapanggap na ito. Ang akin lang, habang hindi pa siguradong makikita namin si Jianna, mas maiging hindi na rin muna alam ni Yvo ang totoo.
Pero hindi ko ipagkakailang, may parte sa puso kong ayaw nang umalis. Kalahati ng puso ko ang nagsasabing huwag kong iwan si Yvo. Bakit? Dahil tulad nang inamin ko noon, nahuhulog na ang loob ko kay Yvo.
"Ihahatid na kita, pinal na ang desisyon ko." Sagot naman kaagad ni Yvo bago tumayo para ilagay ang plato sa lababo. "Isa pa, matagal-tagal na rin ang huling pag-uusap namin ni Jino. Hindi naman siguro makakasama kung kukumustahin ko siya 'di ba?"
Iniwas ko na lamang ang aking tingin. Wala naman na akong magagawa kundi ang pumayag, baka mas lalo lang magtaka si Yvo.
"Magbibihis lang ako." paalam ko bago madaling pumunta sa kuwarto. Hinayaan kong matagalan ako sa pagbibihis. Baka bigla kasing magbago ang isip ni Yvo. Pero makalipas lamang ang tatlumpong minuto'y kinatok niya na ako sa kuwarto. Kanina pa raw siyang naghihintay.
"Susunod na!" sigaw ko bago nagpakawala ng isang malalim na paghinga.
"Bakit ang tagal mong mag-ayos?" Magkasalubong ang kilay na tanong niya sa akin. Pinili ko na lamang na magkibit-balikat. Ayaw kong magsalita dahil baka kung ano pang masabi ko. Kung kinakailanga'y hindi ako magsisinungaling sa kaniya. Tama nang niloloko ko siya sa pagpapanggap kong ito. Ayaw ko nang magdagdag pa ng mga bagay na sa huli baka hindi lang galit ni Yvo ang iparamdam niya sa akin.
Nang makarating sa bahay ay kaagad kaming sinalubong ni Tita Theresa. Medyo asiwa man ay pinilit kong umakto nang kaswal. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako sanay sa kalagayan ko. Nakokonsensiya pa rin ako kapag kaharap na ang Mommy ni Jino.
"Naku, mukhang maayos ang lagay ninyong dalawa ah. Kumusta ang pagsasama?" Malaki ang ngiting tanong ni Tita. Bigla akong kinilabutan sa tanong niya, akala mo'y talagang mag-asawa kami ni Yvo sa paningin niya.
Napapangiwing sumulyap ako kay Yvo. Ang damuho, nakatitig lamang sa akin nang seryoso. Akala mo'y nag-aabang ng kung anong isusumbong ko. "Maayos naman, Mommy."
"Kung ganoon, mabuti iyon. Siyanga pala, maiwan ko na muna kayo. May lakad kami ngayon ng Daddy mo." sabi pa ni Tita bago niya ako hinalikan sa pisngi, ganoon rin kay Yvo.
Isang buntong-hininga ang aking pinakawalan nang makaalis si Tita. Kahit papaano'y nabawasan ang kaba ko.
"Naiilang ka pa rin ba?" tanong ni Yvo pagkalipas ng ilang minuto.
Alanganing pagtango ang ginawa ko bago napaiwas ng tingin. "Wala ka bang ibang gagawin? Sabi mo ihahatid mo lang ako?" mahina ang boses na tanong ko bago tumayo.
"Bakit parang gusto mo na yata akong paalisin?"
"Hindi naman sa ganoon, baka lang kasi may mas importante kang dapat gawin." Pagdadahilan ko habang naglalakad papunta sa malaking hagdan. "Akyat lang muna ako sa kuwarto."
Hindi pa man nakakasagot si Yvo ay tumunog na ang cellphone niya. Nakita ko ang pagkunot ng kaniyang noo bago iyon sinagot. Nang matapos ay kaagad siyang lumingon sa akin.
"Sa tingin ko, kailangan ko na ngang umalis. Kailangan ako sa opisina. Susunduin na lang kita mamaya." Paalam ni Yvo bago siya lumapit sa akin. Isang magaang halik ang iginawad niya sa noo ko bago tuluyang lumabas ng bahay.
Nanghihina ang tuhod na napaupo ako nang lumabas na si Yvo. Bakit kailangan niya pang gawin iyon? Bulong ng isip ko.
"Okay ka lang?" tanong ni Jino mula sa pintong nilabasan ni Yvo.
Marahan akong tumango bago tumayo. Muli akong huminga nang malalim. Mabilis akong naglakad pabalik sa sofa. "So, ano na ang balita?" panimula kong tanong.
"May nakapagsabi sa akin na nakita raw siya sa Japan. So, I went there yesterday." sagot ni Jino. Kaagad akong napalunok bago hinintay ang ilan pa niyang sasabihin. "Actually, she was like...having the best time of her life. She enjoyed being far from us. Para bang isa siyang ibong nakawala sa hawla at ngayo'y malaya nang lumipad kahit saan."
"But, did you as—,"
"I did, pero hindi niya gustong bumalik pa. Kaya iyon ang problema natin ngayon. What if may makakita sa kaniya? Anong gagawin natin?" Nalilitong sabi ni Jino. Mabilis niyang pinaraan ang mga daliri sa buhok.
"Eh 'di, aalis ako kaagad. Tapos kausapin mo ulit siya, about sa kung anong dapat niyang sabihin kapag nagtanong si Yvo." sabi ko. Maging ako ay nag-aalala. Paano nga kung malaman na ni Yvo? Baka idemanda niya ako. "Pero, bago iyon, ano bang rason niya at umalis siya nang walang paalam? Anong dahilan niya bakit niya iniwan si Yvo?"
"She's pregnant." nanlaki ang mga mata ko sa isinagot ni Jino.
"Kung ganoon, mas lalong dapat na malaman ni Yvo ang totoo." sabi kong hindi mapakali. Medyo nakaramdam rin ako ng inis dahil doon. Paano nitong nagagawa ang mga bagay na iyon. Hindi ba parang ipinagkakait niya kay Yvo ang bata? Tinatanggalan niya ng karapatan ang lalaki.
"Hindi si Yvo ang ama, Quia." sagot niyang halos ikagimbal ko. Tama ba ang narinig ko? Hindi si Yvo ang ama?
"Akala mo ba hindi ko rin alam na minsan ka nang nagpagamit kay Adam? Kaya 'wag mo akong aartehan na parang ayaw mong hinahalikan!"
Parang kampanang tumunog iyon sa isipan ko. Kaya pala nasabi ni Yvo ang mga salitang iyon. Ibig sabihin alam niyang hindi naging tapat si Jia sa kaniya. Pero bakit kailangan niya pang pakasalan si Jia? Kung ganoon ang nangyari, napakamasokista naman ni Yvo.
"Paano na ngayon?" Mahina kong tanong kahit na alam ko na ang isasagot ni Jino.
"Sa ngayon, ipagpatuloy mo pa rin ang pag-arte. Pero huwag kang mag-alala, gagawa ako ng paraan para makaalis ka't makalayo kay Yvo." maliit ang ngiting sabi ni Jino.
"Sigurado kang hindi niya tayo mahuhuli?" nag-aalangan kong tanong.
"You'll be fine. Trust me, tutulungan pa rin kita." sabi ni Jino bago niya ako niyakap.
Natapos ang pag-uusap namin ni Jino na lutang pa rin ang pag-iisip ko. Hanggang sa sunduin ako ni Yvo'y hindi pa rin maalis sa isip ko ang mga posibleng gawin niya kapag nalaman niya ang tungkol sa ginagawa namin ni Jino.
"Mukhang balisa ka. Okay ka lang ba?" Seryosong tanong ni Yvo. Para akong binalot ng lamig sa tono ng boses niya. Simula nang sunduin niya ako sa bahay ay parang bumalik sa dati ang pakikitungo niya sa akin. Pero iyon nga lang, medyo nawala ang pagiging marahas niya magsalita.
"O-Okay lang ako." sagot ko sabay baling ng tingin sa labas ng bintana.
"Anong pinag-usapan n'yo ni Jino?" Tanong niyang hindi tumitingin sa akin.
Napayuko ako saglit bago sumagot. "Wala lang, kinumusta niya lang ako. Tapos ibinigay iyang mga pasalubong."
Napansin ko ang pagtingin ni Yvo sa salamin. Sinulyapan niya ang ilang paper bags sa likurang upuan. Mga dala iyon ni Jino galing Japan. Para daw sa akin.
"Ikaw, anong ginawa mo sa opisina?" ngali-ngaling batukan ko ang sarili sa tanong kong iyon. Ano ba dapat ang gawin niya? Malamang nagtrabaho! Baka nga nagka-emergency meeting kaya ipinatawag ito.
"May kinompirma lang ako sa assistant ko." sagot niya.
Hindi na ako muling nagtanong. Baka kung ano pang kagagahan ang lumabas sa bibig ko, nakakahiya.
Ilang minuto lang ay nakaramdam ako ng gutom. Napahawak ako sa aking tiyan nang maramdaman ang paghapdi niyon. Alas-dos na nga pala, hindi pa ako nakakapagtanghalian. Tinanggihan ko kasi ang alok ni Jino na kumain sa bahay kanina. Medyo busog pa ako noong mga oras na iyon.
Narinig ko ang pagngisi ni Yvo kaya napalingon ako sa kaniya. "Hindi ka pa kumakain?" tila naaaliw na tanong niya sa akin. Napatango na lamang ako bago muling sinapo ang tiyan. Nakakahiya!