"KUMUSTA, nagkaayos na ba kayo ni Yvo, anak?" Mula sa pagpapakain ko kay Hugo ay nabaling ang atensiyon ko kay Tatay at sa tanong nitong patungkol sa amin ni Yvo.
Isang malalim na paghinga ang pinakawalan ko bago marahang tumango. "Ayos na po kami, pero sa ngayon, hindi ko pa masasabi kung makakasama na namin siya ni Hugo habambuhay."
"Anong ibig mong sabihin?"
"Nagkapatawaran na po kami. Mahal ko pa rin siya at ganoon din naman siya sa akin at kay Hugo. Pero hindi pa namin napag-uusapan nang maayos ang tungkol sa amin. Basta ang sigurado ko lang, babawi siya sa amin ng anak niya." Pagpapaliwanag ko kay tatay. Nakakaunawang tumango naman si tatay sa sinabi ko.
"Siyanga pala, kahapon ay may pumunta ritong lalaki. Tinatanong kung kumusta ka. Kilala mo ba iyon?" Sabi ni Tatay na ikinakunot ng noo ko.
"Kayo ho ang nakausap, paano ko ho iyon makikilala?" Medyo natatawa kong sabi. Hindi naman ako kinakabahan. Baka isa lang ito sa mga katrabaho ko o 'di kaya'y dating kakilala.
Nang matapos sa pagpapakain kay Hugo ay kaagad ko na siyang nilinisan. Isinuot ko sa kaniya ang damit galing sa kaniyang Tito Jino.
"Quia, anak!" narinig kong tawag ni Tatay mula sa labas ng kuwarto namin ni Hugo. "May bisita ka!" dagdag pa ni Tatay kaya mabilis kong tinapos ang ginagawang pagbibihis kay Hugo.
Malaki ang ngiting hinalikan ko sa pisngi ang anak ko bago ko siya binuhat.
"Sino po Ta—," naputol ang sana'y pag tanong ko nang makita ang babaeng nasa sala namin. Wala itong kasama at parang naiiyak na nakatingin lang sa akin. "Jia, anong ginagawa mo rito?"
"I need your help." bakas sa boses ang pagod na sabi ni Jia.
I cleared my throat before asking her. "Why?"
Isang buntong-hininga ang pinakawalan ni Jia bago niya hinawakan ang mga kamay ko. "Zarha's father."
"What about him?"
"Hindi niya gustong makilala ang anak namin. Ayaw niyang ibigay ang pangalan niya sa anak ko. Ayos lang naman iyon sa akin, kaya kong punan lahat ng pangangailangan ni Zarha. Ang problema ko lang ay kung anong sasabihin ko kina Mommy."
Kaagad umarko ang kilay ko. "And you want me to pretend as you?"
"Kahit ngayon lang, please?" Garalgal na boses na sabi sa akin ni Jia. "It will be the last."
"May peklat ako, Jia. Isa pa, ayaw ko nang magsinungaling pa sa mga magulang mo." pagtanggi ko sa hinihiling ni Jia.
Siguro kung katulad pa rin no'ng dati na kailangan kong lumayo, magtago at protektahan ang pamilya ko sa hayop na Ocampo'ng iyo'y baka gawin ko ang gusto niyang mangyari. Pero iba na ngayon, may anak na ako. Hindi naman pwedeng iwan ko na lang siya kay Tatay. At gaya rin ng sabi ko'y ayaw kong gumawa ulit ng isa pang kasinungalingan.
"Please..." umiiyak niyang pakiusap sa akin. Parang piniga ang puso ko sa nakikitang hitsura ni Jia. Malayo sa deskripsiyong naikuwento sa akin noon ni Jino.
Where's the bold Jiana? Para itong tutang nagmamakaawang pakainin ko sa mga oras na ito.
"Ano namang mapapala ko? Nakikita mo naman itong nasa mukha ko diba? Karma ko ito sa ginawa kong pagsisinungaling."
"Kuya will protect you, pati ako." Pasinghot-singhot na sagot ni Jia. "And Yvo, sa tingin ko naman hindi iyon papayag na may mangyari ulit sayong masama. Kaya please, Quia, isa na lang."
Mariin akong napapikit bago sinulyapan si Hugo na nakayakap sa hita ko. "Huli na ito Jianna." sabi kong mabilis na tinanguhan ni Jia.
-
May ilang oras nang nakaalis si Jia'y tahimik pa rin akong nakatitig sa kawalan. Mukhang mali yatang pumayag ako. Paano ba naman kasi'y bigla akong naawa sa anak ni Jia. Kung hindi nga lang maaapektuhan ang bata'y hindi ako papayag.
"Sigurado ka ba riyan, anak?" May pag-aalalang tanong sa akin ni Tatay nang maabutan niya akong nag-iimpake.
"She promised to protect me. Kapag may nangyari ulit na masama sa akin, siya lang ang dapat sisihin." sagot kong muling ipinagpatuloy ang ginagawa.
"Dadalhin mo ba si Hugo, ate?" Si Lemuel, habang hawak ang cellphone, malamang ay kausap na naman nito ang nobya.
"Siyempre, kailangan ko siyang isama para naman hindi ako malungkot."
Nang matapos sa ginagawa'y kaagad na akong lumabas ng kuwarto, dala ang isang maletang kinalalagyan ng mga gamit namin ni Hugo.
Parang bumalik ang lahat sa umpisa nang makita ko si Jino na nakaupo sa malambot na sofa. Ang ipinagkaiba nga lang ay ang kapatid naman nito ang humiling na muli akong magpanggap.
"Are you ready?"
"You won't believe if I say I am." inis kong sagot.
Isang mahinang pagtawa ang pinakawalan ni Jino. "Deja Vu?"
"Oh please, huwag mo nang ipaalala. Lalo akong nasusuklam sa demoniyong iyon."
"Alright, chill. Papangit ka, baka mamaya hindi ka makilala ni Hugo." Natatawang sagot ni Jino bago niya binuhat si Hugo.
Ilang beses akong pinaalalahanan ni Tatay at ni Lemuel na mag-ingat. Pagkatapos niyo'y kaagad na kaming umalis ni Jino.
Hindi na ako nagulat nang dalhin niya ako sa isang salon. Of course, kailangan ng mausisang pag-aayos. At labag man sa loob ko'y pumayag akong gupitin ang mahaba kong buhok. Jia loves short hair, at nakakainis iyon.
"Don't tell me, kaya rin nilang magtanggal ng peklat?" tanong ko nang magsimulang lagyan ng concealer ang peklat sa aking mukha.
"We need to hide your beautiful scar, sweetie. Baka maghisterya si Mommy kapag nakita ang peklat mo. Alam mo namang mahal na mahal niyon si Jia."
Napapabuntong-hininga na lamang ako habang nakatingin sa malaking salamin sa harapan.
"Dada, Dada." malakas na sabi ni Hugo bago sumampa sa kandungan ni Jino. Ilang saglit lamang ay mahimbing na itong nakatulog sa mga bisig niya.
"Sinabi mo ba kay Yvo ang tungkol dito?"
Mula sa salamin ay hinagilap ko ang mga mata ni Jino. "Hindi, at hindi mo rin sasabihin."
"You think hindi niya malalaman? Nakalimutan mo yatang avid fan ng relasyon ninyo si Mommy."
"Correction, relasyon ni Jia at Yvo." sa sinabi'y para akong mabibilaukan. Bakit ba itinama ko pa si Jino?
"Yeah right." sagot niyang napapaikot ang mata.
Halos apat na oras ang ginugol para sa ayos ko. At ito ako ngayon, parang tangang nakatitig sa salamin. Pilit hinahanap ang peklat na siyang sumira sa mukha ko.
"Magic?" pang-aasar ni Jino habang nagmamaneho.
"Kailangan ko na sigurong bumili ng concealer." sabi kong napapangiti.
"No, no, no,.." sagot ni Jino.
Taas ang kilay na napatingin ako sa kaniya.
"You know what you should do first?" tanong niyang nakangisi. "Learn how to apply makeup. God, when was the last time I saw you wearing those? Sa welcome party mo, pero hindi naman ikaw ang naglagay diba?"
"And you know what you should also do?" taas ang kilay na tanong ko.
"What?"
"Shut your damned mouth, baka matampal kita nang wala sa oras. At isa pa—," natigil ako sa pagsasalita nang tumambad sa harap namin ang malaking gate ng mga Montecarlo.
Ilang beses akong napalunok. Napapasulyap rin ako kay Hugo na mahimbing ang tulog sa likod. "Dang, I'm so nervous."
"Tulad ng dati, nandito lang ako Quia. But this time, I will make sure to never let anyone hurt you again. Even if it's the person you love. " May diing sabi sa akin ni Jino bago niya ipinasok ang kotse sa malawak na bakuran ng mga Montecarlo.
"Hindi naman ako dapat kabahan sa sinabi mo diba?"
"Depende, kung seseryosohin mo ang mga sinabi ko. Pero sa tingin ko naman, pareho lang kaming gusto kang protektahan." makahulugan niyang sabi.
Salubong ang kilay na napamaang na lang ako kay Jino. Hanggang sa maihinto niya na ang sasakyan ay hindi pa rin naaalis ang tingin ko sa kaniya. "Thank God, we're here." masaya niyang sabi bago bumaba.
Kung siya'y masaya dahil nakarating na kami. Ako nama'y kabaligtaran. Parang gusto ko nang buhatin si Hugo at tumakbo palabas.
Ano na namang idadahilan ko? Hindi naman pwedeng sabihin na nagbakasyon ako tapos pagbalik ko'y may dalawa na akong anak? Sa tingin ba nila maniniwala si Tita Theresa? Ina rin siya, mararamdaman at mararamdaman niya kung anak niya ba talaga ang nasa harap niya.
Oh God, please help me.
Atubiling naglakad ako palapit sa pinto ng bahay. Yakap ko si Hugo habang dala naman ni Jino ang mga gamit namin.
"Ready?"
"Just open this damn door!" sabi kong pinanlalakihan ng mga mata si Jino. Wala naman itong nagawa kundi ang buksan iyon habang may malaking ngisi sa mga labi.
Malakas ang kabog sa dibdib ko. Para bang ilang minuto na lang ay lalabas na ang puso ko sa sobrang lakas ng tambol. Kailangan ko na sigurong maghanda ng mga linyang sasabihin sa kaawa-awang mga magulang ni Jia.
"Hugo!" sigaw ng maliit na batang tumatakbo palapit sa amin.
"Zarha, tulog pa si Hugo. Hintayin mo na lang na magising siya bago kayo maglaro." Sabi ni Jino na tinanguhan naman ni Zhara.
Kaagad na bumaling sa akin ang mga mata ni Zhara. "Tita Qui—oops, I mean, Mommy, where's my Mom?" bulong sa akin ng apat na taong gulang na anak ni Jia.
This child knows how to act. May pinagmanahan.
"I don't know sweetie. Pero nandito naman ako. Ako muna ang Mommy mo habang may inaasikaso pa ni Ji—."
"Jia!"
Pakiramdam ko'y binuhusan ako ng sobrang lamig na tubig nang marinig ko ang boses ni Tita Theresa. I don't know what to do.
Should I ready my line?
Or should I ready my face for another slap?