Bago ako tuluyang makalabas ng malaking gate ng mga Montecarlo'y mabilis akong hinila ni Louise. Hindi pa man ako nakakapagsalita'y dumapo na sa pisngi ko ang isang malutong na sampal.
"Why..." mahina kong sabi habang nakatitig kay Louise. Nasa likod nito si Yvo at si Jino na hindi makapaniwala sa nakita.
"Napagtanto ko lang na dapat pala'y ipinaglalaban ko ang para sa akin." Matigas na sabi ni Louise bago muli akong akmang sasampalin.
Mahigpit kong hinawakan ang kamay niya bago ito muling dumapo sa pisngi ko. "Pero hindi mo naman ako kailangang pagbuhatan ng kamay!" Galit kong sabi saka pabalang na binitiwan ang kaniyang kamay.
"Tama na iyan..." Narinig kong sabi ni Jino bago nito hinila si Louise palayo sa akin.
"Kung ano man ang problema ninyong dalawa, pwede huwag niyo na lang akong idamay?! Wala naman akong kasalanan kung mahulog sa akin si Jino! Ipinaliwanag ko na sa kaniyang wala siyang makukuhang sagot sa akin dahil may mahal na akong iba!" Mariin kong sabi bago tuluyang umalis.
Nakakapika.
Ayaw kong magalit dahil alam kong may kasalanan rin ako. Pero hindi naman ako nagkulang sa pagpapaliwanag kay Jino na si Yvo ang mahal ko.
"Quia..." Mula sa likuran ay narinig ko ang mahinang pagtawag sa akin ni Yvo. Hindi ko napansing sumunod pala siya sa akin. Mariin akong pumikit bago huminto sa paglalakad. "I'm sorry about what happened. Hindi ko lang napigilan ang galit ko. Importante sa akin si Louise kaya nang marinig ko ang nangyari'y nag-init kaagad ang ulo ko." Matalim pa rin ang pagkakatitig ko kay Yvo kaya hindi siya ganoong makatingin sa akin nang diretso.
Marahang napakamot si Yvo sa kaniyang batok bago muling nagsalita. "Kakausapin ko lang naman talaga dapat siya eh. But when I realized na ikaw yung babaeng gusto niya, hindi ko na napigilan ang sarili ko."
Isang marahas na paghinga ang pinakawalan ko. Akma na sana akong tatalikod kay Yvo nang mapansin ko ang kulay pulang likido sa kaniyang siko. Napapailing na lumapit ako sa kaniya't mariin na kinurot ang kaniyang tagiliran.
"Dahil pinairal mo iyang katigasan ng ulo mo, tingnan mo, nagkasugat ka tuloy!" Naiinis kong sabi na ikinangiwi ni Yvo.
"Masakit na nga ang panga ko dahil sa suntok ni Jino. Pati na rin ang siko't balakang ko dahil sa pagkakahulog sa hagdan, kinurot mo pa ako? Wala ka ba talagang awa para sa akin?!" Salubong ang kilay na sabi ni Yvo bago niya ako niyakap nang mahigpit.
"Sino bang may kasalanan?! Hindi ba't ikaw rin naman? Inaawat ko na kayo kanina pero hindi kayo nakikinig sa akin!" Sabi kong nakasubsob ang mukha sa dibdib ni Yvo. "Tingnan mo, nasaktan ka pa tuloy."
"Oh, my, Quia." Natatawang sabi ni Yvo bago niya iniangat ang aking mukha. "Stop crying, babe, I'm fine."
"Anong ayos ka lang, dumudugo iyang siko mo. Kahit na idinadaan mo lang sa biro ang kalagayan mo'y alam kong nasasaktan ka." Umiiyak kong sabi bago muling niyakap si Yvo.
Napaka-oa ko na siguro. Pero hindi niyo naman ako masisisi dahil nag-aalala lang naman ako para kay Yvo.
"Alright, I'm sorry. Hinding-hindi ko na ulit iyon gagawin. Makikinig na ako sa iyo." Malaki ang ngiting sabi ni Yvo bago hinawakan ang aking pisngi. "Now, let's go home, baka nag-aalala na si Hugo."
Kaagad na nanlaki ang mga mata ko. Wala nga palang kasama sa bahay si Hugo! Umalis nga pala si Tatay para um-attend ng meeting sa school ni Lemuel.
"Damn you Yvo! Kunin mo iyong kotse mo!" Sabi kong napapahampas sa balikat ni Yvo. Naku talaga! Kapag may nangyaring masama kay Hugo hindi ko mapapatawad ang sarili ko.
Alam ko namang matalinong bata ang anak ko. Hindi ito basta-basta mauuto ng kung sinu-sino. Pero paano kung maakit ito sa paglalaro sa labas? Mayroon pa naman kaming mga kapitbahay na may mga anak na halos kasing edad ni Hugo.
Kaagad akong sumakay sa kotse ni Yvo nang huminto iyon sa harapan ko. Hindi pa man ako nakakapagseatbelt ay minanduhan ko na kaagad siyang bilisan ang pagpapatakbo.
Ilang sandali lamang ay nakarating na kami sa bahay. Bukas ang pinto dahil nakalimutan kong isara iyon sa pagmamadaling mapigilan si Yvo kanina.
"Hugo!" Malakas kong sabi nang makababa na ako ng kotse. Hindi ko na hinintay si Yvo. Mabilis kong tinakbo ang pinto't muling tinawag si Hugo.
Ilang sandali lang ay binundol ng malakas na kabog ang aking dibdib nang marinig ang palahaw ni Hugo mula sa aming kuwarto. Halos magkandadapa na ako sa kamamadali para lang mapuntahan si Hugo.
Malakas kong binuksan ang pinto. Tila tumigil sa pag-ikot ang mundo ko nang makita si Hugo na nakaupo sa gitna ng kama, umiiyak nang malakas habang nakatingin sa mga kamay na may bahid ng dugo. Hindi rin nakaligtas sa paningin ko ang nakabukas na bintana na hindi ko naman naaalalang binuksan ko kanina.
Nanginginig ang mga kamay ko nang lapitan ko ang aking anak. "Mama..." malakas na sabi ni Hugo habang humahagulgol.
Isang malakas na singhap ang lumabas sa bibig ko nang matitigang maigi ang kaniyang mukha. Parang ibinalik ako sa pangyayari noon. "Baby..." Sabi kong nagsisimula nang maiyak. Mahigpit kong niyakap si Hugo pagkatapos ay mabilis na tumayo't lumabas ng kuwarto. Kailangang matigil ang pagdurugo ng sugat niya.
May maliit na hiwa sa mukha si Hugo. Halos kalahati ng hinlilit kong daliri ang haba niyon. Pero kahit na maliit iyon kumpara sa aking peklat sa pisngi'y masakit pa rin iyon sa isang batang dalawang taong gulang lang.
"What happe—." Hindi na naituloy na Yvo ang pagtatanong nang muling lumakas ang pag-iyak ni Hugo.
"Dada..." Hagulgol na sabi nito habang nakaumang ang mga kamay kay Yvo. Tila nagsusumbong sa ama nito.
"What the f*ck?!" Mahinang sabi ni Yvo bago kinuha sa akin si Hugo. "Hush now baby, nandito kami ni Mommy." Pag-aalo ni Yvo kay Hugo bago tumingin sa akin. "Get the medicine kit, honey." Utos niya sa akin bago pinunasan ang umalpas na luha sa aking mga mata.
Nagmamadali kong kinuha ang medicine kit sa kusina. Gulong-gulo ang isip ko. Bakit nagkaroon ng sugat si Hugo sa mukha? Sinong may gawa niyon?!
"Babe, calm down, everything's going to be okay. I already called Dad, papaimbestigahan niya ang nangyari." Pagpapakalma sa akin ni Yvo.
Isang hingang malalim ang ginawa ko bago muling tinitigan si Hugo. Wala pa rin itong tigil sa pag-iyak habang nasa kandungan ni Yvo.
Mabilis na nilinis ni Yvo ang mga dugong natuyo sa mukha ni Hugo. Samantalang ako'y nagmamadaling kumuha ng panibagong damit para kay Hugo. Nang makabalik ako sa sala ay nilalagyan na ni Yvo ng gasa ang mukha ng anak namin. Hindi na rin ganoong malakas ang pag-iyak nito.
"He'll be fine." Bulong sa akin ni Yvo nang maupo ako sa kaniyang tabi. Napatango na lamang ako bago kinuha si Hugo para palitan ng damit.
Nang matapos ay kaagad na nakatulog si Hugo. Noon lang ako nakahinga nang maluwag. Kaya marahan kong isinandal ang sarili kay Yvo. Naramdaman ko naman ang pagsakop ng kaniyang mga bisig sa akin at kay Hugo.
"Natatakot ako, Yvo. Hindi aksidente ang ganitong pangyayari. Bago tayo dumating ay hindi pa umiiyak si Hugo. Pero nang tawagin ko siya, saka lamang siya umiyak." Nag-aalala kong sabi. Mabilis na ginawaran ng halik ni Yvo ang aking noo.
"Ihahanda ko na ang ilang gamit ni Hugo. Iuuwi ko na kayo sa bahay dahil hindi ako mapapakali lalo na ngayo't may ganitong pangyayari na sa bahay ninyo." Seryosong sabi ni Yvo bago tumayo para tumungo sa kuwarto namin ni Hugo.
"Paano sina Tatay?"
"Ipapalilinis ko ang condo ko. Doon muna sila habang pinaiimbestigahan pa ni Dad ang tungkol sa nangyari." Sagot ni Yvo na ikinatango ko.
Mas mabuti ngang umalis kami rito. Hindi ako mapalagay. Alam kong may kinalaman ang lahat ng ito sa pangyayari makaraan ang dalawang taon.
-
"Yvo, may gusto akong itanong sa iyo." Mahina kong sabi. Nasa biyahe kami ngayon patungo sa bahay ni Yvo. Natawagan ko na si Lemuel, uuwi raw sila kaagad para makapag-impake.
"Go on." Seryoso niyang sagot habang nakatutok ang mga mata sa unahan.
"What happened to Mr. Ocampo?" Halos walang boses kong sabi. Ayaw ko mang banggitin ang nakakasukang pangalan na iyo'y kailangan kong malaman kung anong nangyari pagkatapos ng kademoniyohang ginawa niya sa akin.
Narinig ko ang pagbuntong-hininga ni Yvo. "Hindi siya nahuli, Quia. Nang magsasampa na ako ng kaso para sa demonyong iyo'y nakalabas na siya ng bansa't nakapagtago." Sagot sa akin ni Yvo na ikinakabog ng dibdib ko.
"Kung ganoon, hindi imposibleng siya ang dahilan ng pangyayari ngayong araw na ito kay Hugo."
"Don't worry babe, hindi ko hahayaang may mangyari uling masama sa inyo." Sabi sa akin ni Yvo bago niya hinawakan ang aking kamay.
Sana nga'y magbayad na ang demonyong matandang iyon. Hindi ako papayag na maulit ang nangyari noon.
Pero bakit niya ba ito ginagawa? Sa aming dalawa'y ako ang dapat na gumanti. Bakit parang siya pa itong malakas ang loob na gawan ulit kami ng masama?!