Chapter 26

Tapos ko nang bigyan ng tigda-dalawang daan ang anim na chismosang nagtrabaho sa LLP. At tinawagan ko na rin si Akbar. Naisip kong sa kaniya na ako bibili ng tanglad na pwedeng itanim sa lupa ko. Minsan na akong bumisita sa lugar ng pinsan ni Alferes. Nang umutang kasi ako ng incubator sa kaniya, napansin kong marami siyang tanim na tanglad sa harap ng bakuran niya.

Tinanong ko nga kung bakit, ansabi, mahilig daw ang ina niyang magluto ng tinolang manok. Masarap daw ihalo ang tanglad sa tinola dahil mabango at nawawala ang lansa. Hindi ko lang akalaing magagamit ko 'yong nakita ko para makabili ng tanglad sa pinsan ni Alferes. Wala pa naman akong nakitang tanim na tanglad sa kabahayan.

Tinali ko ang buhok. "Wag ka nang sumama," tanggi ko kay Raman.

"Jemima -"

"May klase ka bukas."

"Pwede naman akong um-absent."

"Wag ka nang sumama sabi. Lintek naman, oh. Antigas ng ulo!"

Natahimik siya. Pati na 'yong magkapatid na Aaron at Abel na kasalukuyang naglalaro ng chess sa center table. Sabay na napatitig ang tatlo sa akin. Isa-isa ko silang tiningnan at napabuntong-hinga ako dahil sa klase ng titig na binibigay nila.

"Hindi ako galit, ok?" Pumikit ako nang mariin saka bumuga ng hangin. Bagot akong tumitig pabalik sa tatlo. "Ayoko lang sa mga taong makukulit. Saka, pwede ba, 'wag ka nang um-absent, Raman? May absent ka na nang nilagnat ako. Kaya pumasok ka bukas. Tapos ang usapan."

Bumuntong-hinga si Raman samantalang ngumisi sina Aaron at Abel. Pinulot ni Abel ang queen piece saka binato sa ulo ni Raman. Sapol. Nasapo ni Raman ang ulo saka kunot-noong bumaling sa magkapatid. "Sino 'yon?" tanong niya sa dalawa.

Humalukipkip ako at sumandal sa sofa.

"Sorry, bro. Pero 'wag mo nang pilitin si Jemima. Alam mong mas matigas pa 'yan kaysa sa sahig," sabi ni Abel.

Hinimas ni Raman ang nasaktang ulo. "Hindi nga. Pero bro, 'wag naman nambabato. Masakit 'yon, e."

"Pasensya na," hinging paumanhin ni Abel.

Tumango si Raman bago muling bumaling sa akin. "Sasama ba si John?"

"Ano pa nga ba? Hindi naman 'yon pahuhuli."

Ngumiti lang si Raman saka bumaling sa bagong dating. "Oh, nandito na sila."

Tumayo na ako. Humarap ako kay Alferes at Ishmael. Kapwa may dalang malalaking grocery packs na sinilid sa malalaking paper bags.

Lumapit ako kay Alferes para kunin ang dalang groceries na hawak niya. Ako na ang nagpresentang magluto para naman makapagpahinga si Raman sa pagluluto. Naalala ko kasing siya 'yong tagaluto ko noong may lagnat pa ako, kaya gusto kong bumawi sa kaniya. Para naman matubos ko na 'yong utang na loob ko sa kaibigan ni Alferes. Nakakatakot magkaroon ng utang na loob.

NASA Sitio Masulog ang bahay ni Akbar. 'Yong lupain naman niya ay nandoon sa malawak na bakanteng lote, mga sampung metro mula sa bahay niya. Malayo sa iba pang residential house kaya walang nagrireklamong tao sa amoy ng manukan at babuyan niya.

"Akbar!" tawag ni Alferes.

Nakasarado ang munting bakod, kaya naghintay kami ng ilang minuto. Sinilip ko nalang 'yong mga malulusog na tanglad na nagkalat sa bakuran ng bahay.

May lumabas mula sa bukas na pinto ng bahay. "Insan!" bati ni Akbar. Patakbo siyang lumapit sa gate at binuksan 'yon. "Pasok, pasok..."

At ayun nga, nag-negotiate kami ni Akbar sa presyo ng bawat bungkos ng tanglad. Ang napagkasunduan ay dalawampu sa bawat bungkos. Bumili nalang ako ng dalampung bungkos ng tanglad. Dalawang-daan din ang nabawas sa pera ko. Hindi na masama.

"Alis na kami. Pakikamusta ako kay Tita," paalam ni Alferes.

Oo nga. Hindi ko nakita ang ina ni Akbar. Sa'n pala 'yon?

Sumunod na lang ako palabas kay Alferes. Sumakay na naman kami ng tricycle at bumiyahe na naman pabalik ng Sudtonggan. Hindi na ako nagtanong ukol sa ina ni Akbar dahil hindi naman ako chismosa.

Saktong alas-kwatro y medya nang bumaba kami ng tricycle.

"Bukas nalang, Jemima."

Sumulyap ako kay Alferes, saka muling tumingin sa nalinis na damuhan. "Magbungkal tayo ng lupa. Plano kong itanim ang mga 'to bukas."

Hindi na nagprotesta si Alferes. Sumunod siya sa akin sa manukan. Doon ako kumuha ng bolo. Nilagay na muna namin ang mga tanglad sa labas ng manukan, saka naghiwalay na kami ng direksyon ni Alferes. Siya sa kaliwa, habang ako sa kanan.

Mabilis naming binungkal ang parte ng lupang tatamnan. Tumulo ang pawis ko nang hindi pa nangangalahati. Nang sumulyap ako kay Alferes, halos masaid na niya ang buong parte niya. Ambilis naman yata ng isang 'yon.

"Tulungan na kita," sabi ni Alferes. Inagaw niya sa akin ang kasalukuyan kong pwesto at siya na mismo ang nagbungkal ng lupa.

"Tapos mo na 'yong sa 'yo?" tanong ko.

Tinapos niya ang pagbungkal at hingal na sumulyap sa akin. Ngumiti siya. "Hinahabol ko ang araw." Tapos, mabilis siyang lumipat ng pwesto at nagbungkal.

Hingal ko siyang sinundan ng tingin. Hinahabol ang araw? Napatingala ako sa langit. Malapit na ngang lumubog ang kabuuan ng araw. Madilim na sa parte ng kakahuyan.

Ilang minuto pa akong naghintay hanggang natapos na ni Alferes ang natirang parte ko. Ngumisi ako sa kaniya habang tinitingnan siya. Kasalukuyan siyang nakaupo sa lupa, ilang dangkal mula sa akin, at nakatanaw sa papalubog na araw.

"Pagod ka?" tanong ko.

Napangiti siya. "Sobra."

"Uwi na tayo?" aya ko. Tumayo ako at ako na mismo ang kumuha sa mga bungkos ng tanglad sa labas ng manukan.

Siniguro ko munang napasok ang bolo sa loob, at naka-lock ang kadena ng pinto ng manukan bago nagtungo palapit kay Alferes. Napatayo pa siya at akmang tutulong sa akin pero umiling ako.

"Kaya ko na."

"Marami 'yan. Mahihirapan kang bitbitin lahat."

"Alam kong pagod ka na kaya bigay mo na sa akin 'to."

Pero sadyang matigas ang ulo ni Alferes. Kinuha niya ang kalahati ng bungkos. Wala na akong nagawa kung hindi hayaan siya.

Umuwi na kami sa Apartment House. Nilubog ko sa tubig ang ugat ng mga tanglad at balak kong ibabad sa buong magdamag.

Pagod si Alferes. Walang halong biro. Nakita ko kasi siyang nakahilata sa sofa. Mukhang nakatulog siya habang hinihintay akong matapos sa pagbabad ng mga tanglad.

Ginising ko nga dahil wala pang kain. Isang noodles nalang ang hinanda ko sa kaniya para magkalaman ang tiyan bago matulog. Hindi ko na pinakialaman nang makita kong umaakyat sa hagdan.

Dahil may susi naman 'yong apat na lalaki kaya hindi na ako naghintay sa kanila. Ni-lock ko nalang ang pinto saka umakyat na rin sa kuwarto.

ALAS-KWATRO ng umaga. Tapos na akong maligo at nakapag-almusal na rin. Isang jogging pants at long sleeve ang sinuot ko dahil magtatanim ako saglit sa LLP. Tinatali ko na 'yong buhok ko nang may umikhim sa likuran. Lumingon ako at nakita ko si Alferes.

Tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa. "Malamig pa sa labas."

"Didiretso na ako sa Community College. May ulam at kanin na diyan." Sinukbit ko ang backpack sa likod.

"Hatid na kita sa LLP. Maraming bungkos -"

"Hindi na," iling ko. "Kaya ko 'yon saka sinilid ko na sa dalawang tote bags ang mga 'yon."

"Sigurado ka?"

Bagot kong tiningnan si Alferes. Ilang segundo ko siyang tinitigan, at kalaunan ay siya na mismo ang nag-iwas ng tingin. "Alis na ako," paalam ko.

Hindi na siya nagkomento. Tuloy-tuloy akong lumabas ng Apartment House. Nagpunta ako saglit sa gilid para kunin ang mga bungkos ng tanglad saka nagtungo na sa labas ng gate. Nalanghap ko pa ang hamog sa umaga.

Nilagay ko muna sa lupa ang dalawang tote bag, saka binuksan ang flashlight. Sinuot ko sa ulo ang panaling elastic ng flashlight saka muling binitbit ang mga bag. Binaybay ko ang daan palabas ng eskina.

Masyado pang tahimik sa daan. Madilim at malamig. Nang tingnan ko ang unahan ay nakita kong bukas na ang mga ilaw sa kabahayan malapit sa main road. Alam ko na agad na nagluluto na ang mga tao. Naamoy ko kasi 'yong bango ng ginisang bawang habang papalapit ako sa bukana ng eskina.

Walang pang dumadaang sasakyan sa main road kaya tumawid na agad ako ng kalsada. Malinis na ang noo'y damuhan kaya hindi na ako nag-alalang baka may bubulaga sa aking ahas sa daan.

Nang makuha ko ang bolo ay mabilis kong tinanim ang mga tanglad sa parteng binungkal namin ni Alferes kahapon. Umihip ang malamig na hangin pero tuloy-tuloy pa rin akong nagtatanim. Mula sa isang pwesto, lumipat ako sa kabila. Ilang beses akong nagpalipat-lipat hanggang sa maabot ko ang pinakadulo.

Pagod akong tumayo at nag-inat-inat. Kinuha ko ang cellphone sa bulsa ng jogging pants at tiningnan ang oras. Malapit nang alas-singko y medya.

Tumakbo ako pabalik sa manukan. Sinet-up ko ang hose saka pinadaloy ang tubig doon. Diligan ko ang mga tanglad gamit 'yon.

Saktong alas-sais nang matapos ko ang lahat ng gawain. Mabilis ko na namang binalik sa loob ng manukan ang mga gamit.

Pinakain ko ang mga manok, pati ang sisiw, bago lumabas at kinandado ang manukan. Inayos ko ang pagkasukbit ng bag at patakbong nagtungo sa main road.

Kailangan ko pang pumara ng tricycle.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.