Chapter 27

Akala ko ay mananatiling payapa ang buhay ng mga alaga ko sa LLP. Pero biglang nagkasakit lahat ng mga alaga ko nang bumisita ako isang araw. Ang sabi nila, nilason daw ang mga ito. Kumuyom ang kamao ko.

Maging ang palaisdaan ay hindi nakaligtas sa peligro. Natood ako sa kinatatayuan habang nakatingin sa laksa-laksang mga isda na nakalutang sa ibabaw ng palaisdaan.

Hindi ito aksidente lang. May sadya talagang sirain ang negosyo sa LLP. Wala akong CCTV camera sa paligid kaya hindi ko ma-trace kung sino ang may gawa. Siguro ay ayaw lang talaga akong patulugin nang maayos ng taong 'yon.

Sa dami ng nakaaway ko mapa-eskwelahan man o rito sa munting SItio ay wala akong maituro na suspek sa otoridad.

"Alam ba ng parents mo 'to iha?" walang ganang tanong ng mamang pulis.

Nagusot ang mukha ko. "Nasa legal age na ako, Kuya. Kaya ko nang mag-desisyon sa buhay ko. Isa pa, hindi sila ang may-ari ng LLP kaya bakit kailangan pa ng statement nila?" inis kong tanong.

Tumitig saglit sa akin ang pulis bago nagtanong kung sino ang pede kong ituro na pinagsusupetsahan ko.

"Ok, sige. Tatawagan ka namin ulit iha pag may lead na sa kaso."

Wala akong magawa kung hindi bagsak ang balikat na lumabas ng presinto. Nakatayo na roon si Alferes kasama ang mga tenant niya sa Apartment House.

"Kumusta, Jemima?" nag-alalang tanong ni Alferes.

Tiningnan ko lang siya saglit bago ko siya nilampasan tungo sa nakaparadang tricycle. Tahimik namang sumunod ang mga ito sa likuran. Tahimik ang naging biyahe namin pabalik ng Sudtonggan.

"May pinaghihinalaan ka bang gumawa non?" tanong ni Alferes na nakaupo sa gilid ko.

"Kahit may pinaghihinalaan ako eh hindi ko rin naman maipasok sa kulungan dahil walang ebidensya," sabi ko nang nakakunot ang noo.

"Tutulungan ka naming makabangon," sabi ni Ishmael.

Bumuntong-hinga ako at tumingin sa labas ng bintana. Hindi ko alam kung anong pwedeng gawin. Wala na akong pera liban sa pinamana ni Teresita na maliit na halaga. Hindi naman nagbibigay ng sustento sa akin si Nicanor at mukhang wala akong kamag-anak na pwede kong lapitan para makabangon ang LLP.

"Tingnan mo 'yong taga-lungsod," biglang sabi ng isa.

Tiningnan ko ang tinuro nila at nakita ko si Jaxx na nakasandal sa kotse niya. May tinatawagan yata sa phone at maya-maya pa ay kumunot ang noo.

Biglang may sumagi sa isip ko. "Para!" sabi ko sa driver.

"Jemima?" takang tanong ni Alferes.

"Una na kayo. May gagawin pa ako," sabi ko saka binagtas ang daan pabalik sa pinaggalingan, kung saan nakatayo si Jaxx.

Mukhang tapos na itong tumawag dahil nagmumura ito habang nakatingin nang masama sa phone.

"Hey," tawag ko sa kaniya. Hindi ako komportableng tawagin siya sa pangalan niya.

Tumingin sa akin si Jaxx. "What?" tanong nito.

"Naalala mo pa ba 'yong babaeng muntik mo nang masagasaan noon? Yong nagba-bike? Ako 'yon!" sabi ko. Pero nanatili siyang nakatitig sa akin na para bang hindi niya maintindihan ang lenggawahe ko. "Huy, di mo ba ako naririnig?" asar kong tanong.

"I heard you," sagot niya. "But I don't recall something like that has happened between us?"

Hilaw akong ngumiti. Sa inis ko ay mabilis akong humakbang palapit sa kaniya at sa isang iglap ay siniko ko ang sikmura niya. Pero mukhang mahilig din ito sa mga pisikal dahil mabilis siyang nakaiwas at sa tinulak ako padapa sa hood ng kotse niya. Mahigpit niyang hinawakan ang dalawa kong palapulsuhan sa likuran at nilapit nang husto ang bibig sa likod ng tainga ko.

"Why do you love to make a scene with me and you as the characters, huh?" asar nitong tanong sa akin.

Napatingin ako sa paligid at nakita kong kani-kaniyang tawanan at hagikgikan ang mga tao habang nakatingin sa akin at kay Jaxx na kasing-itim ng pwet ng kawali ang eskpresyon ng mukha.

"Bitaw!" impit koing sigaw. Mabilis namang binitawan ni Jaxx ang kamay ko at sinamaan ko rin siya nang tingin habang hinahaplos ang nasaktang palapulsuhan.

"Come inside my house or you want to talk in somewhere private," inis pa rin nitong alok sa akin.

"Tara sa LLP," inis ko ring singhal sa kaniya.

HIndi lang siya ang may karapatang suminghal no?! Hindi nagtagal ay naabot namin ang LLP. Nakita ko ang gulat sa mukha niya nang makitang patay lahat ng alaga ko.

"What happened?" madilim nitong tanong at tumingin sa akin. Hindi ko mabasa ang eskpresyon niya sa mukha.

"Hindi ko alam," nagkibit-balikat ako at nilibot din ang tingin sa buong paligid. "Pero nakita mo naman ang danyos na ginawa ng mga mawalang-hiya sa akin, no? At dahil naalala ko ang muntikan mo nang pagkasagasa sa akin noon, then magbayad ka ng danyos!" sabi ko sa kaniya.

Tumingin si Jaxx sa akin at tumaas ang kilay nito. "Are you sure?" takang tanong nito sa akin.

"Oo. Bakit? Ayaw mong magbayad?" asar kong tanong.

Ngumisi siya saka humakbang palapit sa akin. Ano naman ang kailangan nito at bakit may palapit-lapit pa itong nalalaman, ha?

"I don't remember anything about that incident. Why should I pay you for something I was not sure of?" takang tanong nito pero alam kung pinagtatawanan na ako nito sa loob-loob niya.

"Ayaw mo na nitong LLP?" hamong kong tanong sa kaniya.

"What do you mean?" tanong din niya pabalik sa akin.

"Gusto mo bang kunin ang LLP? Sige, bilhin mo na total may mga walang hiya namang gagawa ng masama laban sa mga alaga ko."

Ilang minuto siyang tumitig sa akin, tinatyansa kung nagbibiro ako o hindi. Mas lalo akong nainis. "Hindi nga ako nagbibiro! Seryoso ako. Ipagbibili ko na ang LLP sa 'yo sa isang kondisyon."

"What condition?"

"Tulungan mo akong hanapin ang walang hiyang sumira sa mga alaga ko," sabi ko nang nakakuyom ang kamao.

Ilang minutong natahimik si Jaxx. Maya-maya pa ay tumango. "Deal."

Kaya kinabukasan ay dala-dala ko ang papeles at titulo ng lupa sa government office na naka-assign sa pag-manage ng pag-transfer ng titulo ng lupa sa ibang tao.

Kahit na naghihinayang ako ay wala na akong balak na hayaang magpakasasa ang tao sa likod ng pambababoy nila sa mga alaga ko. Hindi ito ang unang beses na may nangyaring ganito. Minsan na ring nalason ang mga alaga ko at hinayaan ko lang ang mga walang hiya dahil akala ko noong una na aksidente lang. Pero ngayon ko lang napagtanto na hindi sila nagbibiro at hindi ito isang aksidente lang. May gusto talaga akong pabagsakin at sa dinarami-rami ng mga nakaaway ko ay hindi ko na alam kung sino ang may pakana.

Mas mabuti pang ipagbili ang LLP kaysa hayaan ang mga walang hiya na magsaya habang inilulugmok nila ako sa kahirapan at problema.

Kaya nong nalaman nina Alferes ang ginawa kong pagbenta sa titulo ng LLP ay agad na sumugod ang mga ito sa City Hall.

"Jemima! Totoo bang pinagbili mo ang LLP?" tanong ni Alferes. Nakakunot ang noo nito at mukhang hindi nagustuhan ang agarang desisyon ko.

"Bakit? Hindi naman ikaw ang nawalan, ah?" biro ko sa kaniya.

"Pero lupain mo 'yon," pabulong nitong sambit.

Nagkibit-balikat ako. "Hindi ko naman kayang alagaan dahil may lintek na sumisira sa plano ko. Imbes na makatulong ay mas lalo lang akong binabaon sa problema," sabi ko sa kaniya. Kumunot na rin ang noo ko dahil sa inis nang inisip ko ang kalagayan ko sa oras na 'yon.

Malaman ko lang talaga kung sino ang may pakana ay talagang ingungodngod ko sa putik ang pagmumukha ng taong yon!

Hindi na muling nagsalita si Alferes at tahimik lang na tumayo sa likod ko habang hinihintay ang na matapos ang transaksyon ko sa opisina.

Paglabas ko ng city hall ay hawak-hawak ko na ang cheke na naglalaman ng anim na milyon na bigay ni Jaxx sa akin. Nakasunod siya sa akin sa likuran habang nasa gilid ko si Alferes na kanina pa tahimik.

"So kailan mo balak imbestigahan ang nangyari?" tanong ko kay Jaxx.

Tumingin siya sa akin at kay Alferes bago binalik sa akin ang tingin niya. "Started the other day and I have a lead now."

Matagal ko siyang tinitigan hanggang sa tumaas ang gilid ng mga labi ko.

Sakay ang kotse ay binaybay namin ang lubak-lubak na daan tungo sa Masulog na kalapit na sitio ng LLP. Doon ay nakita ko ang pamilyar na bulto at mukha ng babaeng minsan na naming pinag-usapan ni Alferes.

"Katerina?" takang tanong ni Alferes nang huminto ang kotse sa labas ng maliit na bahay.

Kasalukuyang nagdidilig ng halaman ang babae na walang kamalay-malay sa susunod na mangyayari.

"Sigurado ka ba na siya?" tanong ko kay Jaxx at naningkit ang mga mata habang nakatingin sa babae.

"Yes. My men discovered that months ago, her grandmother died in a hospital bed. Delayed ang pagbayad ng hospital bill kaya hindi agad na-operahan ang pasyente. Nang dumating ang dalagang apo ng matanda dala-dala ang pera ay huli na ang lahat. Ang sabi ng babae na natagalan siya sa pagbigay ng bayad dahil naglakad siya tungo sa hospital."

Kumunot ang noo ko at inalala ang eksena kung saan sinira ko ang bisikleta ni Katerina dahil muntikan na niya akong masagasaan. Kung hindi ako nagkakamali ay iyon ang panahon na nagmamadali siyang magpunta sa hospital para sa operasyon ng lola niya habang dala-dala ang pambayad na sana ay makasagip sa buhay nito.

Nagusot ang mukha ko sa napagtanto. Naging isang linya ang mga labi. Kung gano'n, naghihiganti lang si Katerina kaya niya nagawang lasonin lahat ng alaga ko.

"What now?" tanong ni Jaxx at tumingin sa akin na hindi maipinta ang mukha habang nakaupo sa passenger's seat. "What are you gonna do with her?"

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.