“And I am trying my best to make things right. Bumabawi naman ako.”
Umiling siya. “Hindi ka nakakabawi sa akin, Calden. Lalo mo lang akong sinasaktan.” Sinipa niya ang mga lobo sa paanan. “Ito? Hindi naman ito ang kailangan ko, Calden. Ikaw ang gusto ko. Ang konsiderasyon mo. Ang konting atensyon mo. Kahit isang minuto man lang makita kita sa importanteng okasyon. Kahit na di mo ako lapitan. At gusto ko, for once, isipin mo na hindi lang ikaw ang may karapatang masaktan. Huwag mong isumbat sa akin ang mga bagay na hindi ko kontrolado. Said na said ako.”
Sumalampak siya sa sahig na napapaligiran ng lobo at humagulgol ng iyak. Kahit sa pagluha niya ay parang wala na siyang maibibigay pa. Pagod na siya. Sa lahat ng luha at sakit na tiniis niya sa loob ng tatlong taon, ngayon na lang siya tuluyang bumigay. Wala siyang nararamdaman sa puso niya kundi kahungkagan.
Niyakap siya ni Calden. “I am sorry, Patrice. This is also hard for me. Forgive me if I accused you. Patawarin mo kung nasasaktan kita at di kita inintindi. I am sorry.”
Umiling siya at pilit na kumawala dito. “Ayoko na ng ganito, Calden.”
Manhid na siya. Di na niya maramdaman ang yakap nito. Kahit ang sorry nito ay kayang palambutin ang puso niya, ngayon ay parang wala nang epekto sa kanya.
Hinaplos nito ang pisngi niya. “Never mind the video. I-I don’t care. Kahit mapanood iyan ng lahat, hindi na ako magagalit o magtatampo. Naiintindihan na kita. Kailangan mo iyon sa project mo, hindi ba? I am cool with it. But please stop crying.”
Umiling siya. “Hindi lang tungkol sa video. Ikaw, ako, ang trabaho mo. Parang hindi na natin dapat ituloy ang relasyon natin. This is not working anymore.”
Nanlaki ang mga mata ng binata. “No, don’t say that.”
“Iyon ang totoo, Calden. Hindi na ito relasyon. Hindi ito ang relasyon na gusto ko. Look at us. Ito ba talaga ang relasyon na gusto mo?”
Ayaw niyang hiwalayan si Calden. Marami na siyang in-invest na pagmamahal dito. Lumaban siya para sa relasyon nila hanggang sa huli. Pero kundi pa niya puputulin ang relasyon niya, baka wala nang matira para sa sarili niya.
Ginagap nito ang kamay niya at hinalikan. “Patrice, don’t be hasty. A-Anong gusto mong i-improve ko sa relasyon natin? Gagawin ko iyon.”
Pagak siyang tumawa at umiling. “Kahit na sabihin ko sa iyo, hindi mo kayang ibigay. Dahil mas mahalaga pa rin sa iyo ang career mo at di tayo magkakaroon ng normal na relasyon kahit na kailan. You are at the peak of your career. Saan pa ako sisingit sa buhay mo? Sa lahat ng priorities mo, ako ang nasa dulo.”
“I... I will make it up to you.”
“Paano? Sa palagay mo ba papayagan ka pa ng nanay mo na magkaroon ng free day oras na malaman niyang ako ang kasama mo ngayon? At paano tayo magde-date nang di nalalaman ng fans mo? Naka-disguise sa susunod? Kailan na naman tayo magkikita ng patago? Iyon ba ang gusto mo?”
“No,” he answered in a stiff voice. “But we don’t have a choice.”
“Iyan mismo ang punto ko. Wala tayong choice. At kahit may pagpipilian ka, ako ang huling choice mo. At pagod na pagod na akong magtago, Calden. Pagod na akong umintindi. Pagod na akong masaktan. Parang ako na lang kasi ang lumalaban sa relasyon natin. Hindi ko alam kung anong panghahawakan ko sa iyo.”
Mahigpit nitong hinawakan ang kamay niya at nangungusap ang mga mata siyang pinagmasdan. “Nandito pa rin naman ako. Di pa rin kita binibitawan. K-Kailangan ko lang ng panahon para ayusin ang career ko. Kapag seryosong aktor ako, hindi ko na kailangan ng ka-love team. Pwede na nating sabihin sa mga tao ang tungkol sa relasyon natin. Wala nang manghuhusga sa atin. Sa iyo.”
“Gaano katagal? Buwan? Taon? Di ko alam kung kaya ko pang maghintay ng ganoon katagal. Said na said na ako. Dahil ngayon pa lang, wala na akong maramdaman na kahit ano. Manhid na ako.”
“Patrice...”
“Baka kailangan talaga natin na maghiwalay. Gusto kong maramdaman sa sarili ko na importante pa rin ako. Hindi ito ang relasyon na para sa atin. Kung papasok ka sa isang relasyon, dapat siguro mapaglalaanan mo na ng panahon ang babaeng mahal mo. Hindi mo na siya kailangang itago. Maipagmanalaki mo siya sa lahat na siya ang babaeng mahal mo. Siguro hindi ako ang babaeng iyon. Hindi ako ang babae na maipagmamalaki mo sa lahat,” aniya at humahagulgol na tumayo.
Masakit na tanggapin na kailangan niyang pakawalan ni Calden. Mahirap pakawalan ang isang taong minahal at ipinaglaban niya sa loob ng tatlong taon. Subalit may mga bagay na kailangan niyang panindigan - para dito at para sa sarili niya.
“Mahal kita, Patrice.” Niyakap siya nito mula sa likuran. “Konting panahon na lang. Just don’t give up on me now. Sabi mo mahal mo ako. Paano mo ako nagagawang talikuran ngayon?”
Hinarap niya ito at sinapo ang pisngi ng binata. “Gusto ko na mag-focus ka sa career mo. Tama ang mommy mo. Malaking distraction ako sa iyo. Baka hindi ako ang kailangan mo sa buhay mo. At baka kailangan ko rin mag-focus sa pangarap ko gaya mo.”
“Hindi naman ako nakaka-distract sa iyo, hindi ba? You are doing just fine. You are running for cum laude.”
“Sa ngayon. Pero nagsisimula ko nang maramdaman na naapektuhan ako. Baka mas tama kung mag-focus tayo sa mga pangarap natin. Nang magkahiwalay.”
Hindi niya magawang magsalita nang magsimula na namang tumulo ang luha sa mga mata ni Calden. Hindi ito kumikibo subalit may piping pagmamakaawa sa mga mata nito. He wanted her to stay. Subalit kailangan niyang mamili. Kung pipiliin pa rin niya si Calden, alam niyang wala nang matitira sa kanya dahil mapupuno siya ng kahungkagan. May iba itong buhay kung saan di siya kabilang. Mananatili lamang siya sa anino.
Sinapo niya ito sa magkabilang pisngi at malungkot na ngumiti. “Iisipin ko na lang na hindi pa ito ang panahon para sa akin. Kailangan ka sa trabaho mo. Kailangan ka ng pamilya mo at ayokong kompitensiyahin iyon. Mahal pa rin kita pero kailangan ko ring mahalin ang sarili ko.” Tumingkayad siya at kinintalan ito ng halik sa pisngi. “Goodbye, Calden.”
Tumalikod siya at mabigat ang paang humakbang. Nagdasal siya na sana ay di siya nito pigilan. Mahina siya pagdating kay Calden. At inipon na niya ang lahat ng tapang niya para talikuran ito at maglakad palayo. Kung hindi niya ito gagawin, paulit-ulit lang ang mangyayari hanggang wala nang matira sa puso niya kundi galit kay Calden. Gusto niyang lumayo dito habang mahal pa niya ito.
Subalit hindi siya pinigilan kahit na ramdam niya ang mga mata nito sa likuran niya. Ito nga marahil ang pinakamainam para sa kanila. Kailangang magpahinga ng puso niya. At kung para sila sa isa’t isa, dadating din ang panahong iyon subalit di pa ngayon. Hindi pa ngayon.